Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 48:1-49:22

Ang Pagwasak sa Moab

48 Tungkol(A) sa Moab, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel:

“Kahabag-habag ang Nebo, sapagkat ito'y ganap na mawawasak.
Nalupig ang Kiryataim, nawasak ang kanyang pader,
    at nalagay sa kahihiyan ang mga mamamayan.
Wala na ang katanyagan ng Moab;
    ang Hesbon ay nasakop na ng kaaway.
Sinabi pa nila,
    ‘Halikayo, wasakin natin ang Moab hanggang hindi na ito matawag na isang bansa!’
At kayong nakatira sa Dibon, kayo'y patatahimikin;
    hahabulin ng tabak ang inyong mamamayan.
Dinggin ninyo ang pagtangis sa Horonaim;
    dahil sa karahasan at pagkawasak.

“Wasak na ang Moab.
    Iyakan ng mga bata ang siyang maririnig.
Sa pag-akyat sa Luhit,
    mapait na tumatangis ang mga mamamayan;
    pagbaba sa Horonaim,
    naririnig ang paghiyaw ng ‘Kapahamakan!’
Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong buhay,
    gaya ng mailap na asno sa disyerto.

“Mga taga-Moab, dahil nagtiwala kayo sa inyong lakas at kayamanan,
    kayo'y malulupig din;
at dadalhing-bihag ang diyus-diyosan ninyong si Quemos,
    pati ang kanyang mga pari at mga lingkod.
Papasukin ng tagawasak ang bawat lunsod;
    at walang makakatakas.
Mawawasak ang kapatagan at ang libis ay guguho.
Lagyan ninyo ng puntod ang Moab,
    sapagkat tiyak ang kanyang pagbagsak;
mawawasak ang kanyang mga lunsod,
    at wala nang maninirahan doon.”
10 Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!
    Sumpain siya na ayaw gumamit ng kanyang tabak sa pagpatay.

Nawasak ang mga Lunsod ng Moab

11 “Namuhay na panatag ang Moab mula sa kanyang kabataan,” sabi ni Yahweh. “Siya'y gaya ng alak na hindi nagagalaw ang latak. Hindi siya isinasalin sa ibang sisidlan; hindi pa siya nadadalang-bihag. Kaya hindi pa nagbabago ang kanyang lasa, at ang kanyang amoy ay hindi pa nawawala.

12 “Kaya, tiyak na darating ang panahon na magsusugo ako ng mga lalaking magtutumba sa mga sisidlan; itatapon nila ang laman nito, at saka babasagin hanggang sa madurog. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab si Quemos, na kanilang diyus-diyosan, katulad ng Bethel, ang diyus-diyosang ikinahiya ng Israel matapos niyang pagtiwalaan.

14 “Kayong mga lalaki sa Moab, paano ninyo masasabing kayo'y mga bayani,
    at mga matatapang na mandirigma?
15 Dumating na ang wawasak sa Moab at sa kanyang mga lunsod,
    at ang magigiting niyang kabataan ay masasawi.”
Ito ang pahayag ng Hari na ang pangalan ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
16 “Nalalapit na ang pagbagsak ng Moab,
    mabilis na dumarating ang kanyang pagkawasak.
17 Magdalamhati kayo dahil sa kanya, mga karatig-bayan,
    at kayong lahat na nakakakilala sa kanya;
sabihin ninyo, ‘Nabali ang matibay na setro,
    ang setro ng karangalan at kapangyarihan.’
18 Kayong mga taga-Dibon, bumabâ kayo mula sa inyong kataasan
    at maupo kayo sa tigang na lupa,
sapagkat dumating na ang wawasak sa Moab
    at iniwang wasak ang inyong mga tanggulan.
19 Kayong naninirahan sa Aroer,
    tumayo kayo sa tabing-daan at magmasid,
    tanungin ninyo ang mga lalaking tumatakbo, ang babaing tumatakas,
    ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay napahiya at nanlupaypay;
    humiyaw kayo at tumangis,
ipahayag ninyo hanggang sa Ilog Arnon na winasak na ang Moab!

21 “At ang hatol ay dumating na sa mga lunsod sa mataas na kapatagan: sa Holon, sa Jaza, sa Mefaat, 22 sa Dibon, sa Nebo, sa Beth-diblataim, 23 sa Kiryataim, sa Bethgamul, sa Bethmeon, 24 sa Keriot, sa Bozra at sa lahat ng lunsod ng Moab, malayo man o malapit. 25 Bagsak na ang kapangyarihan ng Moab at siya'y mahina na ngayon, sabi ni Yahweh.”

Mapapahiya ang Moab

26 “Lasingin ninyo ang Moab,” sabi ni Yahweh, “sapagkat naghimagsik siya laban sa akin. Bayaan ninyong siya'y gumulong sa sariling suka, at maging tampulan ng katatawanan. 27 Hindi ba't pinagtawanan mo ang Israel? Itinuring mo sila na parang nahuling kasama ng mga magnanakaw at napapailing ka tuwing siya'y babanggitin mo.

