The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Mga Natatanging Kaloob at mga Araw
13 “Ito ang mga kaloob na dapat ninyong ibigay sa pinuno ng Israel: isa sa bawat 60 ng inani ninyong trigo at sebada,[a] 14 isa sa bawat 100 na bat ng langis ng olibo (ang takalan na gagamitin nito ay ang ‘bat’; ang sampung ‘bat’ ay isang ‘homer’ o isang ‘cor’), 15 at isang tupa sa bawat 200 ninyong hayop. Ang mga kaloob na itoʼy gagamiting handog para sa pagpaparangal sa akin, handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon,[b] upang mapatawad ang mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Ang lahat ng Israelita ang magdadala ng mga kaloob na ito para magamit ng pinuno ng Israel. 17 Tungkulin naman ng pinuno ng Israel ang pagbibigay ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin, handog na inumin, handog sa paglilinis, at handog para sa mabuting relasyon sa panahon ng pista katulad ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at iba pang mga pista na ipinagdiriwang ng mga Israelita. Iaalay ang mga handog na ito upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel.”
Ang mga Pista(A)
18 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa unang araw ng unang buwan, maghahandog kayo ng toro na walang kapintasan para sa paglilinis ng templo. 19 Ang pari ang dapat kumuha ng dugo nito at ipapahid niya sa hamba ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga hamba ng pintuan sa bakuran sa loob. 20 Ganito rin ang gawin ninyo sa ikapitong araw ng buwan ding iyon, para sa sinumang magkasala ng hindi sinasadya o nagkasala nang hindi nalalaman. Sa ganitong paraan malilinis ninyo ang templo.
21 “Sa ika-14 na araw ng unang buwan, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Ipagdiriwang ninyo ito sa loob ng pitong araw, at tinapay na walang pampaalsa lang ang kakainin ninyo. 22 Sa unang araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay mag-aalay ng batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa lahat ng Israelita. 23 Bawat araw sa loob ng pitong araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay maghahandog ng pitong batang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa akin. At maghahandog din siya ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. 24 Sa bawat batang toro at lalaking tupa, kinakailangang may kasamang handog ng pagpaparangal sa akin, kalahating sakong harina at isang galong langis ng olibo. 25 Ganito rin ang ihahandog ng pinuno sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol na magsisimula sa ika-15 araw ng ika-7 buwan. At sa loob ng pitong araw, ang pinuno ay maghahandog ng katulad ng inihandog niya sa Pista ng Paglampas ng Anghel: mga handog sa paglilinis, handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin at langis.”
46 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ang daanan papunta sa bakuran sa loob na nakaharap sa silangan ay kinakailangang nakasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho, pero bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa panahon ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan. 2 Ang pinuno ay dadaan sa balkonahe ng daanang nakaharap sa silangan at tatayo siya sa may pintuan habang ang pari ay nag-aalay ng kanyang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[c] Ang pinuno ay sasamba sa akin doon sa may pintuan at pagkatapos ay lalabas siya, ngunit hindi isasara ang pintuan hanggang sa gumabi. 3 Sasamba rin sa akin ang mga mamamayan ng Israel doon sa harap ng pintuan sa bawat Araw ng Pamamahinga at Pista ng Pagsisimula ng Buwan. 4 Sa bawat Araw ng Pamamahinga, maghahandog ang pinuno ng isang barakong tupa at anim na batang tupa na walang kapintasan, at iaalay ito sa akin bilang handog na sinusunog. 5 Ang handog ng pagpaparangal sa akin na kasama ng barakong tupa ay kalahating sako ng harina, pero nasa pinuno na kung gaano karami ang harinang isasama niya sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na tupa ay maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.
6 “Sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan, ang pinuno ay maghahandog ng isang batang toro, isang barakong tupa, at anim na batang tupa na pawang walang kapintasan. 7 Ang handog ng pagpaparangal sa akin ay isasama ng pinuno sa batang toro at barakong tupa, depende sa kanya kung gaano karami ang isasama niyang harina sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sakong harinang kanyang ihahandog, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. 8 Kapag ang pinuno ay pumasok upang maghandog, doon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya dadaan paglabas niya.
9 “Kapag sumamba sa akin ang mga mamamayan sa templo ng Israel sa panahon ng mga pista, ang mga papasok sa pintuan sa hilaga ay lalabas sa pintuan sa timog, at ang mga papasok naman sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Dapat walang lumabas sa pintuang pinasukan niya. Kinakailangang sa ibang pintuan siya lumabas kung pumasok siya sa kabila. 10 Sasabay ang pinuno sa pagpasok at paglabas nila.
11 “Sa panahon ng ibaʼt ibang pista, ang handog ng pagpaparangal sa akin na isasama sa batang toro at sa barakong tupa ay tig-kakalahating sako ng harina, pero depende sa naghahandog kung gaano karami ang isasama niya sa bawat batang tupa. At sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na hayop, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo. 12 Kapag ang pinuno ay mag-aalay ng handog na sinusunog o handog para sa mabuting relasyon na kusang-loob na handog, bubuksan para sa kanya ang pintuan sa gawing silangan. At iaalay niya ang kanyang mga handog tulad ng kanyang paghahandog sa Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, sasarhan agad ang pinto.
13 “Tuwing umaga, kinakailangang may inihahandog sa akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 14 Sasamahan ito ng handog ng pagpaparangal sa akin na tatlong kilong harina, at kalahating galong langis ng olibo na pangmasa sa harina. Ang tuntuning ito tungkol sa handog ng pagpaparangal sa akin ay dapat sundin magpakailanman. 15 Kaya tuwing umaga ay kailangang may inihahandog sa akin na tupa, harina, at langis ng olibo na pang-araw-araw na handog na sinunsunog.”
