The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Purihin ang Dios
25 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon. 2 Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli. 3 Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa. 4 Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader, 5 at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.
6 Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda. 7 At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan[a] ng mga tao sa lahat ng bansa. 8 Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.
9 Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”
10 Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, pero parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya ito na parang dayami sa tapunan ng dumi. 11 Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Pero kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas. 12 Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.
Awit ng Papuri sa Dios
26 Sa mga araw na iyon ang awit na itoʼy aawitin sa Juda:
Matatag na ang ating lungsod!
Ang Pagliligtas ng Dios ay parang pader na nakapalibot sa atin.
2 Buksan ang mga pintuan ng lungsod para makapasok ang bansang matuwid at tapat sa Panginoon.
3 Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo.
4 Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
5 Ang totoo, ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.
Winawasak niya ang kanilang lungsod hanggang sa madurog sa lupa.
6 At itoʼy tinatapak-tapakan ng mga dukha na kanilang inapi.
7 Patag ang daan ng taong matuwid, at kayo, Panginoong matuwid, ang nagpatag nito.
8 Panginoon, sinunod namin ang inyong mga utos,
at nagtiwala kami sa inyo.
Hangad namin na kayo ay aming maparangalan.
9 Buong puso kitang hinahanap-hanap kapag gabi.
Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo,
matututo silang mamuhay nang matuwid.
10 Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasama,
hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid.
Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid,
patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama,
at hindi nila kinikilala ang inyong kapangyarihan.
11 Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila,
pero hindi nila alam.
Ipaalam nʼyo sa kanila, Panginoon.
Ilagay nʼyo po sila sa kahihiyan. Ipakita nʼyo sa kanila kung gaano nʼyo kamahal ang iyong mga mamamayan.
Lipulin nʼyo po sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.
12 Panginoon, ilagay nʼyo po kami sa mabuting kalagayan,
sapagkat ang lahat ng aming nagagawa ay nagagawa namin sa tulong ninyo.
13 Panginoon na aming Dios,
pinamahalaan kami ng ibang panginoon,
pero kayo lang ang aming sinasamba.
14 Patay na sila ngayon at hindi na mabubuhay pa.
Pinarusahan nʼyo sila at pinatay para malimutan at hindi na maaalala pa.
15 Panginoon, pinalawak nʼyo ang aming bansa.
Pinalapad nʼyo ang aming mga hangganan,
at itoʼy nagbigay ng karangalan sa inyo.
16 Panginoon, pinarusahan nʼyo ang iyong mga mamamayan,
at sa kanilang mga paghihirap ay dumulog at tumawag sila sa inyo.
17 Panginoon, kitang-kita nʼyo ang aming paghihirap.
Tulad kami ng isang babaeng nanganganak, na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.
18 Dumaing kami dahil sa hirap, pero wala rin kaming iniluwal.
Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain namin,
at hindi rin namin nalipol ang mga taong kaaway namin dito sa mundo.
19 Pero muling mabubuhay ang inyong mga mamamayang namatay.
Babangon ang kanilang mga bangkay at aawit sa galak.
Kung papaanong ang hamog ay nagpapalamig ng lupa,
kayo rin Panginoon ang muling bubuhay sa mga patay.
20 Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga bahay at isara ninyo ang inyong mga pintuan.
Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon.
21 Sapagkat darating na siya mula sa kanyang tirahan para parusahan ang mga tao sa mundo dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay, at hindi na niya itatago pa.
27 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang kanyang matalim at makapangyarihang espada para patayin ang Leviatan, ang maliksi at gumagapang na dragon sa karagatan.
2 “Sa araw na iyon, aawit kayo tungkol sa ubasan na umaani nang sagana, na larawan ng aking bayan. 3 Ako ang Panginoon na nag-aalaga ng ubasan. Dinidiligan ko ito at binabantayan araw-gabi para hindi masira. 4 Hindi na ako galit sa ubasang ito. Pero sa sandaling may makita akong mga halamang may tinik, tatanggalin ko iyon at susunugin. 5 Pero maliligtas siya kung siyaʼy makikipagkaibigan at hihingi ng kalinga sa akin.”
6 Darating ang araw na ang mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob ay magkakaugat tulad ng halaman. Magkakasanga ito, mamumulaklak, at mamumunga ng marami at pupunuin ang buong mundo. 7 Hindi pinaparusahan ng Dios ang Israel katulad ng pagpaparusa niya at pagpatay sa mga kaaway nila. 8 Ipinabihag ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan bilang parusa sa kanila. Ipinatangay niya sila sa napakalakas na hangin mula sa silangan. 9 Mapapatawad lang sila kung gigibain nila ang mga altar nilang bato at kung didikdikin ng pino at itatapon ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ang mga altar na sinusunugan nila ng insenso.
