Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Panaghoy 3

Parusa, Pagsisisi at Pag-asa

Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos.
    Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag.
    Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon.

Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto.
    Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa.
    Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan.

Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas.
    Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin.
    Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling
    ay may pader na nakaharang.

10 Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay.
11     Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay.
12     Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan.

13 Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso.
14     Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan.
15     Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin.

16 Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig.
17     Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man.
18     Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.”

19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20     Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21     Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:

22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23     Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24     Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.

25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26     kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.
27     At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan.

28 Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay;
29     siya'y magpakumbaba sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa.
30     Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.

31 Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon.
32     Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.
33     Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.

34 Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban,
35     maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan.
36     Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya.

37 Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.
38     Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.
39     Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?

40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!
41     Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:
42     “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.

43 “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.
44     Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.
45     Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.

46 “Kinukutya kami ng aming mga kaaway;
47     nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.
48     Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan.

49 “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha,
50     hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin.
51     Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod.

52 “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako.
53     Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito.
54     Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’

55 “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon;
56     narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
57     Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’

58 “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay.
59     Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan.
60     Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin.

61 “Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin.
62     Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko.
63     Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi.

64 “O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa.
65-66     Pahirapan mo sila, at iyong sumpain;
    habulin mo sila at iyong lipulin!”

Mga Hebreo 1

Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit(A) sa mga huling araw na ito, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. Nakikita(B) sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit.

Mas Dakila ang Anak kaysa sa mga Anghel

Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila. Sapagkat(C) kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

“Ikaw ang aking Anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”

Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,

“Ako'y magiging kanyang Ama,
    at siya'y magiging aking Anak.”

At(D) nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,

“Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga

anghel ng Diyos.”

Tungkol(E) naman sa mga anghel ay sinabi niya,

“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
    at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”

Ngunit(F) tungkol sa Anak ay sinabi niya,

“Ang iyong trono, O Diyos,[a] ay magpakailan pa man,
    ikaw ay maghaharing may katarungan.
Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
    higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.”

10 Sinabi(G) pa rin niya,

“Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
    at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan.
11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
    at tulad ng damit, lahat ay kukupas,
12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal,
    at tulad ng damit, sila'y papalitan.
Ngunit mananatili ka at hindi magbabago,
    walang katapusan ang mga taon mo.”

13 Kailanma'y(H) hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

“Maupo ka sa kanan ko,
    hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”

14 Ano(I) ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan.

Mga Awit 102

Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan

Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.

102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    lingapin mo ako sa aking pagdaing.
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
    lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
    sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.

Nanghihina akong usok ang katulad,
    damdam ko sa init, apoy na maningas.
Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
    pati sa pagkai'y di ako ganahan.
Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
    yaring katawan ko'y buto na at balat.
Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
    para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
ang aking katulad sa hindi pagtulog,
    ibon sa bubungang palaging malungkot.
Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
    gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.

Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
    luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
    dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
    katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
    susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
    ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
    upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
    at sa Jerusalem pupurihing ganap
22     kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
    sa banal na lunsod upang magsisamba.

23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
    pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
    huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25     nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
    at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
    at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
    walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
    mamumuhay namang panatag ang loob;
    magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.

Mga Kawikaan 26:21-22

21 Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo.

22 Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.