The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem
22 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Lambak ng Pangitain.[a]
Ano ang nangyayari? Bakit kayo umaakyat sa mga bubong? 2 Nagkakagulo at nagsisigawan ang mga tao sa bayan. Ang mga namatay sa inyo ay hindi sa digmaan namatay. 3 Ang lahat ninyong pinuno ay nagsitakas at nahuli nang walang kalaban-laban. Ang ilan sa inyo ay tumangkang tumakas, pero nahuli pa rin. 4 Hayaan ninyo akong umiyak para sa aking mga kababayan na namatay. Huwag ninyo akong aliwin. 5 Sapagkat itinakda ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang araw na ito ng pagkakagulo, pagtatakbuhan, at pagkalito ng mga tao sa Lambak ng Pangitain. Ang mga pader nito ay nagbabagsakan at ang sigawan ng mga tao ay dinig hanggang sa kabundukan. 6 Sumasalakay ang mga sundalo ng Elam na sakay ng mga kabayo at may mga pana. Ang mga sundalo ng Kir ay sumasalakay din na may mga hawak na kalasag. 7 Pinapalibutan nila ang inyong mga lambak na sagana sa ani, at nagtitipon-tipon sila sa mga pintuan ng inyong lungsod. 8 Nakuha na nila ang mga pangproteksyon ng Juda.
Kumuha kayo ng mga sandata sa taguan nito. 9 Tiningnan ninyo ang mga pader ng Lungsod ni David upang malaman ninyo kung nasaan ang mga sira nito. Nag-imbak kayo ng tubig sa imbakan sa ibaba. 10 Tiningnan ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ang ilan para gamitin ang mga bato sa pag-aayos ng nagibang pader ng lungsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at itoʼy pinuno ninyo ng tubig mula sa dating imbakan. Pero hindi ninyo naisip ang Dios na siyang nagplano nito noong una pa at niloob niya na mangyari ito.
12 Nanawagan sa inyo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan na kayoʼy magdalamhati, umiyak, magpakalbo at magsuot ng damit na panluksa[b] bilang tanda ng inyong pagsisisi. 13 Sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya. Nagkatay kayo ng mga baka at tupa, at nagkainan at nag-inuman. Sabi ninyo, “Magpakasaya tayo, kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
14 Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan na hindi niya kayo patatawarin sa kasalanang ito habang kayoʼy nabubuhay.
Ang Mensahe para kay Shebna
15 Inutusan ako ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na puntahan ko si Shebna na katiwala ng palasyo, at sabihin sa kanya, 16 “Sino ka ba para humuhukay sa gilid ng bundok para gumawa ng libingang kasama ng mga bayani? Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na gawin ito? 17 Mag-ingat ka! Kahit na ikaw ay makapangyarihan, huhulihin ka at itatapon ng Panginoon. 18 Bibilugin ka niya na parang bola at itatapon sa maluwang na lupain. Doon ka mamamatay at doon din mawawasak ang mga karwaheng ipinagmamalaki mo. Nagdulot ka ng kahihiyan sa iyong amo. 19 Sinasabi pa ng Panginoon sa iyo, ‘Paaalisin kita sa iyong katungkulan. 20 Sa araw na iyon, tatawagin ko ang lingkod kong si Eliakim na anak ni Hilkia. 21 Ipapasuot ko sa kanya ang damit mong pang-opisyal pati ang iyong sinturon, at ibibigay ko sa kanya ang kapangyarihan mo. Siya ang magiging pinakaama ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda. 22 Ibibigay ko sa kanya ang susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pintuan, walang makapagsasara nito, at kapag sinarhan niya walang makapagbubukas nito. 23 Palalakasin ko siya sa kanyang katungkulan na parang matibay na sabitan sa dingding, at magbibigay siya ng karangalan sa kanyang pamilya. 24 At ang buo niyang pamilya at mga kamag-anak ay aasa sa kanya. Para siyang sabitan na pinagsasabitan ng sari-saring maliliit na lalagyan mula sa tasa hanggang sa mga palayok. 25 Sa araw na iyon kapag marami na ang nakasabit sa kanya, mahuhulog siya at mawawasak ang lahat ng nakasabit sa kanya. Mangyayari nga ito dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Mensahe tungkol sa Tyre at Sidon
23 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Tyre:
Umiyak kayong mga pasahero ng mga barko ng Tarshish. Sapagkat nawasak na ang inyong daungan sa Tyre. Sinabi na iyon sa inyo ng mga nanggaling sa Cyprus.[c] 2 Tumahimik kayong mga naninirahan sa tabing-dagat pati na kayong mga mangangalakal ng Sidon. Ang inyong mga biyahero na nagpayaman sa inyo ay bumibiyahe 3 sa mga karagatan para bumili at magbenta ng mga ani mula sa Shihor na bahagi ng Ilog ng Nilo. At nakikipagkalakalan sa inyo ang mga bansa. 4 Mahiya ka, lungsod ng Sidon, ikaw na kanlungan ng mga taong nakatira sa tabing-dagat. Itinatakwil ka na ng karagatan. Sinabi niya, “Wala na akong anak; wala akong inalagaang anak, babae man o lalaki.”
