The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ipinatawag ni Zedekia si Jeremias
37 Si Zedekia na anak ni Josia ay ginawang hari ng Juda ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Siya ang ipinalit kay Jehoyakin na anak ni Jehoyakim. 2 Pero si Zedekia at ang mga pinuno niya pati ang mga taong pinamamahalaan nila ay hindi rin nakinig sa mensahe ng Panginoon sa pamamagitan ni Jeremias.
3 Ngayon, inutusan ni Haring Zedekia si Jehucal na anak ni Shelemia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya na puntahan si Jeremias at hilingin na ipanalangin sila sa Panginoon na kanilang Dios. 4 Nang panahong iyon, hindi pa nabibilanggo si Jeremias, kaya malaya pa siyang pumunta kahit saan. 5 Nang araw ding iyon, sumasalakay ang mga taga-Babilonia sa Jerusalem, pero nang marinig nilang dumarating ang mga sundalo ng Faraon,[a] tumigil sila sa pagsalakay sa Jerusalem.
6-7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Sabihin mo kay Haring Zedekia ng Juda na nag-utos para magtanong sa iyo kung ano ang sinabi kong mangyayari, ‘Dumating ang mga sundalo ng Faraon para tulungan ka, pero babalik sila sa Egipto. 8 Pagkatapos, muling babalik ang mga taga-Babilonia sa lungsod na ito. Sasakupin nila ito at pagkatapos ay susunugin.’ ” 9 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pag-aakalang hindi na babalik ang mga taga-Babilonia. Sapagkat tiyak na babalik sila. 10 Kahit na matalo nʼyo pa ang buong hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa inyo, at ang matitira sa kanila ay ang mga sugatan sa kanilang kampo, sasalakay pa rin sila sa inyo at susunugin nila ang lungsod na ito.”
Ikinulong si Jeremias
11 Nang tumakas ang mga sundalo ng Babilonia mula sa Jerusalem dahil sa hukbo ng Faraon, 12 umalis si Jeremias sa Jerusalem at pumunta sa lupain ni Benjamin para kunin ang bahagi ng lupain niya na ipinamahagi sa kanyang pamilya. 13 Pero nang dumating siya sa Pintuang bayan ng Benjamin, hinuli siya ng kapitan ng mga guwardya na si Iria na anak ni Shelemia at apo ni Hanania. Sinabi sa kanya ng kapitan, “Kakampi ka ng mga taga-Babilonia.” 14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo iyan! Hindi ako kakampi ng mga taga-Babilonia.” Pero ayaw maniwala ni Iria, kaya hinuli niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Nagalit sila kay Jeremias, ipinapalo nila siya at ipinakulong doon sa bahay ni Jonatan na kalihim. Ang bahay na itoʼy ginawa nilang bilangguan. 16 Ipinasok nila si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at nanatili siya roon ng matagal.
17 Kinalaunan, ipinakuha ni Haring Zedekia si Jeremias at dinala sa palasyo. Palihim niya itong tinanong, “May mensahe ka ba mula sa Panginoon?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon! Ibibigay ka sa hari ng Babilonia.”
18 Pagkatapos, nagtanong si Jeremias sa hari, “Ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo, o sa mga pinuno nʼyo o sa taong-bayan at ipinakulong nʼyo ako? 19 Nasaan na ang mga propeta nʼyo na nanghulang hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang lungsod na ito? 20 Pero ngayon, Mahal na Hari, kung maaari po ay pakinggan naman ninyo ako. Nakikiusap ako na huwag nʼyo na po akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan na kalihim dahil mamamatay ako roon.”
21 Kaya nag-utos si Haring Zedekia na dalhin si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo. Nag-utos din siyang bigyan ng tinapay si Jeremias bawat araw habang may natitira pang tinapay sa lungsod. Kaya nanatiling nakakulong si Jeremias sa himpilan ng mga guwardya.
Inihulog si Jeremias sa Balon
38 Nabalitaan nina Shefatia na anak ni Matan, Gedalia na anak ni Pashur, Jehucal na anak ni Shelemia, at Pashur na anak ni Malkia ang sinabi ni Jeremias sa mga tao. Ito ang sinabi niya, “Sinasabi ng Panginoon na 2 ang sinumang manatili rito sa lungsod ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Pero ang sinumang susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay. Makakaligtas siya at mabubuhay. 3 Sinasabi rin ng Panginoon na tiyak na maaagaw at sasakupin ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”
4 Kaya sinabi ng mga pinunong iyon sa hari, “Kinakailangang patayin ang taong ito dahil pinahihina niya ang loob ng mga sundalong natitira, pati ang mga mamamayan dahil sa mga sinasabi niya sa kanila. Hindi siya naghahangad ng kabutihan para sa mga tao kundi ang kapahamakan nila.” 5 Sumagot si Haring Zedekia, “Ibibigay ko siya sa inyo. Gawin nʼyo sa kanya ang ibig ninyo.”
