The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Mensahe tungkol sa Moab
48 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol sa Moab:
“Nakakaawa ang Nebo dahil wawasakin ito. Mapapahiya at bibihagin ang Kiriataim at matitibag ang mga muog nito. 2 Hindi na papupurihan ang Moab; ang mga kaaway sa Heshbon ay nagbabalak na wasakin ang Moab. At ikaw naman Madmen ay sasalakayin ng mga kaaway at magiging mapanglaw. 3 Pakinggan nʼyo ang sigawan sa Horonaim, dahil sa matinding digmaan at kapahamakan. 4 Mawawasak ang Moab at mag-iiyakan ang mga bata. 5 Ang mga mamamayan ng Moab ay mag-iiyakan nang malakas habang paakyat sila sa Luhit at pababa sa Honoraim. Mag-iiyakan sila dahil sa kapahamakan.
6 “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Tumakas kayo papuntang ilang. 7 Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo sa kakayahan at kayamanan ninyo kaya bibihagin kayo pati ang dios-diosan ninyong si Kemosh at ang mga pari at mga pinuno nito.
8 “Darating ang manlilipol sa bawat bayan at walang bayan na makakaligtas. Mawawasak ang mga bayan sa lambak at talampas. Mangyayari ito dahil sinabi mismo ng Panginoon. 9 May pakpak sana ang Moab para makalipad siya papalayo,[a] dahil wala nang kabuluhan ang mga bayan nito at wala nang maninirahan dito. 10 Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain ng Panginoon laban sa Moab. Sumpain ang taong hindi papatay sa mga taga-Moab. 11 Tahimik ang pamumuhay ng Moab mula pa noon. Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag. Parang alak ito na hindi nagagalaw o naisasalin man sa isang sisidlan. Kaya ang lasa at amoy nitoʼy hindi nagbabago.
12 “Pero darating ang araw na isusugo ko ang mga kaaway para ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab ang dios-diosan nilang si Kemosh, gaya ng nangyari sa Betel nang ikahiya ng mga Israelita ang dios-diosan nila. 14 Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban. 15 Pero mawawasak ang Moab at ang mga bayan nito. Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan. Ako, ang Panginoon na Haring Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.
16 “Malapit na ang kapahamakan ng Moab. 17 Umiyak kayo, kayong lahat na kakampi ng Moab![b] Sabihin nʼyo, ‘Wala na ang Moab! Nabali na ang tungkod niya, ang tungkod na sagisag ng kapangyarihan at katanyagan niya.’
18 “Kayong mga taga-Dibon, magpakumbaba kayo at maupo sa lupa dahil ang nagwasak sa Moab ay sasalakay din sa inyo at gigibain ang mga lungsod nʼyo na napapalibutan ng mga pader. 19 Kayong mga nasa Aroer, tumayo kayo sa tabi ng daan at magbantay. Magtanong kayo sa mga nakatakas kung ano ang nangyari. 20 Sasagot sila, ‘Nawasak at napahiya ang Moab. Humiyaw kayo at umiyak. Isigaw nʼyo sa Arnon na nawasak ang Moab.’
