Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 29-30

Ang Mensahe Laban sa Egipto

29 Noong ika-12 araw ng ikasampung buwan, nang ikasampung taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, humarap ka sa Egipto, at magsalita ka laban sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga taga-roon. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban kita, O Faraon, hari ng Egipto. Para kang malaking buwaya na nagbababad sa ilog. Sinasabi mong ikaw ang may-ari ng ilog Nilo, at ginawa mo ito para sa sarili mo. Pero kakawitan ko ng kawil ang iyong panga, at hihilahin kita paahon sa tubig pati na ang mga isdang nakakapit sa mga kaliskis mo. Itatapon kita sa ilang pati na ang mga isda, at hahandusay ka sa lupa at walang kukuha na maglilibing sa iyo. Ipapakain kita sa mga mababangis na hayop at sa mga ibon doon. Malalaman ng lahat ng nakatira sa Egipto na ako ang Panginoon. Sapagkat para kang isang marupok na tambo na inasahan ng mga mamamayan ng Israel. Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo. Magiging mapanglaw ang Egipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon.

“At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito, 10 kalaban kita at ang ilog mo. Wawasakin ko ang Egipto at magiging mapanglaw ito mula sa Migdol papuntang Aswan,[a] hanggang sa hangganan ng Etiopia.[b] 11 Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng 40 taon. 12 Gagawin kong pinakamapanglaw na lugar ang Egipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng 40 taon. At pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa.”

13 Pero sinabi rin ng Panginoong Dios, “Pagkalipas ng 40 taon, titipunin ko ang mga taga-Egipto mula sa mga bansang pinangalatan nila. 14 Muli ko silang ibabalik sa Patros sa gawing timog ng Egipto na siyang lupain ng kanilang mga ninuno. Pero magiging mahinang kaharian lang sila. 15 Sila ang magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian at kahit kailan ay hindi na sila makakahigit sa ibang bansa dahil gagawin ko silang pinakamahinang kaharian. At hindi na sila makakapanakop ng ibang bansa. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang mga mamamayan ng Israel. Ang nangyari sa Egipto ay magpapaalala sa Israel ng kanyang kasalanan na paghingi ng tulong sa Egipto. At malalaman ng mga Israelita na ako ang Panginoong Dios.”

17 Noong unang araw ng unang buwan, nang ika-27 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay nakipaglaban sa mga sundalo ng Tyre hanggang sa makalbo sila, at magkapaltos-paltos na ang mga balikat nila sa paglilingkod pero wala ring nangyari. Hindi nakuha ni Nebucadnezar at ng mga sundalo niya ang Tyre. 19 Pero ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasakop ko ang Egipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Sasamsamin niya ang lahat ng kayamanan ng Egipto bilang bayad sa mga sundalo niya. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang gantimpala sa pagpapagal na ginawa niya at ng mga sundalo niya para sa akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

21 Ezekiel, sa oras na mangyari ito, muli kong palalakasin ang Israel. At malalaman ng mga Israelita na totoo ang sinabi mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Ang Pagparusa sa Egipto

30 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, sabihin mo ang ipinapasabi ko sa mga taga-Egipto. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Umiyak kayo nang malakas dahil sa kapahamakang darating sa inyo. Sapagkat malapit nang dumating ang araw na iyon, ang araw ng paghatol ng Panginoon. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon para sa mga bansa. Sasalakayin ang Egipto at maghihirap ang Etiopia.[c] Maraming mamamatay na taga-Egipto, sasamsamin ang mga kayamanan nila at wawasakin ito. Sa digmaang iyon, mapapatay ang maraming taga-Etiopia, Put, Lydia, Arabia, Libya at iba pang mga bansang kakampi ng Egipto. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, mapapahamak ang mga kakampi ng Egipto at mababalewala ang ipinagmamalaki niyang kapangyarihan. Mamamatay ang mga mamamayan niya mula sa Migdol hanggang sa Aswan.[d] Magiging mapanglaw ang Egipto sa lahat ng bansa at ang mga lungsod niya ang magiging pinakawasak sa lahat ng lungsod. Kapag sinunog ko na ang Egipto at mamatay ang lahat ng kakampi niya, malalaman nila na ako ang Panginoon.

“Sa panahong iyon, magsusugo ako ng mga tagapagbalita na sasakay sa mga barko para takutin ang mga taga-Etiopia na hindi nababahala. Matatakot sila sa oras na mawasak ang Egipto, at ang oras na iyon ay tiyak na darating.”

10 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Gagamitin ko si Haring Nebucadnezar ng Babilonia para patayin ang mga mamamayan ng Egipto. 11 Siya at ang mga sundalo niya, na siyang pinakamalulupit na sundalo sa lahat ng bansa ang ipapadala ko sa Egipto para wasakin ito. Lulusubin nila ito at kakalat ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Patutuyuin ko ang Ilog ng Nilo at ipapasakop ko ang Egipto sa masasamang tao. Wawasakin ko ang buong bansa ng Egipto at ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Wawasakin ko ang mga dios-diosan sa Memfis.[e] Wala nang mamumuno sa Egipto at tatakutin ko ang mga mamamayan nito. 14 Gagawin kong mapanglaw ang Patros, susunugin ko ang Zoan at parurusahan ko ang Tebes.[f] 15 Ibubuhos ko ang galit ko sa Pelosium,[g] ang matibay na tanggulan ng Egipto, at papatayin ko ang maraming taga-Tebes. 16 Susunugin ko ang Egipto! Magtitiis ng hirap ang Pelosium. Mawawasak ang Tebes, at laging matatakot ang Memfis. 17 Mamamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki ng Heliopolis[h] at Bubastis,[i] at ang mga matitirang tao sa mga lungsod na itoʼy bibihagin. 18 Kapag inalis ko na ang kapangyarihan ng Egipto, magiging madilim ang araw na iyon para sa Tapanhes. Mawawala na ang ipinagmamalaking kapangyarihan ng Egipto. Matatakpan siya ng ulap, at ang mga mamamayan sa mga lungsod niya ay bibihagin. 19 Ganyan ang magiging parusa ko sa Egipto at malalaman ng mga mamamayan niya na ako ang Panginoon.”

20 At noong ikapitong araw ng unang buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, 21 “Anak ng tao, binali ko ang braso ng Faraon na hari ng Egipto. Walang gumamot sa kanya para gumaling at lumakas upang muling makahawak ng espada. 22 Kaya sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing laban ako sa kanya. Babaliin ko ang isa pa niyang braso para mabitawan niya ang kanyang espada. 23 Ikakalat ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa. 24 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at pahahawakan ko sa kanya ang aking espada. Pero babaliin ko ang mga braso ng Faraon, at dadaing siyang sugatan at halos mamatay na sa harap ng hari ng Babilonia. 25 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, pero gagawin kong inutil ang mga braso ng Faraon. Kapag ipinahawak ko ang aking espada sa hari ng Babilonia at gamitin niya ito laban sa Egipto, malalaman ng mga taga-Egipto na ako ang Panginoon. 26 Pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa lahat ng bansa at malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Hebreo 11:32-12:13

32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.

39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.

Ang Dios na Ama Natin

12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.

Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:

    “Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
    at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]

Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at Bilin

12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas.

Salmo 112

Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
    dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
Yayaman ang kanyang sambahayan,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
    at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
    at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
    at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
Hindi siya matatakot sa masamang balita,
    dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Hindi siya matatakot o maguguluhan,
    dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
Nagbibigay siya sa mga dukha,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
    Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
    Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.

Kawikaan 27:17

17 Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa-bakal, ang tao namaʼy matututo sa kanyang kapwa-tao.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®