Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Daniel 7

Ang Panaginip ni Daniel tungkol sa Apat na Hayop

Noong unang taon ng paghahari ni Belshazar sa Babilonia, nagkaroon ng mga pangitain si Daniel sa kanyang panaginip. Ito ang panaginip na kanyang isinulat:

“Isang gabi, may nakita akong pangitain ng isang malawak na dagat na hinahampas ng malakas na hangin mula sa apat na direksyon. Mula sa dagat ay biglang lumitaw ang apat na magkakaibang hayop.

“Ang unang hayop ay parang leon, pero may pakpak ng agila. Kitang-kita kong pinutol ang kanyang pakpak. Pinatayo siya na parang tao at binigyan ng kaisipang tulad ng sa tao.

“Ang pangalawang hayop ay parang oso. Nakatayo siya sa dalawang hulihang paa[a] at may kagat siyang tatlong tadyang. May tinig na nagsabi sa kanya, ‘Sige, magpakasawa ka sa karne.’

“Ang pangatlong hayop ay parang leopardo. Mayroon itong apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Binigyan siya ng kapangyarihan upang mamahala.

“Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay.

“Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan.

“Pagkatapos ay nakita kong may mga tronong inilagay, at umupo sa kanyang trono ang Dios na Nabubuhay Magpakailanman. Nakakasilaw ang kanyang damit at buhok dahil sa kaputian. Nagliliyab ang kanyang tronong may mga gulong. 10 At mula sa kanya ay umaagos ang apoy. Milyon-milyon ang mga naglilingkod sa kanya. Handa na siyang humatol, kaya binuksan ang mga aklat.

11 “Patuloy kong tinitingnan ang sungay dahil sa naririnig kong pagyayabang nito, hanggang sa nakita kong pinatay ang ikaapat na hayop. Inihagis siya sa apoy at nasunog ang kanyang katawan. 12 At ang natitirang tatlong hayop ay inalisan ng kapangyarihan, pero hinayaang mabuhay nang maigsing panahon.

13 “Pagkatapos, nakita ko ang parang tao[b] na pinaliligiran ng ulap. Lumapit siya sa Dios na Nabubuhay Magpakailanman. 14 Pinarangalan siya at binigyan ng kapangyarihang maghari, at naglingkod sa kanya ang lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika. Ang paghahari niya ay walang hanggan. At walang makakapagpabagsak ng kaharian niya.

Ang Kahulugan ng Panaginip

15 “Nabagabag ako sa aking nakita. 16 Kaya lumapit ako sa isang nakatayo roon at nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng nakita kong iyon. 17 Sinabi niya, ‘Ang apat na hayop ay nangangahulugan ng apat na haring maghahari sa mundo. 18 Pero ang mga banal[c] ng Kataas-taasang Dios ang siyang bibigyan ng kapangyarihang maghari magpakailanman.’

19 “Tinanong ko pa siya kung ano ang ibig sabihin ng ikaapat na hayop na ibang-iba sa tatlo. Nakakatakot itong tingnan; ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso. Sinasakmal niya at niluluray ang kanyang mga biktima, at kung may matitira ay kanyang tinatapak-tapakan. 20 Tinanong ko rin siya kung ano ang kahulugan ng sampung sungay ng ikaapat na hayop at ng isa pang sungay na tumubo at nagtanggal ng tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mga mata at may bibig na nagyayabang, at kung titingnan ay mas makapangyarihan siya kaysa sa ibang sungay. 21 Nakita kong ang sungay na ito ay nakikipaglaban sa mga banal ng Dios, at nananalo siya. 22 Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanman, ang Kataas-taasang Dios, at humatol panig sa kanyang mga banal. At dumating ang panahon ng paghahari ng mga banal.

23 “Narito ang kanyang paliwanag sa akin: Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kaharian dito sa mundo na kakaiba kaysa sa ibang kaharian. Lulusubin nito at wawasakin ang buong mundo. 24 Ang sampung sungay ay ang sampung hari na maghahari sa kahariang iyon. Papalit sa kanila ang isang hari na iba kaysa sa kanila at ibabagsak niya ang tatlong hari. 25 Magsasalita siya laban sa Kataas-taasang Dios, at uusigin niya ang mga banal ng Dios. Sisikapin niyang baguhin ang mga pista[d] at Kautusan. Ipapasakop sa kanya ang mga banal ng Dios sa loob ng tatloʼt kalahating taon. 26 Pero hahatulan siya, kukunin ang kanyang kapangyarihan, at lilipulin nang lubos. 27 At pagkatapos ay ibibigay sa banal na mga mamamayan ng Kataas-taasang Dios ang pamamahala at kapangyarihan sa mga kaharian ng buong mundo. Kaya maghahari sila magpakailanman, at ang lahat ng kaharian[e] ay magpapasakop sa kanila.

28 “Iyon ang panaginip ko. Nabagabag ako at namutla sa takot. Pero hindi ko ito sinabi kahit kanino.”

1 Juan 1

Ang Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan

Ipinapahayag namin sa inyo ang tungkol sa kanya na mula pa sa simula ay nariyan na.[a] Narinig namin siya, nakitaʼt napagmasdan ng sarili naming mga mata, at nahawakan pa namin siya. Siya ang Salita ng Dios na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Siya na pinagmumulan ng buhay na walang hanggan ay nahayag at aming nakita. Pinapatotohanan at ipinapahayag namin siya sa inyo, na sa simulaʼt simula pa ay kasama na ng Ama, at nagpakita sa amin. Ipinapahayag namin sa inyo ang nakita at narinig namin upang maging kaisa namin kayo sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Isinusulat namin ito upang malubos ang aming[b] kagalakan.

Ang Pamumuhay sa Liwanag

Ito ang mensaheng narinig namin mula kay Jesu-Cristo at ipinapahayag naman namin sa inyo: Ang Dios ay liwanag at sa kanya ay walang anumang kadiliman. Kung sinasabi nating may pakikiisa tayo sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay nang ayon sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Dios na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan.

Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Dios ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid siya. 10 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, ginagawa nating sinungaling ang Dios, at wala sa atin ang kanyang salita.

Salmo 119:153-176

153 Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
    dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
154 Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
155 Hindi maliligtas ang masasama,
    dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.
156 Napakamaawain nʼyo Panginoon;
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[a]
157 Marami ang umuusig sa akin,
    ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.
158 Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,
    dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.
159 Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.
    Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
160 Totoo ang lahat ng inyong salita,
    at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.

161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
    ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[b] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
    at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
    at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
    at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
    kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.

169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
    dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
    dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
    dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
    Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
    at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
    kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
    dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.

Kawikaan 28:23-24

23 Pasasalamatan ka pa ng tao sa huli kapag sinaway mo siya ng tapat kaysa panay ang papuri mo sa kanya kahit hindi nararapat.
24 Ang taong nagnanakaw sa magulang at sasabihing hindi iyon kasalanan ay kasamahan ng mga kriminal.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®