5 Labis na magdaramdam ang mga taga-Egipto kapag nabalitaan nila ang nangyari sa Tyre. 6 Umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa tabing-dagat. Tumawid kayo sa Tarshish. 7 Noon, masaya ang lungsod ng Tyre na itinayo noong unang panahon. Nakaabot ang mga mamamayan nito sa malalayong lupain at sinakop nila ang mga lupaing iyon. Pero ano ang nangyari sa kanya ngayon? 8 Sino ang nagplano ng ganito sa Tyre? Ang lungsod na ito ay sumakop ng mga lugar. Ang mararangal na mangangalakal nito ay tanyag sa buong mundo. 9 Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagplano nito para ibagsak ang nagmamalaki ng kanyang kapangyarihan at ang mga kinikilalang tanyag sa mundo. 10 Kayong mga taga-Tarshish ay malayang dumaan sa Tyre, katulad ng Ilog ng Nilo na malayang dumadaloy, dahil wala nang pipigil sa inyo. 11 Iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay sa dagat, at niyanig niya ang mga kaharian. Iniutos niyang wasakin ang mga kampo ng Fenicia[d] 12 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan[e] ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw ninyo. Wasak na kayo! Kahit na tumakas kayo papuntang Cyprus, hindi pa rin kayo magkakaroon ng kapahingahan doon.”
13 Tingnan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia.[f] Nasaan na ang mga mamamayan nito? Sinalakay ito ng Asiria at winasak ang matitibay na bahagi nito. Pinabayaan itong giba at naging tirahan ng maiilap na hayop. 14 Umiyak kayo, kayong mga nagbibiyahe sa Tarshish, dahil nawasak na ang lungsod na pinupuntahan ninyo. 15 Ang Tyre ay makakalimutan sa loob ng 70 taon, kasintagal ng buhay ng isang hari. Pero pagkatapos ng panahong iyon, matutulad siya sa isang babaeng bayaran sa awiting ito: “Babaeng bayaran, ikaw ay nalimutan na. 16 Kaya kunin mo ang iyong alpa at tugtugin mong mabuti habang nililibot mo ang lungsod. Umawit ka nang umawit para maalala ka.”
17 Pagkatapos ng 70 taon, aalalahanin ng Panginoon ang Tyre. Pero muling gagawin ng Tyre ang ginawa niya noon, na katulad ng ginawa ng babaeng bayaran. Gagawa siya ng masama sa lahat ng kaharian ng mundo para magkapera. 18 Pero sa bandang huli, ang kikitain niyaʼy hindi niya itatabi. Ihahandog niya ito sa Panginoon para pambili ng maraming pagkain at magagandang klase ng damit para sa mga naglilingkod sa Panginoon.
Parurusahan ng Dios ang Mundo
24 Makinig kayo! Wawasakin ng Panginoon ang mundo[g] hanggang sa hindi na ito mapakinabangan at pangangalatin niya ang mga mamamayan nito. 2 Iisa ang sasapitin ng lahat: pari man o mamamayan, amo man o alipin, nagtitinda man o bumibili, nagpapautang man o umuutang. 3 Lubusang mawawasak ang mundo at walang matitira rito. Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon. 4 Matutuyo at titigas ang lupa. Manlulumo ang buong mundo pati na ang mga kilala at makapangyarihang tao. 5 Ang mundo ay dinungisan ng mga mamamayan nito, dahil hindi nila sinunod ang Kautusan ng Dios at ang kanyang mga tuntunin. Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan ng Dios sa kanila. 6 Kaya isusumpa ng Dios ang mundo, at mananagot ang mga mamamayan nito dahil sa kanilang mga kasalanan. Susunugin sila at iilan lang ang matitira. 7 Malalanta ang mga ubas, at mauubos ang katas nito. Ang mga nagsasaya ay malulungkot, 8 at hindi na maririnig ang magagandang tugtugan ng mga tamburin at alpa, at ang hiyawan ng mga taong nagdiriwang. 9 Mawawala ang awitan sa kanilang pag-iinuman, at ang inumin ay magiging mapait. 10 Mawawasak ang lungsod at hindi na mapapakinabangan. Sasarhan ang mga pintuan ng bawat bahay para walang makapasok. 11 Sisigaw ang mga tao sa lansangan, na naghahanap ng alak. Ang kanilang kaligayahan ay papalitan ng kalungkutan. Wala nang kasayahan sa mundo. 12 Ang lungsod ay mananatiling wasak, pati ang mga pintuan nito. 13 Iilan na lamang ang matitirang tao sa lahat ng bansa sa mundo, tulad ng olibo o ubas pagkatapos ng pitasan. 14 Ang mga matitirang tao ay sisigaw sa kaligayahan. Ang mga nasa kanluran ay magpapahayag tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon. 15 Kaya nararapat ding purihin ng mga tao sa silangan at ng mga lugar na malapit sa dagat[h] ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 16 Maririnig ang awitan kahit saang dako ng mundo, “Purihin ang matuwid na Dios.”
