Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 39:1-40:27

Ang Pagbagsak ni Gog at ng mga Kawal Niya

39 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban kay Gog. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, kalaban kita, ikaw na pinuno ng Meshec at Tubal. Paiikutin kita at hihilahin mula sa hilaga hanggang makarating ka sa bundok ng Israel. Pagkatapos, kukunin ko ang mga armas mo, mamatay ka at ang lahat ng sundalo mo, pati na ang mga bansang kasama mo roon sa bundok ng Israel. Ipapakain ko ang mga bangkay ninyo sa ibaʼt ibang uri ng ibong mandaragit at sa mababangis na hayop. Mamamatay kayo sa kapatagan dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Susunugin ko ang Magog at ang mga katabi niyang bansa na malapit sa tabing-dagat, kung saan mamumuhay nang mapayapa ang mga mamamayan. At malalaman nila na ako ang Panginoon. Ipapakilala ko sa mga mamamayan kong Israelita na banal ang pangalan ko, at hindi ko na papayagang lapastanganin ito. At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Sinasabi ko na darating ang araw na iyon. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Kapag dumating na ang araw na iyon, titipunin ng mga mamamayan ng Israel na nakatira sa mga bayan ang mga sandata ninyong pandigma. Ang malalaki at maliliit na kalasag, mga pana, palaso at sibat, at gagamitin nila itong panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na nila kailangang mangahoy pa sa mga parang o kagubatan dahil may mga sandata silang pagdigma na gagawing panggatong. Sasamsaman din nila silang mga sumamsam sa mga ari-arian nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

11 “Sa panahong iyon, ililibing ko si Gog at ang napakarami niyang tauhan doon sa Israel, sa lambak ng mga manlalakbay, sa gawing silangan ng Dagat na Patay. Napakalawak ng libingang iyon. Kaya hindi na makakadaan doon ang mga naglalakbay. At tatawagin itong Lambak ng Hukbo ni Gog.[a]

12 “Aabot ng pitong buwan ang paglilibing sa kanila ng mga Israelita. Sa ganitong paraan ay malilinis ang lupain. 13 Ang lahat ng mga mamamayan ay tutulong sa paglilibing. Hinding-hindi makakalimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil sa ganitong paraan ay mapaparangalan ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon para tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain. 15 Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda para makita ng mga maglilibing at para mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog. 16 (May bayang malapit doon na tatawaging Homonah o Maraming Tao). Sa ganitong paraan nila lilinisin ang lupain.”

17-18 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa akin, “Anak ng tao, tipunin mo ang lahat ng uri ng ibon at mababangis na hayop doon sa bundok ng Israel, dahil maghahanda ako ng isang piging at marami akong ihahandog doon na makakain nila. Kakain sila ng laman at iinom ng dugo ng matatapang na mga sundalo at pinuno na parang kumakain lang sila ng tupa, baka at kambing na pinataba mula sa Bashan. 19 Sa piging na ito na ihahanda ko para sa kanila, magsasawa sila sa pagkain at pag-inom hanggang sa mabusog at malasing ang mga ito. 20 Mananawa sila sa pagkain ng mga kabayo, mangangabayo, at matatapang na sundalo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

21 “Kapag pinarusahan ko na ang mga bansa, makikita nila kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan. 22 At mula sa araw na iyon, malalaman ng mga mamamayan ng Israel na ako ang Panginoon nilang Dios. 23 At malalaman din ng ibang bansa na ang mga mamamayan ng Israel ay binihag dahil sa mga kasalanan nila, dahil hindi sila sumunod sa akin. Kaya pinabayaan ko silang salakayin at patayin ng mga kaaway. 24 Ginawa ko lang sa kanila ang nararapat, ayon sa ginawa nilang kasamaan at kahalayan.”

25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kahahabagan ko na ang mga mamamayan ng Israel, ang lahi ni Jacob. Muli ko silang pauunlarin,[b] para maparangalan ang banal kong pangalan. 26 Makakalimutan na rin nila ang kahihiyang sinapit nila at pagtataksil sa akin kapag naninirahan na silang payapa at walang ligalig sa lupain nila. 27 Ipapakita ko ang kabanalan ko sa mga bansa kapag nakuha ko na ang mga Israelita sa mga bansang kaaway nila. 28 At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios. Sapagkat kahit ipinabihag ko sila sa ibang mga bansa, ibinalik ko rin silang lahat sa lupain nila at wala akong iniwan kahit isa. 29 Hindi ko na sila pababayaan dahil ipapadala ko ang aking Espiritu sa kanila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Bagong Templo

40 1-2 Noong ikasampung araw ng unang buwan, nang ika-25 taon ng aming pagkabihag at ika-14 na taon mula nang wasakin ang Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita sa akin ang isang pangitain. Sa pangitaing iyon, dinala niya ako sa mataas na bundok ng Israel. Nang tumingin ako sa timog ay may nakita akong parang isang lungsod. Dinala ako roon ng Panginoon at may nakita akong isang tao na ang mukha ay parang kumikinang na tanso. Nakatayo siya malapit sa pintuan ng bayan at may hawak na panukat. Ang isa ay lubid na gawa sa telang linen at ang isa ay kahoy. Sinabi sa akin ng taong iyon, “Anak ng tao, makinig ka at tingnan mong mabuti ang ipapakita ko sa iyo dahil ito ang dahilan kung bakit kita dinala rito. Pagkatapos, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel ang lahat ng nakita mo.”

