The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Lalaki
5 Nasa hardin ako ngayon, aking irog na magiging kabiyak ko. Nanguha ako ng mira at mga pabango. Kinain ko ang aking pulot at ininom ang aking alak at gatas.
Mga Babae ng Jerusalem
Kayong mga nagmamahalan, kumain kayo at uminom.
Babae
2 Habang akoʼy natutulog, nanaginip ako. Narinig kong kumakatok ang mahal ko. Ang sabi niya, “Papasukin mo ako, irog ko. Basang-basa na ng hamog ang ulo ko.” 3 Pero sinabi ko, “Hinubad ko na ang aking damit, isusuot ko pa ba itong muli? Hinugasan ko na ang aking mga paa, dudumihan ko pa ba itong muli?” 4 Nang hawakan ng aking mahal ang susian ng pinto, biglang tumibok ng mabilis ang aking puso. 5 Bumangon ako upang siyaʼy papasukin. At nang hawakan ko ang susian ng pinto tumulo ang mira sa kamay ko. 6 Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal, pero wala na siya. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya makita. Tinawag ko siya, pero walang sumagot. 7 Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Pinalo nila ako, at akoʼy nasugatan. Kinuha[a] pa nila ang aking damit. 8 Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo sa akin! Kapag nakita ninyo ang aking mahal, sabihin ninyo sa kanyang nanghihina ako dahil sa pag-ibig.
Mga Babae ng Jerusalem
9 O babaeng pinakamaganda, ano bang mayroon sa iyong minamahal na wala sa iba, at kami ay iyong pinasusumpa pa? Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?
Babae
10 Ang aking mahal ay makisig at mamula-mula ang kutis. Nag-iisa lamang siya sa sampung libong lalaki. 11 Mas mahal pa sa ginto ang kanyang ulo. Buhok niyaʼy medyo kulot at kasing-itim ng uwak. 12 Mga mata niyaʼy napakagandang pagmasdan, tulad ng mamahaling hiyas at tulad ng mata ng mga kalapati, na kasingputi ng gatas, sa tabi ng batis. 13 Mga pisngi niyaʼy kasimbango ng harding puno ng halamang ginagawang pabango. At ang mga labi niyaʼy parang mga liryo na dinadaluyan ng mira. 14 Mga bisig niyaʼy tila mahahabang bareta ng ginto na napapalamutian ng mamahaling bato. Katawaʼy tila pangil ng elepante, makinang at napapalamutian ng mga batong safiro. 15 Mga paa niyaʼy tulad ng mga haliging marmol na nakatayo sa pundasyong ginto. Napakaganda niyang pagmasdan, tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 16 Kay tamis halikan ang kanyang bibig. Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit. O mga babae ng Jerusalem, siya ang aking mahal, ang aking iniibig.
Mga Babae ng Jerusalem
6 O babaeng pinakamaganda, nasaan na ang iyong mahal? Saan siya nagpunta upang matulungan ka naming hanapin siya?
Babae
2 Ang aking mahal ay nagpunta sa hardin niyang puno ng halamang ginagawang pabango, upang magpastol doon at kumuha ng mga liryo. 3 Akoʼy sa aking mahal, at ang mahal ko naman ay sa akin lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo.
Lalaki
4 O napakaganda mo, irog ko. Kasingganda ka ng lungsod ng Tirza at kabigha-bighani gaya ng Jerusalem. Kamangha-mangha ka gaya ng mga kawal na may dalang mga bandila. 5 Huwag mo akong titigan dahil hindi ko ito matagalan. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. 6 Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong paligo. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay nito. 7 Mamula-mula ang noo mong natatakpan ng belo, tulad ng bunga ng pomegranata.
8 Kahit na akoʼy may 60 asawang reyna, 80 asawang alipin, at hindi mabilang na mga dalaga, 9 nag-iisa lang ang aking sinisinta. Tunay na maganda at walang kapintasan. Ang tanging anak na babae ng kanyang ina at pinakapaborito pa. Ang mga babaeng nakakakita sa kanya ay hindi mapigilang purihin siya. Kahit na ang mga asawang reyna at asawang alipin ay humahanga sa kanya. 10 Ang sabi nila, “Sino ba ito na kapag tiningnan ay parang bukang-liwayway ang kagandahan? Kasingganda siya ng buwan, nakakasilaw na parang araw at nakakamangha tulad ng mga bituin.”[b]
11 Pumunta ako sa taniman ng almendro para tingnan ang mga bagong tanim na sumibol sa may lambak, at para tingnan na rin kung umuusbong na ang mga ubas at kung ang mga pomegranata ay namumulaklak na. 12 Hindi ko namalayan, ako palaʼy nandoon na sa maharlikang higaan kasama ang aking mahal.
