The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
12 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, naninirahan kang kasama ng mga rebeldeng mamamayan. May mga mata sila pero hindi nakakakita, may mga tainga pero hindi nakakarinig, dahil sila ay mga rebelde. 3 Kaya anak ng tao, maghanda ka ng mga gamit mo at magkunwaring binibihag ka. Pumunta ka sa ibang lugar, gawin mo ito sa araw para makita ka nila. Baka sakaling sa pamamagitan nito, maunawaan nila ang kanilang mga pagsuway. 4 Samantalang maliwanag pa, ihanda mo ang mga dadalhin mo para makita ng mga tao. Pagsapit ng gabi, habang nakatingin sila, lumakad kang parang isang bihag. 5 Butasan mo ang dingding ng iyong bahay at doon ilabas ang iyong mga dala-dalahan. 6 Habang nakatingin sila, pasanin mo ang mga dala-dalahan moʼt lumakad ka sa gabi. Takpan mo ang iyong mukha para hindi makita ang lupain na iyong iiwan. Ang gagawin mong ito ay magiging babala sa mga mamamayan ng Israel.”
7 Kaya sinunod ko ang utos ng Panginoon. Maaga kong inihanda ang mga dadalhin ko at pagsapit ng gabi ay binutasan ko ang dingding ng bahay ko. At habang nanonood sila, pinasan ko ang mga dala ko at lumakad.
8 Kinaumagahan, sinabi sa akin ng Panginoon, 9 “Anak ng tao, ngayon, ang mga rebeldeng mamamayan ng Israel ay magtatanong tungkol sa ginawa mo, 10 sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios ay may ipinapasabi sa mga namamahala ng Jerusalem at sa lahat ng mamamayan ng Israel. 11 Sabihin mo sa kanila na ang ginawa mo ay isang babala para sa kanila na sila ay mabibihag. 12 Kahit ang pinuno nilaʼy papasanin ang sarili niyang dala-dalahan at aalis nang gabi. Dadaan siya sa butas ng dingding na ginawa para sa kanya. Magtatakip siya ng mukha para hindi niya makita ang lupain. 13 Pero huhulihin ko siya na parang hayop at dadalhin sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo. Pero hindi niya ito makikita,[a] at doon siya mamamatay. 14 Pangangalatin ko sa lahat ng dako ang mga tauhan niya, mga lingkod at mga hukbo. At kahit nasaan sila, ipapapatay ko sila. 15 At kapag naipangalat ko na sila sa mga bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon. 16 Pero pahihintulutan ko na may makaligtas sa kanila sa digmaan, sa gutom at sa sakit para sabihin nila sa mga bansa ang mga kasuklam-suklam na ginawa nila at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
17 Sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain ka at umiinom. 19 Sabihin mo sa mga mamamayan ng Jerusalem at sa lahat ng taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na maguguluhan sila at manginginig sa takot habang kumakain at umiinom, dahil sasamsamin ang mga ari-arian ng bansa nila dahil sa kanilang kalupitan. 20 Wawasakin ang mga bayan nila at magiging mapanglaw ito. At malalaman nilang ako ang Panginoon.”
21 Sinabing muli ng Panginoon sa akin, 22 “Anak ng tao, ano itong kasabihan sa Israel na, ‘Lumilipas ang panahon pero hindi natutupad ang mga propesiya?’ 23 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay magpapatigil sa kasabihang ito at hindi na muling sasabihin pa sa Israel. Sabihin mo rin sa kanilang malapit nang matupad ang mga propesiya. 24 Tiyak na mawawala na sa Israel ang mga maling pangitain o mga panghuhula ng kasinungalingan. 25 Sapagkat kapag ako, ang Panginoon ay nagsalita, tiyak na mangyayari. Hindi magtatagal at magaganap na ang mga sinabi ko tungkol sa mga rebeldeng mamamayan. At mangyayari ito sa panahon ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
26 Sinabi sa akin ng Panginoon, 27 “Anak ng tao, sinasabi ng mga mamamayan ng Israel na ang mga pangitain mo at mga propesiya ay mangyayari pero matagal pa. 28 Kaya sabihin mo sa kanila: ‘Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi na sa lalong madaling panahon ay magaganap na ang mga sinabi ko. Oo, mangyayari na ito.’ ”
Parurusahan ang mga Bulaang Propeta
13 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bulaang propeta ng Israel na nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. Sabihin mo na pakinggan nila ang mensahe kong ito: 3 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing nakakaawa ang mga hangal na propetang nanghuhula mula sa sarili nilang isipan, at wala silang nakikitang mga pangitain. 4 O Israel, ang mga propeta moʼy katulad ng mga asong-gubat na nasa gibang lungsod. 5 Katulad nilaʼy mga walang pakialam sa wasak na mga pader ng Israel na hindi inayos para maging matibay dumating man ang digmaan, sa araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 6 Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang mula sa Panginoon ang sinasabi nila pero ang totooʼy hindi ko sila sinugo at hinihintay nilang maganap ito. 7 Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang iyon ang ipinapasabi ko pero hindi iyon nanggaling sa akin.
