Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 28:14-30:11

14 Kaya kayong mga nangungutyang mga pinuno ng mga mamamayan ng Jerusalem, pakinggan ninyo ang Panginoon! 15 Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing, “Nakipagkasundo kami sa kamatayan para hindi kami mamatay, at nakipagkasundo kami sa lugar ng mga patay para hindi kami madala roon. Kung kaya, hindi kami mapapahamak kahit na dumating ang mga sakuna na parang baha, dahil sa kami ay umaasang maliligtas sa pamamagitan ng aming pagsisinungaling at pandaraya.”

16 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Makinig kayo! Maglalagay ako ng batong pundasyon sa Zion, batong maaasahan, matibay, at mahalaga. Ang mga sumasampalataya sa kanya ay huwag maging padalos-dalos[a] sa kanilang mga ginagawa. 17 Gagawin kong sukatan ang katarungan at katuwiran. Ipapatangay ko sa bagyo at baha ang kasinungalingan na inaasahan ninyong makakapagligtas sa inyo. 18 Magiging walang kabuluhan ang pakikipagkasundo ninyo sa kamatayan at ang pakikipagkasundo ninyo sa lugar ng mga patay. Sapagkat mapapahamak kayo kapag dumating na ang mga sakuna na parang baha. 19 Palagi itong darating sa inyo, araw-araw, sa umaga at sa gabi, at tiyak na mapapahamak kayo.”

Matatakot kayo kapag naunawaan ninyo ang mensaheng ito. 20 Sapagkat kayoʼy matutulad sa taong maiksi ang higaan at makitid ang kumot.[b] 21 Ang totoo, sasalakay ang Panginoon katulad ng ginawa niya sa Bundok ng Perazim at sa Lambak ng Gibeon. Gagawin niya ang hindi inaasahan ng kanyang mga mamamayan.

22 Kaya ngayon, huwag na kayong mangutya, baka dagdagan pa niya ang parusa niya sa inyo. Sapagkat napakinggan ko mismo ang utos ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na wawasakin niya ang inyong buong lupain. 23 Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 24 Ang magsasaka baʼy lagi na lamang mag-aararo at hindi na magtatanim? 25 Hindi baʼt kapag handa na ang lupa, sinasabuyan niya ng sari-saring binhi ang bawat bukid, katulad halimbawa ng mga pampalasa, trigo, sebada at iba pang mga binhi? 26 Alam niya ang dapat niyang gawin dahil tinuturuan siya ng Dios. 27 Hindi niya ginagamitan ng mabibigat na panggiik ang mga inaning pampalasa, kundi pinapagpag niya o pinapalo ng patpat. 28 Ang trigo na ginagawang tinapay ay madaling madurog kaya hindi niya ito gaanong ginigiik. Ginagamitan niya ito ng karitong panggiik, pero sinisiguro niyang hindi ito madudurog. 29 Ang kaalamang ito ay mula sa Panginoong Makapangyarihan. Napakabuti ng kanyang mga payo, at kahanga-hanga ang kanyang kaalaman.

Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem

29 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang Jerusalem,[c] ang lungsod na tinitirhan ni David! Sige, ipagdiwang ng lungsod na ito ang kanyang mga pista bawat taon. Pero lulusubin ko ito, at mag-iiyakan at mananaghoy ang kanyang mga mamamayan. Para sa akin, ang buong lungsod ay magiging parang altar na puno ng dugo.[d] Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem. Paliligiran ko ito ng toreng panalakay at patatambakan ng lupa sa gilid ng mga pader para maakyat ito. Mawawasak ito at magiging parang multo na tumatawag mula sa ilalim ng lupa na ang tinig ay nakakapangilabot. Pero darating ang araw na ang marami niyang kaaway ay magiging parang alikabok o ipa na tatangayin ng hangin. Bigla itong mangyayari sa kanila. Ang Jerusalem ay aalalahanin ko, at ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay darating na may kulog, lindol, ingay, buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy. 7-8 Mawawalang parang panaginip ang maraming bansang sumasalakay sa Jerusalem[e] at gumigiba ng mga pader nito. Ang katulad nilaʼy taong nananaginip na kumakain, pero nang magising ay gutom pa rin; o katulad ng taong nananaginip na umiinom, pero nang magising uhaw pa rin.”