Mga Babae ng Jerusalem
13 Bumalik ka, dalagang taga-Shulam, bumalik ka para makita ka namin.[c]
Lalaki
Bakit gusto ninyong makita ang dalaga ng Shulam na sumasayaw sa gitna ng mga manonood?
7 O maharlikang babae, napakaganda ng mga paa mong may sandalyas. Hugis ng iyong mga hitaʼy parang mga alahas na gawa ng bihasa. 2 Ang pusod moʼy kasimbilog ng tasang laging puno ng masarap na alak. Ang baywang moʼy parang ibinigkis na trigong napapaligiran ng mga liryo. 3 Ang dibdib moʼy tila kambal na batang usa. 4 Ang leeg moʼy parang toreng gawa sa pangil ng elepante. Ang mga mata moʼy kasinglinaw ng batis sa Heshbon, malapit sa pintuang bayan ng Bet Rabim. Ang ilong moʼy kasingganda ng tore ng Lebanon na nakaharap sa Damasco. 5 Ang ulo moʼy kasingganda ng Bundok ng Carmel. Ang buhok moʼy kasingkintab ng mga maharlikang kasuotan at ang hariʼy nabihag sa kagandahan nito.
6 O napakaganda mo, aking sinta, umaapaw ka sa kariktan. 7 Ang tindig moʼy parang puno ng palma at ang dibdib moʼy parang mga bunga nito. 8 At aking sinabi, “Aakyat ako sa palma at hahawak sa kanyang mga bunga.” Ang iyong dibdib ay parang katulad ng kumpol ng ubas, at ang samyo ng iyong hiningaʼy parang mansanas. 9 Ang halik moʼy kasingtamis ng pinakamasarap na alak. Ang alak na itoʼy dahan-dahang dumadaloy mula sa labi ng aking minamahal.
Babae
10 Ako ay sa kanya lang, at ako lamang ang kanyang inaasam. 11 Halika mahal ko, pumunta tayo sa bukid at doon magpalipas ng gabi, sa tabi ng mga bulaklak ng henna.[d] 12 Maaga tayong gumising at ating tingnan kung namulaklak at namunga na ang ubasan. Tingnan din natin kung namumukadkad na ang mga pomegranata. At doon, ipadarama ko sa iyo ang aking pagmamahal. 13 Maaamoy mo ang bango ng mandragora, at malapit sa ating pintuan ay may mga piling hain na prutas, luma at bago. Sapagkat ang mga itoʼy sadyang inihanda ko para sa iyo, aking mahal.
8 Kung naging kapatid lamang sana kita, na pinasuso ng aking ina, hahalikan kita saanman tayo magkita, at hindi nila ako pag-iisipan ng masama. 2 Dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at doon ay tuturuan mo ako ng tungkol sa pag-ibig. Paiinumin kita ng mabangong alak na mula sa katas ng aking mga pomegranata. 3 Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa mong bisig at ang kanang kamay mo naman ay nakayakap sa akin.
4 Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo na hindi ninyo hahayaan na ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
Mga Babae ng Jerusalem
5 Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na nakahilig sa kanyang minamahal?
Babae
Ginising ko ang iyong damdamin, doon sa ilalim ng puno ng mansanas, kung saan ka isinilang. 6 Iukit mo ang pangalan ko sa puso mo para patunayan na ako lamang ang mahal mo. At ako lamang ang yayakapin ng mga bisig mo. Makapangyarihan ang pag-ibig gaya ng kamatayan; maging ang pagnanasa ay hindi mapipigilan. Ang pag-ibig ay parang lumiliyab at lumalagablab na apoy. 7 Kahit laksa-laksang tubig, hindi ito mapipigilan. Sinumang magtangkang bilhin ito kahit ng lahat niyang yaman ay baka malagay lamang sa kahihiyan.
