Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 10-11

Kapahamakan ang Dulot ng Pagsamba sa mga dios-diosan

10 Mamamayan ng Israel, pakinggan nʼyo ang sinasabi ng Panginoon. Sinasabi niya, “Huwag ninyong tutularan ang pag-uugali ng mga tao sa ibang mga bansa na naghahanap ng mga tanda sa kalangitan. Huwag kayong matakot sa mga ganyang tanda kahit na ang mga tao sa ibang bansa ay takot sa mga tandang iyan. Walang kabuluhan ang kaugalian ng mga taong iyon. Pumuputol sila ng puno sa gubat at pinauukitan nila sa mahuhusay na mang-uukit. Pagkatapos, pinapalamutian nila ng pilak at ginto, at pinapakuan ng mabuti para hindi matumba. Ang mga dios-diosang itoʼy parang taong panakot ng ibon sa bukid na hindi nakakapagsalita. Kailangan pa itong buhatin dahil hindi ito nakakalakad. Huwag kayong matakot sa mga dios-diosang ito dahil hindi sila makakagawa ng masama at hindi rin makakagawa ng mabuti.”

O Panginoon, wala po kayong katulad. Makapangyarihan kayo at dakila ang pangalan. Sino po ang hindi matatakot sa inyo, O Hari ng mga bansa? Karapat-dapat lang na igalang kayo. Wala po kayong katulad sa lahat ng matalino na mula sa ibaʼt ibang bansa, o sa lahat ng hari. Silang lahat ay matitigas ang ulo at mga hangal. Wala pong kabuluhan ang mga turo tungkol sa mga dios-diosan nila na gawa sa kahoy. Nagpagawa po sila sa mga panday at mga platero ng mga dios-diosan na binalutan ng pilak mula sa Tarshish at ginto mula sa Ufaz. Pagkatapos, binihisan po nila ang mga ito ng damit na asul at kulay ube na tinahi ng bihasang mananahi. 10 Pero ang Panginoon ang tunay na Dios. Siya ang buhay na Dios at walang hanggang Hari. Kapag nagagalit siya, nayayanig ang daigdig, at walang bansa na makatatagal sa tindi ng galit niya. 11 Sabihin ninyo sa mga sumasamba sa ibang mga dios, “Ang inyong mga dios na hindi lumikha ng langit at lupa ay mawawala sa mundo.”

12 Pero ang Dios ang lumikha ng langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya. 13 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito. 14 Mga hangal at mangmang ang mga sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay. 15 Wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito. 16 Pero ang Dios ni Jacob[a] ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.

Ang Kapahamakang Darating

17 Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo ang mga kagamitan at umalis, dahil malapit nang salakayin ang lungsod ninyo. 18 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Paaalisin ko kayo sa lupaing ito. Pahihirapan ko kayo hanggang sa madama nʼyo ang galit ko.”

19 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Nakakaawa tayo dahil sa kapahamakan natin. Malubha ang kalagayan natin, pero kailangan natin itong tiisin. 20 Wasak na ang mga tolda natin; nalagot na ang mga tali nito. Iniwan na tayo ng mga anak natin. Wala nang natira na muling magtatayo ng mga toldang tinitirhan natin.”

21 Nangyari ito sa atin dahil hangal ang mga pinuno natin. Hindi sila lumapit sa Panginoon para sumangguni. Kaya hindi sila nagtagumpay, at nangalat ang mga taong nasasakupan nila. 22 Pakinggan nʼyo ang malakas na ingay ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga! Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.[b]

Ang Panalangin ni Jeremias

23 Panginoon, alam ko po na ang buhay ng tao ay hindi kanya. Hindi siya ang may hawak ng kinabukasan niya. 24 Ituwid nʼyo po kami[c] Panginoon, nang nararapat sa amin. Huwag nʼyo po itong gawin nang dahil sa inyong galit, baka wala ng matira sa amin. 25 Ipadama nʼyo po ang inyong galit sa mga bansang hindi kumikilala sa inyo at sa mga taong hindi dumudulog sa inyo. Sapagkat inubos po nila ang lahi ni Jacob at winasak ang mga tahanan nila.

