The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Sugo mula sa Babilonia
39 Nang panahong iyon, nabalitaan ng hari ng Babilonia na si Merodac Baladan na anak ni Baladan, na gumaling si Hezekia sa sakit nito. Kaya nagpadala siya ng sulat at mga regalo sa pamamagitan ng kanyang mga sugo. 2 Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.
3 Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Pumunta sila rito na galing pa sa Babilonia.” 4 Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.” 5 Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: 6 Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon. 7 At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.” 8 Ang akala ni Hezekia ay hindi iyon mangyayari sa panahon niya, kundi magiging mapayapa at walang panganib ang kanyang buhay. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensahe ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”
Pinalakas ang Loob ng mga Mamamayan ng Dios
40 Sinabi ng Dios, “Palakasin at pagaanin ninyo ang loob ng aking mga mamamayan. 2 Magsalita kayo nang mahinahon sa mga taga-Jerusalem. Sabihin ninyo sa kanila na tapos na ang paghihirap nila, at pinatawad na ang kanilang mga kasalanan. Sapagkat pinarusahan ko sila nang husto sa lahat ng kasalanan nila.” 3 May tagapagbalitang sumisigaw na nangangaral sa mga tao, “Ihanda ninyo ang daan sa ilang para sa Panginoon. Gawin ninyong matuwid ang daan na dadaanan ng ating Dios. 4 Tambakan ninyo ang mga mababang lugar, patagin ang mga bundok at burol, at pantayin ang mga baku-bakong daan. 5 Mahahayag ang makapangyarihang presensya ng Panginoon, at makikita ito ng lahat. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.”
6 May nagsabi sa akin, “Mangaral ka!” Ang tanong ko naman, “Anong ipapangaral ko?” Sinabi niya, “Ipangaral mo na ang lahat ng tao ay parang damo, ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito. 7 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag kapag hinipan ng hanging mula sa Panginoon. 8 Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, pero ang salita ng ating Dios ay mananatili magpakailanman.”
9 Kayong mga nagdadala ng magandang balita sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umakyat kayo sa mataas na bundok, at isigaw ninyo ang magandang balita. Huwag kayong matakot, sabihin ninyo sa mga bayan ng Juda na nandiyan na ang kanilang Dios. 10 Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan. 11 Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
12 Sino ang makakatakal ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang mga palad, o makakasukat ng langit sa pamamagitan ng pagdangkal nito? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang lalagyan, o makakapagtimbang ng mga bundok at mga burol? 13 Sino ang makapagsasabi ng nasa isip ng Panginoon, o makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin? 14 Kanino siya sumasangguni para maliwanagan, at sino ang nagturo sa kanya ng tamang pagpapasya? Sino ang nagturo sa kanya ng kaalaman, o nagpaliwanag sa kanya para kanyang maunawaan? Wala! 15 Para sa Panginoon, ang mga bansa ay para lamang isang patak ng tubig sa timba o alikabok sa timbangan. Sa Dios, ang mga pulo ay parang kasinggaan lamang ng alikabok. 16 Ang mga hayop sa Lebanon ay hindi sapat na ihandog sa kanya at ang mga kahoy doon ay kulang pang panggatong sa mga handog. 17 Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa. 18 Kaya kanino ninyo maihahambing ang Dios? O saan ninyo siya maitutulad? 19 Maitutulad nʼyo ba siya sa mga dios-diosang inukit ng tao at binalutan ng ginto ng platero at pagkatapos ay nilagyan ng mga palamuting pilak na kwintas? 20 O sa matitigas na rebultong kahoy na hindi basta nabubulok, na ipinagawa ng taong dukha bilang handog? Ipinagawa niya ito sa magaling umukit para hindi bumuwal.
21 Hindi nʼyo ba alam o hindi ba ninyo napakinggan? Wala bang nagbalita sa inyo kung paano nilikha ang mundo? 22 Nilikha ito ng Dios na nakaupo sa kanyang trono sa itaas ng mundo. Sa paningin niya, ang mga tao sa ibaba ay parang mga tipaklong lamang. Iniladlad niya ang langit na parang kurtina, o parang isang tolda para matirhan. 23 Inaalis niya sa kapangyarihan ang mga pinuno ng mundo at ginagawang walang kwenta. 24 Para silang mga tanim na bagong tubo na halos hindi pa nagkauugat. Hinipan sila ng Panginoon at biglang nalanta at tinangay ng buhawi na parang ipa.
