Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 37-38

Ang Lambak ng Maraming Buto

37 Napuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at dinala ako ng Espiritu niya sa gitna ng isang lambak maraming kalansay. Inilibot niya ako roon, at nakita ko ang napakaraming tuyong buto na nagkalat sa lambak. Tinanong ako ng Panginoon, “Anak ng tao, mabubuhay pa kaya ang mga butong ito?” Sumagot ako, “Panginoong Dios, kayo lang po ang nakakaalam.” Sinabi niya sa akin, “Sabihin mo sa mga butong ito na makinig sa sasabihin ko. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang magsasabi nito sa kanila, ‘Bibigyan ko kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. Bibigyan ko kayo ng mga litid at laman, at babalutin ko kayo ng balat. Bibigyan ko nga kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”

Kaya sinunod ko ang iniutos sa akin. At habang nagsasalita ako, narinig ko ang tunog ng mga butong nagkakabit-kabit at nabuo. Nakita ko ring nagkaroon ang mga ito ng mga litid at laman at nabalot ng balat, pero walang hininga.

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa hangin na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Hangin umihip ka mula sa apat na dako, at hipan ang mga patay na ito para mabuhay.” 10 Kaya sinunod ko ang iniutos niya sa akin, at nabuhay nga ang mga patay. Nagsitayo sila – kasindami sila ng isang napakalaking hukbo.

11 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ang mga butong iyon ay ang mga mamamayan ng Israel. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, at wala na kaming pag-asa; nilipol na kami.’ 12 Kaya sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ko, bubuksan ko ang mga libingan ninyo. Bubuhayin ko kayong muli, at ibabalik sa lupain ng Israel. 13 Kapag binuksan ko ang mga libingan ninyo at binuhay ko kayong muli, malalaman ninyo, mga mamamayan ko, na ako ang Panginoon. 14 Ibibigay ko sa inyo ang aking Espiritu at mabubuhay kayo. Patitirahin ko kayo sa sarili ninyong lupain. At malalaman nga ninyo na ako ang Panginoon na tumutupad ng aking pangako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pinag-isa ang Juda at Israel

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 16 “Anak ng tao, kumuha ka ng patpat at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkatapos, pag-isahin mo ang dalawang patpat para isa lang ang hawak mo. 18 Kapag tinanong ka ng mga kababayan mo kung ano ang ibig sabihin nito, 19 sabihin mong, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Pagdudugtungin ko ang patpat na kumakatawan sa Israel at ang patpat na kumakatawan sa Juda. Magiging isa na lang sila sa kamay ko.’

20 “Pagkatapos, hawakan mo ang patpat na sinulatan mo para makita ng mga tao. 21 At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa lahat ng bansang pinangalatan nila, at ibabalik ko sa sarili nilang lupain. 22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain ng Israel, at isang hari na lang ang maghahari sa kanila. Hindi na sila muling mahahati o magiging dalawang bansa o kaharian. 23 Hindi na nila dudungisan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga karumal-dumal na dios-diosan at paggawa ng anumang kasalanan, dahil ililigtas ko sila sa lahat ng pagkakasala nila. Lilinisin ko sila para maging mga mamamayan ko sila, at ako ang magiging Dios nila. 24 Paghaharian sila ng haring mula sa angkan ng lingkod kong si David. Isa lang ang magiging pastol nila. Susundin na nilang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. 25 Maninirahan sila sa lupaing ibinigay ko sa lingkod kong si Jacob, ang lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno. Sila at ang mga anak nila ay titira roon habang panahon. At maghahari sa kanila ang haring mula sa lahi ni David na lingkod ko magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang kasunduan na magiging maganda ang kalagayan nila, at ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Patitirahin ko sila sa lupain nila at pararamihin ko sila. Itatayo ko ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman. 27 Maninirahan akong kasama nila. Magiging Dios nila ako, at sila ay magiging mga mamamayan ko. 28 At kung mananatili na ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman, malalaman ng mga bansa na ako, ang Panginoon, ang humirang sa mga Israelita para maging mga mamamayan ko.’ ”

Ang Pahayag Laban kay Gog

38 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, humarap ka sa lupain ng Magog at magsalita ka laban kay Gog na pinuno ng Meshec at Tubal. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, na pinuno ng Meshec at Tubal, kalaban kita. Paiikutin kita at kakawitan ko ng kawil ang panga mo. Hihilahin kita kasama ang buong hukbo mo – ang iyong mga kabayo, armadong mangangabayo at ang napakarami mong sundalo na may malalaki at maliliit na kalasag at may mga espada. Sasama sa kanila ang mga sundalo ng Persia, Etiopia[a] at Libya na may mga kalasag at helmet, kasama rin ang Gomer at Bet Togarma sa hilaga at ang lahat ng sundalo nila. Maraming bansa ang sasama sa iyo.