Kayong mga taga-Juda, magpakatanga kayo at magpakabulag. Maglasing kayo at magpasuray-suray, pero hindi dahil sa alak. 10 Sapagkat pinatulog kayo ng Panginoon nang mahimbing. Tinakpan niya ang inyong mga ulo at mga mata na walang iba kundi ang inyong mga propeta.

11 Para sa inyo, ang lahat ng ipinahayag na ito sa inyo ay parang aklat na nakasara. Kapag ipinabasa mo sa taong marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ko iyan mabasa dahil nakasara.” 12 At kapag ipinabasa mo sa hindi marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ako marunong bumasa.”

13 Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong itoʼy nagpupuri at nagpaparangal sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, pero ang puso nilaʼy malayo sa akin. At ang pagsamba nila sa akin ay ayon lamang sa tuntunin ng tao. 14 Kaya muli akong gagawa ng sunud-sunod na kababalaghan sa mga taong ito. At mawawala ang karunungan ng marurunong at ang pang-unawa ng nakakaunawa.”

15 Nakakaawa kayong mga nagtatago ng inyong mga plano sa Panginoon. Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim at sinasabi ninyo, “Walang makakakita o makakaalam ng ginagawa natin.” 16 Baluktot ang pag-iisip ninyo. Itinuturing ninyong parang palayok ang gumagawa ng palayok.[f] Masasabi ba ng palayok sa gumawa sa kanya, “Hindi naman ikaw ang gumawa sa akin”? Masasabi ba ng palayok sa humugis sa kanya, “Wala kang nalalaman”?

17 Hindi magtatagal, ang kagubatan ng Lebanon ay magiging matabang lupain, at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 18 Sa araw na iyon, ang bingi ay makakarinig ng binabasang aklat. At ang bulag, na walang nakikita kundi kadiliman ay makakakita na. 19 Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba at mga dukha dahil sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. 20 Sapagkat mawawala ang mga malulupit at ang mga nangungutya. At mamamatay ang lahat ng mahilig sa pagkakasala, 21 pati na ang lahat ng naninira ng kapwa, ang mga nagsisinungaling para mapaniwala nila ang mga hukom, at ang mga pekeng saksi para hindi mabigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan.

22 Kaya ang Panginoon, ang Dios na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob, “Mula ngayon, wala na silang dapat ikahiya o ikatakot man. 23 Sapagkat kapag nakita nila ang mga ginawa ko sa kanila, igagalang nila ako, ang Banal na Dios ni Jacob. At magkakaroon sila ng takot sa akin, ang Dios ng Israel. 24 Ang mga hindi nakakaunawa ng katotohanan ay makakaunawa na, at ang mga nagrereklamo kapag tinuturuan ay matutuwa na.”

Walang Kabuluhan ang Pakikipagkasundo ng Juda sa Egipto

30 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang aking mga anak na suwail. Gumagawa sila ng mga plano na hindi naaayon sa kalooban ko. Nakikipagkasundo sila na hindi ko pinapayagan. Kaya lalo lang nadadagdagan ang kanilang kasalanan. Pumunta sila sa Egipto para humingi ng proteksyon sa hari, na hindi man lang sumangguni sa akin. Pero mabibigo lamang sila sa hinihingi nilang proteksyon sa Faraon. Sapagkat kahit na namumuno ang Faraon hanggang sa Zoan at Hanes, mapapahiya lang ang Juda dahil wala namang maitutulong ang mga taga-Egipto sa kanila kundi kabiguan at kahihiyan.”

Ito ang pahayag ng Dios tungkol sa mga hayop sa Negev: Nilakbay ng mga taga-Juda ang ilang na mahirap lakbayin kung saan may mga leon, at may mga makamandag na ahas na ang ibaʼy parang lumilipad. Ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan sa mga asno at mga kamelyo, para iregalo sa bansang hindi man lang makatulong sa kanila. Ang bansang iyon ay ang Egipto, na ang tulong ay walang silbi. Kaya tinatawag ko itong “Dragon[g] na Inutil.”

