Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 42:1-44:23

Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias

42 Pagkatapos, lumapit kay Jeremias sina Johanan na anak ni Karea, Azaria na anak ni Hosaya, ang kasama nilang opisyal ng mga sundalo, at ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sinabi nila kay Jeremias, “Nakikiusap kami sa iyo, kaming mga natitira, na ipanalangin mo kami sa Panginoon na iyong Dios. Marami kami noon, pero ngayon kakaunti na lang katulad ng nakikita mo. Manalangin ka sa Panginoon na iyong Dios para sabihin niya sa amin kung saan kami pupunta at ano ang dapat naming gawin.” Sinabi ni Jeremias, “Sige, mananalangin ako sa Panginoon na inyong Dios para sa kahilingan nʼyo, at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi niya. Wala akong ililihim sa inyo.”

Sinabi pa nila kay Jeremias, “Ang Panginoon na iyong Dios ang tunay at tapat nating saksi, kung hindi namin gagawin ang lahat ng sasabihin niya sa pamamagitan mo. Magustuhan man namin o hindi, bastaʼt susundin namin ang sasabihin ng Panginoon naming Dios, para maging mabuti ang lahat para sa amin.”

Pagkalipas ng sampung araw, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias. Kaya pinatawag ni Jeremias si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng kasama niyang opisyal ng mga sundalo, pati ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. At sinabi ni Jeremias sa kanila, “Hiniling ninyo na manalangin ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at ito ang sagot niya: 10 Kung mananatili kayo sa lupaing ito, ibabangon ko kayo at muling itatayo at hindi na ipapahamak. Sapagkat totoong nalungkot ako sa kapahamakang ipinaranas ko sa inyo. 11 Huwag na kayong matakot sa hari ng Babilonia dahil kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo sa mga kamay niya. 12 Kahahabagan ko kayo. Gagawa ako ng paraan para kahabagan niya kayo at payagang manatili sa inyong lupain.

13 “Pero kung ayaw ninyong sundin ang Panginoon na inyong Dios, at sasabihin ninyo, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito. 14 Pupunta kami sa Egipto at doon maninirahan dahil doon ay walang digmaan o taggutom.’ 15 Ito ang sasabihin sa inyo ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kayong mga natitirang taga-Juda, kung nagpasya kayong pumunta sa Egipto at doon manirahan, 16 ang digmaan at taggutom na inyong kinatatakutan ay susunod sa inyo, at doon kayo mamamatay. 17 Ang lahat ng may nais manirahan sa Egipto ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Walang sinuman sa kanila ang makakaligtas o makakatakas sa kapahamakang ipaparanas ko sa kanila.’

18 “Ito pa ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung paano ko ipinadama sa mga taga-Jerusalem ang tindi ng galit ko, ipadarama ko rin sa inyo ang galit ko kung pupunta kayo sa Egipto. Susumpain at kasusuklaman kayo ng mga tao. Kukutyain nila kayo at ituturing na masama, at hindi na kayo makakabalik pa sa lupaing ito.’

19 “Kayong mga natitirang taga-Juda, sinasabi ng Panginoon na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan nʼyo ang mga babalang ito na sinabi ko sa inyo ngayon. 20 Hindi mabuti ang ginawa ninyo. Hiniling ninyo sa akin na lumapit sa Panginoon na inyong Dios at manalangin para sa inyo at sinabing gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin niya. 21 Pero ngayong sinabi ko sa inyo ang ipinapasabi niya, ayaw naman ninyong sundin. 22 Kaya tinitiyak ko sa inyo na mamamatay kayo sa digmaan, taggutom at sakit sa Egipto, sa lugar kung saan nais ninyong manirahan.”

