The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Mensahe tungkol sa Egipto
19 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Egipto:
Makinig kayo! Ang Panginoon ay nakasakay sa ulap at mabilis na pumunta sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga dios-diosan ng Egipto, at kinakabahan ang mga Egipcio.
2 Sinabi ng Panginoon, “Pag-aawayin ko ang mga taga-Egipto: Kapatid laban sa kapatid, kapitbahay laban sa kapitbahay, lungsod laban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian. 3 Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista. 4 Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.
5 Matutuyo ang Ilog ng Nilo. 6 Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib, 7 ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito. 8 Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo, 9 at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen. 10 Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.
11 Hangal ang mga pinuno ng Zoan! Kinikilala silang mga pinakamatalinong tagapayo ng Faraon,[a] pero ang kanilang mga payo ay walang kabuluhan. Paano nila nasabi sa Faraon, “Lahi kami ng matatalino at ng mga hari noong unang panahon.”
12 Faraon, nasaan na ngayon ang matatalino mong tao? Kung talagang matatalino sila, itanong mo kung ano ang plano ng Panginoong Makapangyarihan para sa Egipto. 13 Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis.[b] Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila. 14 Ginugulo ng Panginoon ang isip ng mga Egipcio. Pamali-mali ang mga hakbang na kanilang ginagawa. Para silang mga lasing na pasuray-suray at nagsusuka. 15 Walang sinuman sa buong Egipto, mayaman man o mahirap, marangal man o aba, ang makakatulong sa kanyang bansa.
16 Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Egipto ay magiging mahina na parang babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoong Makapangyarihan. 17 Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoong Makapangyarihan laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lungsod ng Egipto ang susunod sa Panginoong Makapangyarihan, at magsasalita sila sa wikang Hebreo.[c] Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.[d]
19 Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Egipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito. 20 Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoong Makapangyarihan sa lupain ng Egipto. Kung ang mga taga-Egipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan sila ng magliligtas at kakalinga sa kanila. 21 Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Magsisipanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon. 22 Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Egipto, pero pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon, at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Egipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Egipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Egipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba. 24 Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Egipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo. 25 Pagpapalain sila ng Panginoong Makapangyarihan at sasabihin, “Pinagpapala ko ang mga taga-Egipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko.”
Ang Mensahe Tungkol sa Egipto at sa Etiopia
20 Ayon sa utos ni Haring Sargon ng Asiria, sinalakay ng kumander ng mga sundalo ng Asiria ang Ashdod, at naagaw nila ito. 2 Bago ito nangyari, sinabi ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit na panluksa at tanggalin mo ang iyong sandalyas.” Ginawa ito ni Isaias, at palakad-lakad siyang nakahubad at nakayapak.
3 Sinabi ng Panginoon, “Ang lingkod kong si Isaias ay palakad-lakad nang hubad at nakayapak sa loob ng tatlong taon. Itoʼy isang babala para sa Egipto at Etiopia.[e] 4 Sapagkat bibihagin ng hari ng Asiria ang mga taga-Egipto at mga taga-Etiopia,[f] bata man o matanda. Bibihagin sila nang hubad at nakayapak. Makikita ang kanilang puwit, at talaga ngang mapapahiya ang mga Egipcio. 5 Ang mga umaasa sa Etiopia at ipinagmamalaki ang Egipto ay manlulupaypay at mapapahiya. 6 Sa araw na mangyari iyon, sasabihin ng mga Filisteo,[g] ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan at hinihingan ng tulong para tayoʼy maligtas sa hari ng Asiria. Paano na tayo maliligtas?’ ”
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
21 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Babilonia:[h]
Sasalakay ang mga kaaway na parang buhawi. Dadaan ito sa Negev mula sa ilang, sa nakakapangilabot na lupain. 2 Nakita ko ang isang kakila-kilabot na pangitain tungkol sa kataksilan at kapahamakan.
Kayong mga taga-Elam at taga-Media, palibutan ninyo ang Babilonia at salakayin. Wawakasan na ng Dios ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.
3 Ang nakita kong ito sa pangitain ay nagdulot sa akin ng matinding takot at nakadama ako ng pananakit ng katawan, na para bang babaeng naghihirap sa panganganak. 4 Kinakabahan ako at nanginginig sa takot. Sana makapagpahinga ako paglubog ng araw, pero hindi maaari, dahil takot ako sa maaaring mangyari.
