The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang mga Daanan Papunta sa Bakuran sa Loob
28 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa loob. Doon kami dumaan sa daanang nasa timog. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 29 Mayroon din itong mga silid na kinaroroonan ng mga guwardya na nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. Mayroon ding mga bintana sa palibot ng daanan at ng balkonahe. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang naman ay 42 at kalahating talampakan. 30 (Ang mga balkonahe ng mga daanan na nakapaligid sa bakuran sa loob ay may habang walong talampakan at may luwang na 42 at kalahating talampakan.) 31 Ang balkonahe ng daanan sa bandang timog ay nakaharap sa bakuran sa labas, at napapalamutian ito ng puno ng palma na nakaukit sa mga pader. May walong baitang paitaas sa daanang ito.
32 Pagkatapos, muli akong dinala ng tao sa bakuran sa loob. Sa gawing silangan kami dumaan. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 33 May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito, at mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng sa iba. Mayroon ding mga bintana sa paligid ng daanan at ng balkonahe. Ang haba naman ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 34 Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting palma na nakaukit sa magkabilang pader. May walong baitang din pataas sa daanang ito.
35 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa daanan sa hilaga. Sinukat niya ang daanang ito at katulad din ito ng iba. 36 May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito, at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan. At ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 37 Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting puno ng palma na nakaukit sa pader. May walong baitang pataas sa daanang ito.
Ang Silid na Pinaghahandaan ng mga Handog
38 Pagkatapos, may nakita akong silid na may pintuan, sa tapat ng balkonahe sa daanang nasa hilaga. Doon sa silid na iyon hinuhugasan ang mga handog na sinusunog. 39 Sa magkabilang panig ng balkonahe ay may dalawang mesa na pinagkakatayan ng mga hayop na handog na sinusunog, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan.[a] 40 Mayroon pang dalawang mesa sa magkabilang tabi ng hagdan bago umakyat sa daanan sa hilaga. 41 Kaya walong lahat ang mesa na pinagkakatayan ng mga handog. Apat sa balkonahe at apat sa tabi ng daan. 42 Mayroon ding apat na mesa roon na gawa sa tinapyas na bato. Doon inilalagay ang mga kagamitan na pangkatay ng hayop na handog na sinusunog, at iba pang mga handog. Itoʼy 20 pulgada ang taas, ang luwang at haba ay parehong 30 pulgada. 43 Sa palibot ng dingding ng balkonahe ay may mga sabitan na tatlong pulgada ang haba. At naroon sa mga mesa ang mga karneng ihahandog.
Ang mga Silid ng mga Pari
44 May dalawang silid doon sa bakuran sa loob. Ang isa ay nasa tabi ng daanan sa hilaga, nakaharap sa timog at ang isa naman ay nasa tabi ng daanan sa timog, nakaharap sa hilaga. 45 Sinabi sa akin ng tao, “Ang silid na nakaharap sa timog ay para sa mga paring namamahala sa templo, 46 at ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga paring namamahala sa altar. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, at sila lang na mga Levita ang pinayagang makalapit at maglingkod sa harap ng Panginoon.” 47 Sinukat ng tao ang luwang ng bulwagan at itoʼy 170 talampakan at ganoon din ang haba. Ang altar ay nasa harap ng templo.
48 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa balkonahe ng templo at sinukat niya ang magkabilang pader ng daanan ng balkonahe, at ang bawat pader ay may taas na walong talampakan at limang talampakan ang kapal. Ang luwang ng daanan ng balkonahe ay 24 na talampakan. 49 Ang haba ng balkonahe ay 35 na talampakan at ang luwang ay 20 talampakan. May sampung baitang ito pataas papunta sa balkonahe at may haligi sa magkabilang tabi.
41 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa Banal na Lugar ng templo. Sinukat niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Banal na Lugar, sampung talampakan ang taas, 2 walong talampakan ang kapal ng pader at 17 talampakan ang luwang ng daanan. Sinukat din niya ang bulwagan ng Banal na Lugar, 68 talampakan ang haba at 35 talampakan ang luwang.
