Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 10-11

10 1-2 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga di-makatarungang kautusan na umaapi sa mga mahihirap kong mamamayan at nagkakait ng katarungan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga kautusang iyon, kinukuha ninyo ang mga ari-arian ng mga biyuda at mga ulila. Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin nʼyo pagdating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo? Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa mapapawi. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.

Ang Parusa ng Panginoon sa mga taga-Asiria

Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang mga taga-Asiria. Sila ang gagamitin kong pamalo para parusahan ang mga kinamumuhian ko. Uutusan ko silang salakayin ang bansang hindi makadios at kinapopootan ko, para wasakin ito at tapak-tapakan na parang putik sa lansangan, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian.”

Pero hindi malalaman ng hari ng Asiria na ginagamit lang siya ng Panginoon. Akala niyaʼy basta na lang siya mangwawasak ng maraming bansa. Buong pagmamalaki niyang sinabi, “Ang mga kumander ng mga sundalo ko ay parang mga hari. Anong pagkakaiba ng Carkemish at Calno, ng Arpad at Hamat, at ng Damascus at Samaria? Silang lahat ay pare-pareho kong winasak. 10 Pinarusahan ko ang mga bansang sumasamba sa mga dios-diosan na mas marami pa kaysa sa mga dios-diosan sa Jerusalem at Samaria. 11 Winasak ko na ang Samaria at ang mga dios-diosan nito. Ganyan din ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga dios-diosan nito.”

12 Pero ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki. 13 Sapagkat sinasabi niya, ‘Nagawa ko ito dahil sa sarili kong lakas at karunungan. Tinalo ko ang maraming bansa at sinamsam ang kanilang mga kayamanan. Para akong toro; tinalo ko ang kanilang mga hari. 14 Kinuha ko ang mga kayamanan ng mga bansa, na para bang nangunguha lang ako ng itlog sa mga pugad na iniwanan ng inahin. Walang pakpak na pumagaspas o huni na narinig.’ ”

15 Maaari bang magmalaki ang palakol o ang lagare sa gumagamit sa kanya? Mabubuhat ba ng pamalo ang may hawak sa kanya? 16 Kaya magpapadala ang Panginoong Makapangyarihan ng sakit na magpapahina sa malulusog na sundalo ng Asiria. Susunugin ng Panginoon ang mga kayamanan niya sa naglalagablab na apoy. 17 Ang Panginoon na siyang ilaw at banal na Dios ng Israel ay magiging tulad ng naglalagablab na apoy na susunog sa mga matitinik niyang halaman sa loob ng isang araw lang. 18 Kung paanong sinisira ng sakit ang katawan ng tao, sisirain din ng Panginoon ang mga kagubatan at mga bukid ng hari ng Asiria. 19 Iilan lang ang matitirang puno sa kanyang kagubatan. Mabibilang ito kahit ng batang paslit.

20-21 Darating ang araw na ang mga natitirang Israelitang lahi ni Jacob ay hindi na magtitiwala sa Asiria na nagpahirap sa kanila. Magtitiwala na sila sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Magbabalik-loob sila sa Makapangyarihang Dios. 22-23 Kahit na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang mga Israelita, iilan lang ang makakabalik. Nakatakda na ang parusang nararapat para sa buong Israel. At tiyak na gagawin ito ng Panginoong Dios na Makapangyarihan. 24 Kaya sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ko na naninirahan sa Zion, huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria kahit na pinahihirapan nila kayo katulad ng ginawa sa inyo ng mga Egipcio. 25 Sapagkat hindi magtatagal at mawawala na ang galit ko sa inyo at sa kanila ko naman ito ibubuhos hanggang sa mamatay sila. 26 Parurusahan ko sila katulad ng ginawa ko sa mga taga-Midian sa Bato ng Oreb at sa mga Egipcio nang nilunod ko sila sa dagat. 27 Sa araw na iyon, palalayain ko kayo mula sa kapangyarihan ng Asiria. Para kayong natanggalan ng mabigat na pasanin sa mga balikat nʼyo at ng pamatok na nagpapabigat sa leeg ninyo. Lalaya kayo mula sa kapangyarihan nila dahil magiging makapangyarihan kayo.”[a]

Sumalakay ang Asiria

28 Nilusob ng Asiria ang Ayat. Doon sila dumaan sa Migron at iniwan nila sa Micmash ang mga dala nila. 29 Dumaan sila sa tawiran, at doon natulog sa Geba. Natakot ang mga taga-Rama, at tumakas ang mga mamamayan ng Gibea na bayan ni Haring Saul. 30 Sumigaw kayong mga taga-Galim! Makinig kayong mga taga-Laish at kayong mga kawawang taga-Anatot. 31 Tumakas na ang mga mamamayan ng Madmena at Gebim. 32 Sa araw na ito, darating ang mga taga-Asiria sa Nob. At sesenyas sila na salakayin ang bundok ng Jerusalem, ang Bundok ng Zion. 33 Makinig kayo! Ang Panginoong Makapangyarihan ang wawasak sa mga taga-Asiria sa pamamagitan ng kahanga-hanga niyang kapangyarihan, na parang pumuputol ng mga sanga sa puno. Ibabagsak niya ang mga mapagmataas katulad ng pagputol ng matataas na punongkahoy. 34 Pababagsakin niya sila katulad ng pagputol ng mga puno sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol. Silang mga katulad ng puno sa Lebanon ay pababagsakin ng Makapangyarihang Dios.

