Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 23:21-25:38

21 Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, pero lumakad pa rin sila. Wala akong sinabi sa kanila, pero nagsalita pa rin sila. 22 Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko, sinabi sana nila ang mga salita ko sa aking mga mamamayan, para talikuran ang masasama nilang pag-uugali at mga ginagawa. 23 Ako ay Dios na nasa lahat ng lugar, at hindi nasa iisang lugar lamang. 24 Walang sinumang makapagtatago sa akin kahit saan mang lihim na lugar na hindi ko nakikita. Hindi nʼyo ba alam na akoʼy nasa langit, nasa lupa at kahit saan? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Narinig ko ang mga sinabi ng mga propetang nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nilang binigyan ko raw sila ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip. 26 Hanggang kailan pa kaya sila magsasalita ng kasinungalingan na mula sa sarili nilang isipan? 27 Sa pamamagitan ng mga panaginip nilang iyon na sinasabi nila sa mga tao, itinutulak nila ang mga mamamayan ko para kalimutan nila ako, gaya ng paglimot sa akin ng mga ninuno nila sa pamamagitan ng pagsamba nila kay Baal. 28 Hayaan nʼyong magsalita ang mga propetang ito ng tungkol sa mga panaginip nila, pero ang mga propetang nakarinig ng aking mga salita ay dapat magpahayag nito nang buong katapatan. Sapagkat magkaiba ang mga panaginip nila kaysa sa mga salita ko, gaya ng pagkakaiba ng dayami sa trigo. 29 Hindi baʼt makapangyarihan ang mga salita ko? Gaya ito ng apoy na nakasusunog o ng martilyo na nakadudurog ng bato.

30 “Kaya laban ako sa mga propetang ginagaya lang ang mensahe ng kapwa nila propeta at sinasabi nila na galing daw ito sa akin. 31 Laban din ako sa mga propetang gumagawa ng sariling mensahe at saka sasabihing ako raw ang nagsabi niyon. 32 Nagpapahayag sila ng mga panaginip na hindi totoo, kaya inililigaw nila ang mga mamamayan ko sa mga kasinungalingan nila. Hindi ko sila isinugo o sinabihang magsalita, kaya wala silang kabutihang maibibigay sa mga tao. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

33 Jeremias, kung may magtatanong sa iyo na isang mamamayan, o propeta, o pari sa iyo kung ano ang ipinapasabi ko, sabihin mong ipinapasabi kong itatakwil ko sila. 34 Kapag may propeta, o pari, o sinumang magsasabi na siya raw ay may mensahe na galing daw sa akin, parurusahan ko ang taong iyon pati ang sambahayan niya. 35 Mas mabuti pang magtanong na lang siya sa mga kaibigan o mga kamag-anak niya kung ano ang ipinapasabi ko, 36 kaysa sabihin niya, ‘May mensahe ako mula sa Panginoon.’ Dahil ginagamit ito ng iba para mapaniwala nila ang kanilang kapwa, kaya binaluktot nila ang ipinapasabi ng buhay na Dios, ang Panginoong Makapangyarihan.

37 “Jeremias, kapag nagtanong ka sa isang propeta kung may mensahe siya mula sa akin 38 at sasabihin niya, ‘Oo, may mensahe ako mula sa Panginoon.’ Kinakailangang sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko: ‘Sapagkat sinabi mong may mensahe ka mula sa akin, kahit pinagbawalan kitang magsabi ng ganoon, 39 kakalimutan at palalayasin kita sa harapan ko. At pababayaan ko ang lungsod na ito na ibinigay ko sa mga ninuno mo. 40 Ilalagay ko kayo sa walang hanggang kahihiyan na hindi nʼyo makakalimutan magpakailanman.’ ”

Ang Dalawang Basket ng Igos

24 May ipinakitang pangitain sa akin ang Panginoon pagkatapos bihagin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Si Jehoyakin ay dinala sa Babilonia pati ang mga pinuno niya at ang mahuhusay na panday at manggagawa ng Juda. Sa pangitain ko, nakita ko ang dalawang basket na igos na nasa harap ng templo ng Panginoon. Ang mga igos sa isang basket ay sariwa at maganda, hinog, at bagong pitas. Pero ang mga igos naman sa isang basket ay mga bulok at hindi na makain.

Pagkatapos, nagtanong sa akin ang Panginoon, “Jeremias, ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Mga igos po. Ang ibaʼy maganda at sariwa, pero ang iba ay bulok at hindi na makain.”

Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing ituturing kong parang magagandang igos ang mga Israelitang ipinabihag ko sa mga taga-Babilonia.[a] Iingatan ko sila para maging mabuti ang kalagayan nila at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Muli ko silang itatayo at hindi na lilipulin. Patatatagin ko sila at hindi na bubunutin. Bibigyan ko sila ng pusong kikilala sa akin na ako ang Panginoon. Magiging mamamayan ko sila, at akoʼy magiging kanilang Dios, dahil magbabalik-loob na sila sa akin ng taos-puso.

“Pero si Haring Zedekia ng Juda ay ituturing kong parang bulok na igos na hindi na makakain, pati ang mga pinuno niya at ang lahat ng Israelitang natitirang buhay sa Jerusalem o sa Egipto. Gagawin ko silang kasuklam-suklam sa lahat ng kaharian sa buong mundo. Kukutyain at susumpain sila sa lahat ng bansa kung saan ko sila pangangalatin. 10 Padadalhan ko sila ng digmaan, gutom at sakit hanggang sa mamatay sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”

Ang 70 Taong Pagkabihag

25 Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.

Sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem: Sa loob ng 23 taon mula nang ika-13 taon ng paghahari ni Josia na anak ni Haring Ammon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinapasabi niya, pero hindi kayo nakinig. At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig. Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain para patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga dios, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga dios-diosan na ginawa lang ninyo, para hindi ko kayo parusahan.”

Pero hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong dios-diosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko, ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon. 10 Mawawala ang pagkakatuwaan at pagsasaya ninyo. Hindi na rin mapapakinggan ang pagsasaya ng mga bagong kasal. Wala nang gigiling ng trigo o magsisindi ng ilaw kung gabi. 11 Magiging mapanglaw ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng 70 taon.

12 “Pero pagkatapos ng 70 taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila. At gagawin ko ring malungkot ang bansa nila sa habang panahon. 13 Ipapadama ko sa bansa nila ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito. 14 Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”

Ang Tasang Puno ng Galit ng Dios

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Kunin mo sa kamay ko ang tasang puno ng galit ko at ipainom mo sa lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo. 16 Kapag nainom nila ito, magpapasuray-suray sila na parang nauulol, dahil sa digmaan na ipapadala ko sa kanila.”

17 Kaya kinuha ko ang tasa sa kamay ng Panginoon at ipinainom ko sa lahat ng bansa kung saan niya ako isinugo. 18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda pati ang mga hari at pinuno nila para mawasak sila. Masisindak ang mga tao sa mangyayari sa kanila. Kukutyain at susumpain sila gaya ng ginagawa sa kanila ngayon. 19 Pinainom ko rin ang Faraon na hari ng Egipto, ang mga tagapamahala at mga pinuno niya, at ang lahat ng mamamayan niya, 20 pati ang mga hindi Egipcio na naninirahan doon. Pinainom ko rin ang mga hari at mga mamamayan ng mga sumusunod na lugar: Ang Uz, ang mga lungsod ng Filistia, (na ang mga hari nito ang namahala sa Ashkelon, Gaza, Ekron, at Ashdod), 21 Edom, Moab, Ammon, 22 Tyre, Sidon, mga pulo sa ibayong dagat, 23 Dedan, Tema, Buz, ang mga nasa malalayong lugar,[b] 24 Arabia, mga angkan sa ilang, 25 Zimri, Elam, Media, 26 ang mga bansa sa hilaga, malayo man o malapit, at ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. At ang huling paiinumin ay ang Babilonia.[c] 27 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Sabihin mo sa mga bansang ito na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi: ‘Sige, uminom kayo sa tasa ng galit ko hanggang sa malasing, magsuka, at mabuwal kayo, at hindi na makabangon, dahil ipapadala ko sa inyo ang digmaan.’

28 “Pero kung ayaw nilang uminom, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Kinakailangang uminom kayo! 29 Sinisimulan ko na ang pagpapadala ng kaparusahan sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ko para sa kapurihan ko. Akala nʼyo baʼy hindi ko kayo parurusahan? Parurusahan ko kayo! Sapagkat paglalabanin ko ang lahat ng bansa sa buong daigdig. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’

30 “Jeremias, sabihin mo sa kanila ang lahat ng sinabi ko, at sabihin mo pa, ‘Sisigaw ang Panginoon mula sa langit; dadagundong ang tinig niya mula sa banal niyang tahanan. Sisigaw siya nang malakas sa mga hinirang niya. Sisigaw din siya sa lahat ng naninirahan sa daigdig na parang taong sumisigaw habang nagpipisa ng ubas. 31 Maririnig ang tinig niya sa buong daigdig,[d] dahil ihahabla niya ang mga bansa. Hahatulan niya ang lahat, at ipapapatay niya sa digmaan ang masasama.’ Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

32 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Mag-ingat kayo! Ang kapahamakan ay darating sa ibaʼt ibang bansa na parang malakas na bagyo mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo.”

