The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Ang Panawagang Magtiwala sa Panginoon
51 1-2 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo sa akin, kayong mga gustong maligtas[a] at humihingi ng tulong sa akin. Alalahanin ninyo sina Abraham at Sara na inyong mga ninuno. Katulad sila ng batong pinagtibagan sa inyo o pinaghukayan sa inyo. Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, pero pinagpala ko siya at binigyan ng maraming lahi.
3 “Kaaawaan ko ang Jerusalem[b] na nawasak. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.
4 “Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa. 5 Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar[c] ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan. 6 Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman. 7 Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo. 8 Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Pero ang tagumpay at katuwiran na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasang mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.”
9 Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?[d] 10 Hindi baʼt kayo rin po ang nagpatuyo ng dagat, gumawa ng daan sa gitna nito para makatawid ang inyong mga mamamayan na iniligtas nʼyo sa Egipto? 11 Ang inyong mga tinubos ay babalik sa Zion na nag-aawitan at may kagalakan magpawalang hanggan. Mawawala na ang kanilang mga kalungkutan, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.
12 Sumagot ang Panginoon, “Ako ang nagpapalakas at nagpapaligaya sa inyo. Kaya bakit kayo matatakot sa mga taong katulad ninyo na mamamatay din lang na parang damo? 13 Ako baʼy nakalimutan na ninyo? Ako na lumikha sa inyo? Ako ang nagladlad ng langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo. 14 Hindi magtatagal at ang mga bihag ay palalayain. Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan at hindi rin sila mawawalan ng pagkain. 15 Sapagkat ako ang Panginoon na inyong Dios. Kapag kinalawkaw ko ang dagat ay umuugong ang mga alon. Panginoong Makapangyarihan ang aking pangalan. 16 Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Israel, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”
17 Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan. 18 Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo. 19 Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo. 20 Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Dios.
21 Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak. 22 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Dios na kumakalinga sa inyo: “Makinig kayo! Inalis ko na ang aking galit na parang alak na nakapagpalasing sa inyo. Hindi ko na kayo paiinuming muli nito. 23 Ibibigay ko ito sa mga nagpahirap sa inyo, sa mga nag-utos sa inyo na dumapa para tapakan nila kayo. Tinapakan nila ang inyong mga likod na para bang dumadaan sila sa lansangan.”
Ililigtas ng Dios ang Jerusalem
52 Bumangon ka, O Zion, at magpakatatag. Ipakita mo ang iyong kapangyarihan, O banal na lungsod ng Jerusalem, dahil ang mga kaaway mong hindi mga Israelita,[e] na itinuturing mong marumi ay hindi na muling makakapasok sa iyo. 2 Huwag ka nang malungkot katulad ng taong nagluluksa na nakaupo sa lupa. Bumangon ka na at muling mamahala. At kayong mga mamamayan ng Jerusalem, palayain nʼyo na ang inyong sarili mula sa pagkabihag. 3-4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios, “Binihag kayo na parang mga taong ipinagbili bilang alipin na walang bayad, kaya tutubusin ko kayo ng wala ring bayad. Pumunta kayo noon sa Egipto upang doon manirahan at inapi kayo roon. At noong huli inapi rin kayo ng Asiria. 5 Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo? Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan. 6 Pero darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”
7 O napakagandang tingnan ang mga sugong dumadaan sa mga kabundukan na nagdadala ng magandang balita ng kapayapaan at kabutihan sa Jerusalem, dahil ililigtas na ito ng Dios. Sasabihin nila sa mga taga-Jerusalem, “Naghahari na ang inyong Dios!”
8 Sisigaw sa tuwa ang mga tagapagbantay ng lungsod dahil makikita nila ang pagbabalik ng Panginoon sa Jerusalem. 9 Sisigaw sa tuwa ang gibang Jerusalem dahil aaliwin at palalakasin na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. Ililigtas niya ang Jerusalem! 10 Ipapakita ng Panginoon ang natatangi[f] niyang kapangyarihan sa lahat ng bansa, at makikita ng buong mundo[g] ang pagliligtas ng ating Dios.
11 Kayong mga tagapagdala ng mga kagamitan ng templo ng Panginoon, umalis na kayo sa Babilonia. Huwag kayong hihipo ng mga bagay na itinuturing na marumi. Umalis na kayo sa Babilonia, at magpakabanal. 12 Pero ngayon, hindi nʼyo na kailangang magmadali sa pag-alis, na para bang tumatakas. Dahil ang Panginoon ang mangunguna sa inyo. Ang Dios ng Israel ang magtatanggol sa inyo.
Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon
13 Sinabi ng Panginoon, “Ang aking lingkod ay magtatagumpay. Magiging tanyag siya at pararangalan. 14 Marami ang magugulat sa kanya, dahil halos mawasak na ang kanyang mukha at parang hindi na mukha ng tao. 15 Pati ang mga bansa ay mamamangha sa kanya. Ang mga hari ay hindi makakapagsalita dahil sa kanya, dahil makikita nila ang mga bagay na hindi pa nasasabi sa kanila. At mauunawaan nila ang mga bagay na hindi pa nila naririnig.”
53 Sinong naniwala sa aming ibinalita? At kanino inihayag ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan? 2 Kalooban ng Panginoon na lumago ang kanyang lingkod, gaya ng tanim na lumalago at nag-uugat sa tuyong lupa. Wala siyang kagandahan o katangiang makakaakit sa atin para siyaʼy lapitan. 3 Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at hindi pinahalagahan. 4 Ang totoo, tiniis niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sanaʼy tayo ang dumanas. Ang akala natin ay pinarusahan siya ng Dios dahil sa kanyang mga kasalanan. 5 Ang totoo, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat niya ay gumaling tayo. 6 Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat. 7 Inapi siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik. 8 Hinuli siya, hinatulan, at pinatay. Walang nakaisip, isa man sa mga salinlahi niya, na pinatay siya dahil sa kanilang mga kasalanan, na tiniis niya ang parusang dapat sana ay para sa kanila. 9 Kahit na wala siyang ginawang kasalanan at anumang pandaraya,[h] inilibing siyang parang isang kriminal; inilibing siyang kasama ng mga mayayaman. 10 Pero kalooban ng Panginoon na saktan siya at pahirapan. Kahit na ginawa siyang handog ng Panginoon para mabayaran ang kasalanan ng mga tao, makikita niya ang kanyang mga lahi at tatanggap siya ng mahabang buhay. At sa pamamagitan niya ay matutupad ang kalooban ng Panginoon. 11 Kapag nakita niya ang bunga ng kanyang paghihirap, matutuwa siya. Sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan ng karunungan ng aking matuwid na lingkod ay marami ang ituturing niyang matuwid, magdurusa siya para sa kanilang mga kasalanan. 12 Dahil dito, pararangalan ko siya katulad ng mga taong tanyag at makapangyarihan dahil ibinigay niya ang buhay niya. Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan. Nagdusa siya para sa maraming makasalanan[i] at hiniling pa niya sa Dios na silaʼy patawarin.”
Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan
5 Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. 2 Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.
3 Dahil mga banal kayo, hindi nararapat na ang isa man sa inyo ay masabihang siya ay malaswa, mahalay at sakim. 4 At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Dios. 5 Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga dios-diosan.
6 Huwag kayong padadala sa walang kabuluhang pangangatwiran ng iba tungkol sa masasama nilang gawain, dahil galit ang Dios sa mga suwail. 7 Huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito. 8 Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay nʼyo na naliwanagan na kayo. 9 (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.) 10 Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ipamukha nʼyo sa kanila ang kasamaan nila. 12 (Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim.) 13 Pero kung pagsasabihan nʼyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. 14 Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag ng katotohanan. Kaya nga sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay
at liliwanagan ka ni Cristo.”
15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo namamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Dios. 16 Huwag ninyong sayangin ang panahon nʼyo; gamitin nʼyo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito. 17 Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin nʼyo kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin ninyo.
18 Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. 19 Sa pagtitipon nʼyo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Dios Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[a]
Aral sa mga Mag-asawa
21 Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Cristo.
22 Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop nʼyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24 Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Cristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.
25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya 26 upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at ng salita ng Dios. 27 Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. 28 Kaya dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29-30 Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Cristo sa atin dahil bahagi tayo ng kanyang katawan na tinatawag na iglesya.
31 Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”[b] 32 Kamangha-mangha itong malalim na katotohanan na ipinahayag ng Dios. Isinasalarawan nito ang ugnayan ni Cristo at ng iglesya niya. 33 Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang nʼyo ang inyong asawa.
19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
at sumama ang loob ko.
Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
ngunit wala ni isa man.
21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,
mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23 Mabulag sana sila at laging manginig.[a]
24 Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25 Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
para wala nang tumira sa mga ito.
26 Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito.
27 Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28 Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay[b]
at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29 Nasasaktan ako at nagdurusa,
kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Dios.
30 Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31 Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34 Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
nasa lupa at nasa karagatan.
35 Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem[c] at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36 Mamanahin ito ng kanilang lahi
at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.
… 22 …
7 Ang karunungan ay hindi maunawaan ng mangmang. Wala siyang masabi kapag mahahalagang bagay ang pinag-uusapan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®