Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 28-29

Si Jeremias at si Propeta Hananias

28 Nang(A) taon ding iyon, ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekias sa Juda, si Jeremias ay kinausap sa Templo ni Hananias, anak ni Propeta Azur ng Gibeon. Sa harap ng mga pari at ng mga tao, sinabi ni Hananias: “Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin dito si Jeconias, ang anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, at ang lahat ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Babilonia.”

Nagsalita naman si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong naroon sa patyo ng Templo, “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo at maibalik nga sana rito ang lahat ng kagamitan ng Templo mula sa Babilonia at lahat ng mga dinalang-bihag! Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at sa mga kilalang kaharian. Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.”

10 Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali ito. 11 Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: “Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis na si Propeta Jeremias.

12 Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Hananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias: 13 “Pumunta ka kay Hananias at sabihin mo: Nabali mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ito ng bakal. 14 Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Haring Nebucadnezar, at ito'y siguradong magaganap sapagkat maging hayop sa parang ay ipinasakop ko sa kanya.” 15 At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Hananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo ang mga taong ito sa isang kasinungalingan. 16 Kaya ang sabi ni Yahweh: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!’”

17 At noong ikapitong buwan ng taóng iyon, si Propeta Hananias ay namatay nga.

Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Dinalang-bihag

29 Nagpadala(B) ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ito'y ginawa niya matapos lisanin ni Haring Jeconias ang Jerusalem, kasama ang kanyang inang reyna, mga eunuko, mga pinuno at mga panday ng palasyo. Ang sulat ay ipinadala ng propeta kina Elasa, anak ni Safan, at Gemarias, anak ni Hilkias, na sinugo ni Haring Zedekias kay Haring Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinasabi sa sulat:

“Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad. Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh.

10 “Subalit(C) ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13 Kapag(D) hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. 14 Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag.

15 “Sinasabi ninyong si Yahweh ay humirang ng mga propeta para sa inyo diyan sa Babilonia. 16 Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaupo sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at sa hindi nabihag na mga kasama ninyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok kaya't hindi na makakain. 18 Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y hahamakin at susumpain ng lahat ng bansang pinagtapunan ko sa kanila. 19 Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo. 20 Ngunit kayong mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia, makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: 21 Paparusahan ni Yahweh si Ahab na anak ni Kolaias, at si Zedekias, na anak naman ni Maasias, sapagkat ginamit nila sa kasinungalingan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at papatayin sa inyong harapan. 22 Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila, ‘Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Zedekias at Ahab, na sinunog nang buháy ng hari ng Babilonia!’ 23 Ganito ang mangyayari sa kanila sapagkat kasuklam-suklam ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.”

Ang Sulat ni Semaias

24 Sabihin mo kay Semaias na taga-Nehelam, 25 ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sinulatan mo ang mga taga-Jerusalem, ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, at ang lahat ng mga pari. Sinabi mong 26 si Zefanias ang hinirang ni Yahweh bilang kapalit ng paring si Joiada. At bilang namamahala sa Templo, tungkulin niyang lagyan ng posas at tanikala sa leeg ang bawat nababaliw na lalaking nagpapahayag sa mga tao bilang propeta. 27 Bakit hindi mo pinigil si Jeremias ng Anatot na nagpapahayag sa inyo bilang propeta? 28 Sa mga bihag sa Babilonia'y sinabi niya: ‘Magtatagal kayo rito kaya magtayo kayo ng mga bahay na matitirhan at magtanim kayo para may makain.’”

29 Binasa ng paring si Zefanias ang sulat na ito nang naririnig ni Propeta Jeremias. 30 At tinanggap ni Jeremias ang salita ni Yahweh: 31 “Sabihin mo sa lahat ng mga dinalang-bihag sa Babilonia na ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Semaias na taga-Nehelam: Nagpahayag si Semaias gayong hindi ko naman siya sinugo, at pinapaniwala kayo sa isang kasinungalingan. 32 Dahil dito, siya'y paparusahan ko at ang kanyang mga salinlahi. Hindi na niya masasaksihan ang kasaganaang ipagkakaloob ko sa aking bayan, sapagkat nagpapahayag siya ng paghihimagsik laban sa akin.”

1 Timoteo 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—

Kay(A) Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala tungkol sa Maling Katuruan

Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili.

Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati

at mapagpalang Diyos.

Pagkilala sa Habag ng Diyos

12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(B) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.

17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.

18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.

Mga Awit 86

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
    at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
    turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
    at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
    di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
    taong mararahas, na ang adhikain
    ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
    wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
    lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
    iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
    pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
    upang mapahiya ang aking kaaway,
    kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!

Mga Kawikaan 25:17

17 Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.