16 Sinabi rin ng Panginoong Dios, “Kapag ang pinuno ay magbibigay ng pamanang lupa sa isa sa mga anak niya, ang lupang iyon ay para lang sa mga angkan niya habang buhay. 17 Ngunit kung ibibigay niya ito sa isa sa kanyang mga alipin, magiging sa alipin na ito hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sa taong iyon, ang aliping iyon ay papalayain at ang lupa ay isasauli sa pinuno. Tanging ang mga anak lamang ng pinuno ang magmamay-ari ng lupa niya magpakailanman. 18 Ang pinuno ay hindi dapat kumuha ng lupa ng mga tao. Kapag magbibigay siya ng lupa sa mga anak niya, ang lupa niya ang dapat niyang ibigay para hindi mawalan ng lupa ang mga mamamayan.”
19 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa banal na mga silid ng mga pari sa gawing timog. Doon kami dumaan sa pintuang nasa gilid ng daanan. Ipinakita niya sa akin doon ang lugar na nasa kanluran ng mga silid na ito. 20 Sinabi niya sa akin, “Dito sa lugar na ito nagluluto ang mga pari ng handog na pambayad ng kasalanan,[d] handog sa paglilinis, at handog ng pagpaparangal sa Panginoon. Dito sila magluluto para maiwasan nila ang pagdadala ng mga handog sa labas ng bulwagan. Sa ganitong paraan hindi maapektuhan ang mga tao sa kabanalan nito.”[e]
21-22 Pagkatapos, dinala niya ako sa bulwagan sa labas, at ipinakita sa akin ang apat na sulok nito. Sa bawat sulok nito ay may maliliit na bakuran na 68 talampakan ang haba at 50 talampakan ang luwang, at pare-pareho ang laki nito. 23 Ang bawat isa nito ay napapaligiran ng mababang pader, at sa tabi ng pader ay may mga kalan. 24 Pagkatapos, sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mga pinaglulutuan ng mga naghahandog sa templo ng handog ng mga tao.”
Sundin Ninyo ang Dios
13 Kaya lagi kayong maging handa na gawin ang kalooban ng Dios. Magpakatatag kayo at lubos na umasa na matatanggap nʼyo ang mga pagpapalang ibibigay sa inyo kapag dumating na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak ng Dios, huwag kayong padadala sa masasamang hilig ninyo noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios. 15 Banal ang Dios na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 16 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan, “Magpakabanal kayo dahil banal ako.”[a]
17 Walang pinapaboran ang Dios. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa gawa ng bawat isa. Kaya kung tinatawag nʼyo siyang Ama kapag nananalangin kayo sa kanya, igalang nʼyo siya habang naninirahan pa kayo sa mundong ito. 18 Alam naman ninyo kung ano ang ipinangtubos sa inyo mula sa walang kabuluhang pamumuhay na minana nʼyo sa mga ninuno ninyo. Ang ipinangtubos sa inyoʼy hindi ang mga bagay na nawawala katulad ng ginto o pilak, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo. Katulad siya ng isang tupa na walang dungis o kapintasan na inihandog sa Dios. 20 Bago pa likhain ang mundo, pinili na ng Dios si Cristo para maging Tagapagligtas natin. At ipinahayag siya ng Dios nitong mga huling araw alang-alang sa inyo. 21 Sa pamamagitan niya, sumasampalataya kayo sa Dios na muling bumuhay at nagparangal sa kanya. Kaya ang pananalig nʼyo ay sa Dios, at umaasa kayo sa kanya na muli niya rin kayong bubuhayin at pararangalan.
22 At dahil sumusunod na kayo sa katotohanan, malinis na kayo sa mga kasalanan ninyo, at ngayon ay nagkaroon na kayo ng tapat na pagmamahal sa mga kapatid nʼyo kay Cristo. Magmahalan kayo ng taos-puso, 23 dahil ipinanganak na kayong muli. At ang kapanganakang itoʼy hindi sa pamamagitan ng mga magulang ninyong namamatay, kundi sa pamamagitan ng buhay at walang hanggang salita ng Dios. 24 Ayon sa Kasulatan,
“Ang lahat ng tao ay parang damo,
ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito.
Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”[b]
At ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
2 Dahil ipinanganak na kayong muli, talikuran nʼyo na ang lahat ng uri ng kasamaan: pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at lahat ng paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espiritwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan 3 ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. 4 Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Dios at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, 5 kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Dios bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Dios, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 6 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan,
“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”[c]
7 Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Dios. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi sa Kasulatan,
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”[d]
8 “Ang batong ito ay naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.”[e]
Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Dios; ganoon ang nakatalaga para sa kanila. 9 Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.
33 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
at habang nabubuhay itoʼy aking susundin.
34 Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan,
at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.
35 Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos,
dahil ito ang aking kasiyahan.
36 Bigyan nʼyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.
37 Ilayo nʼyo ako sa pagnanais ng mga bagay na walang kabuluhan.
Panatilihin nʼyo ang aking buhay[a] ayon sa inyong pangako.
38 Tuparin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
na siyang mga ipinangako nʼyo sa mga may takot sa inyo.
39 Alisin nʼyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan,
dahil mabuti ang inyong mga tuntunin.
40 Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin.
Dahil kayoʼy matuwid, panatilihin nʼyo akong buhay.[b]
41 Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.
42 Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.
43 Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,
dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.
44 Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.
45 Mamumuhay akong may kalayaan,
dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
46 Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.
47 Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.
48 Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,
at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.
11 Iniisip ng mayayaman na napakarunong na nila, ngunit alam ng taong mahirap na may pang-unawa kung anong klaseng tao talaga sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®