28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin. 29 Nabalitaan na namin ang kapalaluan ng Moab. Napakayabang niya: mapangmata, palalo, hambog at mapagmataas. 30 Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa. 31 Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-heres. 32 Tinangisan kita, O baging ng Sibma, nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer. Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-araw. 33 Napawi na ang kagalakan at kasayahan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa kagalakan.

34 “Sumisigaw ang Hesbon at Eleale at ito'y umaabot hanggang sa Jahaz; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim. 35 Papatigilin ko ang pag-aalay sa mga altar sa kaburulan, at ang pagsusunog ng handog sa kanilang mga diyos. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.

36 “Kaya tumatangis ang aking puso dahil sa Moab, gaya ng tunog ng plauta; tumatangis din akong parang plauta dahil sa mga taga-Kir-heres. Wala na ang kayamanang pinagsumikapan nilang ipunin! 37 Inahit ng mga lalaki ang kanilang buhok; gayon din ang kanilang balbas; hiniwaan ang kanilang mga kamay, at nagdamit sila ng damit-panluksa, tanda ng pagdadalamhati. 38 Ang pagtangis ay maririnig mula sa mga bubungan ng bahay sa Moab, at sa malalapad na liwasan niya; sapagkat winasak ko ang Moab, tulad sa isang tapayang wala nang may gusto. 39 Wasak na wasak ang Moab. Sa laki ng kanyang kahihiyan, siya ay naging tampulan ng paghamak at panghihinayang ng lahat ng bansa.”

Hindi Makakatakas ang Moab

40 Ganito ang sabi ni Yahweh: “Darating ang isang bansang simbilis ng agila at lulukuban ng kanyang pakpak ang lupain ng Moab. 41 Sasakupin ang mga bayan, babagsak ang lahat ng pader; at sa araw na iyon, manghihina ang mga kawal ng Moab, gaya ng panghihina ng isang babaing malapit nang manganak. 42 Gayon mawawasak ang Moab, at hindi na siya kikilalaning isang bansa; sapagkat naghimagsik siya laban kay Yahweh. 43 Nakaamba na sa Moab ang kapahamakan, ang hukay, at ang bitag. 44 Pagtakbo ng isang tao palayo sa kapahamakan, mahuhulog siya sa hukay; kung siya'y umahon mula rito'y mahuhuli naman siya sa bitag. Lahat ng ito'y mangyayari sa Moab pagdating ng taon ng kanilang pagsusulit. Ito ang sinasabi ni Yahweh. 45 Magtatago sa Hesbon ang mga pagod na pagod na pugante; ito ang lunsod na dating pinamahalaan ni Haring Sihon. Subalit lumaganap ang apoy mula sa palasyo; nilamon ang bayan ng Moab at ang kabundukang pinagkukublihan ng mga taong mahilig sa pakikidigma. 46 Kahabag-habag ka, Moab! Wala na ang diyus-diyosan mong si Quemos, at dinalang-bihag ang iyong mga anak.

47 “Gayunman, pagdating ng araw, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng Moab. Ito ang hatol sa kanya,” ang sabi ni Yahweh.

Ang Hatol ni Yahweh sa Ammon

49 Tungkol(B) naman sa mga Ammonita, ganito ang sinasabi ni Yahweh: “Wala bang mga anak na lalaki si Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ng mga sumasamba kay Milcom si Gad, at nanirahan sila sa mga lunsod nito? Kaya nga, darating ang panahon na maririnig ng mga taga-Rabba ang sigaw ng digmaan. Ang lunsod na ito'y iiwang wasak at susunugin ang mga nayon. At mababalik sa Israel ang lupaing inagaw sa kanya. Ito ang sabi ni Yahweh. Tumangis kayo, mga taga-Hesbon, sapagkat wasak na ang Ai! Umiyak kayo, mga kababaihan ng Rabba! Magsuot kayo ng damit-panluksa at manangis kayo. Magpabalik-balik kayo na hinahampas ang sarili! Sapagkat ang diyus-diyosan ninyong si Milcom ay dadalhing-bihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. Huwag ninyong ipagyabang ang inyong mga lakas, kayong walang pananalig. Nagtiwala kayo sa inyong mga kayamanan. Ang sabi ninyo, ‘Walang maaaring lumaban sa amin!’ Padadalhan ko kayo ng katatakutan; kayo'y itataboy ng lahat ng nasa palibot ninyo. Bawat isa'y tutugisin, at walang magtitipon sa mga pugante.

“Subalit pagkaraan nito, ibabalik kong muli ang kayamanan ng mga Ammonita,” ang sabi ni Yahweh.