6 Kaya kinuha nila si Jeremias sa kulungan at ibinaba nila sa balon na nasa himpilan ng mga guwardya. Ang balon na ito ay pag-aari ni Malkia na anak ng hari. Walang tubig ang balon pero may putik, at halos lumubog doon si Jeremias.
7-8 Ngunit nang nabalitaan ito ni Ebed Melec na taga-Etiopia na isa ring pinuno sa palasyo, pinuntahan niya ang hari sa palasyo. Nakaupo noon ang hari sa Pintuan ni Benjamin. Sinabi niya sa hari, 9 “Mahal na Hari, masama po ang ginawa ng mga taong iyon kay Jeremias. Inihulog nila siya sa balon, at tiyak na mamamatay siya doon sa gutom, dahil halos mauubos na po ang tinapay sa buong lungsod.” 10 Kaya sinabi ni Haring Zedekia sa kanya, “Magsama ka ng 30 lalaki mula sa mga tao ko at kunin nʼyo si Jeremias sa balon bago pa siya mamatay.”
11 Kaya isinama ni Ebed Melec ang mga tao at pumunta sila sa bodega ng palasyo, at kumuha ng mga basahan, lumang damit, at lubid at ibinaba nila kay Jeremias ang mga ito roon sa balon. 12 Sinabi ni Ebed Melec kay Jeremias, “Isapin mo ang mga basahan at lumang damit sa kilikili mo para hindi ka masaktan ng lubid.” At ito nga ang ginawa ni Jeremias. 13 Pagkatapos, iniahon nila siya mula sa loob ng balon at ibinalik sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo.
Muling Ipinatawag ni Haring Zedekia si Jeremias
14 Muling ipinatawag ni Haring Zedekia si Jeremias doon sa pangatlong pintuan ng templo ng Panginoon. Sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “May itatanong ako sa iyo, at nais kong sabihin mo sa akin ang totoo.”
15 Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Kapag sinabi ko po sa inyo ang katotohanan, ipapapatay nʼyo pa rin ako. At kahit na payuhan ko po kayo, hindi rin po kayo maniniwala sa akin.” 16 Pero lihim na sumumpa si Haring Zedekia kay Jeremias. Sinabi niya, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na siya ring nagbigay ng buhay sa atin, na hindi kita papatayin o ibibigay sa mga nais pumatay sa iyo.”
17 Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Ito ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung susuko po kayo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas po ang buhay nʼyo at hindi po nila susunugin ang lungsod na ito. Kayo po at ang sambahayan nʼyo ay mabubuhay. 18 Pero kung hindi po kayo susuko, ibibigay ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia, at ito po ay kanilang susunugin at hindi po kayo makakatakas sa kanila.’ ” 19 Sinabi ni Haring Zedekia, “Natatakot ako sa mga Judiong kumakampi sa mga taga-Babilonia, baka ibigay ako ng mga taga-Babilonia sa kanila at saktan nila ako.” 20 Sinabi ni Jeremias, “Hindi po kayo ibibigay sa kanila kung susundin nʼyo lang ang Panginoon. Maliligtas po ang buhay nʼyo at walang anumang mangyayari sa inyo. 21 Pero kung hindi po kayo susuko, ito naman ang sinabi sa akin ng Panginoon na mangyayari sa inyo: 22 Ang lahat ng babaeng naiwan sa palasyo nʼyo ay dadalhin ng mga pinuno ng hari sa Babilonia. At sasabihin sa inyo ng mga babaeng ito, ‘Niloko po kayo ng mga matalik nʼyong kaibigan. At ngayon na nakalubog po sa putik ang mga paa nʼyo, iniwan nila kayo.’
23 “Dadalhin po nila ang lahat ng asawaʼt anak nʼyo sa Babilonia. Kayo po ay hindi rin makakatakas sa kanila. At ang lungsod na itoʼy susunugin nila.”
24 Pagkatapos, sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “Huwag mong sasabihin kaninuman ang napag-usapan natin para hindi ka mamatay. 25 Maaaring mabalitaan ng mga pinuno na nag-usap tayo. Baka puntahan ka nila at itanong sa iyo, ‘Ano ang pinag-usapan ninyo ng hari? Kung hindi mo sasabihin ay papatayin ka namin.’ 26 Kapag nangyari ito, sabihin mo sa kanila, ‘Nakiusap ako sa hari na huwag niya akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan, baka mamatay ako roon.’ ”
27 Pumunta nga ang mga pinuno kay Jeremias at tinanong siya. At sinagot niya sila ayon sa sinabi ng hari sa kanya, kaya hindi na sila nag-usisa pa. Walang nakarinig ng usapan ni Jeremias at ng hari.
