Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 1:1-2:30

Ito ang mga mensahe ni Jeremias na anak ni Hilkia. Si Hilkia ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ika-13 taon ng paghahari ni Josia sa Juda. Si Josia ay anak ni Ammon. Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Josia at hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia na anak rin ni Josia. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.

Ang Pagtawag kay Jeremias

Sinabi sa akin ng Panginoon, Jeremias, bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili[a] na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita para maging propeta sa mga bansa.”

Sumagot ako, “Panginoong Dios, hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.” Pero sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang mga labi ko at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo. 10 Sa araw na ito binibigyan kita ng kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”

11 Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.” 12 Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay[b] ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.” 13 Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang palayok po na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.” 14 Sinabi ng Panginoon, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito. 15 Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang mga trono nila sa mga pintuan ng Jerusalem.[c] Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda. 16 Parurusahan ko ang mga mamamayan ko dahil sa kasamaan nila. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga dios-diosan. At sinamba nila ang mga dios-diosan na sila lang din ang gumawa. 17 Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila. 18 Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda. 19 Kakalabanin ka nila, pero hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Itinakwil ng Israel ang Panginoon

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga taga-Jerusalem at sabihin mo ito sa kanila: ‘Natatandaan ko ang katapatan at pagmamahal nʼyo sa akin noon na katulad ng babaeng bagong kasal. Sinundan nʼyo ako kahit sa ilang na walang tumutubong mga tanim. Kayong mga Israelita ay ibinukod para sa akin. Para kayong pinakaunang bunga na ibinigay sa akin. Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo, at napahamak sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob. Ito ang sinabi niya, “Anong kasalanan ang nakita ng mga ninuno nʼyo sa akin at tinalikuran nila ako? Sumusunod sila sa walang kwentang mga dios-diosan, kaya sila rin ay naging walang kabuluhan. Hindi na nila ako hinanap kahit na ako ang naglabas sa kanila sa Egipto at nanguna sa kanila sa ilang na walang tanim – ang lupang tuyo, may mga hukay, mapanganib at walang tumitira o dumadaan. Mula rooʼy dinala ko sila sa magandang lupain para makinabang sa kasaganaan ng ani nito. Pero nang naroon na kayo, dinungisan nʼyo ang lupain ko at ginawa itong kasuklam-suklam. Kahit ang mga pari ay hindi ako hinanap. Ang mga nagtuturo ng kautusan ay hindi ako kilala.[d] Ang mga pinuno ay naghimagsik laban sa akin. At ang mga propeta ay nagpahayag sa pangalan ni Baal at sumunod sa walang kwentang mga dios-diosan. Kaya susumbatan ko silang muli, pati ang magiging angkan ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

10 “Tumawid kayo sa kanluran, sa mga isla ng Kitim, at magsugo kayo ng magmamasid ng mabuti sa silangan, sa lupain ng Kedar, at tingnan kung may nangyaring tulad nito: 11 May bansa bang nagpalit ng kanilang dios, kahit na hindi ito mga tunay na dios? Pero ako, ang dakilang Dios, ay ipinagpalit ng aking mga mamamayan sa mga dios na walang kabuluhan. 12 Nangilabot ang buong kalangitan sa ginawa nila; at nayanig ito sa laki ng pagkagulat. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13 “Gumawa ang mga mamamayan ko ng dalawang kasalanan: Itinakwil nila ako, ang bukal na nagbibigay-buhay, at sumamba sila sa ibang mga dios, na para bang naghukay sila ng lalagyan ng tubig na natutuyo. 14 Ang Israel ay hindi ipinanganak na alipin. Bakit binibiktima siya ng mga kaaway? 15 Ang mga kaaway niya ay parang mga leon na umuungal sa kanya. Sinira nila ang kanyang lupain, sinunog ang mga bayan at hindi na ito tinitirhan. 16 Ang mga taga-Memfis at mga taga-Tapanhes ang nagwasak sa kanya.[e]

17 “Kayong mga Israelita na rin ang nagdala ng kapahamakang ito sa sarili ninyo. Sapagkat itinakwil nʼyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo. 18 Ngayon, ano ang napala ninyo sa inyong paglapit sa Egipto at Asiria? Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo[f] at Ilog ng Eufrates? 19 Parurusahan ko kayo dahil sa kasamaan at pagtakwil nʼyo sa akin. Isipin nʼyo kung gaano kasama at kapait ang ginawa nʼyong pagtakwil at paglapastangan sa Panginoon na inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

