The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Umalis ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon sa Templo
10 Habang nakatingin ako, may nakita akong parang isang trono na yari sa batong safiro. Nasa itaas ito ng takip na kristal sa itaas ng ulo ng mga kerubin. 2 Sinabi ng Panginoon sa taong nakadamit ng telang linen, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin at punuin mo ang mga kamay mo ng baga at isabog mo sa buong lungsod.” At nakita kong pumunta siya.
3 Ang mga kerubin ay nakatayo sa timog ng templo nang pumunta ang tao at may ulap na lumukob doon sa bakuran sa loob ng templo. 4 Pagkatapos, umalis ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa gitna ng mga kerubin at lumipat sa pintuan ng templo. Nilukuban ng ulap ang templo at lumiwanag ang bakuran dahil sa makapangyarihang presensya ng Panginoon. 5 Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay naririnig hanggang sa bakuran sa labas tulad ng tinig ng makapangyarihang Dios.
6 Nang utusan ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen na kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin, pumasok siya sa templo at tumayo sa tabi ng gulong. 7 Pagkatapos, isa sa mga kerubin ang kumuha ng baga sa apoy at inilagay sa kamay ng taong nakadamit ng telang linen. Dinala ito ng tao at lumabas. 8 Ang bawat kerubin ay parang may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang pakpak.
9 May nakita akong apat na gulong sa gilid ng apat na kerubin. Kumikislap na parang mamahalin na batong krisolito 10 at magkakamukha ang mga ito. Bawat gulong ay pinagkrus, na ang isa ay nasa loob ng isa pang gulong, 11 kaya ito at ang mga kerubin ay maaaring pumunta kahit saang direksyon nang hindi kailangang bumaling pa. 12 Ang buong katawan ng kerubin, ang likod, ang kamay at mga pakpak ay puno ng mata at ganoon din ang mga gulong. 13 At narinig kong ang mga gulong na itoʼy tinatawag na, “Umiikot na gulong.” 14 Ang bawat kerubin ay may apat na mukha: mukha ng kerubin, ng tao, ng leon at ng agila.
15 Pagkatapos, pumaitaas ang mga kerubin. Ito ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. 16 Kapag lumalakad ang mga kerubin, sumasama sa kanila ang mga gulong na nasa gilid at kapag lumilipad sila, kasama rin ang mga gulong. 17 Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga gulong at kapag umangat sila, umaangat din ang mga gulong, dahil ang espiritu nila ay nasa gulong din. 18 Pagkatapos, ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay umalis sa pintuan ng templo at lumipat sa itaas ng mga kerubin. 19 At habang nakatingin ako, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong. Tumigil sila sa silangang pintuan ng templo ng Panginoon at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.
20 Iyon ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa ilalim ng presensya ng Dios ng Israel doon sa Ilog ng Kebar. At nalaman ko na ang mga nilalang na ito ay mga kerubin. 21 Ang bawat isa sa kanila ay may apat na mukha, apat na pakpak at sa ilalim ng kanilang pakpak ay may parang kamay ng tao. 22 Ang mga itoʼy kamukha ng mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. Ang bawat isa ay sabay-sabay na gumagalaw kung saan sila papunta.
Ang Parusa ng Dios sa Jerusalem
11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa templo ng Panginoon, sa may pintuan na nakaharap sa silangan. May 25 tao roon, dalawa sa kanila ay sina Jaazania na anak ni Azur at Pelatia na anak ni Benaya na mga tagapamahala ng mga tao. 2 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sila ang mga taong nagpaplano at nagpapayo ng masama sa lungsod na ito. 3 Sinasabi nila, ‘Hindi baʼt malapit na ang panahon para magtayo ng mga bahay? Ang lungsod natin ay katulad ng kaldero at tayo naman ay parang mga karne sa loob na hindi masusunog ng apoy.’ 4 Kaya anak ng tao, magsalita ka laban sa kanila.”
5 Pagkatapos, nilukuban ako ng Espiritu ng Panginoon at inutusang sabihin ito: “Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo mga mamamayan ng Israel: Alam ko kung ano ang sinasabi at iniisip ninyo. 6 Marami kayong pinatay sa lungsod na ito at nagkalat ang mga bangkay sa lansangan. 7 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa inyo: Ang lungsod na ito ay natulad sa kaldero, at ang mga bangkay na inyong kinalat sa lungsod ay ang nagsilbing karne. At kayo naman ay papalayasin ko sa lungsod na ito. 8 Natatakot kayo sa digmaan[a] pero ipapalasap ko ito sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 9 Palalayasin ko kayo sa lungsod na ito at ipapabihag sa mga dayuhan at uudyukan ko silang parusahan kayo. 10 Mamamatay kayo sa digmaan at hahatulan ko kayo hanggang sa mga hangganan ng Israel at malalaman ninyong ako ang Panginoon. 11 Ang lungsod na itoʼy hindi magiging tulad ng kaldero para sa inyo, at kayoʼy hindi magiging tulad ng karne sa loob nito. Sapagkat hahatulan ko kayo hanggang sa hangganan ng Israel. 12 At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. Gagawin ko ito dahil hindi ninyo sinunod ang mga utos at tuntunin ko. Sa halip, sinunod ninyo ang tuntunin ng ibang bansa sa palibot ninyo.”