Ang Pintuan sa Gawing Silangan

Nakita ko ang templo na napapaligiran ng pader. Kinuha ng tao ang panukat niyang kahoy, na ang haba ay sampung talampakan, ayon sa umiiral na sukatan ay sinukat niya ang pader. Sampung talampakan ang taas nito at ganoon din ang kapal. Pagkatapos, pumunta ang tao sa daanan sa templo na nakaharap sa silangan. Umakyat siya sa mga baitang at sinukat niya ang pasukan ng daanan, at sampung talampakan ang luwang nito. Sa bawat gilid ng daanang ito ay may tatlong silid na may guwardyang nagbabantay. Ang bawat silid na itoʼy may sukat na sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang, at ang kapal ng pader sa pagitan ay walong talampakan. Sa kabila ng mga silid ay may daanang papunta sa balkonahe na nakaharap sa templo. Ang daanang ito ay sampung talampakan din ang haba.

8-9 Sinukat din ng tao ang bulwagan at 14 na talampakan ang haba nito. Ang kapal ng dingding sa magkabilang daanan ng balkonahe ay tatlong talampakan.

10 Ang tatlong silid na kinaroroonan ng mga bantay ay pare-pareho ang luwang at ang mga pader sa pagitan nito ay pare-pareho rin ang kapal. 11 Sinukat din ng tao ang taas ng daanan papunta sa bakuran sa labas at itoʼy 22 talampakan. Ngunit ang taas ng pintuan nito ay 17 talampakan. 12 Sa harap ng bawat silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay ay may mababang pader na 20 pulgada ang taas at 20 pulgada rin ang kapal. At ang mga silid na itoʼy sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang.

13 Pagkatapos, sinukat ng tao ang luwang ng daanan papunta sa bakuran sa labas, at itoʼy 42 talampakan. Ang sukat nitoʼy mula sa likod ng pader ng kwartong kinaroroonan ng guwardyang nagbabantay, papunta sa kabilang pader ng silid ding iyon. 14 Sinukat niya ang pader mula sa pintuan papunta sa bulwagang nakaharap sa bakuran sa labas, at 100 talampakan ang haba nito. 15 Ang haba naman ng daanan mula sa pintuan hanggang sa dulo ng bulwagan ay 85 talampakan. 16 May maliit na bintana sa bawat silid, kung saan naroon ang nagbabantay at sa pader sa gitna ng mga silid. Ang mga pader na ito ay may palamuting nakaukit na puno ng palma.

Ang Bakuran sa Labas ng Templo

17 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Nakita ko roon ang 30 silid na nakahilera sa daanang bato na nakapaikot sa bakuran. 18 Ang daanang bato na ito sa bandang ibaba ay umaabot hanggang sa gilid ng mga daanang papasok sa bakuran. Ang lawak ng daanang bato ay kapantay ng haba ng mga daanang iyon. 19 Pagkatapos, sinukat ng tao ang layo mula sa daanang papasok sa bakuran sa labas ng templo hanggang sa daanang papunta sa loob ng bakuran ng templo at ang layo ay 170 talampakan.

Ang Daanan sa Hilaga

20 Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba at taas ng daanan sa hilaga. Ang daanang ito ay papunta sa labas ng patyo. 21 Ang bawat gilid ng daanan ay may tatlo ring silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito at ang pader sa pagitan, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng daanan sa silangan. Ang haba ng daanan sa hilaga ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 22 Ang mga bintana, balkonahe at palamuting palma ay katulad din ng nasa silangang daanan. May pitong baitang pataas sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. 23 Mayroon ding daanan papunta sa bakuran sa loob, sa gawing hilagang daanan katulad ng daanan sa silangan. Sinukat din ng tao ang layo ng dalawang daanan, at itoʼy 170 talampakan.

Ang Daanan sa Timog

24 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa dakong timog at may nakita akong daanan doon. Sinukat niya ang balkonahe at ang magkabilang pader nito at ang sukat nito ay katulad din ng mga una niyang sinukat. 25 May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan, at balkonahe katulad ng iba. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 26 Pito ang baitang nito paakyat sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. Ang mga pader sa gilid ng daanan ay may mga palamuting palma. 27 Mayroon ding daanan ang bakuran sa loob, na nakaharap sa timog. Sinukat ito ng tao at ang layo mula sa daanang ito hanggang sa daanan sa labas sa timog ay 170 talampakan.

