The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
27 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na pararamihin ko ang mga mamamayan ng Israel at Juda, pati ang mga hayop nila. 28 Noong una ay winasak, giniba, at ibinuwal ko sila pero sa bandang huli, muli ko silang ibabangon at itatayo. 29 Sa panahong iyoʼy hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Kumain ng maasim na ubas ang mga magulang at ang asim ay nalasahan ng mga anak.’ 30 Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas, siya lang ang makakalasa ng asim nito. Ang taong nagkasala lang ang siyang mamamatay.”
31 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda. 32 At hindi ito katulad ng unang kasunduan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong pinatnubayan ko sila sa paglabas sa Egipto. Kahit na akoʼy parang asawa nila, hindi nila tinupad ang una naming kasunduan.”
33 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon: Itatanim ko sa isipan nila ang utos ko, at isusulat ko ito sa mga puso nila. 34 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon. Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.” 35 Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang nag-utos sa para magbigay-liwanag sa maghapon, at sa buwan at mga bituin na magbigay-liwanag sa magdamag. At ako ang kumakalawkaw ng dagat hanggang sa umugong ang mga alon. Makapangyarihang Panginoon ang pangalan ko. 36 Habang nananatili ang langit at ang mundo, mananatili rin ang bansang Israel magpakailanman. 37 Kung paanong hindi masusukat ang langit at hindi malalaman ang pundasyon ng lupa, ganoon din naman, hindi ko maitatakwil ang lahat ng angkan ng Israel kahit na marami silang nagawang kasalanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
38 Patuloy na sinabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na ang lungsod ng Jerusalem ay muling itatayo mula sa Tore ni Hananel hanggang sa Panulukang Pintuan. 39 Mula sa mga lugar na iyon, magpapatuloy ang hangganan patungo sa burol ng Gareb at saka liliko sa Goa. 40 Ang buong lambak na tinatapunan ng mga bangkay at mga basura ay nakatalaga sa akin pati ang lahat ng bukirin sa Lambak ng Kidron hanggang sa pintuan na tinatawag na Kabayo sa silangan. Ang lungsod na itoʼy hindi na mawawasak o muling magigiba.”
Bumili ng Bukid si Jeremias
32 Ang Panginoon ay nagsalita kay Jeremias noong ikasampung taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, nang ika-18 taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2 Nang panahong iyon, kinukubkob ang Jerusalem ng mga sundalo ng Babilonia, at si Propeta Jeremias ay nakakulong sa bilangguan sa himpilan ng mga guwardya sa palasyo ng hari ng Juda. 3 Ikinulong siya roon ni Haring Zedekia dahil sa kanyang ipinahayag. Sapagkat sinasabi ni Jeremias, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lungsod na ito sa hari ng Babilonia at sasakupin niya ito. 4 Si Haring Zedekia ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia,[a] kundi talagang ihaharap siya sa hari ng Babilonia para hatulan. 5 Dadalhin ko si Zedekia sa Babilonia at mananatili siya roon hanggang sa matapos ang pagpaparusa sa kanya. Lumaban man kayo sa mga taga-Babilonia, hindi rin kayo magtatagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
6 Sinabi pa ni Jeremias, “Sinabi sa akin ng Panginoon na 7 si Hanamel na anak ng tiyo kong si Shalum ay lalapit sa akin at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko sa Anatot. Dahil ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak, may karapatan at tungkulin kang bilhin ito.’
8 “Gaya nga ng sinabi sa akin ng Panginoon, pumunta sa akin si Hanamel na pinsan ko roon sa himpilan ng mga guwardya. Sinabi niya sa akin, ‘Bilhin mo ang bukid ko roon sa Anatot sa lupain ng lahi ni Benjamin. May karapatan at tungkulin ka para mapasaiyo iyon, kaya bilhin mo na iyon.’ ”
Alam kong kalooban ito ng Panginoon, 9 kaya binili ko ang bukid na iyon kay Hanamel sa halagang 17 pirasong pilak. 10 Nilagdaan at tinatakan niya ang mga kasulatan ng bilihan sa harap ng mga saksi at tinimbang ang pilak bilang kabayaran. 11 Pagkatapos, kinuha ko ang mga kasulatang may tatak at ang kopyang walang tatak kung saan nakasulat ang mga kasunduan ng bilihan. 12 At ibinigay ko ito kay Baruc na anak ni Neria na apo ni Maseya, sa harap ni Hanamel at ng mga saksi na pumirma sa mga kasulatang ito, at sa harap ng lahat ng Judio na nakaupo sa himpilan ng mga guwardya.
