Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Awit ng mga Awit 1-4

Ang pinakamagandang awit ni Solomon.[a]

Babae

Paliguan mo ako ng iyong mga halik. Pagkat mas matamis pa kaysa katas ng ubas ang iyong pag-ibig. Kay sarap amuyin ng iyong pabango, at ang ganda ng pangalan mo, kaya hindi kataka-takang mga dalagaʼy napapaibig sa iyo. Sige na, O aking hari, dalhin mo ako sa iyong silid.

Mga Babae ng Jerusalem

Sa piling mo,[b] kami ay maligaya. Mas gusto pa namin ang pag-ibig mo kaysa anumang inumin.

Babae

Tama lang na umibig sila sa iyo! O mga babaeng taga-Jerusalem, maitim nga ako gaya ng mga tolda sa Kedar, pero maganda naman tulad ng kurtina sa palasyo ni Solomon. Huwag ninyo akong hamakin[c] dahil sa kulay ng aking balat. Maitim nga pagkat nabibilad sa init ng araw. Nagalit sa akin ang mga kapatid kong lalaki, at doon sa ubasan akoʼy pinagtrabaho nila. Dahil ditoʼy napabayaan ko ang sarili ko.[d]

Mahal, sabihin mo sa akin kung saan ka nagpapastol ng iyong mga tupa. Saan mo sila pinagpapahinga tuwing tanghali? Sabihin mo sa akin para hindi na ako maghanap pa sa iyo doon sa iyong mga kaibigan na nagpapastol din ng tupa. Dahil baka akoʼy mapagkamalan na isang babaeng bayaran.

Lalaki

Kung hindi mo alam, O babaeng ubod ng ganda, sundan ang bakas ng aking mga tupa. Papunta ito sa tolda ng mga pastol, at mga kambing moʼy doon mo na rin ipastol. O irog ko, tulad moʼy isang babaeng kabayo na nagustuhan ng lalaking kabayo na humihila ng karwahe ng hari ng Egipto.[e] 10 Napakaganda ng iyong mga pisngi, na lalong pinaganda ng mga hiyas. O anong ganda rin ng leeg mong sinuotan ng kwintas. 11 Ikaʼy igagawa namin ng alahas na yari sa mga ginto at pilak.

Babae

12 Habang ang hariʼy nasa kanyang mesa, pabango koʼy humahalimuyak. 13 Parang samyo ng mira ang bango ng aking iniibig, habang sa aking dibdib siya ay nakahilig. 14 Ang mahal koʼy tulad ng kumpol ng mga bulaklak na henna, na namumulaklak doon sa ubasan ng En Gedi.[f]

Lalaki

15 Napakaganda mo, aking giliw. Mga mata moʼy kasing pungay ng mga mata ng kalapati.

Babae

16 Kay kisig mo, mahal ko. Napakaganda mong pagmasdan habang tayo ay nakahiga sa mga damo, 17 sa lilim ng mga punong sipres at sedro.

Babae

Akoʼy isang bulaklak lamang ng Sharon, isang liryo[g] sa lambak.

Lalaki

Kung ihahambing sa ibang kababaihan, ang irog koʼy tulad ng liryo sa gitna ng matinik na halamanan.

Babae

Kung ihahambing naman sa ibang kabinataan, ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga puno roon sa kagubatan. Ako ay nanabik na maupo sa lilim niya, at tikman ang matamis niyang bunga. Dinala niya ako sa isang handaan para ipakita sa lahat na ako ay kanyang minamahal. Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas para akoʼy muling lumakas, sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig. Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig at ang kanang kamay naman niya ay nakayakap sa akin.

Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.

Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol. Tingnan ninyo, nariyan na siya na nakatayo sa may pader, at sa bintana akoʼy sinisilip. 10 Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumama ka. 11 Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan. 12 Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran. 13 Ang mga bunga ng igos ay hinog na[h] at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumama ka na.”

Lalaki

14 Katulad moʼy kalapating nagtatago sa bitak ng malaking bato. Ipakita mo sa akin ang magandang mukha mo at iparinig din ang maamo mong tinig.

Mga Babae ng Jerusalem

15 Bilis! Hulihin ang mga asong-gubat[i] na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak.

Babae

16 Akin lang ang mahal ko, at ako naman ay kanya lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo. 17 Bago magbukang-liwayway at magliwanag, magbalik ka, mahal ko. Tumakbo ka na kasimbilis ng batang usa o gasela sa kabundukan.

Sa gabi, habang akoʼy nakahiga, nananabik ako sa aking minamahal. Hinahanap-hanap ko siya, subalit hindi makita. Kaya bumangon akoʼt nilibot ang lungsod, mga lansangan, at mga liwasan. Hinanap ko ang aking mahal, pero hindi ko siya makita. Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Tinanong ko sila, “Nakita ba ninyo ang mahal ko?”

Hindi pa man ako nakakalayo sa kanila, nakita ko ang mahal ko. Hinawakan ko siya ng buong higpit at hindi binitiwan hanggang nadala ko siya sa bahay ng aking ina, doon sa silid kung saan ako nabuo. Kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.