13 Habang sinasabi ko ang ipinasasabi ng Dios, namatay si Pelatia na anak ni Benaya. Nagpatirapa ako at sumigaw, “O Panginoong Dios, uubusin ba ninyo ang lahat ng natitirang mga Israelita?” 14 Sinabi sa akin ng Panginoon, 15 “Anak ng tao, ang mga natitira sa Jerusalem ay nagsabi ng ganito tungkol sa kapwa nila Israelitang binihag. ‘Malayo sila sa Panginoon, kaya sa atin na ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito.’
16 “Kaya sabihin mo sa mga kasamahan mong bihag na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi ‘Kahit ipinabihag ko kayo at ipinangalat sa ibaʼt ibang bansa, kasama nʼyo pa rin ako sa mga lugar na iyon. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing muli ko kayong titipunin mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat at ibibigay kong muli sa inyo ang lupain ng Israel. 18 At sa inyong pagbabalik, alisin ninyo ang lahat ng kasuklam-suklam na dios-diosan. 19 Babaguhin ko ang inyong puso at pag-iisip nang hindi na kayo maging masuwayin kundi maging masunurin at tapat sa akin. 20 Tutuparin na ninyo ang mga utos koʼt mga tuntunin. Magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo. 21 Pero ang mga sumasamba sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan ay parurusahan ko ayon sa mga ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”
22 Pagkatapos, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong sa gilid nila at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila. 23 At pumailanlang ito mula sa lungsod at bumaba sa bundok, sa silangan ng lungsod. 24 Pagkatapos, nakita ko sa pangitaing ibinigay sa akin ng Espiritu ng Dios, na ibinalik ako sa mga bihag doon sa Babilonia. Pagkatapos ay nawala ang pangitain. 25 At isinalaysay ko sa mga bihag ang lahat ng pangitain na ipinakita sa akin ng Panginoon.
6 Kaya bilang matatagal nang sumasampalataya, dapat na nating iwan ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo, at magpatuloy sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Dios, 2 mga aral tungkol sa bautismo, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Dios sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman. 3 Sa halip, kung loloobin ng Dios, magpatuloy tayo sa malalalim na aralin, 4-6 upang hindi natin siya talikuran. Sapagkat kung tatalikuran ng isang tao ang Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik pa sa Dios. Naliwanagan na ang pag-iisip niya, nakatikim na ng mga biyaya mula sa langit, tumanggap ng Banal na Espiritu, nakatikim na ng kabutihang dulot ng salita ng Dios, at nakadama na ng kapangyarihang ihahayag sa huling araw. Pagkatapos, kung tumalikod pa rin siya sa Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik sa Dios dahil para na rin niyang ipinakong muli sa krus at dinala sa kahihiyan ang Anak ng Dios.
7 Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Dios, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka. 8 Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, wala itong pakinabang. Nanganganib itong sumpain na lang ng Dios, at sa bandang huli ay susunugin.
9 Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, nakakatiyak kaming nasa mabuti kayong kalagayan tungkol sa kaligtasan ninyo. 10 Makatarungan ang Dios, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa pinabanal[a] ng Dios. 11 Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa nʼyo sa Dios hanggang sa wakas, para makamtan ninyo ang inaasahan ninyo. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga tao na tumatanggap ng mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.
Tiyak ang Pangako ng Dios
13 Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya. 14 Sinabi niya, “Talagang pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo.”[b] 15 At pagkatapos ng matiyagang paghihintay, natanggap ni Abraham ang mga ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng Dios na mas nakahihigit sa kanila para paniwalaan sila at wala ng pag-usapan pa. 17 Ganito rin ang ginawa ng Dios noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang pangako niya. 18 At ang dalawang bagay na ito – ang pangako niya at panunumpa – ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Dios. Kaya tayong mga nagpakalinga sa kanya ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin. 19 Ang pag-asang ito ay matibay tulad ng angkla, at ito ay nagbibigay kapanatagan sa buhay natin, dahil umaabot ito sa Pinakabanal na Lugar, 20 kung saan nauna nang pumasok si Jesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, katulad ng pagkapari ni Melkizedek.
16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.
23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.
27 Huwag mong ipagyabang ang gagawin mo bukas, sapagkat hindi mo alam kung anong mangyayari sa araw na iyon.
2 Huwag mong purihin ang iyong sarili; pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®