The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
4 Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay tulad ng kumupas na ginto o ng mamahaling bato na nagkalat sa lansangan. 2 Kung katulad sila ng tunay na ginto noon, ngayon namaʼy itinuturing na parang mga palayok na gawa sa putik. 3 Kahit na ang mga asong-gubat ay pinasususo ang kanilang mga tuta, pero ang mga mamamayan koʼy naging malupit sa kanilang mga anak, gaya ng malalaking ibon[a] sa disyerto.
4 Dumidikit na sa ngala-ngala ng mga sanggol ang mga dila nila dahil sa uhaw. Humihingi ng pagkain ang mga bata pero walang nagbibigay sa kanila. 5 Ang mga taong dati ay kumakain ng masasarap, ngayoʼy namamatay na sa gutom sa mga lansangan. Ang mga dating lumaking mayaman, ngayoʼy naghahalungkat ng makakain sa mga basurahan. 6 Ang parusa sa aking mga kababayan ay higit pa sa parusa sa mga taga-Sodom, na biglang winasak ng Dios at ni walang tumulong. 7 Ang mga pinuno ng Jerusalem, nooʼy malulusog at malalakas ang katawan. Nakakasilaw ang kanilang kaputian gaya ng snow o gatas, at mamula-mula ang kutis tulad ng mga mamahaling bato. 8 Pero ngayon, hindi na sila makilala at mas maitim pa kaysa sa uling. Mga butoʼt balat na lamang sila at parang kahoy na natuyo. 9 Di-hamak na mas mabuti pa ang mga namatay sa digmaan kaysa sa mga namatay sa gutom na unti-unting namatay dahil sa walang makain. 10 At dahil sa kapahamakang ito na nangyari sa aking mga kababayan, ang mga mapagmahal na ina ay napilitang iluto ang sarili nilang mga anak para kainin dahil sa labis na gutom.
11 Ibinuhos ng Panginoon ang matindi niyang poot sa Jerusalem, sinunog niya ito pati na ang pundasyon nito. 12 Hindi makapaniwala ang mga hari sa buong mundo pati na ang kanilang mga nasasakupan, na mapapasok ng mga kaaway ang mga pintuan ng Jerusalem. 13 Pero nangyari ito dahil sa kasalanan ng mga propeta at mga pari nito na pumatay ng mga taong walang kasalanan. 14 Sila ngayon ay nangangapa sa mga lansangan na parang mga bulag. Puno ng dugo ang kanilang mga damit, kaya walang sinumang nagtangkang humipo sa kanila. 15 Pinagsisigawan sila ng mga tao, “Lumayo kayo! Marumi kayo. Huwag nʼyo kaming hipuin.” Kaya lumayo silaʼt nagpalaboy-laboy sa ibang mga bansa pero walang tumanggap sa kanila. 16 Ang Panginoon ang siyang nagpangalat sa kanila at hindi na niya sila pinapansin. Hindi na iginagalang ang mga pari at ang mga tagapamahala.
17 Lumalabo na ang aming paningin sa kahihintay ng tulong ng aming mga kakamping bansa, pero hindi sila tumulong sa amin. Sa mga tore namin ay nagbantay kami at naghintay sa pagdating ng mga bansang ito na hindi rin makapagliligtas sa amin. 18 Binabantayan ng mga kaaway ang mga kilos namin. Hindi na kami makalabas sa mga lansangan. Bilang na ang mga araw namin; malapit na ang aming katapusan. 19 Ang mga kaaway na tumutugis sa amin ay mas mabilis pa kaysa sa agila. Tinutugis kami sa mga bundok at inaabangan kami sa disyerto para salakayin. 20 Nahuli nila ang aming hari na hinirang ng Panginoon, ang inaasahan naming mangangalaga sa amin mula sa mga kaaway naming bansa.
21 Magalak kayo ngayon, mga angkan ni Edom na nakatira sa lupain ng Uz. Dahil kayo man ay paiinumin din sa tasa ng parusa ng Panginoon. Malalasing din kayo at malalagay sa kahihiyan. 22 Mga taga-Jerusalem, matatapos na ang parusa ninyo. Hindi magtatagal ay pauuwiin na kayo ng Panginoon mula sa lugar na ito na pinagdalhan sa inyo nang bihagin kayo. Pero kayong mga taga-Edom, parurusahan kayo ng Panginoon dahil sa inyong mga kasalanan at ibubunyag niya ang inyong kasamaan.