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Halika, isulat mo sa aklat ang paratang ko laban sa mga taga-Israel, para lagi itong magsilbing patunay ng kasamaan nila sa darating na panahon. Sapagkat mga rebelde sila, sinungaling, at ayaw makinig sa mga aral ko. 10 Sinabi nila sa mga propeta, ‘Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa mga pahayag ng Dios sa inyo. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tama. Sabihin nʼyo sa amin ang mga bagay na makapagpapasaya sa amin at mga pangitain na hindi mangyayari. 11 Umalis kayo sa aming dinadaanan, huwag ninyo kaming harangan. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa Banal na Dios ng Israel.’ ”

Galacia 3:23-4:31

23 Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Cristo, para tayong mga bilanggo. Binilanggo tayo ng kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya. 24 Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Cristo, para sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid. 25 At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.

Mga Anak ng Dios sa Pananampalataya

26 Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus. 27 Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo[a] at namumuhay kayong katulad niya. 28 Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Cristo na. 29 At dahil kayoʼy kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Dios sa kanya.

Ito ang ibig kong sabihin: Habang bata pa ang tagapagmana, wala siyang ipinagkaiba sa mga alipin kahit kanya ang lahat ng ari-arian. Itinatagubilin siya sa mga taong nag-aalaga sa kanya at namamahala ng mga ari-arian niya hanggang sa araw na itinakda ng kanyang ama.

Ganoon din naman ang kalagayan natin bago dumating si Cristo[b] – inalipin tayo ng mga panuntunan ng mundong ito. Ngunit nang dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Dios ang kanyang Anak sa mundo. Ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan para palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa ganoon ay maging anak tayo ng Dios. At dahil mga anak na tayo ngayon ng Dios, isinugo ng Dios ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng “Ama.” Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Dios, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia

Noong hindi nʼyo pa kilala ang Dios, naging alipin kayo ng mga dios-diosan. Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Dios (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Dios bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? 10 May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon! 11 Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo.

12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil kahit isa akong Judio, tinalikuran ko ang pagsunod sa Kautusan ng mga Judio at naging katulad ninyong hindi Judio.

Wala kayong kasalanan sa akin. 13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. 14 Kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Dios o parang ako na mismo si Jesu-Cristo. 15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. 16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?

17 May mga tao riyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, para sila ang sundin ninyo. 18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. 19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Cristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. 20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako riyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!

Ang Halimbawa ni Sara at Hagar

21 Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan? 22 Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa kanyang alipin na si Hagar, at ang isa naman ay anak niya sa asawa niya na si Sara. 23 Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ngunit ang anak niya sa kanyang asawa ay ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 24 Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Dios kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya. 25 Si Hagar, na kumakatawan sa Bundok ng Sinai sa Arabia ay kumakatawan din sa kasalukuyang Jerusalem. Sapagkat ang mga tao sa Jerusalem ay naging alipin ng Kautusan. 26 Ngunit ang asawang si Sara ay hindi alipin, at siya ang kumakatawan sa Jerusalem na nasa langit, at siya ang ating ina dahil hindi tayo alipin ng Kautusan. 27 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:

“Matuwa ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak!
Humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng sakit sa panganganak.
    Sapagkat kahit iniwan ka ng asawa mo,
    mas marami ang magiging anak mo kaysa sa babaeng kapiling ang kanyang asawa.”[c]

28 Mga kapatid, mga anak kayo ng Dios ayon sa pangako niya, tulad ni Isaac na ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 29 Noong una, si Isaac na ipinanganak ayon sa Espiritu ay inusig ni Ishmael na ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ganoon din ang nangyayari ngayon; inuusig tayo ng mga taong nais magpaalipin sa Kautusan. 30 Pero ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak ng babaeng hindi alipin.”[d] 31 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo anak ng babaeng alipin, kundi anak ng babaeng hindi alipin.

Salmo 62

Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios

62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
    Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
    Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
    Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
    Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
    Siya ang matibay kong batong kanlungan.
    Siya ang nag-iingat sa akin.
Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
    Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
    dahil siya ang nag-iingat sa atin.
Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
    Pareho lang silang walang kabuluhan.
    Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
    Dumami man ang inyong kayamanan,
    huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
    Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.

Kawikaan 23:19-21

… 15 …

19 Anak, pakinggan mo ang itinuturo ko sa iyo. Maging matalino ka at sundin mo ang tamang daan. 20-21 Huwag kang gumaya sa mga lasenggo at matakaw sa pagkain, dahil ang gaya nila ay hahantong sa kahirapan. Tulog lang sila ng tulog, kaya sa bandang huli ay magdadamit na lang sila ng basahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®