20 “Noong inalipin kayo, para kayong bakang nakapamatok, o mga bilanggong nakakadena. Pero nang mapalaya ko na kayo, ayaw naman ninyong maglingkod sa akin. Sa halip, sumamba kayo sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Katulad kayo ng babaeng bayaran. 21 Para kayong isang pinakamabuting klase ng ubas na aking itinanim. Pero bakit lumabas kayong bulok at walang kabuluhang ubas? 22 Maligo man kayo at magsabon nang magsabon, makikita ko pa rin ang dumi ng mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

23 “Paano nʼyo nasasabing hindi kayo nadumihan at hindi kayo sumamba sa dios-diosang si Baal? Tingnan nʼyo kung anong kasalanan ang ginawa nʼyo sa lambak ng Hinom. Isipin nʼyo ang ginawa nʼyong kasalanan. Para kayong babaeng kamelyo na hindi mapalagay dahil naghahanap ng lalaki. 24 Para rin kayong babaeng asnong-gubat na masidhi ang pagnanasa na magpakasta, sa tindi ng kanyang pagnanasa ay walang makakapigil sa kanya. Ang lalaking asno ay hindi na mahihirapang maghanap sa kanya. Madali siyang hanapin sa panahon ng pagpapakasta niya.

25 Mga taga-Israel, napudpod na ang mga sandalyas nʼyo at natuyo na mga lalamunan nʼyo sa pagsunod sa ibang mga dios. Pero sinasabi nʼyo, ‘Hindi namin maaaring itakwil ang ibang mga dios. Mahal namin sila at susunod kami sa kanila.’

26 “Tulad ng isang magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, mapapahiya rin kayong mga taga-Israel. Talagang mapapahiya kayo, pati ang mga hari, pinuno, pari, at mga propeta ninyo. 27 Sinasabi ninyo na ang kahoy ang inyong ama at ang bato naman ang inyong ina. Itinakwil nʼyo ako, pero kapag naghihirap kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin. 28 Bakit? Nasaan na ang mga dios na ginawa ninyo para sa inyong sarili? Tawagin ninyo sila kung kaya nila kayong iligtas sa paghihirap ninyo. Sapagkat napakarami ninyong dios, kasindami ng mga bayan sa Juda. 29 Bakit kayo nagrereklamo sa akin? Hindi baʼt kayo ang naghimagsik sa akin? 30 Pinarusahan ko ang mga anak nʼyo, pero hindi sila nagbago. Ayaw nilang magpaturo. Kayo na rin ang pumatay sa mga propeta nʼyo gaya ng pagpatay ng mabangis at gutom na leon sa kanyang biktima.

Filipos 4

Mga Bilin

Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.

Nakikiusap ako kina Eudia at Syntique, na magkasundo na sila bilang magkapatid sa Panginoon. At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clement at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.[a]

Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!

Ipakita nʼyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.

Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. Ipamuhay nʼyo ang lahat ng natutunan nʼyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.

Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong

10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli nʼyong ipinakita ang pagmamalasakit nʼyo sa akin. Alam kong lagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin. 14 Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan nʼyo ako sa kagipitan ko. 15 Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16 Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17 Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18 Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala nʼyo sa akin sa pamamagitan ni Epafroditus, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Dios na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19 At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya. 20 Purihin natin ang ating Dios at Ama magpakailanman. Amen.

Mga Huling Pangangamusta

21 Ikumusta nʼyo ako sa lahat ng mga pinabanal[b] diyan ng Dios na nakay Cristo Jesus. Kinukumusta kayo ng mga kapatid kay Cristo na kasama ko rito. 22 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng mga pinabanal ng Dios dito, lalung-lalo na ang mga naglilingkod sa palasyo ng Emperador.

23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.

Salmo 75

Ang Dios ang Hukom

75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
    Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
    Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
    ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
    at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
    kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
    Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
    aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
    ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Kawikaan 24:17-20

… 28 …

17 Huwag kang matuwa kapag napapahamak ang iyong kaaway, 18 dahil kapag nakita ng Panginoon na natutuwa ka, hindi niya ito magugustuhan, at hindi na niya parurusahan ang iyong kaaway.

… 29 …

19 Huwag kang mabalisa o mainggit sa mga taong masama, 20 sapagkat wala silang mabuting kinabukasan at magiging tulad sila ng ilaw na namatay.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®