28 At nanatiling nakakulong si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo hanggang sa masakop ang Jerusalem.
6 Sa mga alipin na mananampalataya, dapat igalang nila nang lubos ang mga amo nila para walang masabi ang mga tao laban sa Dios at sa itinuturo natin. 2 At kung mga mananampalataya rin ang amo nila, hindi sila dapat mawalan ng paggalang dahil lang sa magkakapatid sila sa pananampalataya. Sa halip, lalo pa nga nilang dapat pagbutihin ang paglilingkod nila dahil kapwa mananampalataya ang nakikinabang sa paglilingkod nila, at mahal din ng Dios.
Mga Maling Aral at ang Pag-ibig sa Salapi
Ituro mo ang mga bagay na ito at hikayatin silang sundin ito. 3 Kung may nagtuturo man nang salungat dito at hindi naaayon sa tamang turo ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at mga turo tungkol sa pagsunod sa Dios, 4 ang taong itoʼy mayabang pero wala namang nalalaman. Gusto lang niyang makipagtalo na nauuwi lang naman sa inggitan, alitan, paninira, pambibintang, 5 at walang tigil na awayan. Ito ang ugali ng taong baluktot ang pag-iisip at hindi na nakakaalam ng katotohanan. Inaakala nilang ang kabanalan ay paraan ng pagpapayaman. 6 Kung sabagay, daig pa ng taong namumuhay nang banal at kontento na sa kalagayan ang mayaman. 7 Ang totoo, wala tayong dinala sa mundong ito, at wala rin tayong madadala pag-alis dito. 8 Kaya kung mayroon na tayong pagkain at pananamit, dapat na tayong makontento. 9 Ang mga taong naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso, sa isang bitag ng mapanira at walang kabuluhang mga hangarin na nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Ang sobrang paghahangad ng salapi ang nagtulak sa iba na tumalikod sa pananampalataya at nagdulot ng maraming paghihinagpis sa buhay nila.
11 Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Dios, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Dios para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi. 13 Sa presensya ng Dios na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa presensya ni Cristo Jesus na nagpatotoo sa harap ni Poncio Pilato, inuutusan kitang 14 sundin mong mabuti ang mga iniutos sa iyo para walang masabi laban sa iyo. Gawin mo ito hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.
17 Sabihin mo sa mga mayayaman sa mundong ito na huwag silang maging mayabang o umasa sa kayamanan nilang madaling mawala. Sa halip, umasa sila sa Dios na nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. 18 Turuan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa. 19 Sa ganoon, makapag-iipon sila ng kayamanan sa langit na hindi mawawala, at matatamo nila ang tunay na buhay.
20 Timoteo, ingatan mo ang mga aral na ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang usap-usapan na ipinapalagay ng iba na karunungan, pero sumasalungat sa itinuturo natin. 21 Dahil sa ganyang pagmamarunong ng ilan, naligaw tuloy sila sa pananampalataya.
Pagpalain ka nawa ng Dios.
38 Ngunit, Panginoon, nagalit kayo sa inyong piniling hari;
itinakwil nʼyo siya at iniwanan.
39 Binawi nʼyo ang kasunduan sa inyong lingkod at kinuha sa kanya ang kapangyarihan bilang hari.
40 Winasak ninyo ang mga pader ng kanyang lungsod at ginuho ang mga pinagtataguan nila.
41 Kaya lahat ng dumadaan sa kanyang kaharian ay nananamantala,
pinagsasamsam ang mga kagamitan sa lungsod.
Pinagtatawanan siya ng mga katabing bansa.
42 Pinagtagumpay nʼyo ang kanyang mga kaaway at pinasaya silang lahat.
43 Winalang kabuluhan ninyo ang kanyang mga sandata at ipinatalo siya sa labanan.
44 Winakasan nʼyo ang kanyang katanyagan pati na ang kanyang kapangyarihan bilang hari.
45 At dahil ditoʼy, nagmukha siyang matanda sa bata niyang edad.
Inilagay nʼyo siya sa kahihiyan.
46 Panginoon, hanggang kailan nʼyo kami pagtataguan?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong galit sa amin?
47 Alalahanin nʼyo kung gaano kaiksi ang buhay ng tao.
Alalahanin nʼyong nilikha nʼyo ang tao na may kamatayan.
48 Sinong tao ang hindi mamamatay?
Maiiwasan ba ng tao ang kamatayan?
49 Panginoon, nasaan na ang dati ninyong pag-ibig?
Ang pag-ibig na ipinangako nʼyo kay David ayon sa inyong katapatan sa kanya?
50 Alalahanin nʼyo, Panginoon, kung paanong hiniya ng maraming bansa ang iyong lingkod[a] at ito ay aking tiniis.
51 Ang mga kaaway nʼyo, Panginoon, ang siyang kumukutya sa pinili nʼyong hari, saan man siya magpunta.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen! Amen!
28 Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang bayan na walang pader.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®