Pero nakakaawa ako. Akoʼy nanghihina! Sapagkat patuloy ang pagtataksil ng mga taong taksil. 17 Kayong mga mamamayan ng mga bansa sa buong mundo, naghihintay sa inyo ang takot, hukay, at bitag. 18 Ang tumatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay at mabibitag ang mga lumalabas dito.
Uulan nang malakas at mayayanig ang pundasyon ng lupa. 19 Bibitak ang lupa at mabibiyak. 20 At magpapasuray-suray ito na parang lasing at parang kubong gumagalaw-galaw sa ihip ng hangin. Ang lupa ay mabibigatan dahil sa kasalanan, at mawawasak ito at hindi na muling makakabangon.
21 Sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon ang mga makapangyarihang nilalang sa langit,[i] pati ang mga hari rito sa mundo. 22 Sama-sama silang ihuhulog sa hukay na katulad ng mga bilanggo. Ikukulong sila at saka parurusahan. 23 Magdidilim ang araw at ang buwan dahil maghahari ang Panginoong Makapangyarihan sa Bundok ng Zion, sa Jerusalem. At doon mahahayag ang kanyang kapangyarihan sa harap ng mga tagapamahala ng kanyang mga mamamayan.
17 Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami sa kagustuhan naming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, masasabi bang si Cristo ang dahilan ng pagiging makasalanan namin? Hindi! 18 Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang iniwan ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako. 19 Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Dios. 20 Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na. Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. 21 Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Dios, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Cristo!
Ang Pagsunod sa Kautusan at ang Pananampalataya kay Cristo
3 Ano ba naman kayong mga taga-Galacia! Hindi ba kayo makaintindi? Bakit kayo naniniwala sa mga nanlilinlang sa inyo? Hindi baʼt malinaw na ipinangaral ko sa inyo ang kahulugan ng pagkamatay ni Cristo sa krus? 2 Ito ngayon ang gusto kong itanong sa inyo: Tinanggap nʼyo ba ang Banal na Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan, o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan nʼyo? 3 Talagang hindi nga kayo makaintindi! Nagsimula kayo bilang mananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, bakit ngayon pinipilit ninyong magpakabanal sa pamamagitan ng sarili nʼyong pagsisikap? 4 Wala na bang halaga sa inyo ang naranasan ninyo? Mawawalan na lang ba ito ng kabuluhan? 5 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ng Dios ang kanyang Espiritu, at sa pamamagitan niyaʼy gumagawa kayo ng mga himala? Tinanggap nʼyo ba ito dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan ninyo?
6 Tingnan nʼyo ang nangyari kay Abraham. Ayon sa Kasulatan, “Sumampalataya siya sa Dios, kaya itinuring siyang matuwid.”[a] 7 Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Dios ang siyang mga tunay na anak ni Abraham. 8 Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Dios ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”[b] 9 Sumampalataya si Abraham sa Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Dios ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.
Panalangin para Tulungan ng Dios
60 O Dios, itinakwil nʼyo kami at pinabayaang malupig.
Nagalit kayo sa amin ngunit ngayon, manumbalik sana ang inyong kabutihan.
2 Niyanig nʼyo ang kalupaan at pinagbitak-bitak,
ngunit nakikiusap ako na ayusin nʼyo po dahil babagsak na ito.
3 Kami na mga mamamayan nʼyo ay labis-labis nʼyong pinahirapan.
Para nʼyo kaming nilasing sa alak, sumusuray-suray.
4 Ngunit, para sa aming mga may takot sa inyo, nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan
ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.
5 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
6 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
7 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
8 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
9 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?
10 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
11 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
12 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
… 13 …
15-16 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka at karunungan ang mamumutawi sa iyong mga labi.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®