The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang mga Babaeng Anak ni Zelofehad na Nakatanggap ng Lupain
36 Pumunta kay Moises at sa mga pinuno ng Israel ang pamilya ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase, na anak ni Jose, 2 at sinabi, “Ginoo, nang nag-utos sa inyo ang Panginoon na hatiin ang lupa bilang mana ng mga Israelita sa pamamagitan ng palabunutan; nag-utos din siya na ibigay ang bahagi ng aming kapatid na si Zelofehad sa mga anak niyang babae. 3 Pero halimbawang nag-asawa po sila galing sa ibang lahi at dahil ditoʼy napunta ang kanilang lupain sa lahi ng kanilang napangasawa, hindi baʼt mapupunta na ang bahagi ng aming lahi sa iba? 4 Pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang kanilang lupa ay mapupunta sa lahi kung saan sila nakapag-asawa, at mawawala na ito sa lahi ng aming mga ninuno.”
5 Kaya ayon sa utos ng Panginoon, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng angkan ng mga salinlahi ni Jose. 6 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad: Malaya silang makakapag-asawa sa kung sinong kanilang magugustuhan basta manggagaling lang sa lahi nila. 7 Ang lupang mamanahin ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana sa kanilang mga ninuno. 8 Ang lahat ng babaeng nakamana ng lupa sa kahit saang lahi ay kailangang mag-asawa ng mula sa kanilang lahi para hindi mawala sa bawat Israelita ang lupang namana niya sa kanyang mga ninuno. 9 Ang lupang namana ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi, dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana.”
10 Kaya sinunod ng mga anak na babae ni Zelofehad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 11 Ang mga anak na babae ni Zelofehad ay sina Mahlah, Tirza, Hogla, Milca, at Noe. At ang kanilang napangasawa ay ang kanilang mga pinsan sa ama, 12 na mga lahi ni Manase na anak ni Jose. Kaya ang lupain na kanilang namana ay nanatili sa sambahayan at angkan ng kanilang ama.
13 Ganito ang mga utos at tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises habang naroon sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.
Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na Umalis sa Bundok ng Sinai
1 Ang aklat na ito ay tungkol sa mga mensahe na sinabi ni Moises sa lahat ng Israelita noong naroon pa sila sa ilang, sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nagkakampo sila sa Kapatagan ng Jordan[a] malapit sa Suf, sa gitna ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Dizahab. 2 (Mga 11 araw na paglalakbay mula sa Bundok ng Sinai[b] papunta sa Kadesh Barnea kung dadaan sa Bundok ng Seir.) 3 Nang unang araw ng ika-11 buwan, sa ika-40 taon, mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin sa kanila. 4 Nangyari ito matapos matalo ni Moises[c] si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Heshbon, at si Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot at Edrei. 5 Kaya sinabi nga sa kanila ni Moises ang mga kautusan ng Panginoon doon sa silangan ng Jordan, sa teritoryo ng Moab. Sinabi niya, 6 “Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng Panginoon na ating Dios, ‘Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito, 7 kaya umalis na kayo. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran,[d] sa Negev, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates. 8 Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Lumakad na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.’ ”
Humirang si Moises ng mga Pinuno sa Bawat Lahi(A)
9 “Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, ‘Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa. 10 Pinarami kayo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit. 11 Nawaʼy ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako. 12 Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema? 13 Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’
14 “Sumang-ayon kayo na mabuti ang aking plano. 15 Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa 1,000 tao, ang ibaʼy sa 100, ang ibaʼy sa 50, at ang ibaʼy sa 10. 16 Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, ‘Ayusin ninyo ang kaso ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 17 Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Dios ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.’ 18 At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.
Nagpadala Sila ng mga Espiya(B)
19 “Ayon sa iniutos ng Panginoon na ating Dios, umalis tayo sa Bundok ng Sinai,[e] at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na nakita mismo ninyo, at pumunta tayo sa kaburulan ng mga Amoreo. Pagdating natin sa Kadesh Barnea, 20 sinabi ko sa inyo, ‘Nakarating na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon na ating Dios. 21 Tingnan ninyo ang lupaing ibinigay niya sa inyo. Angkinin ninyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag kayong matakot o manghina.’
22 “Lumapit kayong lahat sa akin at sinabi, ‘Magpadala muna tayo ng mga tao para mag-espiya sa lupain upang masabihan nila tayo kung saan tayo dadaan at kung saan ang mga bayan na pupuntahan natin.’
23 “Napag-isip-isip ko na mabuti ang planong iyon kaya pumili ako ng 12 tao, isa sa bawat lahi. 24 Lumakad sila at dumaan sa kaburulan, at nakarating sa Lambak ng Eshcol at nagmanman sila roon. 25 Sa kanilang pagbalik, may dala sila sa ating mga prutas galing doon, at ibinalita nila na masagana ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na ating Dios.
26 “Pero ayaw ninyong pumunta roon, sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na inyong Dios. 27 Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabi, ‘Kinasusuklaman tayo ng Panginoon, kaya pinaalis niya tayo sa Egipto para ibigay sa kamay ng mga Amoreo at kanilang patayin. 28 Paano tayo makakapunta roon? Tinakot tayo ng mga nagmanman sa lupain. Sinasabi nilang mas malalakas at mas matataas pa sa atin ang mga tao roon, at ang mga lungsod nila ay malalaki at napapalibutan ng mga pader na parang umabot na sa langit ang taas. At nakita pa nila roon ang mga angkan ni Anak.’
