Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 14:12-16:41

12 Sinabi sa akin ng Panginoon, 13 “Anak ng tao, kung ang isang bansa ay magkasala sa pamamagitan ng pagtatakwil sa akin, parurusahan ko sila at aalisin ko ang pinagmumulan ng kanilang pagkain. Magpapadala ako ng taggutom para mamatay sila pati na ang kanilang mga hayop. 14 Kahit kasama pa nila sina Noe, Daniel at Job, silang tatlo lang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

15 “Sakaling magpadala ako ng mababangis na hayop sa bansang iyon para patayin ang mga mamamayan, magiging mapanglaw ito at walang dadaan doon dahil sa takot sa mababangis na hayop, 16 kahit na kasama pa nila ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi makapagliligtas ang tatlong iyon kahit ng mga anak nila. Sila lang ang maliligtas, at ang bansang iyon ay magiging mapanglaw.

17 “O kung padalhan ko naman ng digmaan ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 18 kahit na kasama pa nila ulit ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi pa rin nila maililigtas kahit ang mga anak nila maliban lang sa kanilang sarili.

19 “O kung dahil sa galit ko sa kanila, padalhan ko ng sakit ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 20 kahit na kasama pa nga nila sina Noe, Daniel at Job, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nila maililigtas kahit ang kanilang mga anak kundi ang mga sarili lang nila dahil sa matuwid nilang pamumuhay.

21 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na magiging kahabag-habag ang Jerusalem kapag ipinadala ko na sa kanila ang apat na mabibigat na parusa – ang digmaan, taggutom, mababangis na hayop at mga karamdaman – na papatay sa mga mamamayan nila at mga hayop. 22 Pero may makakaligtas sa kanila na dadalhin dito sa Babilonia para isama sa inyo bilang mga bihag. Makikita ninyo ang masasamang ugali nila at gawa, at mawawala ang sama ng loob ninyo sa akin sa pagpaparusa ko sa Jerusalem. 23 Oo, mawawala ang sama ng loob ninyo kapag nakita ninyo ang pag-uugali nila at mga gawa, at maiintindihan ninyo na tama ang ginawa ko sa mga taga-Jerusalem. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Jerusalem ay Parang Sanga ng Ubas na Walang Kabuluhan

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sa anong paraan nakakahigit ang sanga ng ubas sa ibang punongkahoy? Ang mga sanga ba nito ay magagamit sa iba pang mga bagay? Maaari ba itong gawing sabitan? Hindi! Pwede lang itong panggatong; ganoon pa man madali itong matupok. Kaya wala talaga itong kabuluhan, sunog man o hindi pa.

“Ngayon, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ang mga mamamayan ng Jerusalem ay tulad ng baging ng ubas na tumutubong kasama ng mga punongkahoy sa kagubatan. Dahil itoʼy walang kabuluhan, susunugin ko sila. Oo, parurusahan ko sila at kahit na makatakas sila sa apoy, tutupukin pa rin sila ng isa pang apoy. At malalaman nila na ako ang Panginoon. Gagawin kong mapanglaw ang lugar nila dahil nagtaksil sila sa akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Jerusalem ay Katulad ng Babaeng Nangangalunya

16 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang mga kasuklam-suklam niyang gawa. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanya: Isa kang Canaanita! Ang ama mo ay isang Amoreo at ang iyong ina ay isang Heteo. Nang ipinanganak kaʼy walang nag-asikaso sa iyo. Walang pumutol ng pusod mo, nagpaligo o nagpahid ng asin sa katawan mo at wala ring nagbalot ng lampin sa iyo. Walang nagmalasakit sa iyo para gawin ang mga bagay na ito. Walang sinumang naawa sa iyo. Sa halip, itinapon ka sa kapatagan at isinumpa mula nang araw na isinilang ka.

“Pero nang mapadaan ako, nakita kitang kumakawag-kawag sa sarili mong dugo at sinabi ko sa iyong mabubuhay ka. Pinalaki kita tulad ng isang tanim sa bukirin. Lumaki ka at naging dalaga. Lumaki ang dibdib mo at lumago ang iyong buhok, pero hubad ka pa rin.

“Nang muli akong mapadaan, nakita kong ganap ka nang dalaga. Kaya tinakpan ko ng aking balabal ang kahubaran mo at ipinangakong ikaw ay aking mamahalin. Gumawa ako ng kasunduan sa iyo, at ikaw ay naging akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Pinaliguan kita at nilinis ang mga dugo sa katawan mo at pinahiran din kita ng langis. 10 Pagkatapos, dinamitan kita ng mamahaling damit na pinong linen, seda na may magagandang burda at pinagsuot ng sandalyas na balat. 11 Binigyan kita ng mga alahas: mga pulseras at kwintas. 12 Binigyan din kita ng singsing para sa ilong, hikaw at korona. 13 Pinalamutian kita ng pilak at ginto, dinamitan ng burdadong seda at ang pagkain moʼy mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Napakaganda mo, para kang reyna. 14 Naging tanyag ka sa mga bansa dahil sa labis mong kagandahan, at sa karangyaang ibinigay ko sa iyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

15 “Pero, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo. 16 Ginamit mo ang iba mong damit para pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar[a] at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari. 17 Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking dios-diosan na sinamba mo. Kaya para ka na ring nangalunya. 18 Pinadamitan mo ang mga dios-diosang iyon ng mga damit na may mga burda na ibinigay ko sa iyo at inihandog mo sa kanila ang mga langis ko at insenso. 19 Inihandog mo rin sa kanila ang mga pagkaing ibinigay ko sa iyo mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Inihandog mo ito sa kanila bilang mabangong handog. Oo, iyan nga ang nangyari. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

20 “Inihandog mo ang mga anak natin sa iyong mga dios-diosan upang kainin. Hindi ka pa ba nasisiyahan sa pagpapagamit mo sa kanila? 21 Pinatay mo pa ang mga anak ko at inihandog sa mga dios-diosan. 22 Sa lahat ng kasuklam-suklam mong gawain at pagpapagamit sa iba ay hindi mo na naisip kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa, noong hubad ka at kumakawag-kawag sa sarili mong dugo.

