Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 30:1-31:26

Ang mga Pangako ni Yahweh para sa Israel

30 Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.” Ito ang mga sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda:

“Narinig ko ang sigaw ng isang takot na takot,
    ng isang nasindak at walang kapayapaan.
Isipin mong mabuti:
    Maaari bang manganak ang isang lalaki?
Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan,
    tulad ng isang babaing manganganak?
    Bakit namumutla ang kanilang mga mukha?
Nakakatakot ang araw na iyon.
    Wala itong katulad;
    ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob,
    ngunit siya'y makakaligtas.

“Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan. Sa halip, sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari.

10 “Ngunit(A) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
    at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
    kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
    at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
11 Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo.
Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo;
    subalit kayo'y hindi malilipol.
Paparusahan ko kayo nang marapat,
    ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.”

12 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit,
    malalâ na ang iyong sugat.
13 Walang mag-aalaga sa iyo,
    walang kagamutan sa iyong sugat;
    wala ka nang pag-asang gumaling pa.
14 Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig;
    wala na silang malasakit sa iyo.
Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway,
    buong lupit kitang pinarusahan;
    sapagkat matindi ang iyong kasamaan
    at napakarami mong kasalanan.
15 Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit;
    wala nang lunas ang sugat mo.
Ginawa ko ito sa iyo
    sapagkat matindi ang iyong kasamaan
    at napakarami mong kasalanan.
16 Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin;
    lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din.
Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo.
    Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din.
17 Ibabalik ko ang kalusugan mo,
    at pagagalingin ang iyong mga sugat.
Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil,
    ang Zion na walang nagmamalasakit.”

18 Sinabi pa ni Yahweh:
“Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob.
    Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya.
Ang lunsod na winasak ay muling itatayo,
    at muling itatayo ang bawat gusali.
19 Ang mga tao roon ay aawit ng pasasalamat
    at magkakaingay sa kagalakan.
Sila'y aking pararamihin;
    pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila.
20 Ibabalik ko ang kanilang dating kapangyarihan,
    at sila'y magiging matatag sa aking harapan.
    Paparusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.
21 Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila.
Aanyayahan ko siya kaya siya nama'y lalapit sa akin,
    sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan.
22 Sila'y magiging bayan ko,
    at ako ang kanilang magiging Diyos.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

23 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyo, parang nag-aalimpuyong hangin na hahampas sa ulo ng masasama. 24 Hindi magbabago ang matinding poot ni Yahweh hangga't hindi niya naisasagawa ang kanyang balak. Mauunawaan ninyo ito sa mga araw na darating.

Ang Pagbabalik ng mga Israelita

31 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “ako'y magiging Diyos ng buong Israel at magiging bayan ko sila.”

Ang sabi pa ni Yahweh, “Ang mga taong nakaligtas sa digmaan ay nakatagpo naman ng awa sa ilang. Nang ang Israel ay naghahanap ng kapahingahan, napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila kaya patuloy akong magiging tapat sa kanila. Muli kitang itatayo, marilag na Israel. Hahawakan mong muli ang iyong mga tamburin, at makikisayaw sa mga nagkakasayahan. Muli kang magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria; magtatanim ang mga magsasaka, at masisiyahan sa ibubunga niyon. Sapagkat darating ang araw na hihiyaw ang mga bantay mula sa kaburulan ng Efraim, ‘Halikayo, umakyat tayo sa Zion, kay Yahweh na ating Diyos.’”

Ang sabi ni Yahweh:
“Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob,
    ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa;
magpuri kayo at inyong ipahayag
    na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan,
    ang mga nalabi sa Israel.
Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga;
    titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan,
kasama ang mga bulag at mga pilay,
    ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak;
sila'y babalik na talagang napakarami!
Uuwi silang nag-iiyakan habang daan,
    nananalangin samantalang inaakay ko pabalik.
Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig,
    pararaanin sa patag na landas upang hindi sila madapa.
Sapagkat ang Israel ay aking anak,
    at si Efraim ang aking panganay.”

10 “Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh,
    at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan,
    gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’
11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob,
    at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na higit na malakas sa kanya.
12 Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion,
    puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh:
    saganang trigo, bagong alak at langis,
    at maraming bakahan at kawan ng tupa.
Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig,
    hindi na sila muling magkukulang.
13 Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
    makikigalak pati mga binata't matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
    aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
14 Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga pari,
    at masisiyahan ang buong bayan sa kasaganaang aking ibibigay.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

Ang Pagkahabag ni Yahweh sa Israel

15 Sinabi(B) ni Yahweh:
“Narinig sa Rama ang isang tinig—
    panaghoy at mapait na pagtangis
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
16 Sinasabi ni Yahweh:
“Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak,
    huwag na kayong lumuha;
sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa,
    babalik sila mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh,
    magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak.

18 “Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim:
‘Pinarusahan ninyo kami
    na parang mga guyang hindi pa natuturuan.
Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling,
    sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos.
19 Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na;
    natuto kami matapos ninyong parusahan.
Napahiya kami't nalungkot dahil nagkasala kami
    sa panahon ng aming kabataan.’

20 “Si Efraim ang aking anak na minamahal,
    ang anak na aking kinalulugdan.
Kung gaano kadalas ko siyang pinaparusahan,
    gayon ko siya naaalaala.
Kaya hinahanap ko siya,
    at ako'y nahahabag sa kanya.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

21 “Maglagay ka ng mga batong pananda sa iyong landas;
    hanapin mo ang daang iyong nilakaran.
Magbalik ka, Israel, sa mga lunsod na dati mong tinirhan.
22 Anak ko, hanggang kailan ka pa mag-aalinlangan?
Ako, si Yahweh, ay nagtatag ng isang bagong kaayusan:
    ang babae ang siyang magtatanggol sa lalaki.”

Ang Kasaganaang Mararanasan ng Israel

23 Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Muling sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan:

‘Pagpapalain ni Yahweh
    ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.’

24 Ang mga nagsasaka at mga pastol ay muling magkakasamang maninirahan sa Juda. 25 Bibigyan ko ng inumin ang nauuhaw, at bubusugin ang nanlulupaypay dahil sa matinding gutom. 26 At masasabi ng sinumang tao: ‘Ako'y natulog at nagising na maginhawa.’”

1 Timoteo 2

Mga Tagubilin tungkol sa Panalangin

Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. Dahil(A) dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!

Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.

Ang(B) mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. 12 Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. 13 Sapagkat(C) unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at(D) hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya[a] sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

Mga Awit 87

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Mga Kawikaan 25:18-19

18 Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.

19 Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.