Hindi Tinupad ng Juda ang Kasunduan

11 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Ipaalala mo sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem ang mga dapat sundin sa kasunduan namin. Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabing isusumpa ko ang taong ayaw sumunod sa mga sinasabi sa kasunduang ito. Ang mga utos kong ito ay ipinatupad ko sa inyong mga ninuno noong inilabas ko sila sa Egipto, sa lugar na parang nagniningas na pugon na tunawan ng bakal. Sinabi ko sa kanila, ‘Kung susundin ninyo ako at ang lahat ng utos ko, magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo. Nang sa ganoon, tutuparin ko ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno na bibigyan ko sila ng maganda at masaganang lupain[d] – ang lupaing tinitirhan ninyo ngayon.’ ”

At sinabi ko, “Siya nawa, Panginoon.”

Pagkatapos, muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem at sabihin mo ito: ‘Alalahanin ninyo ang kasunduan ninyo at sundin ninyo ang isinasaad sa kasunduang ito. Mula nang inilabas ko ang mga ninuno ninyo sa Egipto hanggang ngayon, paulit-ulit ko silang pinagsasabihan na dapat nila akong sundin. Pero hindi sila nakinig at hindi nila pinansin ang sinabi ko. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. Sinabi ko sa kanila na sundin nila ang kasunduang ito, pero hindi nila ito sinunod. Kaya ipinadala ko sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasaad sa kasunduan.’ ”

Muling sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang mga taga-Juda at taga-Jerusalem ay may balak na masama laban sa akin. 10 Tinularan nila ang mga kasalanan ng mga ninuno nilang hindi naniwala sa mga salita ko. Sumamba rin sila sa mga dios-diosan. Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay parehong sumuway sa kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila. 11 Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na magpapadala ako sa kanila ng kaparusahan na hindi nila matatakasan. At kahit na humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan. 12 Kaya hihingi na lang sila ng tulong sa mga dios-diosang pinaghahandugan nila ng insenso, pero hindi naman sila matutulungan ng mga dios-diosang ito kapag dumating na ang kaparusahan.

13 “Kayong mga taga-Juda, kay dami nʼyong dios-diosan, kasindami ng mga bayan ninyo. At kung gaano karami ang lansangan sa Jerusalem, ganoon din karami ang altar na itinayo nʼyo para pagsunugan ng insenso para sa kasuklam-suklam na dios-diosang si Baal.

14 “Kaya Jeremias, huwag ka nang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag ka nang magmakaawa sa akin para sa kanila dahil hindi ko sila sasagutin kung tatawag sila sa akin sa oras ng paghihirap nila. 15 Gumawa ng maraming kasamaan ang mga mamamayan na minamahal ko. Wala silang karapatang pumunta sa templo ko. Hindi mapipigilan ng mga handog nila ang kaparusahang darating sa kanila. Tuwang-tuwa pa sila sa paggawa ng masama.”

16 Noong una ay inihambing sila ng Panginoon sa isang malagong puno ng olibo na maraming bunga. Pero sa biglang pagdaan ng naglalagablab na apoy ay mawawasak sila na parang sinunog na mga sanga at hindi na mapapakinabangan pa. 17 Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagtayo sa Juda at Israel, pero ngayon ay iniutos niyang wasakin ang mga ito, dahil masama ang ginagawa nila. Ginalit nila ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog ng mga sinusunog na insenso kay Baal.

Ang Balak Laban kay Jeremias

18 Sinabi sa akin ng Panginoon ang tungkol sa balak ng mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ako ng isang tupang dinadala sa katayan nang hindi ko nalalaman. Hindi ko alam na may balak pala silang patayin ako. Sinabi nila, “Patayin natin siya katulad ng pagputol sa isang puno na may mga bunga, para mawala siya sa mundo at hindi na maalala.”