Ang mga Kapatid na Lalaki ng Babae
8 May kapatid kaming dalagita, at ang kanyang dibdib ay hindi pa nababakas. Anong gagawin namin sa araw na may manligaw na sa kanya? 9 Birhen man siya o hindi, iingatan namin siya.[e]
Babae
10 Akoʼy birhen nga, at ang dibdib koʼy parang mga tore. Kaya nga ang aking mahal ay lubos na nasisiyahan sa akin.
11 May ubasan si Solomon sa Baal Hamon na kanyang pinauupahan sa mga magsasaka roon. Bawat isa sa kanilaʼy nagbibigay sa kanya ng 1,000 piraso ng pilak bilang parte niya sa ubasan. 12 Ikaw ang bahala Solomon, kung ang parte mo ay 1,000 piraso ng pilak at ang parte ng mga magsasaka ay 200 piraso ng pilak. Pero ako na ang bahala sa sarili kong ubasan.
Lalaki
13 O irog kong namamasyal sa hardin, mabuti pa ang mga kaibigan mo, naririnig nila ang iyong tinig. Iparinig mo rin ito sa akin.
Babae
14 Halika, aking mahal. Tumakbo ka nang mabilis gaya ng usa sa kabundukan na punong-puno ng mga halamang ginagawang pabango.
9 Hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga pinabanal[a] ng Dios sa Judea, 2 dahil alam ko namang gustong-gusto ninyong tumulong. Ipinagmamalaki ko pa nga ito sa mga taga-Macedonia. Sinasabi ko sa kanila na mula pa noong nakaraang taon, kayong mga taga-Acaya ay handa ng magbigay ng tulong, at ito nga ang nagtulak sa karamihan sa kanila na magbigay din. 3 Kaya nga pinauna ko na riyan sina Tito, para matiyak na handa na kayo sa inyong tulong gaya ng ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sa ganoon, hindi nila masasabi na walang kwenta ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo. 4 Sapagkat kung dumating ako riyan kasama ang ilang mga taga-Macedonia at makita nilang hindi pa pala kayo handa sa inyong ibibigay gaya ng sinabi ko sa kanila, mapapahiya ako at pati na rin kayo. 5 Kaya nga naisip kong paunahin ang mga kapatid na ito sa akin para habang hindi pa ako nakakarating ay malikom na ang inyong mga ipinangakong tulong. At sa ganitong paraan, makikita ng mga tao na kusang-loob ang inyong pagbibigay, at hindi dahil napilitan lamang.
6 Tandaan ninyo ito: Ang naghahasik ng kaunti ay umaani ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay umaani ng marami. 7 Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan, dahil mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan. 8 At magagawa ng Dios na ibigay sa inyo ang higit pa sa inyong mga pangangailangan, para sa lahat ng panahon ay maging sapat kayo sa lahat ng bagay, at lagi ninyong matutulungan ang iba. 9 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Namigay siya sa mga dukha;
kailanman ay hindi makakalimutan ang kanyang mabubuting gawa.”
10 Ang Dios na nagbibigay ng binhi sa magsasaka at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay ng inyong mga pangangailangan para lalo pa kayong makatulong sa iba. 11 Pasasaganain kayo ng Dios sa lahat ng bagay para lagi kayong makatulong sa iba. At marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa tulong na ipinapadala ninyo sa kanila sa pamamagitan namin.
12 Dahil sa inyong pagbibigay, hindi lamang ninyo tinutugunan ang pangangailangan ng mga mananampalataya[b] na nasa Judea, kundi magiging dahilan din ito para marami ang magpasalamat sa Dios. 13 Sapagkat pinatutunayan ninyo sa inyong pagtulong na sinusunod ninyo ang Magandang Balita tungkol kay Cristo na inyong pinaniniwalaan. At dahil sa pagtulong ninyo sa kanila at sa iba pa, papupurihan nila ang Dios. 14 Buong puso silang mananalangin para sa inyo dahil sa dakilang biyaya ng Dios na ipinamalas niya sa inyo. 15 Pasalamatan natin ang Dios sa kanyang kaloob na hindi natin kayang ipaliwanag.
Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
2 Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
3 dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
4 Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
5 Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
6 Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
7 Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
8 Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
9 Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
13 At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa inyo.
14 Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay,
O Dios na aking Tagapagligtas.
At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa inyong pagliligtas.
15 Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi,
nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.
16 Hindi naman mga handog ang nais nʼyo;
mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.
17 Ang handog na nakalulugod sa inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan.
Ito ang handog na hindi nʼyo tatanggihan.
18 Dahil sa kagustuhan nʼyo,
pagpalain nʼyo ang Jerusalem.[b]
Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.
19 Nang sa gayon malugod kayo sa mga nararapat na handog,
pati sa mga handog na sinusunog ng buo.
At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.
… 2 …
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong madaling magalit, 25 baka mahawa ka sa kanya, at mabulid sa ganoong pag-uugali.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®