33 Sa araw na iyon, maraming papatayin ang Panginoon at ang mga bangkay ay kakalat kahit saan sa buong daigdig. Wala ng magluluksa, magtitipon at maglilibing sa kanila. Pababayaan na lang sila na parang dumi lang sa ibabaw ng lupa.

34 Kayong mga pinuno, umiyak kayo nang malakas, at gumulong kayo sa lupa dahil sa kalungkutan. Sapagkat dumating na ang araw na papatayin kayo katulad ng pagkatay ng tupa. Madudurog kayo na parang mamahaling palayok na nabasag. 35 Wala kayong matatakbuhang lugar at hindi kayo makakatakas. 36 Maririnig ang iyakan at pagdaing nʼyo, dahil nilipol ng Panginoon ang mga mamamayan ninyo. 37 At dahil sa matinding galit ng Panginoon, magiging disyerto ang saganang pastulan. 38 Ang Panginoon ay parang leon na lumabas sa yungib nito para maghanap ng masisila. Magiging mapanglaw ang lupain nʼyo dahil sa pagsalakay ng kaaway, at dahil sa matinding galit ng Panginoon.

2 Tesalonica 2

Ang mga Mangyayari Bago Bumalik ang Panginoon

Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon natin sa kanya, hinihiling namin, mga kapatid, na huwag kayong mag-alala o mabahala dahil sa mga taong nagsasabing bumalik na ang Panginoon. Huwag kayong maniwala kahit sabihin pa nilang sinabi ito ng Espiritu sa kanila, nabalitaan, o nabasa man sa isang sulat na galing daw sa amin. Huwag kayong magpadaya sa kanila sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw ng pagbabalik ng Panginoon hanggaʼt hindi pa nagsisimula ang huling paghihimagsik ng mga tao sa Dios, at hindi pa dumarating ang masamang tao na itinalaga sa walang hanggang kaparusahan. Kakalabanin niya ang lahat ng sinasamba at itinuturing na dios ng mga tao, at itataas ang sarili sa lahat ng mga ito. Uupo siya sa loob ng templo ng Dios at itatanghal ang sarili bilang Dios.

Hindi baʼt sinabi ko na ang mga bagay na ito nang kasama nʼyo pa ako riyan? Alam nʼyo kung ano ang pumipigil sa pagpapakita niya. Ngunit sa takdang panahon, magpapakita siya. Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at mananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa pagpapakita niya. Ihahayag siya kapag inalis na ang pumipigil. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo, papatayin niya ang masamang taong ito sa pamamagitan lang ng isang ihip niya.

Ihahayag ang taong masama na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, kababalaghan, at kamangha-manghang bagay. 10 Gagamitin niya ang lahat ng uri ng pandaraya sa mga taong mapapahamak. Mapapahamak sila dahil ayaw nilang pahalagahan ang katotohanang makakapagligtas sana sa kanila. 11 Kaya pababayaan na lang sila ng Dios sa matinding pagkalinlang para maniwala sila sa kasinungalingan, 12 nang sa ganoon, maparusahan ang lahat ng ayaw maniwala sa katotohanan at nagpakaligaya sa kasamaan.

Pinili Kayo para Hindi Mahatulan

13 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo na mga minamahal ng Panginoon. At nararapat lang kaming magpasalamat, dahil noong una pa man ay pinili na kayong maligtas ng Dios sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Dios sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo para makabahagi kayo sa kadakilaan ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag at panghawakan nʼyo ang mga itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat. 16-17 Aliwin at palakasin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng Dios na ating Ama. Mahal tayo ng Dios at siya ang nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at kalakasan, at matibay na pag-asa dahil sa biyaya niya. At nawaʼy bigyan din niya kayo ng lakas ng loob na maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.

Salmo 84

Pananabik sa Templo ng Dios

84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
Gustong-gusto kong pumunta roon!
    Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
    Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
    O Dios na buhay.
Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
    kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
    lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
    at nananabik na makapunta sa inyong templo.
Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
    iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
    ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
    O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
    O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
    Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
    Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.

Kawikaan 25:15

15 Ang mapagpasensya at ang mahinahon magsalita ay makapanghihikayat ng mga pinuno at kahit na ng may matitigas na puso.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®