Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 42-43

Ang mga Silid para sa mga Pari

42 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Doon kami dumaan sa hilagang daanan ng templo. At doon ay ipinakita niya sa akin ang mga silid na nasa hilaga ng bakuran sa loob at ng gusali sa kanluran. Itong mga silid na nakaharap sa hilaga ay 170 talampakan ang haba at 85 talampakan ang luwang. May agwat na 35 na talampakan sa pagitan ng templo at ng mga silid na ito. Nakaharap ang mga silid na ito sa daanang bato sa bakuran sa labas. Itoʼy may tatlong palapag at sa harap nito ay may daanang 17 talampakan ang luwang at 170 talampakan ang haba Ang mga pinto nito ay nakaharap sa gawing hilaga. Ang mga silid sa ikatlong palapag ay makipot kaysa sa pangalawang palapag, at ang mga silid sa ikalawang palapag ay mas makipot kaysa sa unang palapag dahil nangangailangan ng daanan ang mga palapag sa itaas. Ang tatlong palapag na ito ay walang haligi, di tulad ng mga nasa bakuran. At dahil magkakapatong ang mga ito, paliit nang paliit ang mga silid nito mula sa itaas pababa. Ang gusaling ito at ang bakuran sa labas ay may pagitang pader na 85 talampakan ang haba. Dahil kung wala ang pader na ito, ang kalahati ng gusali na 85 talampakan ay makikita sa bakuran sa labas. Ang kabuuan ng gusali na may habang 170 talampakan ay makikita sa templo. May mga daanan papasok sa ibabang palapag ng gusaling ito kung galing ka sa bandang silangan ng bakuran sa labas.

10 Mayroon ding mga silid sa bandang timog[a] na pader ng bakuran sa loob. Ang mga silid na ito na nasa gilid ng bakuran sa loob ay malapit din sa gusali sa kanluran. 11 May daanan din sa harap ng mga silid na ito, katulad ng mga silid sa gawing hilaga. Ang kanilang haba at luwang ay magkapareho, pati ang mga daanan at ang mga sukat nito ay magkapareho rin. Ang mga pintuan ng mga silid sa hilaga ay 12 katulad din sa mga silid sa timog. May pintuan pagdating mismo sa daanan na papasok sa gusaling iyon. May pader sa gilid ng daanang ito, kung papasok ka galing silangan.

13 Sinabi sa akin ng tao, “Ang mga silid na ito sa gawing timog at hilaga na nasa gilid ng bakuran sa loob ay mga banal na silid. Sapagkat diyan kumakain ang mga pari ng mga banal na handog na inihandog nila sa Panginoon. Gagamitin din nila ang mga silid na ito bilang lalagyan ng mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan.[b] Sapagkat banal ang mga silid na ito. 14 Kapag ang mga pari ay lumabas na sa mga banal na silid[c] na ito, hindi sila dapat pumunta agad sa bakuran sa labas. Dapat magbihis muna sila ng ibang damit bago sila pumunta sa bahagi ng templo na para sa mga tao.”

15 Matapos sukatin ng tao ang loob ng templo, dinala niya ako sa labas. Doon kami dumaan sa gawing silangan, at sinukat niya ang kabuuang luwang ng templo. 16 Sinukat niya ng kanyang panukat na kahoy ang gawing silangan, at ang sukat ng haba nito ay 850 talampakan. 17-19 Sinukat din niya ang sa gawing hilaga, kanluran at timog at pawang magkakatulad na 850 talampakan ang haba nito. 20 Kaya ang templo ay parisukat. Napapalibutan ito ng pader para ihiwalay ang mga banal na lugar mula sa mga lugar na pangkaraniwan.

Bumalik sa Templo ang Dakilang Presensya ng Dios

43 Pagkatapos, dinala na naman ako ng tao sa daanan sa gawing silangan. At doon ay nakita ko na dumarating mula sa silangan ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel. Ang tunog ng pagdating niya ay parang rumaragasang tubig at ang lupain ay lumiliwanag dahil sa kanyang dakilang presensya. Ang pangitaing ito ay katulad din ng pangitaing nakita ko noong winasak ng Dios ang lungsod ng Jerusalem, at tulad din ng pangitaing nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako sa lupa.