Ang Hatol ni Yahweh sa Edom

Tungkol(C) (D) sa Edom, ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Wala na bang masumpungang marunong sa Teman? Hindi na ba nagpapayo ang mga tagapayo doon? Napawi na ba ang kanilang karunungan? Mga taga-Dedan, tumakas kayo at magtago! Ipararanas ko sa inyo ang kapahamakang inabot ni Esau nang siya'y aking parusahan. Kung namimitas ng mga ubas, tiyak na may naiiwan. Kung sumasalakay sa gabi ang mga magnanakaw, kinukuha lamang nila ang magustuhan. 10 Subalit inubos ko ang kayamanan ni Esau, inilantad ko ang kanyang mga taguan, kaya wala na siyang mapagtataguan kahit saan. Nilipol na ang kanyang mga anak, mga kapatid, gayon din ang kanyang mga kapitbahay. 11 Ako ang kakalinga sa inyong mga anak na naulila sa ama. Ang inyong mga babaing balo ay makakaasa sa akin.”

12 Sapagkat sabi ni Yahweh, “Kahit ang hindi nararapat parusahan ay paiinumin din sa baso ng kaparusahan. Kayo lamang ba ang hindi paparusahan? Hindi! Dapat din kayong uminom! 13 Isinumpa ko sa aking sarili, na ang Bozra ay magiging katatakutan, isang disyerto, tampulan ng paghamak at gagamitin sa pagsumpa. Ang lahat ng nayon sa palibot nito ay mananatiling wasak habang panahon. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

14 Narinig ko ang pahayag na ito ni Yahweh. Pinapunta niya sa mga bansa ang isang sugo upang sabihin, “Magsama-sama kayo at salakayin siya. Humanda kayong makipagdigma! 15 Ikaw ay gagawin niyang mahinang bansa, tampulan ng paghamak ng lahat. 16 Dinaya kayo ng inyong kapalaluan at kataasan. Walang natatakot sa inyo, tulad ng akala ninyo, kayo na nakatira sa mga guwang ng kabatuhan, at nagkukuta sa mataas na kaburulan. Ngunit gumawa man kayo ng inyong pugad sa dakong mataas, gaya ng agila, kayo'y aking ibababa. Ito ang salita ni Yahweh.”

17 Sinabi pa ni Yahweh: “Ang Edom ay magiging malagim na tanawin; mangingilabot at masisindak ang lahat ng magdaraan doon. 18 Siya'y(E) ibinagsak, gaya ng Sodoma at Gomorra, at mga kalapit na bansa. Walang sinumang maninirahan doon. 19 Masdan(F) ninyo, tulad ng leong nanggagaling sa kagubatan ng Jordan at patungo sa luntiang pastulan, hahabulin ko ang mga taga-Edom at sila'y magtatakbuhan. Pamamahalaan sila ng sinumang pinunong aking pipiliin. Sino ang katulad ko? Sino ang aking kapantay? Sinong pinuno ang makakalaban sa akin? 20 Kaya pakinggan ninyo ang buong layunin ni Yahweh laban sa Edom at lahat ng kanyang balak laban sa taga-Teman: Pati ang maliliit na bata ay kukunin, at masisindak ang lahat. 21 Sa tindi ng pagbagsak ng Edom ay mayayanig ang daigdig; tatangis ang lupa at maririnig hanggang sa Dagat na Pula.[a] 22 Ang kaaway ay lulusob sa Bozra, parang isang agila na biglang mandaragit. Sa araw na iyon, matatakot ang mga kawal ng Edom, tulad ng pagkatakot ng isang babaing malapit nang manganak.”

2 Timoteo 4

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na hahatol sa mga buháy at sa mga patay, alang-alang sa kanyang pagdating bilang hari, inaatasan kita: ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga kathang-isip. Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at tuparin mo nang lubos ang iyong paglilingkod.

Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

Mga Personal na Tagubilin

Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan(A) na ako ni Demas dahil sa kanyang pag-ibig sa daigdig na ito; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. 11 Si(B) Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. 12 Pinapunta(C) ko sa Efeso si Tiquico. 13 Pagpunta(D) mo rito, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.

14 Napakasama(E) ng ginawa sa akin ng panday na si Alejandro. Pagbabayarin siya ng Panginoon sa kanyang mga ginawa. 15 Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang ipinapangaral natin.

16 Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

19 Ikumusta(F) mo ako kina Priscila at Aquila, at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nagpaiwan(G) sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto na may sakit. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig.

Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.

22 Samahan nawa ng Panginoon ang iyong espiritu. Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Awit 95-96

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

Diyos ang Kataas-taasang Hari(E)

96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
    purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
    araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
    sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
    higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
    si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
    ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.

O(F) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
    Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
    dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
    humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.

10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
    “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
    sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
    lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
    pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
    at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.

Mga Kawikaan 26:9-12

Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.

10 Tulad ng isang namamana ng kahit na sino ang isang taong umupa ng mangmang o lasenggo.

11 Ang(A) taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang sariling suka ay binabalikan nito.

12 Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito.