Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 33:10-36:22

10 Sinabi ng Panginoon, “Kikilos na ako ngayon, at dadakilain ako ng mga tao. 11 Kayong mga taga-Asiria, walang kabuluhan ang inyong mga plano at mga ginagawa. Ang nag-aapoy ninyong galit[a] ang tutupok sa inyo. 12 Masusunog kayo hanggang sa maging tulad kayo ng apog. Matutulad kayo sa matitinik na mga halaman na pinutol at sinunog. 13 Kayong mga bansa, malapit man o malayo, pakinggan ninyo ang mga ginawa ko at kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.”

14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Ang Dios ay parang nagliliyab na apoy na hindi namamatay. Sino sa atin ang makakatagal sa presensya ng Dios?” 15 Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain. 16 Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.

17 Mga Israelita, makikita ninyo[b] ang isang makapangyarihang hari na namamahala sa napakalawak na kaharian. 18 Maaalala ninyo ang nakakatakot na araw nang dumating sa inyo ang mga pinuno ng Asiria at binilang ang inyong mga tore at kung ilang ari-arian ang makukuha nila sa inyo. 19 Pero hindi na ninyo makikita ang mga mayayabang na iyon, na ang salita nila ay hindi ninyo maintindihan. 20 Tingnan ninyo ang Zion, ang Jerusalem, ang lungsod na pinagdarausan natin ng ating mga pista. Makikita na magiging mapayapang lugar at magandang tirahan ito. Itoʼy magiging parang toldang matibay, na ang mga tulos ay hindi mabunot at ang mga tali ay hindi malagot. 21 Ipapakita rito sa atin ng Panginoon na siyaʼy makapangyarihan. Ang Jerusalem ay parang isang lugar na may malawak na ilog at batis, na hindi matatawid ng mga sasakyan ng mga kaaway. 22 Gagawin ito ng Panginoon dahil siya ang ating hukom, mambabatas,[c] at hari. Siya ang magliligtas sa atin.

23 Ang Jerusalem ngayon ay parang sasakyang pandagat na maluwag ang mga tali at palo, at hindi mailadlad ang layag. Pero darating ang araw na maraming ari-arian ang sasamsamin ng Jerusalem sa kanyang mga kaaway. Kahit ang mga pilay ay bibigyan ng bahagi. 24 Wala ng mamamayan sa Jerusalem na magsasabi, “May sakit ako.” Patatawarin sila ng Dios sa kanilang mga kasalanan.

Parurusahan ng Dios ang Kanyang mga Kaaway

34 Kayong mga bansa, lumapit kayo at makinig nang mabuti. Makinig ang buong mundo at ang lahat ng nasa kanya. Sapagkat galit ang Panginoon sa lahat ng bansa; galit siya sa kanilang mga kawal. Ganap niyang lilipulin ang mga ito. Papatayin niya silang lahat. Hindi ililibing ang kanilang mga bangkay kaya aalingasaw ito, at ang mga bundok ay mamumula dahil sa kanilang dugo. Matutunaw ang lahat ng bagay sa langit, at ang langit ay mawawala na parang kasulatan na nairolyo. Mahuhulog ang mga bituin na parang mga dahon ng ubas o ng igos na nalalanta at nalalagas. Pagkatapos gamitin ng Panginoon ang kanyang espada sa langit, tatama naman ito sa Edom para parusahan at lipulin. Ang espada ng Panginoon ay mapupuno ng dugo at taba, na parang ginamit sa pagkatay ng mga kambing at tupang ihahandog, sapagkat papatayin ng Panginoon ang mga taga-Bozra bilang handog. Marami ang kanyang papatayin sa iba pang mga lungsod ng Edom. Papatayin din na parang mga toro ang kanilang mga makapangyarihang mamamayan. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng dugo at taba. Sapagkat ang Panginoon ay may itinakdang araw upang maghiganti sa kanyang mga kaaway para tulungan ang Zion. Ang mga sapa at ang lupa sa Edom ay masisira.[d] Ang buong bansa ay masusunog at hindi na mapapakinabangan. 10 At hindi ito mapapatay araw at gabi. Ang usok nitoʼy papailanlang magpakailanman. Wala nang titira o dadaan man lang sa Edom kahit kailan. 11 Magiging tirahan ito ng mga kuwago at mga uwak. Nasa plano na ng Panginoon na ipadanas sa lupaing ito ang kaguluhan at kapahamakan. 12 At tatawagin itong, “Walang Kwentang Kaharian.” Mawawala ang lahat ng pinuno nito. 13 Tutubo ang matitinik na mga halaman sa mga napapaderang lungsod at matitibay na bahagi nito. Maninirahan doon ang mga kuwago at mga asong-gubat. 14 Magsasama-sama roon ang mga asong-gubat kasama ng iba pang hayop sa gubat. Tatawagin ng mga maiilap na kambing ang mga kasamahan nila roon. At ang mga malignong lumalabas kapag gabi ay pupunta roon para magpahinga. 15 Ang mga kuwago ay magpupugad doon, mangingitlog, mamimisa, at iingatan nila ang kanilang mga inakay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mga uwak ay pares-pares na magtitipon roon.

16 Tingnan ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin. Wala ni isa man sa mga sinabi ko ang hindi matutupad. Walang mawawala ni isa man sa mga hayop na iyon, at wala ni isa man sa mga ito ang walang kapares, sapagkat iyan ang ipinasya ng Panginoon, at siya mismo[e] ang magtitipon sa kanila. 17 Siya ang magbibigay sa mga hayop ng lupa na kanilang titirhan. Mapapasakanila ito magpakailanman, at doon sila titira magpakailanman.

