Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 31:27-32:44

27 Sabi ni Yahweh, “Darating ang panahon na pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa Israel at sa Juda. 28 Kung paano ako naging maingat nang sila'y aking ibagsak, bunutin, sirain, saktan, at lipulin, buong ingat ko rin silang itatanim at itatatag. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 29 Pagdating(A) ng panahong iyon, hindi na nila sasabihin, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin.’ 30 Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas ang siyang mangingilo; mamamatay ang isang tao dahil sa kanyang kasalanan.”

31 Sinasabi(B) (C) ni Yahweh, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda. 32 Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito. 33 Ganito(D) ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan. 34 Hindi(E) na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.”

35 Si Yahweh ang naglagay ng araw upang lumiwanag sa maghapon,
    at ng buwan at mga bituin upang tumanglaw sa magdamag;
siya ang nagpapagalaw sa dagat kaya umuugong ang mga alon;
    ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!
36 “Habang ang kaayusang ito'y nananatili,
    hindi mawawala kailanman ang bansang Israel,” ito ang sabi ni Yahweh.
37 “Kung masusukat ang kalangitan
    o maaarok ang kalaliman ng lupa,
    maaari kong itakwil ang buong Israel
    dahil sa lahat ng kanilang ginawa.”
Ito'y nagmula sa bibig ni Yahweh.

38 “Darating ang panahon na muling itatatag ang lunsod ng Jerusalem para sa karangalan ni Yahweh, mula sa Tore ng Hananel hanggang sa Panulukang Pinto. 39 Ang hangganan nito'y lalampas sa burol ng Gareb saka liliko sa Goa. 40 Ang buong libis na pinagtatapunan ng mga bangkay at abo, gayon din ang lahat ng bukirin sa itaas ng batis ng Kidron hanggang sa Pintuang Labasan ng mga Kabayo sa gawing silangan, ay itatalaga sa akin. Hindi na mawawasak o masasakop ninuman ang lunsod na ito.”

Si Jeremias ay Bumili ng Bukid sa Anatot

32 Nagpahayag(F) si Yahweh kay Jeremias noong ika-10 taon ng paghahari sa Juda ni Zedekias, at ika-18 taon naman ni Nebucadnezar ng Babilonia. Nang panahong iyon, na sinasalakay ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, si Propeta Jeremias nama'y mahigpit na binabantayan sa bilangguan ng palasyo. Ipinabilanggo siya ni Haring Zedekias dahil sa kanyang patuloy na pagpapahayag at pagsasabing, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Ipapasakop ko ang lunsod na ito sa hari ng Babilonia. Si Haring Zedekias ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia, at ihaharap siya sa hari nito. Makakausap niya ito at makikita nang harap-harapan. Dadalhin siyang bihag sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa muli ko siyang maalala. Kahit anong pakikipaglaban ang gawin ninyo, hindi kayo magtatagumpay laban sa kanila.”

Sinabi pa ni Jeremias, “Ito ang pahayag sa akin ni Yahweh: Si Hanamel na anak ng iyong amaing si Sallum ay lalapit sa iyo upang ipagbili ang kanyang bukirin sa Anatot sapagkat ikaw ang malapit niyang kamag-anak at may karapatang bumili niyon.” Gaya nga ng sinabi ni Yahweh, si Hanamel ay pumunta sa akin at sinabi: “Bilhin mo na ang bukid ko sa Anatot, sa lupain ng Benjamin. Ikaw ang may karapatang bumili niyon bilang pinakamalapit kong kamag-anak.” Naalala ko ang sinabi ni Yahweh, kaya binili ko ang bukid ng pinsan kong si Hanamel, sa halagang labimpitong pirasong pilak. 10 Nilagdaan ko ang kasulatan ng pagkabili at tinatakan; tumawag siya ng mga saksi, at tinimbang sa harapan nila ang salaping kabayaran. 11 Pagkatapos, kinuha ko ang kasulatan ng pagkabili, na tinatakan, at isang kopyang nakabukas, 12 at aking ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Ito'y nasaksihan ni Hanamel, ng mga saksing lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at ng mga Judiong nasa himpilan ng mga bantay. 13 Sa harapan nilang lahat, tinagubilinan ni Jeremias si Baruc ng ganito: 14 “Ito ang utos ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Kunin mo ang mga kasulatang ito—ang tinatakan at ang nakabukas—at ilagay mo sa isang tapayan para hindi masira agad. 15 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh: Darating ang panahon na muling bibilhin ang mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing ito.”