23 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, nakakaawa ka! Maliban sa mga kasamaang ito na ginawa mo, 24 nagtayo ka rin ng sambahan para sa mga dios-diosan, doon sa mga plasa 25 at kanto ng mga lansangan. Doon, dinumihan mo ang iyong kagandahan at ipinagamit ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki. Ipinagamit mo nang ipinagamit ang sarili mo. 26 Nagpagamit ka sa mga taga-Egiptong kalapit-bansa mong malibog. Ginalit mo ako sa pamamagitan ng patuloy mong pagpapagamit. 27 Kaya pinarusahan kita at pinaliit ang nasasakupan mo. Ipinasakop kita sa mga kaaway mong Filisteo. Kahit sila ay nagulat sa iyong kahalayan.

28 “At hindi ka pa nakontento, nagpagamit ka rin sa mga taga-Asiria. Pero pagkatapos, hindi ka pa rin nasiyahan. 29 Lalo pang tumindi ang iyong pagnanasa at nangalunya ka pa sa Babilonia na lugar ng mga mangangalakal, pero hindi ka pa rin nasiyahan.

30 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing kay dali mong mahikayat! Para kang babaeng bayaran na walang kahihiyan! 31 Nagtayo ka ng mga sambahan para sa mga dios-diosan sa mga kanto ng lansangan at mga plasa. Mas masahol ka pa kaysa sa babaeng bayaran dahil hindi ka nagpapabayad sa mga gumagamit sa iyo. 32 Isa kang babaeng mangangalunya! Mas gusto mo pang sumiping sa iba kaysa sa asawa mo! 33 Tumatanggap ng bayad ang mga babaeng bayaran, pero ikaw, ikaw pa ang nagbibigay ng mga regalo sa mga mangingibig mo para suhulan silang makipagtalik sa iyo. 34 Kabaligtaran ka ng mga babaeng bayaran! Walang nagyayaya sa iyo para sumiping; ikaw pa ang nagyayaya. Hindi ka na nagpapabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Kakaiba ka talaga!

35 “Kaya ikaw babaeng bayaran, pakinggan mo ang sasabihin ko! 36 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Ipinakita mo ang iyong kahalayan at kahubaran sa mga mangingibig mo at sa mga kasuklam-suklam mong dios-diosan. Pinatay mo ang mga anak mo at inihandog sa kanila. 37 Dahil sa ginawa mong ito, titipunin ko ang mga mangingibig na pinasasaya mo, ang mga minahal at kahit ang mga kinainisan mo. Titipunin ko sila para kalabanin ka at huhubaran kita sa harap nila para makita nila ang kahubaran mo. 38 Paparusahan kita dahil sa pangangalunya mo at pagpatay. At dahil sa tindi ng galit ko at panibugho, papatayin kita. 39 Ibibigay kita sa mga naging mangingibig mo at gigibain nila ang mga sambahang itinayo mo para sa iyong mga dios-diosan. Huhubaran ka nila at kukunin ang naggagandahan mong alahas, at iiwan ka nilang hubad. 40 Dadalhin ka nila sa mga taong babato at tatadtad sa iyo sa pamamagitan ng kanilang espada. 41 Susunugin nila ang bahay mo at parurusahan ka nila sa harap ng maraming babae. Ipapatigil ko ang pagpapagamit mo at ang pagbabayad mo sa iyong mga mangingibig.

Hebreo 7:18-28

18 Kaya nga pinalitan na ng Dios ang dating Kautusan dahil mahina ito at hindi makakatulong sa atin, 19 sapagkat walang naging matuwid sa paningin ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ito ang dahilan kung bakit tayo binigyan ngayon ng mas mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nitoʼy makakalapit na tayo sa Dios.

20 Mas mabuti ang bagong pag-asang ito dahil nilakipan ito ng Dios ng panunumpa. Hindi siya nanumpa nang gawin niyang mga pari ang lahi ni Levi, 21 pero nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus. Ito ang sinasabi ng Kasulatan:

    “Sumumpa ang Panginoon na ikaw ay pari magpakailanman.[a] At hindi magbabago ang pasya niya.”

22 Kaya si Jesus ang naging katiyakan natin sa isang mas mabuting kasunduan. 23 Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga pari. 24 Ngunit si Jesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang pagkapari niya. 25 Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Dios sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26 Kaya si Jesus ang punong pari na kailangan natin. Banal siya, walang kapintasan, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas ng higit pa sa kalangitan. 27 Hindi siya katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili. 28 Ang mga tao na naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon sa sinumpaan ng Dios matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Dios.

Salmo 106:1-12

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.
Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
    Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
    at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
    upang kayo ay maparangalan
    at maipakita ang inyong kapangyarihan.

Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
    pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
    at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
    at umawit sila ng mga papuri sa kanya.

Kawikaan 27:4-6

Mapanganib ang taong galit, ngunit ang taong seloso ay higit na mapanganib.
Mas mabuti ang pagsaway na hayagan, kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapaalam.
Ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan, ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®