21 “Parurusahan din ang mga bayan sa talampas: ang Holon, Jaza, Mefaat, 22 Dibon, Nebo, Bet Diblataim, 23 Kiriataim, Bet Gamul, Bet Meon, 24 Keriot at Bozra. Darating na ang parusa sa lahat ng bayan ng Moab, sa malayo at malapit. 25 Wala nang kapangyarihan ang Moab at mahina na ito ngayon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
26 “Lasingin nʼyo ang Moab dahil naghimagsik siya sa akin. Gugulong siya sa sariling suka at magiging katawa-tawa. 27 Kayong mga taga-Moab, hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel? Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw? Bakit iiling-iling pa kayo sa pagkutya nʼyo sa kanya? 28 Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, na parang mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar. 29 Napakayabang ninyo. Narinig ko kung gaano kayo kayabang at kapalalo. 30 Ako, ang Panginoon, nalalaman ko kung gaano kayo kayabang, pero iyan ay walang kabuluhan. 31 Kaya iiyak ako para sa mga taga-Moab at mga taga-Kir Hareset.[c] 32 Iiyak din ako para sa mga taga-Sibna ng higit kaysa sa pag-iyak ko sa mga taga-Jazer. Sibma, para kang halamang ubas na ang mga sanga ay umabot sa kabila ng Dagat na Patay hanggang sa Jazer. Pero ngayon, inubos ng mga maninira ang bunga mo. 33 Wala nang maririnig na kasayahan at katuwaan sa mga bukid at mga ubasan sa lupain ng Moab. Hindi na umaagos ang katas ng ubas sa mga pisaan. Wala ng mga pumipisa ng ubas na sumisigaw sa tuwa. May mga sumisigaw nga, pero hindi na sigaw ng tuwa. 34 Ang iyakan ng mga taga-Heshbon ay naririnig hanggang sa Eleale at Jahaz. Ang iyakan ng mga taga-Zoar ay naririnig hanggang sa Horonaim at sa Eglat Shelishiya. Sapagkat kahit ang batis ng Nimrim ay tuyo na. 35 Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar[d] at nagsusunog ng insenso sa mga dios-diosan nila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
36 “Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila. 37 Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa. 38 Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa, dahil winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin. 39 Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab! Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga mamamayan. Nakakahiya ang Moab. Kinukutya at kinamumuhian ito ng mga bansa sa palibot nito.”
40 Sinabi pa ng Panginoon, “Tingnan nʼyo! Ang kaaway ng Moab ay parang agila na lumilipad para dagitin ito. 41 Sasakupin ang mga lungsod[e] at ang mga kampo ng Moab. Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab katulad ng isang babaeng malapit nang manganak. 42 Mawawasak ang Moab dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon. 43 Ang sasapitin ng mga taga-Moab ay takot, hukay at bitag.
44 “Ang sinumang tatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay. At ang sinumang makakaligtas sa hukay ay mahuhuli sa bitag, dahil talagang parurusahan ko ang Moab sa takdang panahon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 45 Ang mga kawawang nakatakas ay nais magtago sa Heshbon. Pero ang Heshbon na pinagharian ni Haring Sihon ay nagliliyab sa apoy at nilamon pati ang mga kabundukan na pinagtataguan ng mga taga-Moab na ang gusto ay digmaan. 46 Hala! Tapos na kayo, kayong mga taga-Moab! Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Kemosh ay bibihagin ang inyong mga anak. 47 Pero darating ang araw na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Moab. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.” Ito ang mensahe tungkol sa Moab.
Ang Mensahe Tungkol sa Ammon
49 Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taga-Ammon:
“Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Molec, bakit nʼyo tinitirhan ang mga bayan ng lupain ni Gad? Wala bang lahi si Israel na magmamana ng lupaing ito? 2 Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila.
3 “Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Heshbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader para ipakita ang pagluluksa ninyo. Sapagkat bibihagin ang dios-diosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya. 4 Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang ang inyong masaganang mga kapatagan? Nagtitiwala kayo sa kayamanan ninyo at sinasabi ninyong walang sasalakay sa inyo. 5 Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay magpapadala sa inyo ng mga kaaway mula sa mga bansa sa palibot ninyo para takutin kayo. Palalayasin nila kayo sa inyong lupain at walang sinumang tutulong sa inyo. 6 Pero darating ang araw na ibabalik ko sa mabuting kalagayan ang mga taga-Ammon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Edom
7 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan tungkol sa Edom:
“Nasaan na ang marurunong sa Teman? Wala na bang natitirang marunong magpayo? 8 Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo at magtago sa malalalim na kweba. Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang mga lahi ni Esau sa oras na parusahan ko sila. 9 Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng mga bunga? Hindi baʼt ang mga magnanakaw ay kumukuha rin lang ng anumang magugustuhan nila? 10 Pero kukunin ang lahat ng ari-arian ng mga angkan ni Esau. Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila para hindi na sila makapagtago. Mamamatay ang mga anak, kamag-anak at mga kapitbahay nila. Walang matitira sa kanila. 11 Pero maiiwan sa akin ang mga ulila nʼyo dahil ako ang kakalinga sa kanila. At ang mga biyuda nʼyo ay makakaasa sa akin.”