13 At sa harap nilaʼy sinabi ko kay Baruc 14 na ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kunin mo ang mga kasulatang natatakan at hindi natatakan, at ilagay mo sa palayok para hindi ito masira at para tumagal ito ng mahabang panahon. 15 Sapagkat darating ang araw na muling magbibilihan ng mga ari-arian ang mga tao sa lugar na ito. Magbibilihan sila ng mga bahay, mga bukid, at mga ubasan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
16 Pagkatapos kong maibigay ang kasulatan kay Baruc na anak ni Neria, nanalangin ako. 17 “O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa. 18 Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Dios, ang pangalan ninyo ay Panginoong Makapangyarihan. 19 Napakaganda po ng mga plano nʼyo at kahanga-hanga ang mga gawa ninyo. Nakikita nʼyo ang lahat ng ginagawa ng mga tao at ginagantihan nʼyo po sila ayon sa mga pag-uugali at gawa nila. 20 Gumawa kayo ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay doon sa Egipto, at patuloy nʼyo po itong ginagawa hanggang dito sa Israel at sa ibang mga bansa. At sa pamamagitan nito, naging tanyag po kayo sa lahat ng dako. 21 Sa pamamagitan ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay, at sa kapangyarihan nʼyo, natakot po ang mga taga-Egipto at pinalaya nʼyo ang mamamayan nʼyong mga Israelita sa Egipto. 22 Ibinigay po ninyo sa kanila ang maganda at masaganang lupain[b] na siyang ipinangako nʼyong ibibigay sa kanilang mga ninuno. 23 Naging kanila po ito pero hindi sila sumunod sa inyo o sa mga kautusan nʼyo, at hindi nila ginawa ang ipinapagawa nʼyo sa kanila. Kaya pinadalhan nʼyo sila ng kapahamakan. 24 At ngayon, tinatambakan ng lupa ng mga taga-Babilonia ang gilid ng pader ng Jerusalem para mapasok at maagaw nila ang lungsod At dahil sa digmaan, gutom, at sakit, marami pong namatay at naagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod ayon din po sa sinabi ninyo. 25 Ngunit sa kabila po ng lahat ng ito, O Panginoong Dios, sinugo nʼyo ako para bilhin ang bukid sa harap ng mga saksi kahit malapit nang maagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”
26 Kaya sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 27 “Ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat ng tao. Mayroon bang bagay na hindi ko magagawa? 28 Kaya tandaan mo, ibibigay ko ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia at sa hari nilang si Nebucadnezar, at mapapasakanila ito. 29 Susunugin nila ito, lalo na ang mga bahay na ang mga bubungan ay sinusunugan ng mga insenso para kay Baal at hinahandugan ng mga handog na inumin para sa mga dios-diosan na labis kong ikinagalit.
30 “Mula pa noong una, wala nang ginawa ang mga taga-Israel at taga-Juda kundi puro kasamaan. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng mga ginagawa nila. 31 Mula nang itayo ang lungsod na ito hanggang ngayon, ginagalit ako ng mga mamamayan nito. Kaya wawasakin ko na ito. 32 Ginagalit ako ng mga taga-Israel at taga-Juda dahil sa masasama nilang ginagawa. Lahat sila; ang kanilang mga hari at pinuno, mga pari at propeta, at ang mga taga-Jerusalem. 33 Lumayo sila sa akin kahit palagi ko silang tinuturuan. Ayaw nilang makinig at ayaw nilang magpaturo. 34 Dinungisan nila ang templo ko kung saan dinadakila ang pangalan ko. Inilagay nila roon ang mga dios-diosan nilang kasuklam-suklam. 35 Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal sa Lambak ng Ben Hinom at doon din nila inihahandog ang kanilang mga anak kay Molec. Hindi ko sila inutusan ng ganoon. Ni hindi sumagi sa isipan ko na gagawin nila itong kasuklam-suklam na bagay na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda.