3 Pagkatapos, pumasok ang tao sa Pinakabanal na Lugar. Sinukat din niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Pinakabanal na Lugar, tatlong talampakan ang kapal ng pader at 12 talampakan ang taas. Sampung talampakan ang luwang ng daanan. 4 Sinukat niya ang bulwagan ng Pinakabanal na Lugar, at 35 na talampakan ang haba nito ganoon din ang luwang. Pagkatapos, sinabi ng tao sa akin, “Ito ang Pinakabanal na Lugar.”
5 Pagkatapos, sinukat ng tao ang pader ng templo at ang kapal nito ay sampung talampakan. Sa labas ng pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunod-sunod na silid na tig-pipitong talampakan ang luwang. 6 May tatlong palapag ang mga silid na ito at bawat palapag ay may 30 silid. Ang bawat palapag ay nakapatong sa malapad na parang biga sa gilid ng pader ng templo. Kaya hindi na nito kailangan ng mga biga. 7 Ang pader ay papanipis mula sa ibaba pataas, kaya ang mga silid ay unti-unting lumuluwang mula sa unang palapag hanggang sa pangatlong palapag. May hagdanan mula sa unang palapag papunta sa ikalawang palapag hanggang sa ikatlong palapag.
8 Nakita ko ang templo na nakapatong sa pundasyon na sampung talampakan ang taas, at ito rin ang pundasyon ng mga silid sa gilid ng templo. 9 Ang pader sa bandang labas ng mga silid ay walong talampakan ang kapal. May bukas na bahagi sa pagitan ng mga silid na ito 10 at sa ibang silid na may luwang na 35 na talampakan at nakapaikot sa templo. 11 May dalawang pinto papunta sa mga silid sa gilid mula sa bukas na bahagi, ang isa ay sa gawing hilaga at ang isa ay sa gawing timog. Ang tapat ng bakanteng lugar ay may daanan na ang luwang ay walong talampakan.
12 May nakita akong isang gusali na nakaharap sa bakuran ng templo sa kanluran. Ang luwang ng gusaling ito ay 118 talampakan, at ang haba ay 150 talampakan, at ang kapal ng pader ay walong talampakan. 13 Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba ng templo, at itoʼy 170 talampakan. Ang sukat mula sa likurang bahagi ng templo papunta sa kabilang bahagi ng pader ng gusali sa kanluran ay 170 talampakan. 14 Ang luwang ng bulwagan sa loob sa gawing silangan, sa harap ng templo ay 170 talampakan din.
15 Pagkatapos, sinukat din ng tao ang haba ng gusali sa kanluran na nakaharap sa loob ng bulwagan na likod ng templo, pati ang mga pader sa bawat tabi nito, at ito ay may sukat na 170 talampakan. Ang Banal na Lugar, ang Pinakabanal na Lugar, at ang balkonahe ng templo 16 ay nababalot ng tabla,[b] pati ang palibot ng maliliit na bintana. Ang tatlong silid sa magkabilang daanan ay nababalot din ng tabla mula sa sahig hanggang bintana. Ang mga bintanang ito ay maaaring isara. 17 Ang dingding sa itaas ng pinto na papunta sa Pinakabanal na Lugar ay nababalot din ng mga tabla. Ang buong dingding sa loob ng templo 18 ay napapalamutian ng mga nakaukit na punong palma at mga kerubin na may dalawang mukha. 19 Ang isang kerubin ay mukha ng taong nakaharap sa palma at ang isa naman ay mukha ng leon na nakaharap din sa kabilang palma. Nakaukit ang mga ito sa lahat ng dingding ng templo, 20 mula sa sahig hanggang sa itaas, pati na sa dingding sa labas ng Banal na Lugar.
