Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 66

Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa

66 Ito(A) (B) ang sabi ni Yahweh:

“Ang aking trono ay ang kalangitan,
    at ang daigdig ang aking tuntungan.
Anong klaseng bahay ang gagawin mo para sa akin?
    Anong klaseng lugar ang aking titirhan?
Sa lahat ng bagay ako ang maylikha,
    kaya ako ang may-ari ng lahat ng ito.
Ako'y nalulugod sa mga taong nagpapakumbaba at nagsisipagsisi,
    sa mga may takot at sa utos ko'y sumusunod.
Ginagawa ng tao ang kanyang maibigan,
    at matutuwa pang gumawa ng kasamaan.
Para sa kanya ay walang kaibahan ang handog na toro o kaya ay tao;
    ang handog na tupa o patay na aso;
ang handog na pagkaing butil o dugo ng baboy;
    ang pagsusunog ng insenso o ang pagdarasal sa diyus-diyosan.
Natutuwa sila sa nakakahiyang pagsamba.
Dahil dito, ipararanas ko sa kanila
    ang kapahamakang kinatatakutan nila.
Sapagkat nang ako'y tumawag walang tumugon kahit na isa;
    nang ako'y magsalita, walang gustong makinig.
Ginusto pa nila ang sumuway sa akin
    at gumawa ng masama.”

Pakinggan ninyo si Yahweh,
    kayong natatakot at sumusunod sa kanyang salita:
“Kinamumuhian at itinataboy kayo ng inyong sariling kababayan, nang dahil sa akin;
at sinasabi pa nila, ‘Ipakita ni Yahweh ang kanyang kadakilaan at iligtas niya kayo
    para makita namin kayong natutuwa.’
    Ngunit mapapahiya sila sa kanilang sarili.
Pakinggan ninyo at sa lunsod ay nagkakagulo,
    at mayroong ingay na buhat sa Templo!
Iyon ay likha ng pagpaparusa ni Yahweh sa kanyang mga kaaway!
“Ang(C) aking banal na lunsod ay parang babaing biglang nanganak;
kahit hindi pa sumasakit ang kanyang tiyan,
    isang lalaki ang kanyang inianak.
May nabalitaan na ba kayo o nakitang ganyan?
Isang bansang biglang isinilang?
Ang Zion ay hindi maghihirap nang matagal
    upang ang isang bansa ay kanyang isilang.”
Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ninyong isipin na ang bayan ko'y
    hahayaang umabot sa panahong dapat nang iluwal,
    at pagkatapos ay pipigilin sa pagsilang.”

10 Makigalak kayo sa Jerusalem, magalak kayo dahil sa kanya;
    kayong lahat na nagmamahal sa lunsod na ito!
Kayo'y makigalak at makipagsaya,
    lahat kayong tumangis para sa kanya.
11 Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya,
    tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.

12 Sabi ni Yahweh:
“Padadalhan kita ng walang katapusang kasaganaan.
    Ang kayamanan ng ibang bansa ay aagos patungo sa iyo tulad ng umaapaw na ilog.
Ang makakatulad mo'y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina.
13 Aaliwin kita sa Jerusalem,
    tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak.
14 Ikaw ay magagalak kapag nakita mo ang lahat ng ito;
    ikaw ay lalakas at lulusog.
Sa gayon, malalaman mong akong si Yahweh ang tumutulong sa mga sumusunod sa akin;
    at siya ring nagpaparusa sa mga kaaway.”

15 Darating si Yahweh na may dalang apoy
    at nakasakay sa mga pakpak ng bagyo
upang parusahan ang mga kinamumuhian niya.
16 Apoy at espada ang gagamitin niya
    sa pagpaparusa sa mga nagkasala;
    tiyak na marami ang mamamatay.

17 Ang sabi ni Yahweh, “Malapit na ang wakas ng mga naglilinis ayon sa tuntunin ng pagsambang pagano, sumasama sa nagpuprusisyon patungo sa mga sagradong hardin, at kumakain ng karne ng baboy, daga at iba pang hayop na marumi.

18 “Nalalaman ko ang kanilang iniisip at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at ang mga taong iba't iba ang salita. Kapag sila'y nagkasama-sama, makikita nila ang magagawa ng aking kapangyarihan. 19 Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Libya at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. 20 Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na pagkaing butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan ayon sa kautusan. 21 Ang iba sa kanila ay gagawin kong mga pari at ang iba naman ay Levita.

22 “Kung(D) paanong tatagal ang bagong langit at bagong lupa
    sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,
    gayon tatagal ang lahi mo at pangalan.
23 Tuwing Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan,
    lahat ng bansa ay sasamba sa akin,”
    ang sabi ni Yahweh.

24 “Sa(E) kanilang pag-alis, makikita nila ang mga bangkay ng mga naghimagsik laban sa akin. Ang uod na kakain sa kanila'y hindi mamamatay, gayon din ang apoy na susunog sa kanila. Ang kalagayan nila'y magiging kahiya-hiya sa buong sangkatauhan.”

Filipos 3:4-21

Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. Ako'y(A) tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Kung(B) sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin.

Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, 11 umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan.

Magpatuloy Tungo sa Hangganan

12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.

15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.

17 Mga(C) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.

Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Mga Kawikaan 24:15-16

-27-

15 Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan, 16 sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.