Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 10-11

Ang Pagsamba sa Diyus-diyosan at ang Tunay na Pagsamba

10 Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya,

“Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa;
    o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan,
    na labis nilang kinatatakutan.
Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan.
Isang punongkahoy na pinutol sa gubat,
    inanyuan ng mga dalubhasang kamay,
    at pinalamutian ng ginto at pilak.
Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid,
    hindi nakakapagsalita;
pinapasan pa sila
    sapagkat hindi nakakalakad.
Huwag kayong matakot sa kanila
    sapagkat hindi sila makakagawa ng masama,
    at wala ring magagawang mabuti.”

Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh;
    ikaw ay makapangyarihan,
    walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino(A) ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa?
    Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan.
Kahit na piliin ang lahat ng matatalino
    mula sa lahat ng bansa at mga kaharian,
    wala pa ring makakatulad sa iyo.
Silang lahat ay pawang hangal at mangmang.
    Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy?
Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis,
    at ng gintong mula sa Upaz,
    ginawang lahat ng mahuhusay na kamay;
pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula
    na hinabi naman ng manghahabing sanay.
10 Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos,
    ikaw ang Diyos na buháy,
    at ang Haring walang hanggan.
Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit,
    at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.

11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.[a]

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

12 Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan,
    at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan;
    napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa.
Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan,
    at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.
14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang;
    malalagay sa kahihiyan bawat panday
    sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay.
15 Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya;
    wawasakin silang lahat ni Yahweh.
16 Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob;
    siya ang maylikha ng lahat ng bagay;
    at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan.
    Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan
    sa lahat.

Ang Darating na Pagkabihag

17 “Mga taga-Jerusalem na napapaligiran ng kaaway, ipunin ninyo ang inyong mga ari-arian. 18 Palalayasin na kayo ni Yahweh at ipapatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayong lahat hanggang sa walang matira.” Ito ang sabi ni Yahweh.

19 At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem,
“Napakatindi ng parusa sa amin!
    Hindi gumagaling ang aming mga sugat.
Akala namin, ito'y aming matitiis.
20 Ang aming mga tolda ay nawasak;
    napatid na lahat ang mga lubid.
Ang aming mga anak ay naglayasang lahat,
    walang natira upang mag-ayos ng aming tolda;
    wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.”

21 At sumagot si Jeremias, “Ang aming mga pinuno'y pawang mga hangal;
    hindi sila sumangguni kay Yahweh.
Kaya hindi sila naging matagumpay,
    at ang mga tao'y nagsipangalat.
22 Makinig kayo! May dumating na balita!
    Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga;
ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda,
    at ito'y magiging disyerto, tahanan ng mga asong-gubat.”

23 Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay;
    at walang nakakatiyak ng kanyang sasapitin.
24 Ituwid mo ang iyong bayan, O Yahweh;
    ngunit huwag naman sana kayong maging marahas.
Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot;
    na siyang magiging wakas naming lahat.
25 Ibaling mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo
    at sa mga taong hindi tumatawag sa iyong pangalan.
Pinatay nila ang mga anak ni Jacob;
    at winasak ang kanilang lupain.

Si Jeremias at ang Kasunduan

11 Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias: “Pakinggan mong mabuti ang nakasulat sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem na susumpain ko ang sinumang hindi susunod sa itinatakda ng kasunduang ito. Ito ang kasunduan namin ng inyong mga magulang nang iligtas ko sila sa Egipto, ang lupaing parang pugon na tunawan ng bakal. Sinabi kong pakinggan nila at sundin ang aking mga utos. At kung susunod sila, sila'y magiging bayan ko at ako'y magiging Diyos nila. Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipapamana ko sa kanila ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay na tinatahanan nila ngayon.”

Sumagot naman si Jeremias, “Opo, Yahweh.”

Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo ang aking mensahe sa kanila, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad sa kasunduan, at sundin ang mga ito. Nang ilabas ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito. Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong sundin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang sinasabi dito.”

Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem. 10 Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga magulang; hindi nila sinunod ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga magulang nila. 11 Kaya binalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makakaligtas. At kapag sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan. 12 Dahil dito'y tatawag sa mga diyus-diyosan ang mga taga-Juda at Jerusalem at magdadala ng mga handog sa harapan ng mga ito. Subalit hindi sila maililigtas ng mga diyus-diyosang ito kapag dumating na ang oras ng paglipol. 13 Kung ano ang dami ng mga lunsod sa Juda, gayon din kadami ang kanilang mga diyus-diyosan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga altar na handugan para kay Baal. 14 At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag naranasan na nila ang paghihirap at sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan.”

15 Ang sabi ni Yahweh, “Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at pagdadala ng mga hayop bilang handog na susunugin? Magagalak ba sila pagkatapos niyon? 16 Noong una'y inihambing ko sila sa isang malagong puno ng olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang kanilang mga sanga.

17 “Ako, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ginalit nila ako nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.”

Isang Pagtatangka sa Buhay ni Jeremias

18 Ipinaalam sa akin ni Yahweh ang masamang balak ng aking mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ko'y isang maamong tupa na dinadala sa katayan at hindi ko alam na may masamang balak pala sila sa akin. Ang sabi nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”

20 At(B) nanalangin si Jeremias, “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinapaubaya ko sa iyong mga kamay ang anumang mangyayari sa akin.”

21 Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi siya titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh. 22 Kaya ito ang sabi ni Yahweh: “Paparusahan ko sila! Mapapatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak. 23 Walang matitira sa kanila kapag dumating na ang panahon na parusahan ko sila.”

Colosas 3:18-4

Ang Pagsasamahang Nararapat

18 Mga(A) babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang naaangkop sa mga nakipag-isa sa Panginoon.

19 Mga(B) lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila.

20 Mga(C) anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon.

21 Mga(D) magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob.

22 Mga(E) alipin, sa lahat ng bagay ay sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa. May nakakakita man o wala, maglingkod kayo hindi upang kalugdan lamang ng mga tao, kundi dahil sa kayo'y tapat at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 24 Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo. 25 Ang(F) mga gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanilang ginawa, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan.

Mga(G) amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit.

Mga Tagubilin

Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.

Maging(H) matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. Sikapin(I) ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.

Pangwakas na Pagbati

Si(J)(K) Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. Kasama(L) niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.

10 Kinukumusta(M) kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga mananampalatayang Judio na kasama ko rito sa pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin.

12 Kinukumusta(N) rin kayo ng kasamahan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na panatag sa kalooban ng Diyos. 13 Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Nangungumusta(O) rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.

15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. 16 Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. 17 At(P) pakisabi ninyo kay Arquipo na tapusin ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.

18 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Huwag ninyong kalimutan na ako'y nakabilanggo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Awit 78:56-72

56 Ngunit(A) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57     katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
    nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
    nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
    itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(B) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
    yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(C) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
    binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
    kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
    dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
    ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.

65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
    parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
    napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
    at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
    at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
    katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.

70 Ang(D) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
    isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
    nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
    lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.

Mga Kawikaan 24:28-29

28 Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya. 29 Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!”