5 Panginoon, alalahanin nʼyo po ang nangyari sa amin. Masdan nʼyo ang dinanas naming kahihiyan. 2 Kinuha ng mga dayuhan ang mga lupaʼt bahay namin. 3 Naulila kami sa ama, kaya nabiyuda ang aming mga ina. 4 Kinakailangang bayaran pa namin ang tubig na aming iniinom at ang kahoy na aming ipinanggagatong. 5 Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop at hindi man lang pinagpapahinga. 6 Nagpasakop kami sa mga taga-Egipto at Asiria para magkaroon ng pagkain. 7 Ang mga ninuno naming patay na ang nagkasala pero kami ngayon ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan. 8 Napailalim kami sa mga alipin at walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay. 9 Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay sa mga armadong tao sa disyerto. 10 Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom, at ang aming katawan ay kasing init ng pugon. 11 Pinagsamantalahan ang mga asawa namin sa Jerusalem at ang mga anak naming babae sa mga bayan ng Juda. 12 Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala at hindi iginalang ang aming matatanda. 13 Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan at ang mga batang lalaki ay nagkandasuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy. 14 Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod para magbigay ng payo at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika. 15 Wala na kaming kagalakan. Sa halip na magsayaw, nagdadalamhati kami. 16 Wala na rin kaming karangalan. Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala. 17 Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin at nagdidilim ang aming paningin. 18 Dahil napakalungkot na ng Jerusalem at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.
19 O Panginoon, maghahari kayo magpakailanman. Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi. 20 Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan? Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan? 21 Ibalik nʼyo kami sa inyo, at kami ay babalik. Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan. 22 Talaga bang sobra na ang galit nʼyo sa amin kaya itinakwil nʼyo na kami?
Babala sa mga Lumilihis ng Landas
2 Kaya dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin para hindi tayo maligaw. 2 Isipin ninyo: Ang Kautusang ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at tumanggap ng kaukulang parusa ang bawat taong lumabag o sumuway dito. 3 Kaya hindi tayo makakaligtas kung babalewalain natin ang dakilang kaligtasang ito. Ang Panginoon mismo ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya. 4 Pinatunayan din ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa, at ibaʼt ibang kakayahang kaloob ng Banal na Espiritu na ipinamahagi niya ayon sa kanyang kalooban.
Dumating ang Kaligtasan sa Pamamagitan ni Cristo
5 Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Dios sa mga anghel. 6 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:
“O Dios, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
7 Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo siya bilang hari, 8 at ipinasakop nʼyo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”[a]
Ang sinasabi ng Kasulatan na ipinasakop ang lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang darating ang araw na walang anumang bagay na hindi maipapasakop sa tao. Pero ngayon, hindi pa natin nakikita na sakop ng tao ang lahat ng bagay. 9 Ngunit kung tungkol kay Jesus, alam natin na sa maikling panahon naging mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel, para maranasan niyang mamatay para sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. At ngayon, binigyan siya ng karangalan at kadakilaan dahil tiniis niya ang kamatayan. 10 Ginawa ng Dios ang lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa sarili niya. Kaya marapat lang na pumayag siyang maghirap si Jesus, para lubos na magampanan ni Jesus ang nararapat bilang pinagmumulan ng kaligtasan. Sa ganoon, maraming mga tao ang magiging kanyang mga anak na kanyang mapaparangalan. 11 Si Jesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya. 12 Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama:
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang mga ginawa mo, at aawit ako ng papuri sa iyo sa piling ng mga sumasamba sa iyo.”[b]
13 Sinabi rin niya,
“Magtitiwala ako sa Dios.”[c]
At idinagdag pa niya,
“Narito ako, kasama ang mga anak ng Dios na kanyang ibinigay sa akin.”[d]
14 At yamang ang mga anak ng Dios na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Jesus upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay malupig niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa ganitong paraan, pinalaya niya sila na naging alipin ng takot sa kamatayan sa buong buhay nila. 16 Kaya malinaw na hindi ang mga anghel ang tinutulungan ni Jesus kundi ang lahi ni Abraham. 17 Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkatawang-tao ni Jesus, upang maging katulad siya ng mga kapatid niya sa lahat ng bagay. Sa ganoon, siya ay magiging punong pari nila na maawain at tapat, na makapaghahandog sa Dios para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. 18 At dahil siya mismo ay nakaranas ng paghihirap nang tinukso siya, matutulungan niya ang mga dumaranas ng tukso.
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
14 Dahil alam niya ang ating kahinaan,
alam niyang nilikha tayo mula sa lupa.
15 Ang buhay ng tao ay tulad ng damo.
Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
itoʼy nawawala at hindi na nakikita.
17-18 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan,
at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.
Purihin ang Panginoon!
23 Maaaring itago ng magandang pananalita ang masamang isipan, tulad nito ay mumurahing banga na pininturahan ng pilak.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®