Ang Kaligayahan ng mga Iniligtas

35 Ang disyerto ay matutuwa na parang tao. Mamumulaklak ang mga halaman dito. Aawit at sisigaw ito sa tuwa, at mamumukadkad ang maraming bulaklak nito. Magiging maganda ito katulad ng Bundok ng Lebanon, at mamumunga ito nang sagana katulad ng kapatagan ng Carmel at Sharon. At mahahayag dito ang kapangyarihan at kadakilaan ng Panginoon na ating Dios.

Kaya palakasin ninyo ang mga nanghihina. Sabihin ninyo sa mga natatakot, “Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob. Darating ang inyong Dios para maghiganti sa inyong mga kaaway, at ililigtas niya kayo.” At kapag nangyari na ito, makakakita na ang mga bulag at makakarinig na ang mga bingi. Lulundag na parang usa ang mga pilay at sisigaw sa tuwa ang mga pipi. Aagos ang tubig sa disyerto at dadaloy ang tubig sa mga sapa sa ilang. Ang mainit na buhanginan ay magiging tubigan. At sa tigang na lupain ay bubukal ang tubig. Tutubo ang sari-saring damo sa lugar na tinitirhan noon ng mga asong-gubat.[f] Magkakaroon ng maluwang na lansangan sa ilang at iyon ay tatawaging, “Banal na Lansangan.” Walang makasalanan o hangal na makararaan doon, kundi ang mga sumusunod lamang sa pamamaraan ng Panginoon. Walang leon o anumang mababangis na hayop na makakaraan doon kundi ang mga tinubos[g] lamang ng Panginoon. 10 Babalik sila sa Zion na umaawit. Mawawala na ang kanilang kalungkutan at pagdadalamhati, at mapapalitan na ng walang hanggang kaligayahan.

Sinalakay ng mga Taga-Asiria ang Jerusalem(A)

36 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. Noong nasa Lakish si Senakerib, inutusan niya ang kumander ng kanyang mga sundalo pati ang buong hukbo niya na pumunta sa Jerusalem at makipagkita kay Haring Hezekia. Nang nasa labas na ng Jerusalem ang kumander, tumigil muna siya at ang kanyang hukbo sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig. Malapit ito sa daan papunta sa pinaglalabahan. Nakipagkita sa kanya roon si Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, si Shebna na kalihim, at si Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:

“Ano ba ang ipinagmamalaki mo? Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar[h] pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?”

Sinabi pa ng kumander, “Ngayon, inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo. Hindi ka talaga mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 10 At isa pa, iniisip mo bang labag sa Panginoon ang pagpunta ko rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”

11 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil ang wikang ito ay naiintindihan din namin. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.”

12 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”

13 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mga mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 14 Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 15 Huwag kayong maniwala sa kanya na manalig sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’

16 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga tanim at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 17 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay. 18 Huwag ninyong pakinggan si Hezekia, inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 19 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, at Sefarvaim? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 20 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas ng kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking mga kamay?”

21 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 22 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.

Galacia 5:13-26

13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan nʼyo para pagbigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sa halip, magmahalan kayoʼt magtulungan. 14 Sapagkat ang buod ng buong Kautusan ay nasa isang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”[a] 15 Ngunit kung patuloy kayong mag-aaway-away na parang mga hayop, baka tuluyan na ninyong masira ang buhay ng isaʼt isa.

Ang Pamumuhay sa Banal na Espiritu

16 Kaya mamuhay kayo nang ayon sa nais ng Banal na Espiritu para hindi ninyo mapagbigyan ang pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang nais ng Espiritu ay laban sa ninanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang gusto ninyong gawin. 18 Ngunit kung nagpasakop na kayo sa Banal na Espiritu, hindi na kayo sakop ng Kautusan.

19 Ang mga taong sumusunod sa ninanasa ng laman ay makikilala sa gawa nila: sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga dios-diosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagkasakim,[b] pagkagalit, pagkakawatak-watak, pagkakahati-hati, 21 pagkainggit, paglalasing, pagkahilig sa kalayawan, at iba pang kasamaan. Binabalaan ko kayo tulad ng ginawa ko na noon: Ang mga namumuhay nang ganito ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.

22 Ngunit ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Kung ganito ang pamumuhay natin hindi natin malalabag ang mga utos ng Dios. 24 Ipinako na ng mga nakay Cristo ang pagnanasa at masasamang hangarin ng kanilang laman doon sa krus. 25 At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito. 26 Huwag tayong maging mapagmataas, huwag nating galitin ang ating kapwa, at iwasan ang inggitan.

Salmo 64

Ang Parusa sa Masasamang Tao

64 O Dios, pakinggan nʼyo ang daing ko!
    Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.
Naghahanda sila ng matatalim na salita,
    na gaya ng espada at palasong nakakasugat.
Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid
    na parang namamana nang patago.
    Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.
Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan
    at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag.
    Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”
Nagpaplano sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!”
    Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!
Ngunit papanain sila ng Dios at bigla na lang silang masusugatan.
Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang sinabi,
    kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.
At lahat ng tao ay matatakot.
    Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba.
10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid.
At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.

Kawikaan 23:23

23 Pagsikapan mong mapasaiyo ang katotohanan, karunungan, magandang pag-uugali at pang-unawa. At huwag mo itong ipagpapalit sa kahit anumang bagay.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®