10 Nawasak na ang napapaderang lungsod. Para na itong ilang. Wala nang nakatira rito. Naging pastulan na lang ito at pahingahan ng mga baka. Inubos ng mga baka ang mga dahon ng mga sanga. 11 At nang mabali at matuyo ang mga sanga, tinipon ito ng mga babae at ginawang panggatong. Dahil sa walang pang-unawa ang mga taong ito, hindi sila kaaawaan ng Dios na lumikha sa kanila. 12 Sa araw na iyon, titipunin ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa daluyan ng tubig ng Egipto na parang nagtitipon ng mga butil sa giikan. 13 Pagtunog ng trumpeta nang malakas, magsisibalik sa Jerusalem ang nahihirapang mga Israelita na binihag ng Asiria at Egipto. At sasambahin nila ang Panginoon, sa banal na bundok ng Jerusalem.
Ang Mensahe Tungkol sa Samaria
28 Nakakaawa ang Samaria, na ang katulad ay koronang bulaklak na karangalan ng mga lasenggong pinuno ng Israel. Ang lungsod ng Samaria ay nasa matabang lambak, pero ang kanyang kagandahan ay mawawala katulad ng bulaklak na nalalanta. 2 Makinig kayo! Ang Panginoon ay may inihahandang malakas at makapangyarihang bansa na wawasak sa Samaria. Katulad ito ng mapaminsalang bagyo at rumaragasang baha. 3 Tinapak-tapakan niya ang Samaria, ang koronang bulaklak na karangalan ng mga lasenggong pinuno ng Israel. 4 Ang lungsod na ito ay nasa matabang lambak, pero ang kagandahan nito ay mawawala katulad ng bulaklak na nalalanta. Malalagas agad ito katulad ng unang mga bunga ng igos na kinukuha at kinakain agad ng bawat makakita.
5 Sa araw na iyon, ang Panginoong Makapangyarihan ay magiging tulad ng magandang koronang bulaklak para sa nalalabi niyang mga mamamayan. 6 Bibigyan niya ng hangarin ang mga hukom na pairalin ang katarungan. At bibigyan niya ng tapang ang mga tagapagbantay ng lungsod laban sa mga kaaway.
7 Pero ngayon, pasuray-suray ang mga pari at mga propeta, at wala na sa tamang pag-iisip. Mali ang pagkakaunawa ng mga propeta sa mga pangitain, at hindi tama ang mga desisyon ng mga pari. 8 Ang mga mesa nilaʼy puno ng mga suka nila at walang parteng malinis. 9 Dumadaing sila at sinasabi, “Ano bang palagay niya sa atin, mga batang kaaawat pa lamang sa pagsuso? Bakit ganyan ang tinuturo niya sa atin? 10 Tingnan mo kung magturo siya; paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin.”
11 Dahil sa ayaw nilang makinig, makikipag-usap ang Panginoon sa mga taong ito sa pamamagitan ng mga dayuhang iba ang wika. 12 Ito ang sasabihin niya, “Mararanasan ninyo ang kapahingahan sa inyong lupain.” Pero ayaw pa rin nilang makinig.
13 Kung kaya, tuturuan sila ng Panginoon ng paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin. At sa paglalakad nilaʼy mabubuwal sila, masusugatan, mabibitag, at mahuhuli.
10 Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Dios. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.”[a] 11 Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harap ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan dahil sinasabi sa Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Dios dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”[b] 12 Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ang nagnanais mabuhay sa pamamagitan ng Kautusan ay kailangang sumunod sa lahat ng iniuutos nito.”[c] 13 Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.”[d] 14 Ginawa ito ng Dios para ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga hindi Judio sa pamamagitan ni Cristo Jesus; at para matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Kautusan at ang Pangako ng Dios
15 Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din naman sa mga pangako ng Dios. 16 Ngayon, nangako ang Dios kay Abraham at sa kanyang salinlahi. Hindi niya sinabi, “sa mga apo[e] mo,” na nangangahulugang marami, kundi “sa apo mo,” na ang ibig sabihin ay iisa, at itoʼy walang iba kundi si Cristo. 17 Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Dios kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay niya 430 taon bago dumating ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa o mapapawalang-saysay ng Kautusan. 18 Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Dios kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Dios ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.
19 Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito para malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.
21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid. 22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.
Panalangin para Ingatan ng Dios
61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng mundo,
tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
3 dahil kayo ang aking kanlungan,
tulad kayo ng isang toreng matibay
na pananggalang laban sa kaaway.
4 Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
5 Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
6 Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
7 Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
8 At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.
… 14 …
17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip igalang mo ang Panginoon habang nabubuhay ka. 18 At kung magkagayon ay gaganda ang kinabukasan mo at mapapasaiyo ang mga hinahangad mo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®