25 Sinabi ng Banal na Dios, “Kanino ninyo ako ihahalintulad? Mayroon bang katulad ko?”
26 Tumingin kayo sa langit! Sino kaya ang lumikha sa mga bituing iyon? Ang Dios ang lumikha niyan. Inilabas niya isa-isa ang mga iyon habang tinatawag niya ang kanilang pangalan. At dahil sa kanyang kapangyarihan, ni isa man ay walang nawala. 27 Kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob, bakit kayo nagrereklamo na ang inyong mga panukala at mga karapatan ay binalewala ng Dios? 28 Hindi nʼyo ba alam o hindi nʼyo ba narinig na ang Panginoon ay walang hanggang Dios na lumikha ng buong mundo?[a] Hindi siya napapagod o nanghihina at walang nakakaarok ng kanyang isip. 29 Pinalalakas niya ang mga nanghihina at ang mga napapagod. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod, nanlulupaypay at nabubuwal, 31 ngunit ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay muling magkakaroon ng lakas. Lilipad sila na gaya ng isang agila. Tumakbo man sila ay hindi mapapagod. Lumakad man sila ay hindi manghihina.
Tutulungan ng Dios ang Israel
41 Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan sa malalayong lugar, tumahimik kayo at makinig sa akin. Kayong mga bansa, lakasan ninyo ang inyong loob, lumapit kayo sa akin at sabihin ang inyong mga reklamo. Magtipon-tipon tayo at pag-usapan natin ito. 2 Sino ang nagpadala ng isang tao mula sa silangan at nagbigay sa kanya ng tagumpay sa pakikipaglaban, saan man siya pumunta? Sino ang nagpasakop sa kanya ng mga hari at mga bansa? Winasak niya ang mga bansa at pinatay ang mga hari nito sa pamamagitan ng espada at pana. At ang mga itoʼy naging parang mga alikabok na tinangay ng hangin. 3 Hinabol niya sila at walang humarang sa kanya kahit sa mga lugar na hindi pa niya napupuntahan. 4 Sino ang gumawa ng lahat ng ito? Sino ang nagpanukala ng lahat ng mga mangyayari mula pa noong unang henerasyon? Hindi baʼt ako? Akong Panginoon ay naroon noong sinimulan ang mundo, at naroroon din ako hanggang sa katapusan nito. 5 Nakita ng mga tao sa malalayong lugar ang aking mga gawa, at nanginig sila sa takot. Nagtipon sila, 6 at ang bawat isa ay nagtulungan at nagpalakas sa isaʼt isa. 7 Ang mga karpintero, platero, at ang iba pang mga manggagawa na gumagawa ng mga dios-diosan ay nagpalakas sa isaʼt isa na nagsasabi, ‘Maganda ang pagkakagawa natin.’ Pagkatapos, ipinako nila ang ginawa nilang rebulto sa lalagyan nito para hindi mabuwal.
8 “Pero ikaw, Israel, na aking lingkod at pinili na mula sa lahi ni Abraham na aking kaibigan, 9 tinawag kita at kinuha mula sa pinakamalayong dako ng mundo. Sinabi ko sa iyo na ikaw ay aking lingkod. Pinili kita at hindi itinakwil. 10 Huwag kang mangamba dahil ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo. 11 Ang lahat ng nagagalit sa iyo ay tiyak na mapapahiya at malilito. Ang mga lumalaban sa iyo ay mapapahamak. 12 At kahit hanapin mo ang iyong mga kaaway hindi mo na sila makikita. Silang mga kumakalaban sa iyo ay magiging walang kabuluhan. 13 Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita. 14 Kahit na maliit ka at mahina,[b] huwag kang matatakot dahil ako mismo ang tutulong sa iyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Ako ang iyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel. 15 Makinig ka! Gagawin kitang parang bagong panggiik, matalim at maraming ngipin. Gigiikin mo at dudurugin ang mga bundok at burol. Gagawin mo ito na parang ipa. 16 Tatahipan mo sila at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng malakas na hangin. Pero ikaw ay magagalak sa Panginoon; magpupuri ka sa Banal na Dios ng Israel.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios.
Mahal kong mga pinabanal[a] sa Efeso, mga matatapat na nakay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, 5 noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8 Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa 9 para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo.
11 Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo. 12 Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya. 13 Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. 14 Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
Ang Panalangin ni Pablo
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya nʼyo sa ating Panginoong Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Dios dahil sa inyo. At lagi ko kayong ipinapanalangin. 17 Hinihiling ko sa Dios, ang dakilang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, para lalo nʼyo pa siyang makilala. 18 Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan para maunawaan nʼyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga pinabanal. 19-20 Ipinapanalangin ko rin na malaman nʼyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang kapangyarihan ding ito ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Cristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit. 21 Kaya nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Ang titulo niya ay hindi mapapantayan ninuman, hindi lang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon. 22 Ipinailalim ng Dios kay Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang pangulo ng lahat para sa ikabubuti ng iglesya 23 na siyang katawan ni Cristo. Ang iglesya ay ang kabuuan ni Cristo na siyang bumubuo sa lahat.
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.
24-25 Matutuwa ang iyong mga magulang kung matuwid ka at matalino. Ikaliligaya nila na sila ang naging iyong ama at ina.
… 17 …
26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Sapagkat ang babaeng bayaran ay makapagpapahamak sa iyo katulad ng malalim at makitid na hukay. 28 Para siyang tulisan na nag-aabang ng mabibiktima, at siya ang dahilan ng pagtataksil ng maraming lalaki sa kanilang mga asawa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®