Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 28-29

Si Jeremias at si Propeta Hanania

28 Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, may sinabi sa akin si Propeta Hanania na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan ng templo ko na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Pagkatapos, sumagot si Propeta Jeremias kay Propeta Hanania roon sa harap ng mga pari at mga tao sa templo ng Panginoon. Sinabi niya, “Amen! Gawin sana iyon ng Panginoon! Sanaʼy gawin ng Panginoon ang sinabi mong dadalhin niya pabalik dito ang mga kagamitan ng templo at ang lahat ng bihag sa Babilonia. Pero pakinggan mo itong sasabihin ko sa iyo at sa lahat ng nakikinig dito. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagsabi noon na darating ang digmaan, gutom, at sakit sa maraming bansa at mga tanyag na kaharian. Pero ang propetang magsasabi ng kapayapaan ay dapat mapatunayan. Kung mangyayari ang sinasabi niyang kapayapaan, kikilalanin siyang tunay na propeta ng Panginoon.”

10 Pagkatapos, kinuha ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias at kanyang binali. 11 At sinabi niya sa mga taong naroroon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga bansang sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang nilagyan niya ng pamatok. Pero sisirain ko ang pamatok na iyon sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos, umalis si Jeremias.

12 Hindi nagtagal, pagkatapos baliin ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 13 “Puntahan mo si Hanania at sabihin mo na ito ang sinasabi ko: Binali mo ang pamatok na kahoy pero papalitan ko iyan ng pamatok na bakal. 14 Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabing: Ipapapasan ko ang pamatok na bakal sa lahat ng bansa, para maglingkod sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.”

15 Pagkatapos, sinabi ni Propeta Jeremias kay Propeta Hanania, “Hanania, makinig ka! Hindi ka sinugo ng Panginoon, pero pinapaniwala mo ang bansang ito sa kasinungalingan mo. 16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Mawawala ka sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito dahil tinuruan mo ang mga tao na magrebelde sa akin.’ ”

17 Kaya noong ikapitong buwan ng taon ding iyon, namatay si Propeta Hanania.

Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Bihag

29 Mula sa Jerusalem, sumulat si Jeremias sa mga tagapamahala, mga pari, mga propeta, at sa iba pang mga bihag na dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia. Isinulat niya ito pagkatapos na mabihag si Haring Jehoyakin, ang kanyang ina, ang mga namamahala sa palasyo, mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mahuhusay na panday at manggagawa. At ibinigay ni Jeremias ang sulat kina Elasa na anak ni Shafan at Gemaria na anak ni Hilkia. Sila ang sinugo ni Haring Zedekia kay Nebucadnezar sa Babilonia. Ito ang nakasaad sa sulat:

Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, sa lahat ng taga-Jerusalem na ipinabihag niya sa Babilonia. “Magtayo kayo ng mga bahay at doon kayo tumira. Magtanim kayo at kumain ng inyong ani. Mag-asawa kayo at nang magkaanak kayo. Hayaan din ninyong mag-asawa ang mga anak nʼyo at nang magkaanak din sila para dumami kayo nang dumami. Tumulong kayo para sa kabutihan at kaunlaran ng lungsod na pinagdalhan sa inyo. Ipanalangin nʼyo ito dahil kapag umunlad ito, uunlad din kayo.”

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Huwag kayong palilinlang sa mga propeta ninyo o sa mga kasama ninyong manghuhula. Huwag kayong maniniwala sa mga panaginip nila. Sapagkat nagsasalita sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo. 10 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing pagkatapos ng 70 taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo. 11 Alam ko kung paano ko tutuparin ang mga plano ko para sa kabutihan nʼyo at hindi sa kasamaan nʼyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asa na magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan. 12 Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo. 13 Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo. 14 Oo, tutulungan ko kayo at ibabalik mula sa pagkakabihag.[a] Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.

15 “Baka sabihin nʼyong nagsugo ako sa inyo ng mga propeta riyan sa Babilonia, 16 pero ito ang sinabi ko tungkol sa haring nagmula sa angkan ni David at sa lahat ng kababayan nʼyo na naiwan sa lungsod ng Jerusalem na hindi nabihag kasama nʼyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom at sakit. Matutulad sila sa bulok na igos na hindi na makakain. 18 Talagang hahabulin sila ng digmaan, taggutom at sakit, at kasusuklaman sila ng lahat ng kaharian. Itataboy ko sila sa kung saan-saang bansa, at susumpain, kasusuklaman at kukutyain sila roon ng mga tao. 19 Sapagkat hindi nila pinakinggan ang mga salita ko na palaging sinasabi sa kanila ng mga lingkod kong propeta. At pati kayong mga binihag ay hindi rin naniwala.”

20 Kaya makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon, kayong mga ipinabihag niya mula sa Jerusalem papunta sa Babilonia. 21 Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol kina Ahab na anak ni Kolaya at Zedekia na anak ni Maaseya, “Nagsalita sa inyo ng kasinungalingan ang mga taong ito sa pangalan ko. Kaya ibibigay ko sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sila ay ipapapatay niya sa harap mismo ninyo. 22 Dahil sa kanila, ang lahat ng bihag sa Babilonia na mga taga-Juda ay susumpa ng ganito sa kapwa nila, ‘Nawaʼy patayin ka ng Panginoon katulad nina Zedekia at Ahab na sinunog ng hari ng Babilonia.’ 23 Mangyayari ito sa kanila dahil gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay sa Israel. Nangalunya sila sa asawa ng kapwa nila at nagsalita ng kasinungalingan sa pangalan ko na hindi ko iniutos na gawin nila. Nalalaman ko ang mga ginawa nila at makapagpapatunay ako laban sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe para kay Shemaya