8 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na kakalabanin ko sila dahil kasinungalingan ang mga hula nila at hindi totoo ang kanilang mga pangitain. 9 Parurusahan ko ang mga propetang hindi totoo ang pangitain at kasinungalingan ang mga hula. Hindi ko sila ituturing na kabilang ng aking mga mamamayan at ang mga pangalan nilaʼy hindi isusulat sa talaan ng mga mamamayan ng Israel at hindi maaaring pumasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako ang Panginoong Dios.
10 “Inililigaw ng mga propetang ito ang aking mga mamamayan sa pagsasabing maayos ang lahat, pero hindi naman. Parang tinatapalan lang ng apog at putik ang mahinang pader na itinatayo ng mga mamamayan. 11 Sabihin mo sa mga nagtapal na mawawasak ang pader na ito, dahil darating ang malakas na bagyo at uulan ng yelong kasing tigas ng bato na wawasak sa pader na ito. 12 At kapag nawasak na ito, magtatanong ang mga tao sa kanila, ‘Ano ang naitulong ng itinapal ninyo?’
13 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sa tindi ng galit ko, wawasakin ko ang pader sa pamamagitan ng malakas na bagyo, pag-ulan ng yelo na kasing tigas ng bato, at malakas na ulan. 14 Oo, wawasakin ko ang pader na tinapalan ninyo ng apog at putik. Wawasakin ko ito hanggang sa lumabas ang pundasyon nito. At kapag nawasak na ito, babagsakan kayo at mamamatay. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. 15 Ipadarama ko ang galit ko sa pader at sa mga nagtapal dito. At ipamamalita ko na wala na ang pader at ang mga nagtapal nito, 16 na walang iba kundi ang mga propeta ng Israel na humula na magiging maayos ang kalagayan ng Jerusalem, pero kasinungalingan naman. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
17 “Ngayon naman, anak ng tao, magsalita ka laban sa mga babaeng nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. 18 Sabihin mo sa kanilang ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa kayo, kayong mga babaeng bumibiktima sa mga mamamayan ko, maging mga bata o matatanda sa pamamagitan ng mga anting-anting ninyo. Nilalagyan ninyo sila ng mga anting-anting na pulseras sa kanilang kamay at belo sa mga ulo. Binibiktima ninyo ang mga mamamayan ko para sa pansarili ninyong kapakinabangan. 19 Nilalapastangan ninyo ako sa harap ng mga mamamayan ko para lang sa kaunting sebada at ilang tinapay. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling ay sinasabi ninyong mamamatay ang hindi dapat mamatay at hindi mamamatay ang dapat mamatay. At naniniwala naman ang mga mamamayan ko sa kasinungalingan ninyo.
20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing: Labis akong nagagalit sa mga anting-anting na ginagamit ninyo para biktimahin ang mga tao na parang mga ibong nahuli sa bitag. Hahablutin ko ang mga anting-anting ninyo sa kamay[b] at palalayain ko ang mga taong hinuli ninyo na parang ibon. 21 Pupunitin ko rin ang mga belo ninyo at ililigtas ko ang mga mamamayan mula sa mga kamay ninyo, hindi nʼyo na sila mabibiktimang muli. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.
22 “Pinalungkot ninyo ang mga matuwid sa pamamagitan ng inyong kasinungalingan, na kahit ako ay hindi sila nabigyan ng kalungkutan. Pinalakas ninyo ang loob ng masasama na ipagpatuloy ang kasamaan nila sa pamamagitan ng mga pangakong maliligtas sila sa kamatayan.[c] 23 Kaya mawawala na ang mga hindi totoong pangitain at panghuhula ninyo. Ililigtas ko ang mga mamamayan ko mula sa inyong mga kamay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.”
Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan ng mga Namamahala sa Israel
14 Minsan, lumapit sa akin ang mga tagapamahala ng Israel at umupo sa harap ko para sumangguni sa Panginoon. 2 Sinabi sa akin ng Panginoon, 3 “Anak ng tao, ang mga taong iyan ay nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanila sa pagkakasala, kaya hindi ako makakapayag na humingi sila ng payo sa akin. 4 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: ‘Ang sinumang Israelitang nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humihingi ng payo sa isang propeta ay tuwiran kong sasagutin sa pamamagitan ng parusang nararapat at ayon sa dami ng kanyang mga dios-diosan. 5 Gagawin ko ito para magsibalik sa akin ang lahat ng Israelitang lumayo sa akin dahil sa mga dios-diosan nila.’