20 Pero nanalangin ako, “O Panginoong Makapangyarihan, matuwid po ang paghatol ninyo. Nalalaman po ninyo ang isip at puso ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila, dahil ipinaubaya ko sa inyo ang usaping ito!”

21-22 Nais ng mga taga-Anatot na patayin ako kung hindi ako titigil sa pagpapahayag ng mensahe ng Panginoon. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Parurusahan ko sila. Mamamatay sa digmaan ang mga kabataan nilang lalaki at mamamatay sa gutom ang mga anak nila. 23 Walang matitirang buhay sa mga taga-Anatot, dahil malilipol sila sa oras na parusahan ko na sila.”

Colosas 3:18-4

Ang Mabuting Relasyon sa Kapwa

18 Mga babae, magpasakop kayo sa asawa nʼyo, dahil iyan ang nararapat gawin bilang mananampalataya sa Panginoon.

19 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa at huwag ninyo silang pagmamalupitan.

20 Mga anak, sundin ninyo ang mga magulang nʼyo sa lahat ng bagay, dahil kalugod-lugod ito sa Panginoon.

21 Mga magulang,[a] huwag kayong gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob ng mga anak nʼyo para hindi sila panghinaan ng loob.

22 Mga alipin, sundin nʼyo sa lahat ng bagay ang mga amo nʼyo rito sa lupa. Hindi lang dahil nakatingin sila at nais ninyong malugod sila sa inyo, kundi gawin ninyo ito nang buong puso at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang gawin nʼyo, gawin nʼyo ito nang buong katapatan na parang ang Panginoon ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. 24 Alam naman ninyong may gantimpala kayong matatanggap sa Panginoon, dahil si Cristo na Panginoon natin ang siyang pinaglilingkuran ninyo. 25 Ang sinumang gumagawa ng masama ay parurusahan ayon sa kasalanan niya, dahil ang Dios ay walang pinapaboran.

Mga amo, maging mabuti at makatarungan kayo sa mga alipin ninyo. Alalahanin ninyong kayo rin ay mayroong amo sa langit.

Ang Ilan pang mga Bilin

Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.

Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.

Mga Pangangamusta

Kung tungkol naman sa kalagayan ko rito, ang minamahal naming si Tykicus ang magbabalita sa inyo. Isa siyang tapat na manggagawa at kapwa ko lingkod ng Panginoon. Pinapunta ko siya riyan para malaman nʼyo ang kalagayan namin, nang lumakas naman ang loob ninyo. Kasama niya sa pagpunta riyan si Onesimus, ang tapat at minamahal nating kapatid na kababayan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng nangyayari rito.

10 Kinukumusta kayo nina Aristarcus na kapwa ko bilanggo at Marcos na pinsan ni Bernabe. (Gaya ng ibinilin ko sa inyo, malugod ninyong tanggapin si Marcos pagdating niya riyan.) 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justus. Sila lang ang mga Judio na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Dios, at pinapalakas nila ang loob ko.

12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Cristo Jesus. Lagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at may buong katiyakan sa kalooban ng Dios. 13 Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Kinukumusta rin kayo ni Lucas, ang minamahal nating doktor, at ni Demas.

15 Ikumusta nʼyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, ganoon din kay Nymfa at sa mga mananampalataya[b] na nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa nʼyo ng sulat na ito, ipabasa nʼyo rin sa iglesya sa Laodicea at basahin nʼyo rin ang sulat mula sa kanila. 17 Pakisabi kay Arkipus na ipagpatuloy niya ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.

18 Ako, si Pablo, ang mismong sumulat ng pagbating ito.

Alalahanin nʼyo ako rito sa bilangguan.

Pagpalain nawa kayo ng Dios.

Salmo 78:56-72

56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios,
    naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno.
    Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar.[a]
59 Alam[b] ng Dios ang ginawa ng mga Israelita,
    kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
    kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.[c]
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay;
    at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway;
    inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.[d]
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman.
70-71 Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya.
    Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.

Kawikaan 24:28-29

28 Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, o magsalita laban sa kanya ng kasinungalingan.
29 Huwag mong sasabihin, “Gaganti ako, gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®