21 Parisukat ang hamba ng pinto ng Banal na Lugar. Sa harap ng pinto ng Banal na Lugar ay may parang 22 altar na kahoy na limang talampakan ang taas at tatlong talampakan ang haba at tatlo ring talampakan ang luwang. Ang mga sulok, sahig at mga gilid ay puro kahoy. Sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mesa sa harap ng Panginoon.” 23 Ang Banal na Lugar at ang Pinakabanal na Lugar ay may tigdalawang pinto, 24 ang bawat pinto ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 25 Ang pintuan ng Banal na Lugar ay may mga nakaukit na kerubin at punong palma gaya ng sa dingding. At ang balkonahe ay may mga bubong na kahoy. 26 Sa bawat gilid ng balkonahe ay may maliliit na bintanang may nakaukit sa gilid na mga puno ng palma. Ang mga silid sa gilid ng templo ay may bubong din.
Huwag Ibigin ang Mundo
4 Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang kagustuhan na naglalaban-laban sa puso nʼyo? 2 May mga ninanais kayo pero hindi nʼyo makamtan, kaya handa kayong pumatay dahil dito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi nʼyo nakakamtan ang mga ninanais nʼyo dahil hindi kayo humihingi sa Dios. 3 At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo para mapagbigyan ang sarili nʼyong kasiyahan. 4 Kayong mga hindi tapat sa Dios, hindi nʼyo ba alam na kaaway ng Dios ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Dios ang sarili niya. 5 Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya.”[a] 6 Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Dios. Kaya nga sinasabi sa Kasulatan, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan niya ang mapagpakumbaba.”[b]
7 Kaya magpasakop kayo sa Dios. Labanan nʼyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Dios at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin nʼyo ang inyong puso. 9 Maging malungkot kayo at maghinagpis dahil sa mga kasalanan nʼyo. Palitan nʼyo ng pagdadalamhati ang pagsasaya ninyo. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.
Paalala sa Paghuhusga sa Kapwa
11 Mga kapatid, huwag ninyong siraan ang isaʼt isa. Ang naninira o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. At kung ikaw ang humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad nito kundi isa nang hukom. 12 Ngunit ang Dios lang ang nagbigay ng Kautusan at siya lamang ang hukom. Tanging siya ang may kakayahang magligtas at magparusa.[c] Kaya sino ka para husgahan ang kapwa mo?
Paalala sa Pagmamalaki
13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas, pupunta kami sa isang bayan. Mamamalagi kami roon ng isang taon, magnenegosyo, at kikita ng malaki.” 14 Sa katunayan, hindi nʼyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos. 15 Kaya nga, ito ang dapat ninyong sabihin: “Kung loloobin ng Panginoon at mabubuhay pa tayo, ganito o kaya ganoon ang gagawin natin.” 16 Ngunit sa ngayon, nagmamalaki at nagmamayabang kayo. Ang ganyang pagyayabang ay masama.
17 Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, pero hindi naman ginagawa, nagkakasala siya.
19 Buksan ninyo ang pintuan ng templo ng Panginoon para sa akin dahil papasok ako at siyaʼy aking pasasalamatan.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon na ang mga matuwid lang ang makakapasok.
21 Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon, dahil sinagot nʼyo ang aking dalangin.
Kayo ang nagligtas sa akin.
22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.
23 Ang Panginoon ang may gawa nito at tunay na kahanga-hanga sa ating paningin.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, kaya tayoʼy magalak at magdiwang.
25 Panginoon, patuloy nʼyo kaming iligtas.
Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat ng aming ginagawa.
26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
27 Ang Panginoon ay Dios at napakabuti niya sa atin.
Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy para sa pagdiriwang ng pista, at pumarada paikot sa altar.
28 Panginoon, kayo ang aking Dios;
nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.
29 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
3 Ang taong mahirap na ginigipit ang kapwa mahirap ay tulad ng malakas na ulan na sumisira sa pananim.
4 Pinupuri ng masama ang mga taong lumalabag sa utos, ngunit ang sumusunod dito, kinakalaban ang masama.
5 Hindi maintindihan ng masasama ang katarungan, ngunit lubos itong nauunawaan ng mga lumalapit sa Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®