Ang Panalangin ni Jeremias

16 Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkakabili, 17 si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo. 18 Nagpamalas ka ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinaparusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 19 dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa. 20 Gumawa ka ng mga tanda at kababalaghan sa Egipto, at hanggang ngayo'y patuloy kang gumagawa ng mga kababalaghan sa Israel at sa ibang mga bansa, kaya kilala na ngayon ang iyong pangalan sa lahat ng dako. 21 Inilabas mo sa Egipto ang iyong bayang Israel, kasabay ng mga tanda at kababalaghan; ikaw ang umakay sa kanila, sa pamamagitan ng iyong lakas at taglay na kapangyarihan. 22 Ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay, gaya ng ipinangako mo sa kanilang mga ninuno; 23 pinasok nila ito at sinakop. Ngunit hindi nila sinunod ang iyong utos o namuhay man ayon sa iyong kautusan. Hindi nila tinupad ang alinman sa mga utos, kaya nga ipinadala mo sa kanila ang lahat ng kapahamakang gaya nito. 24 Sasalakay na ang mga taga-Babilonia; marami ang masasawi sa labanan, sa gutom, at sa salot. Ang lunsod ay mahuhulog sa kamay ng kaaway. Matutupad na ang lahat ng iyong sinabi. 25 Ngunit ikaw ang nag-utos sa akin, Panginoong Yahweh, na bilhin ko sa harapan ng mga saksi ang bukirin, bagaman ang lunsod na ito ay naibigay na sa mga taga-Babilonia.”

26 At sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 27 “Ako si Yahweh, ang Diyos ng lahat ng tao; walang bagay na mahirap para sa akin. 28 Kaya(G) nga, tandaan mo ang sinasabi ko: Ibibigay ko sa mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang lunsod na ito. 29 Ito'y papasukin ng hukbo niya at susunugin; kasamang matutupok ang mga bahay ng mga taong kinapopootan ko. Sapagkat ang mga bubungan nila'y ginamit na sunugan ng insenso para kay Baal, at dito rin ibinubuhos ang mga alak na handog sa ibang diyos.

30 “Buhat pa sa pasimula, wala nang ginawa ang Israel at ang Juda kundi puro kasamaan, kaya nagagalit ako sa kanilang ginagawa,” ang sabi ni Yahweh. 31 “Mula nang itayo ang lunsod na ito, lagi na lamang nila akong ginagalit, kaya wawasakin ko na ito. 32 Suklam na suklam na ako sa likong gawain ng mga taga-Israel at Juda, ng kanilang mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at lahat ng naninirahan dito. 33 Ako'y tinalikuran nila; bagama't patuloy ko silang tinuruan, ayaw nilang makinig o tumanggap man ng payo. 34 Inilagay(H) pa nila ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa aking Templo, at sa gayo'y dinumihan ito. 35 Gumawa(I) pa sila ng mga altar para kay Baal sa Libis ng Ben Hinom, at doon sinusunog bilang handog kay Molec ang kanilang mga anak. Hindi ko ito iniutos o inisip man lamang na ipagawa sa kanila upang magkasala ang Juda.”

Ang Pangako ni Yahweh

36 Kaya nga, sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias, “Ipahayag mo na ang lunsod na ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, sa pamamagitan ng digmaan, gutom at salot. 37 Ngunit ngayon, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila nang ako'y magalit. Ibabalik ko sila sa lupaing ito, at ligtas na maninirahan dito. 38 At sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos. 39 Magkakaisa sila ng puso at layunin sa pagsunod sa akin para sa kanilang kabutihan at ng kanilang mga anak. 40 Makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang hanggang tipan; pagpapalain ko sila habang panahon at tuturuang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin. 41 Ikagagalak ko ang gawan sila ng kabutihan. Ipinapangako kong patatatagin ko sila sa lupaing ito, at gagawin ko ito nang buong puso't kaluluwa.”

42 Sabi ni Yahweh, “Kung paanong pinadalhan ko ng kapahamakan ang bayang ito; gayon ko ipagkakaloob ang kasaganaang aking ipinangako. 43 Muling magbebentahan ng mga bukirin sa lupaing ito na ngayo'y wala nang naninirahan kahit tao o hayop, at nasa kamay ng mga taga-Babilonia. 44 At sa pagbibilihang muli ng mga bukirin, lalagdaan at tatatakan ang mga kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi. Ito'y magaganap sa Benjamin, sa paligid ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda, sa kaburulan, sa Sefela, at sa mga lunsod sa timog ng Juda; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan.”

1 Timoteo 3

Ang mga Tagapangasiwa sa Iglesya

Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa[a] sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya(A) nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa,[b] matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Dapat hindi siya lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya mapamahalaan ang sarili niyang pamilya? Hindi siya dapat isang baguhang mananampalataya; baka siya'y maging palalo at mahatulan na gaya ng diyablo. Bukod dito, kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi sumasampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya

Ang mga tagapaglingkod[c] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. 10 Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod.

11 Gayundin naman, ang kanilang mga asawa[d] ay dapat maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, mapagtimpi at tapat sa lahat ng mga bagay.

12 Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa[e] at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. 13 Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay nagkakamit ng paggalang ng mga tao at nagkakaroon ng malaking tiwala dahil sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon

14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga tao sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. 16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:

Siya'y[f] nahayag sa anyong tao,
    pinatunayang matuwid ng Espiritu,[g] at nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
    pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian.

Mga Awit 88

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[a] Isang Maskil[b] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.

88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
    pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
    sa aking pagdaing ako ay tulungan.

Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
    Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
    ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
    animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
    parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
    na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
    ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[c]

Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
    hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
    Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
    sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.

10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
    para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[d]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
    o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
    o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?

13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
    sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
    Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
    ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
    ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
    sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
    ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.

Mga Kawikaan 25:20-22

20 Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.

21 Kapag(A) nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. 22 Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.