“Maghanda ka at ang lahat ng sundalo mo. Pamunuan mo sila sa pakikipagdigma. Sapagkat darating ang araw na uutusan ko kayong salakayin ang Israel, na sa mahabang panahon ay naging mapanglaw dahil nawasak sa digmaan. Pero muli itong itinayo, at nakabalik na ang mga mamamayan nito mula sa mga bansa at namumuhay na nang payapa. Ikaw at ang mga sundalo mo at ang sundalo ng mga kasama mong bansa ay sasalakay sa Israel na parang bagyo, at paliligiran ninyo ito na parang pinaligiran ng ulap.”

10 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa panahong iyon, magbabalak ka ng masama. 11 Sasabihin mong, ‘Sasalakayin ko ang Israel na ang mga bayan ay walang pader, pintuan o harang at ang mga mamamayan ay payapang namumuhay at walang kinatatakutang panganib. 12 Sasamsamin ko ang mga ari-arian ng mga lungsod na ito na dating mapanglaw, ngunit ngayon ay puno na ng tao mula sa ibaʼt ibang bansa. Marami ang hayop nila at ari-arian, at itinuturing nila na pinakapangunahing bansa sa daigdig ang bansa nila.’

13 “Pero sasabihin sa iyo ng mga taga-Sheba at Dedan, at ng mga mangangalakal sa mga bayan ng Tarshish, ‘Tinipon mo ba ang iyong mga sundalo para samsamin ang mga pilak at ginto ng mga taga-Israel? Sasamsamin mo rin ba ang kanilang mga hayop at ari-arian?’

14 “Kaya, anak ng tao, sabihin mo kay Gog na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa araw na iyon na namumuhay na nang tahimik ang mga mamamayan kong Israelita, malalaman mo iyon. 15 Sasalakayin mo sila mula sa kinalalagyan mong malayong lugar sa hilaga kasama ang iyong marami at malalakas na mga sundalo na nakasakay sa kabayo. 16 Sasalakayin mo ang mga mamamayan kong Israelita na parang ulap na nakapaligid sa kanila. Gog, ipasasalakay ko sa iyo ang aking lupain sa hinaharap. At sa pamamagitan mo ay maipapakita ko sa mga bansa ang aking kabanalan. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

17 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Noong unang panahon, sinabi ko sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta ng Israel, na sa mga huling araw ay may sasalakay sa Israel. At ikaw ang tinutukoy ko noon. 18 Ngunit Gog, sa araw na iyon ay ito ang mangyayari sa iyo: Kapag sinalakay mo na ang Israel, labis akong magagalit. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 19 At sa tindi ng galit ko, isinusumpa kong yayanigin ko nang malakas na lindol ang lupain ng Israel. 20 Ang lahat ng tao at lahat ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang at nasa tubig ay manginginig sa takot sa akin. Guguho ang mga bundok at burol, at mawawasak ang mga pader. 21 At ikaw, Gog ay ipapapatay ko roon sa aking mga bundok, at ang mga sundalo mo ay magpapatayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 22 Parurusahan kita at ang mga sundalo mo, pati ang mga bansang kasama mo. Parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng salot at magpapatayan kayo sa isaʼt isa. Pauulanan ko kayo ng yelong parang bato at ng nagniningas na asupre. 23 Sa ganitong paraan ipapakita ko ang aking kapangyarihan at kabanalan sa lahat ng bansa. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Santiago 1:19-2:17

Pagdinig at Pagsunod

19 Tandaan nʼyo ito, mga minamahal kong kapatid: Dapat maging handa kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at huwag agad magagalit. 20 Sapagkat ang galit ay hindi nakakatulong sa tao para maging matuwid sa paningin ng Dios. 21 Kaya talikuran nʼyo na ang lahat ng kasamaan at maruruming gawain, at tanggapin nang may pagpapakumbaba ang salita ng Dios na itinanim sa inyong puso na siyang makapagliligtas sa inyo.