29 “Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila. 30 Ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto 31 at sa ilang. Nakita ninyo kung paano kayo inalagaan ng Panginoon na inyong Dios, katulad ng ama na nag-aalaga sa kanyang anak, hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito.’
32 “Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin kayo nagtiwala sa Panginoon na inyong Dios 33 na nangunguna sa inyong paglalakbay, sa pamamagitan ng apoy sa gabi at ulap kung araw. Inihanap niya kayo ng mga lugar na mapagkakampuhan ninyo at itinuro sa inyo kung saan kayo dadaan.
34-35 “Nang marinig ng Panginoon ang pagrereklamo ninyo, nagalit siya at sumumpang, ‘Wala kahit isa sa masamang henerasyong ito ang makakakita ng magandang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno, 36 maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune. Makikita niya ito, at ibibigay ko sa kanya at sa angkan niya ang lupaing ito na kanyang minanmanan, dahil buong puso niya akong sinunod.’
37 “Dahil sa inyo, nagalit din ang Panginoon sa akin. Sinabi niya sa akin, ‘Kahit na ikaw ay hindi rin makakapasok sa lupaing iyon. 38 Pero ang iyong lingkod na si Josue na anak ni Nun ay makakapasok doon. Palakasin mo siya dahil siya ang mamumuno sa mga Israelita sa pag-angkin sa lupain.’
39 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa ating lahat, ‘Makakapasok sa lupaing iyon ang inyong mga anak na wala pang muwang. Natatakot kayo na baka bihagin sila, pero sa kanila ko ibibigay ang lupaing iyon at magiging pag-aari nila. 40 Pero kayo, babalik kayo sa ilang papunta sa Dagat na Pula.’
41 “At sinabi ninyo, ‘Nagkasala kami sa Panginoon. Lalakad kami at makikipaglaban ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Dios.’ Kaya inihanda ng bawat isa sa inyo ang kanyang mga armas, at inisip ninyo na madali lang ang pag-agaw sa mga kaburulan.
42 “Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sabihin mo sa kanila na huwag munang lumakad at makipaglaban, dahil hindi ko sila sasamahan. Matatalo sila ng kanilang mga kaaway.’
43 “Kaya sinabihan ko kayo, pero hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ng Panginoon, at dahil sa inyong kayabangan sumalakay kayo sa kaburulan. 44 At nakipaglaban sa inyo ang mga Amoreo na naninirahan doon, at para silang mga pukyutang humabol at tumalo sa inyo mula sa Seir hanggang sa Horma. 45 Nagbalik kayo at nag-iyakan sa Panginoon, pero hindi siya nakinig o sumagot sa inyo. 46 Iyan ang dahilan kaya nanirahan kayo nang matagal sa Kadesh.”
29 Naghanda si Levi sa kanyang bahay ng malaking handaan bilang parangal kay Jesus. Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao ang dumalo at nakisalo sa kanila. 30 Nang makita ito ng mga Pariseo at ng mga kasama nilang mga tagapagturo ng Kautusan, nagreklamo sila sa mga tagasunod ni Jesus. Sinabi nila, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?” 31 Sinagot sila ni Jesus, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga taong matuwid sa sarili nilang paningin, kundi ang mga makasalanan upang magsisi sila sa kanilang mga kasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(A)
33 May mga tao roon na nagtanong kay Jesus, “Ang mga tagasunod ni Juan at ng mga Pariseo ay madalas mag-ayuno at manalangin. Bakit ang mga tagasunod mo ay panay lang ang kain at inom?” 34 Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 35 Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
36 Sinabi rin ni Jesus sa kanila ang mga talinghaga na ito: “Hindi ginugupit ang bagong damit para ipangtagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit, at ang tagping bago ay hindi babagay sa lumang damit. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. 38 Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat. 39 Wala ring taong nakainom na ng lumang alak ang maghahangad ng bagong alak, dahil para sa kanya, mas masarap ang luma.”
Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(B)
6 Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Jesus sa triguhan. Namitas ng trigo ang mga tagasunod niya at niligis[a] ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil. 2 Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? 4 Pumasok siya sa bahay ng Dios at kumuha ng tinapay na inihandog sa Dios at kinain ito. Binigyan din niya ang mga kasamahan niya. Hindi sila nagkasala, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain niyon.” 5 At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(C)
6 Nang isa pang Araw ng Pamamahinga, pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio at nangaral. May isang lalaki roon na paralisado ang kanang kamay. 7 Binantayang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo si Jesus kung magpapagaling siya sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 8 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Tumayo ka at lumapit dito sa harapan.” Lumapit nga ang lalaki at tumayo sa harapan. 9 Pagkatapos, sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan silang lahat ni Jesus, at pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kamay niya at gumaling ito. 11 Pero galit na galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kaya pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Jesus.
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.
24 Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan.
25 Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.
26 Isinusumpa ang taong nagtatago ng paninda para maitinda ito kapag mataas na ang presyo, ngunit pinupuri ang taong hindi nagtatago ng paninda.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®