Si Jeremias ay Dinala sa Egipto

43 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon na kanilang Dios ang tungkol sa kanila, sinabi sa kanya nina Azaria na anak ni Hosaya, Johanan na anak ni Karea, at ng iba pang mayayabang na lalaki, “Sinungaling ka! Hindi ka isinugo ng Panginoon na aming Dios, para sabihin sa amin na hindi kami dapat pumunta sa Egipto upang manirahan doon. Si Baruc na anak ni Neria ang naghikayat sa iyo na ibigay kami sa mga taga-Babilonia para patayin nila kami o bihagin.”

Kaya si Johanan na anak ni Karea at ang mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo at ang lahat ng mamamayan ay hindi sumunod sa utos ng Panginoon na manatili sila sa Juda. Sa halip, dinala ni Johanan at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang mga natirang taga-Juda na nagsibalikan sa Juda mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan nila. Kabilang dito ang mga lalaki, babae, bata, at mga anak na babae ng hari na ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Dinala rin nila sina Propeta Jeremias at Baruc na anak ni Neria. Hindi sila sumunod sa Panginoon, talagang pumunta sila sa Egipto, at nakarating sila sa lungsod ng Tapanhes.

Doon sa Tapanhes, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Habang nakatingin ang mga taga-Juda, kumuha ka ng malalaking bato at ibaon mo sa lupa sa gitna ng daan papasok sa palasyo ng Faraon[a] sa Tapanhes. 10 Pagkatapos, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Susuguin ko ang lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ilalagay ko ang kanyang trono at toldang panghari sa ibabaw ng mga batong ito na ibinaon ko sa lupa sa gitna ng daan. 11 Sasalakayin niya ang Egipto at papatayin niya ang mga itinakdang patayin, at bibihagin niya ang mga itinakdang bihagin. Ang ibaʼy itinakdang mamatay sa digmaan. 12 Susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan sa Egipto. Ang ibang mga dios-diosan ay masusunog din, at ang iba ay dadalhin niyang bihag. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto katulad ng paglilinis ng pastol ng kanyang damit para alisin ang mga pulgas. Pagkatapos, aalis si Nebucadnezar na ligtas sa anumang pinsala. 13 Talagang wawasakin niya ang mga haligi ng dios-diosan sa Heliopolis[b] sa Egipto, at susunugin niya ang mga templo ng mga dios-diosan doon.’ ”

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Egipto

44 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias ang tungkol sa lahat ng Judio na naninirahan sa gawing hilaga ng Egipto sa mga lungsod ng Migdol, Tapanhes, at Memfis pati ang mga naroon sa gawing timog ng Egipto. Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Nakita ninyo ang kapahamakang pinaranas ko sa Jerusalem at sa lahat ng bayan ng Juda. Wasak na ito ngayon at wala nang naninirahan doon, dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan nila. Ginalit nila ako sa pagsusunog nila ng mga insenso at pagsamba sa mga dios-diosan na hindi nila kilala o ng mga ninuno nila. Palagi kong isinusugo ang mga lingkod ko na mga propeta para bigyan sila ng babala na huwag nilang gagawin ang bagay na iyon na kasuklam-suklam sa akin at kinapopootan ko, pero hindi sila nakinig o sumunod sa mga propeta. Hindi sila tumalikod sa kasamaan nila o tumigil sa pagsusunog nila ng mga insenso para sa mga dios-diosan. Kaya ibinuhos ko sa kanila ang tindi ng galit ko. Parang apoy ito na tumupok sa mga bayan ng Juda at Jerusalem, at naging malungkot ang mga lugar na ito at wasak hanggang ngayon.

“Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagtatanong, ‘Bakit ninyo sinisira ang inyong sarili? Gusto ba ninyo na malipol ang mga tao sa Juda – ang mga lalaki, babae, bata at mga sanggol? Bakit ninyo ako ginagalit sa paggawa ninyo ng inyong mga dios? Nagsusunog pa kayo ng mga insenso para sa mga ito dito sa Egipto kung saan kayo ngayon naninirahan. Ipinapahamak ninyo ang sarili ninyo at ginagawa ninyong kasuklam-suklam at kahiya-hiya sa lahat ng bansa sa daigdig. Nakalimutan na ba ninyo ang mga kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, mga hari, mga reyna ng Juda, ang mga kasamaang ginawa ninyo at ng inyong mga asawa sa lupain ng Juda at Jerusalem? 10 Hanggang ngayoʼy hindi pa rin kayo nagpapakumbaba o natatakot sa akin. Hindi rin kayo sumunod sa mga kautusan at mga tuntunin ko na ibinigay sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’

11 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay handa na para ipahamak kayo at lipulin ang buong Juda. 12 Kayong mga natitirang buhay sa Juda na nagpumilit pumunta rito sa Egipto, mamamatay kayong lahat mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Mamamatay kayo rito sa digmaan o sa gutom. Susumpain, kasusuklaman, mamasamain, at kukutyain kayo. 13 Gagawin ko sa inyo rito sa Egipto ang ginawa ko sa Jerusalem. Parurusahan ko rin kayo sa pamamagitan ng digmaan, gutom at sakit. 14 Mamamatay kayong lahat, kayong mga natirang buhay sa Juda at tumira rito sa Egipto. Hindi na kayo makakabalik sa Juda kahit gusto ninyong bumalik at manirahan doon. Walang makakabalik sa inyo maliban sa iilan na makakatakas.”

15 Napakaraming Judio ang nagtipon at nakinig kay Jeremias. Nakatira sila sa hilaga at timog ng Egipto. Ang mga lalaking naroroon at nakakaalam na ang asawa nilaʼy nagsusunog ng mga insenso sa mga dios-diosan, at ang lahat ng babaeng nagtitipon doon ay nagsabi kay Jeremias, 16 “Hindi kami maniniwala sa mga sinasabi mo sa amin sa pangalan ng Panginoon! 17 Gagawin namin ang lahat ng nais naming gawin: Magsusunog kami ng mga insenso sa aming diosa na ‘Reyna ng Langit’! At maghahandog kami sa kanya ng mga handog na inumin gaya ng ginawa namin sa mga bayan ng Juda at lansangan ng Jerusalem. Ito rin ang ginawa ng aming mga ninuno at ng aming mga hari at mga pinuno. Mabuti ang kalagayan namin noon; marami kaming pagkain, at walang masamang nangyayari sa amin. 18 Pero nang tumigil kami sa pagsusunog ng insenso sa Reyna ng Langit at hindi na kami nag-alay sa kanya ng mga handog na inumin, naghirap kami at marami ang namatay sa digmaan at gutom.”

19 Sinabi rin ng mga babae, “Alam ng mga asawa namin kapag magsusunog kami ng mga insenso para sa Reyna ng Langit at mag-aalay ng mga handog na inumin, at magluluto ng tinapay na katulad ng larawan niya.”

20 Kaya sinabi ni Jeremias ang ganito sa mga nangangatwiran sa kanya, 21 “Akala ba ninyoʼy hindi alam ng Panginoon na kayo at ang inyong mga ninuno, ang inyong mga hari at mga pinuno, at ang lahat ng mamamayan ay nagsunog ng insenso sa mga dios-diosan sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 22 At nang hindi na matiis ng Panginoon ang mga kasamaan at kasuklam-suklam ninyong gawa, winasak niya ang lupain ninyo at naging kasumpa-sumpa at malungkot dahil wala nang nakatira, katulad ng nangyari ngayon. 23 Nangyari ang kapahamakang ito sa inyo dahil nagsunog kayo ng mga insenso sa mga dios-diosan at nagkasala sa Panginoon. Hindi kayo sumunod sa mga kautusan, mga tuntunin at mga katuruan niya.”

2 Timoteo 2:1-21

Ang Mabuting Sundalo ni Cristo Jesus

Kaya ikaw Timoteo, bilang anak ko sa pananampalataya, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.