Pagkatapos, pumasok ang dakilang presensya ng Panginoon sa templo. Doon siya dumaan sa pintuan sa gawing silangan. Itinayo ako ng Espiritu at dinala sa bakuran sa loob, at nakita ko ang buong templo na nilukuban ng makapangyarihang presensya ng Panginoon. Habang nakatayo ang tao sa tabi ko, may narinig akong tinig mula sa templo. Ang sinabi sa akin, “Anak ng tao, ito ang aking trono, at ang patungan ng aking paa. Dito ako mananahan kasama ng mga Israelita magpakailanman. Hindi na muling lalapastanganin ng mga Israelita maging ng kanilang mga hari ang aking pangalan, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan[d], o sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Noong una, nagtayo sila ng mga altar para sa mga dios-diosan nila malapit sa altar ko at pader lang ang pagitan. Dinungisan nila ang banal kong pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na gawang iyon. Kaya nilipol ko sila. Ngayoʼy kinakailangan na silang tumigil sa pagsamba sa mga dios-diosan at sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Sa gayon, mananahan akong kasama nila magpakailanman.”

10 Sinabi pa ng tinig, “Anak ng tao, ilarawan mo sa mga mamamayan ng Israel ang templo na ipinakita ko sa iyo. Sabihin mo sa kanila ang anyo nito upang mapahiya sila dahil sa mga kasalanan nila. 11 Kapag napahiya na sila sa lahat ng ginawa nila, ilarawan mo sa kanila kung paano gagawin ito, ang mga daanan, pinto, at ang buong anyo ng gusali. Isulat mo ang mga tuntunin sa pagpapagawa nito habang nakatingin sila para masunod nila ito nang mabuti. 12 At ito ang pangunahing kautusan tungkol sa templo: Ituring ninyong banal ang lahat ng lugar sa paligid ng bundok doon sa itaas na pagtatayuan ng templo.

Ang Altar

13 “Ito ang sukat ng altar ayon sa umiiral na panukat: Sa paligid ng altar ay gagawa kayo ng parang kanal na 20 pulgada ang luwang at 20 pulgada rin ang lalim at may sinepa sa paligid na anim na pulgada ang kapal. 14-17 May tatlong palapag ang altar na parisukat lahat. Ang ibabang palapag ay 27 talampakan ang haba at luwang. Ang taas naman ay tatlong talampakan. Ang gitnang palapag ay 24 na talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. May kanal sa paligid nito na 20 pulgada ang lalim, at may sinepa sa palibot na sampung pulgada ang luwang. Ang palapag sa itaas ay 20 talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. Dito sinusunog ang mga handog. Ang apat na sulok ng altar ay may parang mga sungay ng hayop. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.”

18 Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Kapag nagawa na ang altar, italaga ninyo ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog na sinusunog at pagwiwisik ng dugo ng hayop na inihandog. 19 Sa araw na iyon, ang mga paring naglilingkod sa akin na mga Levitang mula sa pamilya ni Zadok ay bibigyan ng isang batang toro na iaalay nila bilang handog sa paglilinis. 20 Kumuha ka ng dugo nito at ipahid mo sa apat na sungay na nasa sulok ng pangalawang palapag ng altar at sa sinepa nito. Sa ganitong paraan ay malilinis ang altar. 21 Pagkatapos, kunin mo ang batang toro na handog sa paglilinis, at sunugin mo sa lugar na pinagsusunugan sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, maghandog ka ng lalaking kambing na walang kapintasan at ihandog mo sa paglilinis ng altar, katulad ng ginawa mo sa batang toro. 23 Pagkatapos, kumuha ka ng isang batang toro at isang tupa na walang kapintasan, 24 at ihandog mo sa Panginoon. Lalagyan ito ng asin ng mga pari bago nila ialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog.