36 “Jeremias, totoo ang sinabi mong ibibigay sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at sakit. Pero ngayon ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: 37 Titipunin ko ang mga mamamayan ko mula sa lahat ng bansa na pinangalatan ko sa kanila dahil sa matinding galit ko sa kanila. Muli ko silang dadalhin sa lugar na ito at mamumuhay sila nang payapa. 38 Magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. 39 Bibigyan ko sila ng pagkakaisa sa puso at hangarin sa buhay upang sambahin nila ako magpakailanman, para sa sarili nilang kabutihan at sa kabutihan ng mga angkan nila. 40 Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila na patuloy akong gagawa ng mabuti sa kanila. Bibigyan ko sila ng hangaring gumalang sa akin para hindi na sila lumayo sa akin. 41 Kagalakan ko ang gawan sila ng mabuti at buong puso ko silang patitirahin sa lupaing ito.”
42 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung paano ko pinadalhan ng kapahamakan ang mga taong ito, darating ang araw na padadalhan ko rin sila ng kabutihang ipinangako ko sa kanila. 43 At muling magbibilihan ng mga bukid sa lupaing ito na ngayon ay malungkot at walang naninirahang tao o hayop man dahil ibinigay ito sa mga taga-Babilonia.
44 “Muling magbibilihan ng mga bukid, na lalagdaan, tatatakan at sasaksihan ang mga kasulatan ng bilihan. Gagawin ito sa lupain ni Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, sa mga bayan sa kabundukan at kaburulan sa kanluran, at sa Negev. Mangyayari ito dahil pababalikin ko ang mga mamamayan ko sa lupain nila mula sa pagkakabihag.[c] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang mga Namumuno sa Iglesya
3 Totoo ang kasabihan na ang nagnanais na mamuno sa iglesya ay nagnanais ng mabuting gawain. 2 Kailangan na ang namumuno ay walang kapintasan,[a] iisa ang asawa, marunong magpigil sa sarili, marunong magpasya kung ano ang nararapat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa mga tao, at magaling magturo. 3 Hindi siya dapat lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi mukhang pera. 4 Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya. 5 Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya? 6 Dapat ay hindi siya bagong mananampalataya, at baka maging mayabang siya at mahatulan katulad ni Satanas. 7 Bukod pa rito, kailangang iginagalang siya ng mga hindi miyembro ng iglesya para hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diablo.
Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya
8 Ganoon din naman sa mga tagapaglingkod sa iglesya:[b] kailangang kagalang-galang sila, tapat sa kanilang salita, hindi lasenggo, at hindi sakim. 9 Kailangang iniingatan nila nang may malinis na konsensya ang ipinahayag na katotohanan tungkol sa pananampalataya kay Cristo. 10 Kailangan ding masubok muna sila; at kung mapatunayang karapat-dapat, hayaan silang makapaglingkod. 11 Kailangang kagalang-galang din ang mga asawa nila, hindi mapanira sa kapwa, marunong magpigil sa sarili, at maaasahan sa lahat ng bagay. 12 Dapat iisa lang ang asawa ng mga tagapaglingkod at mahusay mamahala ng kanilang pamilya. 13 Ang mga naglilingkod nang mabuti ay iginagalang ng mga tao at hindi na natatakot magsalita tungkol sa pananampalataya nila kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya
14 Kahit na inaasahan kong makakapunta riyan sa iyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang tagubiling ito para 15 kung sakaling maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat ugaliin ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Dios. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buhay na Dios, ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Tunay na napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:
Nagpakita siya bilang tao,
pinatotohanan ng Banal na Espiritu na siyaʼy matuwid,
nakita siya ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
pinaniwalaan ng mundo,
at dinala sa langit.
Panalangin ng Nagdurusa
88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
2 Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
3 Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
4 Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
5 Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
Para akong patay na inilagay sa libingan,
kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
6 Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
7 Sobra ang galit nʼyo sa akin,
parang mga alon na humahampas sa akin.
8 Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
Nakulong ako at hindi na makatakas.
9 Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
wala akong naging kasama kundi kadiliman.
20 Kung aawitan mo ng masayang awitin ang taong nasa matinding kapighatian ay para mo na rin siyang hinubaran sa panahon ng taglamig o kayaʼy nilagyan mo ng suka ang kanyang sugat.
21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kapag nauuhaw, painumin mo.
22 Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®