Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Cronica 29

Naghari si Ezechias.

29 Si Ezechias ay nagpasimulang maghari (A)nang siya'y dalawangpu't limang taon: at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abia na anak ni Zacharias.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.

Siya'y (B)nagbukas sa unang taon ng kaniyang paghahari, na unang buwan, ng mga pinto ng bahay ng Panginoon, at mga hinusay.

At kaniyang ipinasok ang mga saserdote at mga Levita, at pinisan sila sa maluwang na dako sa silanganan,

At sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga Levita; ngayo'y mangagpakabanal kayo, at italaga ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.

Sapagka't ang ating mga magulang ay nagsisalangsang, at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod.

(C)Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsipagsunog ng kamangyan ni nagsipaghandog man ng mga handog na susunugin sa dakong banal sa Dios ng Israel.

Kaya't ang pagiinit ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ibinigay niya sila upang hamakin saa't saan man, upang maging katigilan, at kasutsutan, gaya ng inyong nakikita ng inyong mga mata.

Sapagka't narito, ang (D)ating mga magulang ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalake at babae at ang ating mga asawa ay nangasa pagkabihag dahil dito.

10 (E)Nasa akin ngang puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Dios ng Israel, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa atin.

11 Mga anak ko, huwag kayong mangagpabaya: sapagka't (F)pinili kayo ng Panginoon upang magsitayo sa harap niya, upang magsipangasiwa sa kaniya, at kayo'y maging kaniyang mga tagapangasiwa, at mangagsunog kayo ng kamangyan.

Nilinis ng mga Levita ang templo.

12 Nang magkagayo'y nagsitindig ang mga Levita, si Mahath na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias sa mga anak ng mga Coathita: at sa mga anak ni Merari, si Cis na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehaleleel: at sa mga Gersonita, si Joah na anak ni Zimma, at si Eden na anak ni Joah:

13 At sa mga anak ni Elisaphan, si Simri, at si Jehiel: at sa mga anak ni Asaph, si Zacharias at si Mathanias:

14 At sa mga anak ni Heman, si Jehiel at si Simi: at sa mga anak ni Jeduthun, si Semeias at si Uzziel.

15 At pinisan nila ang kanilang mga kapatid, at (G)nangagpakabanal, at nagsipasok ayon sa utos ng hari sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang (H)linisin ang bahay ng Panginoon.

16 At ang mga saserdote ay nagsipasok sa pinakaloob ng bahay ng Panginoon, upang linisin, at inilabas ang lahat na dumi na kanilang nasumpungan sa templo ng Panginoon. At kinuha ng mga Levita upang ilabas sa (I)batis ng Cedron.

17 Sila nga'y nagpasimula na mangagpakabanal nang unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw ng buwan ay nagsiparoon sila sa portiko ng Panginoon; at kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa walong araw; at sa ikalabing anim na araw ng unang buwan ay kanilang niwakasan.

18 Nang magkagayo'y kanilang pinasok si Ezechias na hari, sa loob ng palasio, at kanilang sinabi, Aming nilinis ang buong bahay ng Panginoon, at ang dambana ng handog na susunugin, pati ng lahat na kasangkapan niyaon, at ang dulang ng tinapay na handog, pati ng lahat na kasangkapan niyaon.

19 Bukod dito'y (J)lahat na kasangkapan, na inihagis ng haring Achaz sa kaniyang paghahari, nang siya'y sumalangsang, aming inihanda at itinalaga, at, narito, nangasa harap ng dambana ng Panginoon.

Handog sa kasalanan at handog na susunugin ay dinala.

20 Nang magkagayo'y si Ezechias na hari ay bumangong maaga, at pinisan ang mga prinsipe ng bayan, at sumampa sa bahay ng Panginoon.

21 At sila'y nagsipagdala ng (K)pitong baka, at pitong tupa, at pitong kordero, at pitong kambing na lalake, na (L)pinakahandog dahil sa kasalanan sa ikagagaling ng kaharian, at ng santuario, at ng Juda. At siya'y nagutos sa mga saserdote na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga yaon sa dambana ng Panginoon.

22 Sa gayo'y kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga saserdote ang dugo, at iniwisik sa dambana: at kanilang pinatay ang mga tupa, at iwinisik ang (M)dugo sa ibabaw ng dambana: pinatay rin nila ang mga kordero, at iniwisik ang dugo sa ibabaw ng dambana.

23 At kanilang inilapit ang mga kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan sa harap ng hari at ng kapisanan; at ipinatong (N)nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon:

24 At mga pinatay ng mga saserdote, at sila'y nagsigawa ng isang handog dahil sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga yaon sa ibabaw ng dambana, (O)upang itubos sa buong Israel: sapagka't iniutos ng hari na ang handog na susunugin at ang handog dahil sa kasalanan ay gagawin para sa buong Israel.