12 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo. 13 Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bozra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
14 Narinig ko ang balita mula sa Panginoon na nagpadala siya ng mga sugo sa mga bansa para paghandain sila sa digmaan at hikayatin silang salakayin ang bansa ng Edom. 15 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Gagawin ko kayong mas mababa kaysa sa ibang mga bansa, at hahamakin nila kayo. 16 Ipinagmamalaki ninyo na nakatira kayo sa batuhan at matataas na lugar. Pero sa pagmamataas at pananakot nʼyong iyan sa iba, dinadaya nʼyo ang sarili ninyo. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
17 Sinabi pa ng Panginoon, “Magiging malagim ang kalagayan ng Edom. Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala sa nangyari sa bansang ito. 18 Kung paanong nawasak ang Sodom at Gomora at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Edom. At wala nang maninirahan dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 19 Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin? 20 Kaya pakinggan nʼyo ang binabalak kong gawin laban sa Edom pati sa mga mamamayan ng Teman: Bibihagin ko ang mga anak nila at gigibain ang mga tahanan nila. 21 At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom, mayayanig ang lupa at ang iyakan ng mga taga-roon ay maririnig hanggang sa Dagat na Pula. 22 Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bozra. Sa panahong iyon, matatakot at magiging parang babaeng malapit nang manganak ang mga sundalo sa Edom.”
4 Inaatasan kita sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at mga patay, at muling babalik at maghahari: 2 Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw. 4 Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao. 5 Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Dios.
6 Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko. 7 Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. 8 At ngayon, may inilaan ang Dios sa akin na korona ng katuwiran.[a] Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya.
Mga Personal na Bilin
9 Pagsikapan mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon 10 dahil iniwanan ako ni Demas at nagpunta siya sa Tesalonica. Iniwanan niya ako dahil mas mahal niya ang mga bagay sa mundong ito. Si Cresens naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmatia. 11 Si Lucas lang ang kasama ko. Kaya isama mo na rin si Marcos sa pagpunta mo rito dahil malaki ang maitutulong niya sa mga gawain ko. 12 Si Tykicus namaʼy pinapunta ko sa Efeso. 13 Pagpunta mo ritoʼy dalhin mo ang balabal ko na iniwan ko kay Carpus sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.
14 Napakasama ng ginawa sa akin ng panday na si Alexander. Ang Panginoon na ang bahalang magparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. 15 Mag-ingat ka rin sa kanya dahil sinasalungat niya nang husto ang mga ipinangangaral natin.
16 Walang sumama sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat. Patawarin sana sila ng Dios. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon; binigyan niya ako ng lakas para maipahayag nang husto ang Magandang Balita sa mga hindi Judio. Iniligtas niya ako sa tiyak na kamatayan.[b] 18 Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan, at dadalhin niya akong ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen!
Mga Pangangamusta
19 Ikumusta mo ako kina Priscila at Aquila at sa pamilya ni Onesiforus. 20 Si Erastus ay nanatili sa Corinto, at si Trofimus namaʼy iniwan ko sa Miletus dahil may sakit siya. 21 Sikapin mong makarating dito bago magtaglamig.
Kinukumusta ka nina Eubulus, Pudens, Linus, Claudia at ng lahat ng mga kapatid dito.
22 Sumainyo nawa ang Panginoon at ang pagpapala niya.
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
9 Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
9 Ang kasabihang sinasabi ng hangal ay makapipinsala tulad ng matinik na kahoy na hawak ng lasing.
10 Kahangalan ang pumana ng kahit sino; gayon din ang pagkuha sa hangal o sa sinumang dumadaan upang upahan.
11 Inuulit ng hangal ang kanyang kahangalan, tulad ng asong binabalikan ang kanyang suka para kainin.
12 Mas mabuti pa ang hinaharap ng isang taong mangmang kaysa sa taong nagmamarunong.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®