22 Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Dios kundi sundin nʼyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang sarili ninyo. 23 Dahil kung nakikinig lang ang isang tao sa salita ng Dios pero hindi naman niya tinutupad ang sinasabi nito, katulad siya ng isang taong tumitingin sa salamin 24 na pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at agad kinakalimutan ang ayos niya. 25 Ngunit ang taong nagsasaliksik at tumutupad sa Kautusang ganap na nagpapalaya, at hindi tagapakinig lang na nakakalimot agad, ay ang taong pagpapalain ng Dios sa mga ginagawa niya.

26 Kung may nag-aakalang siya ay relihiyoso pero hindi naman magawang pigilan ang dila niya, walang silbi ang pagiging relihiyoso niya at niloloko lang niya ang kanyang sarili. 27 Ang pagkarelihiyosong itinuturing na dalisay at walang kapintasan ng Dios Ama ay ito: Ang pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kahirapan nila, at ang pagtalikod sa lahat ng kasamaan sa mundong ito.

Babala Laban sa mga May Pinapaboran

Mga kapatid, bilang mga mananampalataya ng dakila nating Panginoong Jesu-Cristo, dapat wala kayong pinapaboran. Halimbawa, dumating sa inyong pagtitipon ang isang mayaman na may gintong singsing at nakasuot ng mamahaling damit, at dumating din ang isang mahirap na punit-punit naman ang damit. Kung aasikasuhin nʼyo nang mabuti ang nakasuot ng mamahaling damit at bibigyan ng upuan, samantalang ang mahirap ay patatayuin na lang ninyo o pauupuin sa sahig, hindi baʼt may pinapaboran kayo ayon sa masama ninyong pag-iisip?[a]

Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid: Hindi baʼt pinili ng Dios ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya, at maging tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagmamahal sa kanya? Ngunit minamaliit nʼyo naman ang mga mahihirap. Hindi baʼt ang mga mayayaman ang nagpapahirap at nagpaparatang sa inyo? Hindi baʼt sila ang nanlalait sa marangal na pangalan ni Jesu-Cristo, at sa pangalang ito kayo nakilala?

Pero kung sinusunod nʼyo ang utos ng Hari sa Kasulatan, na nagsasabi, “Mahalin mo ang iyong kapwa, gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili,”[b] mabuti ang ginagawa ninyo. Ngunit kung may pinapaboran kayo, nagkakasala kayo at ayon sa Kautusan dapat kayong parusahan, dahil nilabag nʼyo ang utos na ito. 10 Ang tumutupad sa buong Kautusan pero lumabag sa isa sa mga ito ay lumabag na rin sa buong Kautusan. 11 Sapagkat ang Dios na nag-utos, “Huwag kang mangangalunya,” ay nagsabi ring, “Huwag kang papatay.”[c] Hindi ka nga nangangalunya, pero pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya mag-ingat kayo sa pananalita at gawa nʼyo, dahil ang Kautusan na nagpalaya sa inyo ang siya ring hahatol sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ng Dios ang hindi marunong maawa; pero ang maawain sa kapwa ay hindi kailangang matakot sa oras ng paghatol.

Ang Pananampalataya at Mabuting Gawa

14 Mga kapatid, ano bang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang mayroon siyang pananampalataya, pero wala naman siyang mabuting gawa? Maliligtas ba siya ng ganyang pananampalataya? 15 Halimbawa, walang maisuot at walang makain ang isang kapatid, 16 at sasabihan mo, “Pagpalain ka ng Dios at hindi ka sana ginawin at magutom,” pero hindi mo naman siya binigyan ng kailangan niya, may nagawa ba itong mabuti? 17 Ganito rin naman ang pananampalataya; kung hindi ito kinakikitaan ng mabuting gawa, wala itong kabuluhan.[d]

Salmo 117

Papuri sa Panginoon

117 Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa!
Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon,
    at ang kanyang katapatan ay walang hanggan.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Kawikaan 28:1

28 Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit ang matuwid ay matapang tulad ng leon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®