5 Naghahanda ng piging ang mga pinuno. Naglalagay sila ng mga pansapin para upuan. Kumakain sila at umiinom, nang biglang may sumigaw, “Magmadali kayo! Humanda kayo sa digmaan.”
6 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Maglagay ka ng tagapagbantay sa lungsod na magbabalita ng makikita niya. 7 Kinakailangang magbantay siya nang mabuti at ipaalam agad kapag nakakita siya ng mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo, at mga sundalo na nakasakay sa mga asno at mga kamelyo.”
8 Sumigaw ang bantay, “Ginoo, araw-gabiʼy nagbabantay po ako sa tore. 9 At ngayon, tingnan nʼyo! May dumarating na mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo.” At sinabi pa ng bantay, “Nawasak na ang Babilonia! Ang lahat ng imahen ng kanyang mga dios-diosan ay nagbagsakan sa lupa at nawasak lahat.”
10 Pagkatapos, sinabi ko, “Mga kapwa kong mga Israelita, na parang mga trigong ginigiik,[i] sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na aking napakinggan sa Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel.”
Ang Mensahe tungkol sa Edom
11 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Edom:[j]
May taong mula sa Edom[k] na palaging nagtatanong sa akin, “Tagapagbantay, matagal pa ba ang umaga?” 12 Sumagot ako, “Mag-uumaga na pero sasapit na naman ang gabi. Kung gusto mong magtanong ulit bumalik ka na lang.”
Ang Mensahe tungkol sa Arabia
13 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Arabia:
Kayong mga mamamayan ng Dedan, na pulu-pulutong na naglalakbay at nagkakampo sa mga ilang ng Arabia, 14 bigyan ninyo ng tubig ang mga nauuhaw. Kayong mga nakatira sa Tema, bigyan ninyo ng pagkain ang mga taong nagsitakas mula sa kani-kanilang mga lugar. 15 Tumakas sila mula sa mahigpit na labanan at hinahabol sila ng kanilang mga kaaway na may mga espada at mga pana.
16 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar. 17 Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
Ang Pagtanggap kay Pablo bilang Apostol
2 Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito. 2 Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. 3 Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio. 4 Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises. 5 Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.
6 Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.) 7 Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Sapagkat ang Dios na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga hindi Judio. 9 Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio. 10 Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.
Pinagsabihan ni Pablo si Pedro
11 Noong dumating si Pedro sa Antioc, pinagsabihan ko siya nang harapan dahil mali ang ginawa niya. 12 Sapagkat bago dumating ang ilang tao mula kay Santiago, kumakain si Pedro kasama ng mga hindi Judio. Pero nang dumating ang mga iyon, nagsimula na siyang umiwas at ayaw nang kumaing kasama ng mga hindi Judio. Natakot siya sa maaaring sabihin ng mga Judiong nagpupumilit na magpatuli ang mga hindi Judio para maligtas. 13 Pati tuloy ang ibang mga kapatid na Judio ay nakigaya sa pagkukunwari niya, at maging si Bernabe ay napagaya na rin.
14 Nang makita kong hindi na ayon sa katotohanan ng Magandang Balita ang ginagawa nila, pinagsabihan ko si Pedro sa harap ng lahat, “Bakit mo pinipilit ang mga hindi Judio na mamuhay na parang mga Judio? Ikaw nga mismo na isang Judio ay namumuhay na parang hindi Judio.”
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
15 Kaming mga ipinanganak na Judio ay iba sa mga hindi Judio na itinuturing ng mga kapwa naming Judio na makasalanan. 16 Ngunit alam namin na ang tao ay itinuturing na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. Kaya nga kaming mga Judio ay sumampalataya rin kay Cristo Jesus para maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan.
Panalangin Laban sa Masama
59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
2 Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
3 Panginoon, tingnan nʼyo!
Inaabangan nila ako para patayin,
kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
ngunit handa silang salakayin ako.
Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
6 Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
7 Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
8 Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
9 O Dios ikaw ang aking kalakasan.
Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
O Panginoon na aming pananggalang,
iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.
… 12 …
13-14 Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak. Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kanya sa kamatayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®