Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 19-21

Ang Basag na Banga

19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Bumili ka ng banga sa magpapalayok. Pagkatapos, magsama ka ng mga tagapamahala ng mga tao at tagapamahala ng mga pari, at pumunta kayo sa Lambak ng Ben Hinom malapit sa Pintuan na Pinagtatapunan ng mga Basag na Palayok. At doon mo sabihin ang sinabi ko sa iyo. Sabihin mo, ‘Mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel. Ito ang sinabi niya: Magpapadala ako ng malagim na kapahamakan sa lugar na ito at ang sinumang makakarinig tungkol dito ay talagang matatakot. Gagawin ko ito dahil itinakwil ako ng mga mamamayan ko at ginawa nilang handugan ng mga handog na sinusunog para sa mga dios-diosan ang kapatagang ito. Hindi naman nila kilala ang mga dios-diosang ito, at hindi rin kilala ng mga ninuno nila o ng mga hari sa Juda. Pumatay pa sila ng mga walang malay na bata sa lugar na ito. Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal, at sinunog nila roon ang mga anak nila bilang mga handog sa kanya. Hindi ko ito iniutos sa kanila, ni hindi man lang ito pumasok sa isip ko. Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing darating ang panahon na ang lugar na itoʼy hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom, kundi Lambak ng Patayan. Sisirain ko sa lugar na ito ang binabalak ng Juda at Jerusalem. Ipapapatay ko sila sa mga kaaway nila sa pamamagitan ng digmaan, at ipapakain ko ang mga bangkay nila sa mga ibon at mga hayop sa gubat. Wawasakin ko ang lungsod na ito at hahamakin. Ang mga dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala dahil sa nangyari rito. Papalibutan ng mga kaaway ang lungsod na ito hanggang sa ang mga mamamayan dito ay maubusan ng pagkain. Kaya kakainin nila ang kapwa nila at pati na ang sarili nilang anak.’ ”

10 Pagkatapos ay sinabi sa akin ng Panginoon, “Basagin mo ang banga sa harap ng mga taong sumama sa iyo. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabing wawasakin ko ang bansa ng Juda at ang lungsod ng Jerusalem katulad ng pagbasag ko sa bangang ito na hindi na muling mabubuo. Ililibing nila ang maraming bangkay sa Tofet hanggang sa wala nang mapaglibingan. 12 Ito ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga mamamayan nito. Ituturing itong marumi gaya ng Tofet. 13 Ang lahat ng bahay sa Jerusalem, pati ang palasyo ng hari ng Juda ay ituturing na marumi katulad ng Tofet. Sapagkat sa bubungan ng mga bahay na ito ay nagsunog sila ng mga insenso para sa kanilang dios na mga bituin, at nag-alay ng mga handog na inumin para sa mga dios.”

14 Nang masabi na ni Jeremias ang ipinapasabi ng Panginoon, umalis siya sa Tofet at pumunta sa bulwagan ng templo ng Panginoon at sinabi sa mga tao, 15 “Makinig kayo, dahil ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Ipapadala ko sa lungsod na ito at sa mga baryo sa palibot ang sinabi kong parusa dahil matigas ang ulo nila at ayaw nilang makinig sa mga sinabi ko.”

Sina Jeremias at Pashur

20 Ang paring si Pashur na anak ni Imer, ang pinakamataas na opisyal sa templo ng Panginoon nang panahong iyon. Nang marinig niya ang mga sinabi ni Jeremias, pinabugbog niya ito at ipinabilanggo sa may pintuan ng templo ng Panginoon na tinatawag na Pintuan ni Benjamin. Kinaumagahan, pinalabas ni Pashur si Jeremias. Sinabi ni Jeremias sa kanya, “Pashur, pinalitan na ng Panginoon ang pangalan mo. Tatawagin ka na ngayong Magor Misabib.[a] Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: Katatakutan mo ang kalagayan mo at ang kalagayan ng lahat ng kaibigan mo. Makikita mo silang papatayin ng mga kaaway nila sa digmaan. Ibibigay ko ang buong Juda sa hari ng Babilonia. Ang ibang mamamayan ay papatayin, at ang iba namaʼy bibihagin. Ipapasamsam ko sa mga kaaway ang lahat ng kayamanan ng lungsod ng Jerusalem – lahat ng pinaghirapan nila, lahat ng mamahaling bagay at ang lahat ng kayamanan ng hari ng Juda. Dadalhin nila ang lahat ng iyon sa Babilonia. Pati ikaw Pashur at ang buong sambahayan mo ay bibihagin at dadalhin sa Babilonia. At doon ka mamamatay at ililibing, pati ang lahat ng kaibigan mo na hinulaan mo ng kasinungalingan.”

Nagreklamo si Jeremias sa Panginoon

Panginoon, nilinlang nʼyo ako at nanaig kayo sa akin. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya. Kapag nagsasalita ako, isinisigaw ko po ang mensahe nʼyo Panginoon tungkol sa karahasan at pagkawasak! At dahil sa ipinasasabi nʼyong ito, pinagtatawanan po nila ako at kinukutya. Kung minsan, naiisip kong huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo. Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito. 10 Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng pagbagsak ko. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”

11 Pero kasama ko po kayo, Panginoon. Para kayong sundalo na matapang at makapangyarihan, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kahihiyan nila. 12 O Panginoong Makapangyarihan, nalalaman nʼyo po kung sino ang matuwid dahil alam nʼyo ang nasa puso at isip ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila dahil ipinaubaya ko na po sa inyo ang usaping ito.

13 Panginoon, magpupuri at aawit po ako sa inyo ngayon dahil iniligtas nʼyo ang mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.