Mga Babae ng Jerusalem

Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na tila makapal na usok na amoy mira at insensong itinitinda ng mangangalakal? Tingnan ninyo! Iyan ang karwahe ni Solomon na napapalibutan ng 60 pinakamagagaling na kawal ng Israel. Lahat silaʼy mayroong espada at bihasa sa pakikipaglaban. Laging handa kahit sa gabi man sumalakay. Ang karwaheng iyon na ipinagawa ni Haring Solomon ay yari sa kahoy na galing sa Lebanon. 10 Nababalot sa pilak ang haligi nito at palamuting ginto ang tumatakip dito. Ang kutson ng upuan ay binalot sa telang kulay ube at mga babaeng taga-Jerusalem ang nagpaganda ng loob ng karwahe.

Babae

11 Lumabas kayo, kayong mga dalaga ng Jerusalem,[j] at tingnan ninyo si Haring Solomon na may korona. Ipinutong ito sa kanya ng kanyang ina sa araw ng kanyang kasal – ang araw na buong puso niyang ikinagalak.

Lalaki

Napakaganda mo, O irog ko. Ang mga mata mong natatakpan ng belo ay parang mga mata ng kalapati. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong gupit at pinaliguan. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay. Ang mga labi moʼy parang pulang laso, tunay ngang napakaganda. Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy mamula-mula na parang bunga ng pomegranata. Ang leeg moʼy kasingganda ng tore ni David. Napapalamutian ng kwintas na tila isang libong kalasag ng mga kawal. Ang dibdib moʼy kasing tikas ng tindig ng kambal na batang usa na nanginginain sa gitna ng mga liryo. Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, mananatili ako sa dibdib mong tila mga bundok na pinabango ng mira at insenso. O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.

O aking magiging kabiyak, sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng mga bundok ng Amana, Senir at Hermon, na tinitirhan ng mga leopardo at leon. O irog ko na aking magiging kabiyak, sa isang sulyap mo lamang at sa pang-akit ng iyong kwintas na napapalamutian ng iisang bato ay nabihag mo na ang aking puso. 10 Ang pag-ibig mo aking irog ay walang kasingtamis. O aking magiging kabiyak, higit pa ito kaysa sa masarap na inumin. Ang samyo ng iyong pabangoʼy mas mabango kaysa sa lahat ng pabango. 11 Ang mga labi mo, aking magiging kabiyak ay kasintamis ng pulot. Ang dila moʼy tila may gatas at pulot. At ang damit moʼy kasimbango ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 12 O irog ko, aking magiging kabiyak, tulad ka ng isang halamanan na may bukal at nababakuran. 13 Ang mga punoʼy namumunga ng pomegranata at iba pang mga piling bunga. Sagana ito sa halamang henna, nardo, 14 safron, kalamo at sinamon, maging ng ibaʼt ibang klase ng insenso, mira, aloe at iba pang mamahaling pabango. 15 Tulad ka ng isang hardin na may bukal na umaagos mula sa mga kabundukan ng Lebanon.

Babae

16 Kayong hanging amihan at habagat, umihip kayo sa aking hardin upang kumalat ang bango nito. Papuntahin ang aking mahal sa kanyang hardin upang kainin ang mga piling bunga nito.

2 Corinto 8:16-24

16 Nagpapasalamat kami sa Dios na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo. 17 Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta riyan. 18 Pasasamahin namin sa kanya ang isa sa mga kapatid natin na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa paglilingkod niya para sa Magandang Balita. 19 Hindi lang iyan, siya rin ang pinili ng mga iglesya na sumama sa amin para magdala ng tulong sa mga nangangailangan, nang sa ganoon ay maparangalan ang Panginoon at maipakita namin na talagang gusto naming makatulong. 20 Isinusugo namin siya kasama si Tito dahil nais naming maiwasang may masabi ang iba tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking tulong na ito. 21 Sapagkat sinisikap naming gawin ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng tao.

22 Kasama nila sa pagpunta riyan ang isa pang kapatid sa pananampalataya, na subok na namin sa maraming bagay at nakita namin ang kanyang sigasig sa pagtulong. At higit pa nga ang kanyang sigasig ngayon, dahil malaki ang kanyang tiwala sa inyo. 23 Tungkol naman kay Tito, siya ang kasama at katulong ko sa aking mga gawain diyan sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila ang mga kinatawan ng mga iglesya. Ang kanilang pamumuhay ay isang karangalan para kay Cristo. 24 Kaya ipakita ninyo sa kanila ang inyong pagmamahal para mapatunayan nila na talagang totoo ang pagmamalaki namin sa inyo, at malaman din ito ng ibang iglesya sa pamamagitan nila.

Salmo 50

Ang Tunay na Pagsamba

50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
Nagliliwanag siya mula sa Zion,
    ang magandang lungsod na walang kapintasan.
Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
    Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
    at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
    sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
    na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
    dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
    Ako ang Dios, na inyong Dios.
    Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
    na palagi ninyong iniaalay sa akin.
Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
    ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
    at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
    dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
    Hindi!
    Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
    Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
    at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
    At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
    “Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
    Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
    nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
    kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
    Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
    dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
    at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”

Kawikaan 22:22-23

… 1 …

22 Huwag mong abusuhin ang mga mahihirap o apihin man sila sa mga hukuman, 23 sapagkat ipagtatanggol sila ng Panginoon. Anuman ang gawin ninyong masama sa kanila ay gagawin din niya sa inyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®