24-25 Ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagbigay sa akin ng mensahe para kay Shemaya na taga-Nehelam. “Ito ang sinabi niya: Shemaya, sa pamamagitan ng pangalan mo lang ay nagpadala ka ng sulat kay Zefanias na anak ni Maaseya na pari, at pinadalhan mo rin ng kopya ang iba pang mga pari, at ang lahat ng taga-Jerusalem. Ayon sa sulat mo kay Zefanias, sinabi mo, 26 ‘Hinirang ka ng Panginoon na papalit kay Jehoyada bilang tagapamahala ng templo. Katungkulan mo ang pagdakip at paglalagay ng kadena sa leeg ng sinumang hangal na nagsasabing propeta siya. 27 Bakit hindi mo pinigilan si Jeremias na taga-Anatot na nagsasabing propeta siya riyan sa inyo? 28 Sumulat pa siya rito sa amin sa Babilonia na kami raw ay magtatagal pa rito. Kaya ayon sa kanya, magtayo raw kami ng mga bahay at dito na kami manirahan, magtanim at kumain ng ani namin.’ ”

29 Nang matanggap ni Zefanias ang sulat ni Shemaya, binasa niya ito kay Propeta Jeremias. 30 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 31 “Ipadala mo ang mensaheng ito sa lahat ng bihag. Sabihin mo sa kanilang ito ang sinabi ko tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam: Hindi ko sinugo si Shemaya para magsalita sa inyo. Pinapaniwala niya kayo sa kasinungalingan niya. 32 Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing parurusahan ko siya pati ang mga angkan niya. Wala ni isa man sa mga angkan niya ang makakakita ng mga mabubuting bagay na gagawin ko sa inyo, dahil tinuruan niya kayong magrebelde sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

1 Timoteo 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.

Mahal kong Timoteo, tunay kong anak sa pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala sa mga Maling Aral

Gaya ng ibinilin ko sa iyo noong papunta ako sa Macedonia, manatili ka muna riyan sa Efeso para patigilin ang ilang tao riyan na nagtuturo ng maling doktrina. Pagsabihan mo rin sila na huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat at ang pagsasaliksik sa kung sinu-sino ang mga ninuno nila. Nagdudulot lang ng pagtatalo-talo ang mga bagay na ito. Hindi ito makakatulong para malaman nila ang kalooban ng Dios. Malalaman lang natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng utos kong ito ay magmahalan sila. At magagawa lang nila ito kung malinis ang kanilang puso at konsensya, at kung tunay ang pananampalataya nila. May ilang tumalikod na sa mga bagay na ito, at bumaling sa walang kwentang pakikipagtalo. Gusto nilang maging tagapagturo ng Kautusan, pero hindi naman nila nauunawaan ang mga sinasabi nila, ni ang mga bagay na pilit nilang pinaniniwalaan.

Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan. Dapat nating alalahanin na hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga lumalabag sa batas, suwail, ayaw kumilala sa Dios, makasalanan, walang hilig sa kabanalan, lapastangan, pumapatay sa sariling magulang, at mga mamamatay-tao. 10 Ang Kautusan ay ibinigay din para sa mga gumagawa ng sekswal na imoralidad, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, kidnaper, sinungaling at tumetestigo nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral 11 na naaayon sa Magandang Balita ng[a] dakila at mapagpalang Dios. Ipinagkatiwala sa akin Ang Magandang Balitang ito para ipahayag.

Pasasalamat sa Awa ng Dios

12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon na nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa kanya, dahil itinuring niya akong mapagkakatiwalaan. Kaya nga pinili niya akong maglingkod sa kanya, 13 kahit na nilapastangan ko siya noong una. Bukod pa riyan, inusig at nilait ko ang mga sumasampalataya sa kanya. Ngunit kinaawaan ako ng Dios, dahil ginawa ko ito noong hindi pa ako sumasampalataya sa kanya at hindi ko alam ang ginagawa ko. 14 Sadyang napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa akin ng ating Panginoon, pati na ang pag-ibig at pananampalataya, na napasaatin dahil kay Cristo Jesus. 15 Ito ang katotohanang dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat: naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamakasalanan sa lahat. 16 Ngunit kinaawaan ako ng Dios para maipakita ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ko kung gaano siya katiyaga sa mga makasalanan. Magsisilbing halimbawa ang ginawa ni Cristo sa akin para sa iba na sasampalataya sa kanya na pagkakalooban niya ng buhay na walang hanggan. 17 Purihin at dakilain magpakailanman ang Haring walang hanggan at walang kamatayan – ang di-nakikita at nag-iisang Dios. Amen.

18 Timoteo, anak ko, ibinibilin ko sa iyo na huwag mong kalimutan ang sinabi noon ng mga propeta tungkol sa iyo, para magawa mong makipaglaban nang mabuti sa mga sumasalungat sa katotohanan. 19 Ingatan mo ang pananampalataya mo at panatilihin mong malinis ang konsensya mo. May mga taong hindi nakinig sa konsensya nila, at dahil dito, sinira nila ang kanilang pananampalataya. 20 Kabilang na rito sina Hymeneus at Alexander na ipinaubaya ko na kay Satanas para maturuang huwag lumapastangan sa Dios.

Salmo 86

Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios

86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
    Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
    at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
    Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
    walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
Ang lahat ng bansa[a] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
    Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
    Kayo ang nag-iisang Dios.
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
    at susundin ko ito nang may katapatan.[b]
    Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
    Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
    Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
    Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
    Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
    bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
    upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
    Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.

Kawikaan 25:17

17 Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay, baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®