14 Pero isinusumpa ko ang araw na akoʼy isinilang! Hindi ko ikinagagalak ang araw na ipinanganak ako ng aking ina! 15 Isinusumpa ko ang nagbalita sa aking ama na, “Lalaki ang anak mo!” na siyang ikinagalak ng aking ama. 16 Nawaʼy ang taong iyon ay maging katulad ng mga bayan na winasak ng Panginoon at hindi kinahabagan. Nawaʼy maghapon niyang mapakinggan ang sigaw at daing ng mga tao sa digmaan. 17 Sapagkat hindi niya ako pinatay noong nasa sinapupunan pa ako ng aking ina. Sanaʼy naging libingan ko na lang ang tiyan ng aking ina, o di kayaʼy ipinagbuntis na lamang niya ako magpakailanman. 18 Bakit pa ako isinilang? Para lang ba makita ang kaguluhan at kahirapan, at mamatay sa kahihiyan?

Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Ngayon, nagsalita sa akin ang Panginoon nang sinugo sa akin ni Haring Zedekia si Pashur na anak ni Malkia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya. Sinabi nila sa akin, “Ipakiusap mo sa Panginoon na tulungan kami, dahil sinasalakay na kami ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Baka sakaling gumawa ng himala ang Panginoon katulad ng ginawa niya noon, para mapigilan ang pagsalakay ni Nebucadnezar.”

Pero sinagot ko sila, “Sabihin nʼyo kay Zedekia na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Magiging walang kabuluhan ang mga sandata na inyong ginagamit sa pakikipagdigma nʼyo kay Nebucadnezar at sa mga kawal niya[b] na nakapaligid na sa inyo. Titipunin ko sila[c] sa gitna ng lungsod na ito. Ako mismo ang makikipaglaban sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ko dahil sa matindi kong galit. Papatayin ko ang lahat ng naninirahan sa lungsod na ito, tao man o hayop. Mamamatay sila sa matinding salot. At ikaw, Haring Zedekia ng Juda, ang mga tagapamahala mo, at ang mga mamamayang natitira na hindi namatay sa salot, digmaan, o gutom ay ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na kaaway ninyo. At walang awa niya kayong papatayin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’

“Sabihin din ninyo sa mga mamamayan ng Jerusalem na ito ang ipinapasabi ng Panginoon, ‘Makinig kayo! Pumili kayo, buhay o kamatayan. Ang sinumang mananatili sa lungsod na ito ay mamamatay sa digmaan, gutom o sakit. Pero ang mga susuko sa mga taga-Babilonia na nakapalibot sa lungsod ninyo ay mabubuhay. 10 Nakapagpasya na akong padalhan ng kapahamakan ang lungsod na ito at hindi kabutihan. Ipapasakop ko ito sa hari ng Babilonia, at susunugin niya ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’

11-12 “Sabihin din ninyo sa sambahayan ng hari ng Juda, na mga angkan ni David, na pakinggan ang mensaheng ito ng Panginoon: Pairalin nʼyo lagi ang katarungan. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan; iligtas nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Sapagkat kung hindi, magniningas ang galit ko na parang apoy na hindi mapapatay dahil sa masama nʼyong ginagawa. 13 Kalaban ko kayo, mga taga-Jerusalem, kayong nakatira sa matibay na lugar sa patag sa ibabaw ng bundok. Nagmamataas kayo na nagsasabi, ‘Walang makakasalakay sa atin, sa matibay na talampas na ito!’ 14 Pero parurusahan ko kayo ayon sa mga ginagawa ninyo. Susunugin ko ang inyong mga kagubatan hanggang sa ang lahat ng nakapalibot sa inyo ay matupok. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

1 Tesalonica 5:4-28

Ngunit kayo, mga kapatid ay hindi namumuhay sa kadiliman. Kaya hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon katulad ng pagkabigla ng isang tao sa pagdating ng magnanakaw. Dahil namumuhay na kayong lahat sa liwanag at hindi sa kadiliman. Kaya nga, huwag tayong maging pabaya katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili. Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili.[a] Pero dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin natin bilang panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at bilang helmet naman ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Dios. Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Dios para sa kaparusahan, kundi para sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin, para kahit buhay pa tayo o patay na sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. 11 Dahil dito, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.

Mga Pangwakas na Bilin at Pagbati

12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon para mamuno at mangaral sa inyo. 13 Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayo nang may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.

14 Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. 15 Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat. 16 Lagi kayong magalak, 17 laging manalangin, 18 at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus.

19 Huwag ninyong hadlangan ang ginagawa ng Banal na Espiritu, 20 at huwag ninyong hamakin ang mga pahayag ng Dios. 21 Sa halip, suriin ninyong mabuti ang lahat para malaman kung galing ito sa Dios o hindi. Panghawakan nʼyo ang mabuti, 22 at iwasan ang lahat ng uri ng kasamaan.

23 Pakabanalin nawa kayong lubos ng Dios na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.

25 Ipanalangin nʼyo rin kami, mga kapatid.

26 Magiliw ninyong batiin ang lahat ng mga kapatid diyan.[b]

27 Iniuutos ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon, na basahin ninyo ang liham na ito sa lahat ng mga kapatid.

28 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.

Salmo 82

Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno

82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
    Sa gitna ng mga hukom[a] siya ang humahatol sa kanila.
Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
    Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
    Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
    Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.

Kawikaan 25:9-10

Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, itoʼy inyong pag-usapan muna. At ang lihim ng bawat isa ay huwag sasabihin sa iba.
10 Baka makarating sa kaalaman ng madla at kayoʼy maging kahiya-hiya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®