25 “Sa loob ng isang linggo, maghandog ka sa bawat araw ng isang lalaking kambing, isang toro at isang tupa na pawang walang kapintasan at ialay mo ito bilang handog sa paglilinis. 26 Sa ganitong paraan, malilinis ang altar at maaari nang gamitin pagkatapos. 27 At mula sa ikawalong araw, maghahandog na ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[e] At tatanggapin ko kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Santiago 5

Paalala sa mga Mayayaman

Kayong mayayaman, makinig kayo! Umiyak kayoʼt maghinagpis dahil sa mga kahirapang darating sa inyo. Nabubulok na ang mga kayamanan nʼyo at sinisira na ng insekto ang mga damit ninyo. Itinatago nʼyo lang ang mga pera nʼyo at hindi naman napapakinabangan. Sa mga huling araw, hahatulan kayo sa impyerno dahil sa pera ninyong hindi naman ginamit sa kabutihan. Sayang lang ang mga itinago nʼyo dahil malapit na ang katapusan ng mundo. Pakinggan ninyo ang reklamo ng mga manggagawa laban sa inyo. Pinagtrabaho ninyo sila sa inyong bukirin pero hindi ninyo binigyan ng sahod. Nakarating na sa Panginoong Makapangyarihan ang mga hinaing nila. Namuhay kayo nang marangya at maluho sa mundong ito. Para nʼyo na ring pinataba ang sarili nʼyo para sa araw ng pagkatay. Hinatulan ninyoʼt ipinapatay ang mga taong walang kasalanan kahit hindi sila lumalaban sa inyo.

Pagtitiyaga at Pananalangin

Mga kapatid, maging matiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Pagmasdan ninyo ang magsasaka: matiyaga niyang hinihintay ang unang pag-ulan. At pagkatapos niyang magtanim, matiyaga rin siyang naghihintay sa susunod na ulan at anihan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob dahil nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, para hindi kayo hatulan ng Dios. Malapit nang dumating ang Hukom. 10 Tularan nʼyo ang pagtitiyaga at pagtitiis ng mga propeta na mga tagapagsalita ng Panginoon. 11 Hindi baʼt itinuturing nating mapalad ang mga taong nagtitiis? Alam nʼyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at alam naman ninyo kung paano siya tinulungan ng Panginoon sa bandang huli. Sadyang mabuti at maawain ang Panginoon.

12 Higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa sa mga pangako ninyo. Huwag ninyong sabihin, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o ano pa man. Sabihin nʼyo lang na “Oo” kung oo, at “Hindi” kung hindi, para hindi kayo hatulan ng Dios.

13 Mayroon bang dumaranas ng paghihirap sa inyo? Dapat siyang manalangin sa Dios. Mayroon bang masaya sa inyo? Dapat siyang umawit ng mga papuri. 14 Mayroon bang may sakit sa inyo? Dapat niyang ipatawag ang mga namumuno sa iglesya para ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ay nakapagpapagaling ng may sakit. Ibabangon siya ng Panginoon at patatawarin kung nagkasala siya. 16 Kaya nga, ipagtapat ninyo sa isaʼt isa ang mga kasalanan nʼyo at ipanalangin ang isaʼt isa para gumaling kayo. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid, 17 katulad ni propeta Elias. Tao rin siyang tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan ng tatloʼt kalahating taon. 18 At nang nanalangin siya para umulan, bumuhos ang ulan, at namunga ang mga pananim.

19 Mga kapatid, kung nalilihis sa katotohanan ang isa sa inyo at may nakapagpabalik sa kanya sa tamang landas, 20 dapat ninyong malaman na ang nagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang masamang pamumuhay ay nagliligtas ng kaluluwa ng taong iyon sa kamatayan, at magdudulot ng kapatawaran ng maraming kasalanan.

Salmo 119:1-16

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
    Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
    kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
    higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
    at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
    at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.

Kawikaan 28:6-7

Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa mayaman na namumuhay sa kasalanan.
Ang matalinong anak ay sumusunod sa mga Kautusan, ngunit ang anak na bumabarkada sa mga pasaway,[a] mga magulang ang pinapahiya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®