Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 45:11-48

11 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, na lumikha sa kanya, “Nagrereklamo ba kayo sa mga ginagawa ko? Inuutusan nʼyo ba ako sa mga dapat kong gawin? 12 Ako ang gumawa ng mundo at ng lahat ng naninirahan dito. Ang mga kamay ko ang nagladlad ng langit, at ako ang nag-utos sa araw, buwan at mga bituin na lumabas. 13 Ako ang tumawag kay Cyrus para isagawa ang aking layunin. Gagawin kong tama ang lahat ng pamamaraan niya. Itatayo niyang muli ang aking lungsod at palalayain niya ang mga mamamayan kong binihag. Gagawin niya ito hindi dahil sa binigyan siya ng suhol o regalo. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

14 Sinabi ng Panginoon sa Israel, “Masasakop mo ang mga taga-Egipto, ang mga taga-Etiopia[a] at ang mga taga-Sabea na ang mga lalaki ay matatangkad. Paparito sila sa iyo na dala ang kanilang mga kayamanan at mga ani. Silaʼy magiging mga bihag mo. Luluhod sila sa iyo at magsasabi, ‘Ang Dios ay totoong kasama mo, at wala nang ibang Dios!’ ”

15 O Dios at Tagapagligtas ng Israel, hindi nʼyo ipinapakita ang inyong sarili. 16 Mapapahiya ang lahat ng gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. 17 Pero ang Israel ay ililigtas nʼyo, Panginoon, at ang kaligtasan nila ay walang hanggan. Hindi na sila mapapahiya kahit kailan.

18 Kayo Panginoon ang Dios. Kayo ang lumikha ng langit at ng mundo. Hindi nʼyo ginawa ang mundo nang walang nabubuhay. Ginawa nʼyo ito para matirhan. Sinabi nʼyo, “Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. 19 Hindi ako nagsalita nang lihim, nang walang nakakaalam. Hindi ko sinabi sa mga lahi ni Jacob na dumulog sila sa akin, na wala naman silang matatanggap sa akin. Ako ang Panginoon, nagsasalita ako ng katotohanan. Sinasabi ko kung ano ang dapat.”

20 Sinabi pa ng Panginoon, “Magtipon kayong lahat at lumapit sa akin, kayong mga tumakas mula sa mga bansa. Walang alam ang mga nagdadala ng mga dios-diosan nilang kahoy. Nananalangin sila sa mga dios-diosang ito, na hindi naman makapagliligtas sa kanila. 21 Isangguni ninyo sa isaʼt isa, at ihayag ang inyong usapin. Sino ang humula noon tungkol sa mga bagay na mangyayari? Hindi baʼt ako, ang Panginoon? Wala nang ibang Dios, ako lang, ang Dios na matuwid at Tagapagligtas.

22 “Lumapit kayo sa akin para maligtas kayo, kayong lahat sa buong mundo.[b] Sapagkat ako ang Dios at maliban sa akin ay wala nang iba pa. 23 Sumumpa ako sa aking sarili, at ang mga sinabi koʼy hindi na mababago. Ang lahat ay luluhod sa akin, at silaʼy mangangakong magiging tapat sa akin. 24 Sasabihin nila, ‘Tanging sa tulong lamang ng Panginoon ang taoʼy magkakaroon ng lakas at tagumpay na may katuwiran.’ ” Ang lahat ng napopoot sa Panginoon ay lalapit sa kanya at mapapahiya. 25 Sa tulong ng Panginoon ang lahat ng lahi ng Israel ay makakaranas ng tagumpay na may katuwiran at magpupuri sila sa kanya.

Ang mga Dios-diosan ng Babilonia

46 Ang mga dios-diosan ng Babilonia na sina Bel at Nebo ay nakahiga habang ikinakarga sa mga karwahe na hinihila ng mga asno. Mabibigat sila, karga ng mga pagod na hayop. Nakahiga nga sila, at hindi nila kayang iligtas ang kumakarga sa kanila, kaya pati sila ay nabihag.