Makibahagi ka sa mga paghihirap bilang isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. Dapat katulad ka ng isang sundalong nasa serbisyo; hindi siya nakikisangkot sa iba pang gawain para mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang opisyal. Ganoon din naman, dapat katulad ka ng manlalaro; hindi siya makakakuha ng premyo kung hindi siya sumusunod sa tuntunin ng laro. At dapat katulad ka rin ng masipag na magsasaka; hindi baʼt siya ang unang karapat-dapat na tumanggap ng bahagi sa ani? Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo, at ipapaunawa sa iyo ng Dios ang lahat ng ito.

Alalahanin mo ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, na nabuhay mula sa mga patay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang ipinapangaral ko na siyang dahilan ng paghihirap ko hanggang sa ikadena ako na parang isang kriminal. Pero hindi nakakadenahan ang salita ng Dios. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat ng paghihirap alang-alang sa mga pinili ng Dios, para makamtan din nila ang kaligtasang nakay Cristo Jesus at ang buhay na walang hanggan. 11 Totoo ang kasabihang,

    “Kung namatay tayong kasama niya,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung magtitiis tayo,
    maghahari rin tayong kasama niya.
    Kung itatakwil natin siya,
    itatakwil din niya tayo.
13 Kung hindi man tayo tapat,
    mananatili siyang tapat,
    dahil hindi niya maikakaila ang kanyang sarili.”

Ang Karapat-dapat na Alagad ng Dios

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, at pagbilinan mo sila sa presensya ng Dios na iwasan ang walang kwentang pagtatalo. Wala itong mabuting naidudulot kundi kapahamakan sa mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang makamundo at walang kwentang usap-usapan, dahil lalo lang napapalayo sa Dios ang mga gumagawa nito. 17 Ang mga aral nilaʼy parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang na sina Hymeneus at Filetus sa mga taong ito. 18 Lumihis sila sa katotohanan dahil itinuturo nilang naganap na ang muling pagkabuhay ng mga patay, at ginugulo tuloy nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ganoon pa man, nananatiling matibay ang saligang itinatag ng Dios, at may nakasulat na “Alam ng Panginoon kung sino ang sa kanya,”[a] at “Dapat lumayo sa kasamaan ang bawat taong nagsasabi na siyaʼy sa Panginoon.”

20 Sa isang malaking bahay, may mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at mayroon ding yari sa kahoy at putik.[b] Ginagamit sa mahahalagang okasyon ang mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at ang mga kasangkapang yari naman sa kahoy at putik ay sa pang-araw-araw na gamit. 21 Ang mga taong lumalayo sa kasamaan ay nabibilang sa mga kasangkapang ginagamit sa mahahalagang okasyon. Nakatalaga sila sa Panginoon, kapaki-pakinabang sa kanya, at laging handa sa lahat ng mabubuting gawain.

Salmo 92-93

Awit ng Papuri

92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
    At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
Panginoon, kay dakila ng inyong mga ginawa.
    Ang isipan nʼyoʼy hindi namin kayang unawain.
Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
na kahit umunlad ang taong masama gaya ng damong lumalago,
    ang kahahantungan pa din niya ay walang hanggang kapahamakan.
Ngunit kayo, Panginoon, ay dakila sa lahat magpakailanman.
Tiyak na mamamatay ang lahat ng inyong kaaway at mangangalat ang lahat ng gumagawa ng masama.
10 Pinalakas nʼyo ako na tulad ng lakas ng lakas ng toro
    at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.[a]
11 Nasaksihan ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway,
    at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
    at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
    berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
    Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

Kawikaan 26:3-5

Kailangan ang latigo para sa kabayo, bokado para sa asno, at pamalo para sa hangal na tao.
Huwag mong sagutin ang hangal kung nakikipag-usap siya sa iyo ng kahangalan, at baka matulad ka rin sa kanya.
Ngunit kung minsan, kailangang sagutin din siya, para malaman niya na hindi siya marunong tulad ng kanyang inaakala.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®