Ang Mapayapang Kaharian

11 Ang maharlikang angkan ni David[b] ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David. Mananatili sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at magbibigay ito sa kanya ng karunungan, pang-unawa, kakayahan sa pagpaplano, kapangyarihan, kaalaman, at takot sa Panginoon. Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba. Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao. Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.

Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak. Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.

10 Darating ang araw at isisilang ang bagong hari mula sa lahi ni David na magsisilbing hudyat sa mga bansa para magtipon sila. Magtitipon sila sa kanya, at magiging maluwalhati ang lugar na tinitirhan niya. 11 Sa araw na iyon, muling gagamitin ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para pauwiin ang mga natitira sa mga mamamayan niya na dinalang bihag sa Asiria, Egipto, Patros, Etiopia,[c] Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar. 12 Itataas ng Panginoon ang isang bandila para ipakita sa mga bansa na tinitipon na niya ang mga mamamayan ng Israel at Juda mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo. 13 Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda at ang galit ng Juda sa Israel. 14 Magkasama silang lulusob sa mga Filisteo sa kanluran. Lulusubin din nila ang mga bansa sa silangan at sasamsamin ang mga ari-arian ng mga ito. Sasakupin nila ang Edom at Moab, at ang mga Ammonita ay magpapasakop din sa kanila. 15 Patutuyuin ng Panginoon ang Dagat ng Egipto at paiihipin ang mainit na hangin sa Ilog ng Eufrates para maging pitong maliliit na daluyan ng tubig na matatawid ng taong naglalakad. 16 Kung paanong may malapad na daan na dinaanan ng mga mamamayan ng Israel noong umalis sila sa Egipto, mayroon ding malapad na daan para sa mga natitira niyang mga mamamayan sa Asiria.

2 Corinto 12:11-21

Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Para akong hangal sa aking pagmamalaki, pero kayo na rin ang nagtulak sa akin para gawin ito. Dapat sanaʼy pinuri ninyo ako sa mga nagpapanggap na mga apostol, pero hindi ninyo ito ginawa. Kahit na wala akong maipagmamalaki sa aking sarili, hindi naman ako nahuhuli sa mga taong iyan na magagaling daw na mga apostol. 12 Pinatunayan ko sa inyo na akoʼy tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala, kababalaghan, at iba pang mga kamangha-manghang gawain. 13 Kung ano ang mga ginawa ko riyan sa inyo, ganoon din ang ginawa ko sa ibang mga iglesya, maliban na lamang sa hindi ko paghingi ng tulong sa inyo. Kung sa inyoʼy isa itong pagkakamali, patawarin sana ninyo ako!

14 Handa na ako ngayong dumalaw sa inyo sa ikatlong pagkakataon. At tulad ng dati, hindi ako hihingi ng tulong sa inyo dahil kayo ang gusto ko at hindi ang inyong ari-arian. Para ko kayong mga anak. Di baʼt ang mga magulang ang nag-iipon para sa kanilang mga anak at hindi ang mga anak para sa mga magulang? 15 Ang totoo, ikaliligaya kong gugulin ang lahat at ialay pati ang aking sarili para sa inyo. Ngunit bakit katiting lang ang isinusukli ninyo sa sobra-sobrang pagmamahal ko sa inyo?

16 Sumasang-ayon kayo na hindi nga ako naging pabigat sa inyo, pero may nagsasabi pa rin na nilinlang ko kayo at dinaya sa ibang paraan. 17 Pero paano? Alam naman ninyong hindi ako nagsamantala sa inyo sa pamamagitan ng mga kapatid na pinapunta ko riyan. 18 Noong pinapunta ko sa inyo si Tito, kasama ang isang kapatid, nagsamantala ba siya sa inyo? Hindi! Sapagkat iisang Espiritu ang aming sinusunod,[a] at iisa ang aming layunin.

19 Baka sa simula pa iniisip na ninyo na wala kaming ginagawa kundi ipagtanggol ang aming sarili. Aba, hindi! Sa presensya ng Dios at bilang mga Cristiano, sinasabi namin sa inyo, mga minamahal, na lahat ng aming ginagawa ay para sa ikatitibay ng inyong pananampalataya. 20 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay makita ko kayong iba sa aking inaasahan at makita rin ninyo akong iba sa inyong inaasahan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway-away, nag-iinggitan, nagkakagalit, nagmamaramot, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay ipahiya ako ng aking Dios sa inyong harapan. At baka maging malungkot ako dahil marami sa inyo ang nagkasala na hanggang ngayon ay hindi pa nagsisisi sa kanilang kalaswaan, sekswal na imoralidad, at kahalayan.

Salmo 56

Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]

56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
    Palagi nila akong pinahihirapan.
Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
    Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
    O Kataas-taasang Dios.[b]
Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
    Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
    Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
    binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
    Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
    Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
    Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
    at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
    Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
    sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.

Kawikaan 23:6-8

… 8 …

Huwag kang kumain o matakam sa pagkain na inihanda ng taong kuripot, kahit ito ay masarap. Sapagkat ang taong ganyan bawat subo moʼy binabantayan. Sasabihin niya, “Sige, kumain ka pa.” Ngunit hindi pala ganoon ang nasa isip niya. Kaya lahat ng kinain moʼy isusuka mo at ang mga papuri mo sa kanya ay mababalewala.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®