Makinig kayo sa akin, mga lahi ni Jacob, kayong mga natirang mga mamamayan ng Israel. Inalagaan ko kayo mula nang kayoʼy ipinanganak. Aalagaan ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan ko. Tutulungan ko kayo at ililigtas. Kanino ninyo ako maihahalintulad? Mayroon bang katulad ko? Ang ibang mga tao ay naglalabas ng kanilang ginto o pilak at inuupahan nila ang platero para iyon ay gawing rebulto at pagkatapos ay kanilang luluhuran at sasambahin. Pinapasan nila ito at inilalagay sa kanyang lalagyan at nananatili ito roon dahil hindi naman ito makakakilos. Kung may mananalangin sa kanya, hindi siya makakasagot at hindi makakatulong sa panahon ng kaguluhan. Kayong mga rebelde, tandaan ninyo ito, at itanim sa inyong mga isip. Alalahanin ninyo ang aking mga ginawa noong unang panahon. Ako lang ang Dios, at wala nang iba pang katulad ko. 10 Sa simula pa lang, sinabi ko na ang mga mangyayari sa hinaharap. Ang aking mga inihayag ay magaganap, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin. 11 Tatawag ako ng isang tao mula sa silangan sa malayong lugar, at siya ang magsasagawa ng aking mga plano. Maitutulad ko siya sa isang ibong mandaragit. Isasagawa ko ang aking mga sinabi at plinano. 12 Makinig kayo sa akin kayong matitigas ang ulo. Hindi ninyo mararanasan ang tagumpay at katuwiran. 13 Hindi na magtatagal, ibibigay ko na ang tagumpay at katuwiran sa Jerusalem. Malapit ko na itong iligtas; pararangalan ko ang Israel.

Ang Pagbagsak ng Babilonia

47 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka ng walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon pero hindi na ngayon. Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog. Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.” Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan ay ang Banal na Dios ng Israel.

Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa dilim. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian. Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan. Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Pero hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli. Kaya pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan at nag-aakalang ligtas. Sinasabi mo pa sa iyong sarili na ikaw ang Dios at wala nang iba pa. Inaakala mo ring hindi ka mababalo o mawawalan ng mga anak.[c] Pero bigla itong mangyayari sa iyo: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway. 10 Naniniwala kang hindi ka mapapahamak sa paggawa mo ng kasamaan, dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo. Inililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, at iyon din ang dahilan kung bakit sinasabi mong ikaw ang Dios at wala nang iba pa. 11 Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan at hindi mo malalaman kung papaano mo iyon mailalayo sa pamamagitan ng iyong mahika. Darating din sa iyo ang salot na hindi mo mababayaran para tumigil. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak na hindi mo akalaing mangyayari. 12 Sige ipagpatuloy mo ang iyong mga mahika at mga pangkukulam na iyong ginagawa mula noong bata ka pa. Baka sakaling magtagumpay ka, o baka sakaling matakot sa iyo ang mga kaaway mo. 13 Pagod ka na sa marami mong mga pakana. Magpatulong ka sa iyong mga tao na nag-aaral tungkol sa mga bituin at nanghuhula bawat buwan tungkol sa mga mangyayari sa iyo. 14 Ang totoo, para silang mga dayaming madaling nasusunog. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili sa apoy. At ang apoy na itoʼy hindi tulad ng pangkaraniwang init kundi talagang napakainit. 15 Ano ngayon ang magagawa ng mga taong hinihingan mo ng payo mula nang bata ka pa? Ang bawat isa sa kanilaʼy naligaw ng landas at hindi makakapagligtas sa iyo.

Matigas ang Ulo ng mga Israelita

48 “Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng Panginoon at tumatawag sa Dios ng Israel. Pero pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay. Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Dios ng Israel, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan.” Sinabi niya sa inyo, “Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan. Alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso. Kaya sinabi ko na agad sa inyo ang aking gagawin. Noong hindi pa ito nangyayari, sinabi ko na ito sa inyo para hindi ninyo masabing ang inyong mga rebultong dios-diosan na gawa sa kahoy at bakal ang siyang humula at nagsagawa nito. Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam. Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo. Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo. Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol. 10 Lilinisin ko kayo pero hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap. 11 Gagawin ko ito para sa aking karangalan. Hindi ako papayag na ako ay mapahiya at ang mga dios-diosan ay maparangalan.

Efeso 4:1-16

Iisang Katawan kay Cristo

Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.

Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
    at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[a]

(Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[b] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.

Salmo 68:19-35

19 Purihin ang Panginoon,
    ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
    Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
21 Tiyak na babasagin ng Dios ang ulo ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Pababalikin ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan;
    pababalikin ko sila mula sa kailaliman ng dagat,
23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
    at magsasawa ang inyong mga aso sa paghimod ng kanilang dugo.”
24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
    at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
    kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
    at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[a]
    katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
    Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
    hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
    Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
    Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
    Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
    Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
    Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
    Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
    Purihin ang Dios!

Kawikaan 24:3-4

… 20 …

3-4 Sa pamamagitan ng karunungan, maitatayo mo at mapapaunlad ang iyong tahanan. Mapupuno rin ito ng mahahalagang kayamanan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®