6 “Kaya sabihin mo ngayon sa mga Israelitang ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Magsisi kayo at itakwil na ang mga dios-diosan ninyo at talikuran ang lahat ng kasuklam-suklam ninyong mga gawa. 7 Ang sinumang Israelita o hindi Israelitang nakatira sa Israel, na lumayo sa akin at nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humingi ng payo sa akin sa pamamagitan ng paglapit sa mga propeta, ako, ang Panginoon, ang tuwirang sasagot mismo sa kanya sa pamamagitan ng parusa. 8 Kakalabanin ko siya at gagawing babala sa mga tao, at siyaʼy pag-uusapan nila. Ihihiwalay ko siya sa mga mamamayan ko. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
9 “Kung ang isang propeta ay iniligaw sa pagpapahayag ng mali, itoʼy dahil sa ako, ang Panginoon ay nag-udyok sa kanya para magpahayag ng mali. Parurusahan ko siya at ihihiwalay sa mga mamamayan kong Israel. 10 Ang propetang iyon at ang mga taong humingi ng payo sa kanya ay parehong parurusahan. 11 Gagawin ko ito para ang mga Israelita ay hindi na lumayo sa akin at nang hindi na nila dungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan. Kung magkagayon, magiging mga mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Paring si Melkizedek
7 Itong si Melkizedek ay hari noon sa Salem, at pari ng Kataas-taasang Dios. Nang pauwi na si Abraham mula sa pakikipaglaban sa mga haring nilupig niya, sinalubong siya ni Melkizedek at pinagpala. 2 Pagkatapos, ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ang kahulugan ng pangalang Melkizedek ay “Hari ng Katuwiran.” At dahil hari siya ng Salem, nangangahulugan na siyaʼy “Hari ng Kapayapaan.” 3 Walang naisulat tungkol sa kanyang ama at ina o maging sa mga ninuno niya. At wala ring naisulat tungkol sa kanyang kapanganakan at kamatayan. Katulad siya ng Anak ng Dios; ang pagkapari niyaʼy walang hanggan. 4 Isipin nʼyo na lang kung gaano kadakila si Melkizedek: Kahit na si Abraham na ama ng ating lahi ay nagbigay sa kanya ng ikapu mula sa lahat ng nasamsam niya sa labanan. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga paring mula sa lahi ni Levi ang siyang tatanggap ng ikapu mula sa mga kapwa nila Judio, kahit na nagmula silang lahat kay Abraham. 6 Hindi kabilang si Melkizedek sa lahi ni Levi, pero tumanggap siya ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala pa niya si Abraham, ang taong pinangakuan ng Dios. 7 At alam nating mas mataas ang nagpapala kaysa sa pinagpapala. 8 Kung tungkol sa mga paring mula sa lahi ni Levi na tumatanggap ng ikapu, mga tao lang sila na may kamatayan. Pero pinatutunayan ng Kasulatan na si Melkizedek na tumanggap ng ikapu mula kay Abraham ay nananatiling buhay. 9 At masasabi natin na kahit si Levi, na ang angkan niya ang tumatanggap ng ikapu, ay nagbigay din ng kanyang ikapu sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat nang magbigay si Abraham kay Melkizedek, masasabi nating si Levi ay nasa katawan pa ng ninuno niyang si Abraham.
11 Alam natin na ang Kautusang ibinigay ng Dios sa mga Judio ay batay sa pagkapari na nanggaling sa lahi ni Levi. Kung makakamtan sa pamamagitan ng mga ginagawa ng mga paring ito ang pagiging matuwid, hindi na sana kakailanganin pa ang ibang pari na katulad ng pagkapari ni Melkizedek, na iba sa pagkapari ni Aaron. 12 At kung papalitan ang pagkapari, kailangan ding palitan ang Kautusan. 13-14 Ang ating Panginoong Jesus na siyang tinutukoy na ipinalit sa mga pari ay kabilang sa ibang lahi, dahil malinaw na galing siya sa lahi ni Juda at hindi kay Levi. At wala pang naglingkod kahit kailan bilang pari mula sa lahi ni Juda. Sapagkat nang sabihin ni Moises kung sino ang maaaring maging pari, wala siyang sinabi tungkol sa lahi ni Juda.
Si Jesus ay Katulad ni Melkizedek
15 Lalo pang naging malinaw na pinalitan na ang mga paring mula sa lahi ni Levi nang magkaroon ng ibang pari na gaya ni Melkizedek. 16 Naging pari siya, hindi dahil sa lahi niya ayon sa Kautusan, kundi dahil sa makapangyarihan niyang buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melkizedek.”[a]
37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
at may dala pa silang mga pilak at ginto.
At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.
Purihin ang Panginoon!
3 Ang buhangin at bato ay mabigat, pero mas mabigat na problema ang idudulot ng taong hangal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®