25 (P)At kaniyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga simbalo, may mga salterio, at may mga alpa, (Q)ayon sa utos ni David, at ni (R)Gad na tagakita ng hari, at ni (S)Nathan na propeta: sapagka't ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.

26 At ang mga Levita ay nagsitayo na may mga panugtog ni David, at ang mga saserdote na may mga pakakak.

27 At si Ezechias ay nagutos na maghandog ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. At nang ang handog na susunugin ay pasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan naman, at ang mga pakakak, pati ang mga panugtog ni David na hari sa Israel.

28 At ang buong kapisanan ay sumamba, at ang mga mangaawit ay nagsiawit, at ang mga manghihihip ng pakakak ay nangagpatunog; lahat ng ito ay ipinagpatuloy hanggang sa ang handog na susunugin ay natapos.

29 At nang sila'y makatapos ng paghahandog (T)ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba.

30 Bukod dito'y iniutos ni Ezechias na hari at ng mga prinsipe sa mga Levita na magsiawit ng mga pagpuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David, at ni Asaph na tagakita. At sila'y nagsiawit ng mga pagpuri na may kasayahan, at kanilang itinungo ang kanilang mga ulo at nagsisamba.

Ang iba pang mga handog ay dinala.

31 Nang magkagayo'y sumagot si Ezechias na nagsabi, Ngayo'y nagsitalaga (U)kayo sa Panginoon, kayo'y magsilapit at mangagdala ng mga (V)hain at mga handog na pasalamat sa bahay ng Panginoon: At nagdala ng mga hain at ng mga handog na pasalamat ang kapisanan; at lahat ng may kusang kalooban ay nagsipagdala ng mga handog na susunugin.

32 At ang bilang ng mga handog na susunugin na dinala ng kapisanan, pitongpung baka, isang daang tupang lalake, dalawang daang kordero: lahat ng mga ito ay pinakahandog na susunugin sa Panginoon.

33 At ang mga bagay na itinalaga ay anim na raang baka at tatlong libong tupa.

34 Nguni't ang mga saserdote ay naging kakaunti, na anopa't hindi nila malapnusan ang lahat na handog na susunugin (W)kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa nangagpakabanal ang mga saserdote; sapagka't (X)ang mga Levita ay matuwid ang puso na mangagpakabanal na higit kay sa mga saserdote.

35 At ang mga handog na susunugin naman ay sagana, pati ang (Y)taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, (Z)at pati ang mga handog na inumin na ukol sa bawa't handog na susunugin. Sa gayo'y ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay naayos.

36 At si Ezechias ay nagalak, at ang buong bayan, dahil sa inihanda ng Dios ang bayan: sapagka't ang bagay ay biglang nagawa.

Roma 14

14 Datapuwa't ang (A)mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.

May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni't ang mahina'y kumakain ng mga gulay.

Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at (B)ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka't siya'y tinanggap ng Dios.

Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo.

May nagmamahal sa isang araw ng higit kay (C)sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.

Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't (D)siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.

Sapagka't (E)ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.

Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.

Sapagka't dahil dito ay (F)namatay si Cristo at nabuhay na (G)maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.

10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? (H)sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.

11 Sapagka't nasusulat,

(I)Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa't tuhod ay luluhod,
At ang bawa't dila ay magpapahayag sa Dios.

12 Kaya nga ang (J)bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili.

13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay (K)huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, (L)na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na (M)doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya'y marumi ito.

15 Sapagka't kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. (N)Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.

16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan:

17 Sapagka't ang kaharian (O)ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagka't ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao.

19 Kaya nga (P)sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga (Q)bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.

20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang (R)lahat ng mga bagay ay malilinis; (S)gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi.

21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, (T)ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.

22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan.

23 Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.

Mga Awit 24

Ang hari ng kaluwalhatian ay pumasok sa banal na bundok. Awit ni David.

24 (A)Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito;
Ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.
(B)Sapagka't itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat,
At itinatayo sa ibabaw ng mga baha.
(C)Sinong aahon sa bundok ng Panginoon?
At sinong tatayo sa kaniyang (D)dakong banal?
(E)Siyang may malinis na mga kamay at (F)may dalisay na puso;
Na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan,
At hindi sumumpa na may kabulaanan.
Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon,
At ng katuwiran sa (G)Dios ng kaniyang kaligtasan.
Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya,
Na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga'y Jacob. (Selah)
Itaas ninyo ang inyong mga ulo,
Oh kayong mga pintuang-bayan;
At kayo'y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan:
At ang hari ng kaluwalhatian ay (H)papasok.
Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoong malakas at makapangyarihan,
Ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.
Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan;
Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan:
At ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon ng mga hukbo,
Siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)

Mga Kawikaan 20:12

12 Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata,
Kapuwa ginawa ng Panginoon.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978