Santiago 2:18-3

18 Kung talagang may magsasabi, “May pananampalataya ako, at ikaw naman ay may mabuting gawa.” Ito naman ang isasagot ko, paano ko makikita ang pananampalataya mo kung wala ka namang mabuting gawa? Ipapakita ko sa iyo na may pananampalataya ako sa pamamagitan ng mabuti kong gawa. 19 Naniniwala ka na may iisang Dios? Mabuti iyan! Pero kahit ang masasamang espiritu man ay naniniwala rin, at nanginginig pa nga sa takot. 20 Ikaw na walang pang-unawa, gusto mo bang patunayan ko na walang kabuluhan ang pananampalataya kung walang mabuting gawa? 21 Hindi baʼt itinuring na matuwid ng Dios ang ninuno nating si Abraham dahil sa mabuti niyang gawa nang ihandog niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22 Makikita mo na ang pananampalataya niyaʼy may kasamang mabuting gawa. Naipakita na tunay[a] ang pananampalataya niya sa pamamagitan ng mabuting gawa. 23 Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil dito, itinuring siyang matuwid. Tinawag pa nga siyang kaibigan ng Dios.”[b] 24 Dito nʼyo makikita na itinuturing na matuwid ng Dios ang tao dahil sa mabuti nitong gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.

25 Ganoon din si Rahab, ang babaeng bayaran. Itinuring siyang matuwid dahil itinago niya ang mga espiya ng mga Israelita at itinuro ang ibang daan para makatakas sila.

26 Kung paanong patay ang katawang walang espiritu, patay din ang pananampalataya kung walang mabuting gawa.

Ang Dila

Mga kapatid, huwag basta-bastang maghangad na maging tagapagturo ang marami sa inyo, dahil alam ninyong mas mabigat ang paghatol sa aming mga nagtuturo. Lahat tayo ay madalas magkamali. Kung mayroon mang hindi nagkakamali sa pananalita niya, isa siyang taong ganap at may kakayahang pigilin ang kanyang sarili. Nirerendahan natin ang mga kabayo para sumunod saan man natin gustong papuntahin. Isipin nʼyo rin ang mga barko na kahit napakalaki at itinutulak ng malakas na hangin ay napapabaling ng maliit na timon at napapapunta ng kapitan saan man niya gustuhin. Ganoon din naman ang dila natin; kahit na maliit na bahagi ng katawan, nakakagawa ng malaking kayabangan. Isipin nʼyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog na galing lang sa maliit na apoy. Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ay nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impyerno, at sumisira sa buong buhay natin. Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao. Pero walang taong nakakagawa nito sa dila. Wala itong tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay. Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, pero sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Dios. 10 Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan. 11 Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi! 12 Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat.

Ang Karunungang Mula sa Dios

13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba. 14 Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan nʼyo ang katotohanan. 15 Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Dios kundi sa mundo. Mula ito sa diyablo at hindi sa Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan. 17 Ngunit ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari. 18 Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.

Salmo 118:1-18

Pasasalamat dahil sa Pagtatagumpay

118 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng mga angkan ni Aaron ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng may takot sa Panginoon ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”

Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot at iniligtas.
Kasama ko ang Panginoon, kaya hindi ako matatakot.
    Ano ang magagawa ng tao sa akin?
Kasama ko ang Panginoon, siya ang tumutulong sa akin.
    Makikita ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa tao.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa mga pinuno.

10 Napaligiran ako ng maraming bansang kaaway ko,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
11 Totoong pinaligiran nila ako,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
12 Sinalakay nila ako na parang mga pukyutan,
    ngunit silaʼy napatigil agad na parang sinusunog na dayami na madali lang mapawi ng apoy.
    Dahil sa kapangyarihan ng Panginoon, silaʼy tinalo ko.
13 Puspusan nila akong sinalakay,
    at halos magtagumpay na sila,
    ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang Panginoon ang aking kalakasan
    at siya ang aking awit.
    Siya ang nagligtas sa akin.

15-16 Naririnig ang masayang sigawan ng mga mamamayan ng Dios sa kanilang mga tolda dahil sa kanilang tagumpay.
    Ang Panginoon ang nagbigay sa kanila ng tagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan!
    Ang kapangyarihan ng Panginoon ang nagbibigay ng tagumpay!

17 Hindi ako mamamatay, sa halip ay mabubuhay,
    at isasaysay ko ang mga ginawa ng Panginoon.
18 Kahit napakatindi ng parusa ng Panginoon sa akin, hindi niya niloob na akoʼy mamatay.

Kawikaan 28:2

Kapag ang isang bansa ay makasalanan, madalas nilang palitan ang kanilang pinuno. Ngunit kung may karunungan at pang-unawa ang kanilang pinuno, matatag ang kalagayan ng kanilang bayan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®