The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Basag na Banga
19 Inutusan ako ni Yahweh na bumili ng isang banga. Pagkatapos, inutusan rin niya akong tumawag ng ilang matatandang pinuno sa bayan at ng ilang nakatatandang pari, 2 at(A) isama sila sa Libis ng Ben Hinom, sa makalabas ng Pintuan ng Magpapalayok. Doon ko ipahahayag ang mensaheng ibibigay niya sa akin. 3 Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo, mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ang pook na ito'y padadalhan ko ng malagim na kapahamakan, at mangingilabot ang sinumang makakabalita niyon. 4 Ganyan ang gagawin ko sapagkat ako'y itinakwil ng bayang ito, at pinarumi nila ang lupain dahil naghandog sila sa mga diyus-diyosang hindi naman nila nakikilala maging ng kanilang mga ninuno at ng mga hari ng Juda. Ang lupaing ito'y tinigmak nila ng dugo ng mga taong walang kasalanan. 5 Nagtayo(B) sila ng mga altar para kay Baal upang doon sunugin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanya. Kailanma'y hindi ko iniutos o inisip man lamang na gawin nila ito. 6 Kaya darating ang panahon na hindi na tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom ang lugar na ito. Sa halip ay tatawagin itong Libis ng Kamatayan. Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito. 7 Sa pook na ito'y bibiguin ko ang lahat ng panukala ng mga taga-Juda at Jerusalem. Ipapalupig ko sila sa kanilang mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan. Ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga buwitre at mga hayop sa gubat. 8 Nakakapangilabot na pagkawasak ang magaganap sa lunsod na ito, at ang bawat maparaan dito'y manghihilakbot. 9 Kukubkubin ng mga kaaway ang lunsod na ito upang ang mga nanirahan dito'y patayin sa gutom. At dahil sa matinding gutom ng mga tao, kakanin nila ang laman ng kanilang kapwa, at pati na ng kanilang sariling mga anak.”
10 Pagkatapos, iniutos sa akin ni Yahweh na basagin ang banga sa harap ng mga isinama ko, 11 at sabihin sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Dudurugin ko ang lunsod na ito at ang mga naninirahan dito, gaya ng ginawa mo sa banga; ito'y hindi na muling mabubuo. Pati ang Tofet ay paglilibingan ng mga bangkay sapagkat wala nang ibang mapaglilibingan sa kanila. 12 Ganito ang gagawin ko sa lunsod na ito at sa mga naninirahan dito. Matutulad sila sa Tofet. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 13 Magiging maruming gaya ng Tofet ang mga bahay sa Jerusalem, ang mga palasyo ng mga hari sa Juda, at lahat ng gusali, sapagkat sa mga bubungan ng mga gusaling ito'y nagsunog sila ng kamanyang para sa mga bituin at nagbuhos ng inuming handog sa ibang mga diyos.”
14 Nilisan ko ang Tofet pagkatapos kong sabihin doon ang pahayag ni Yahweh. Pumunta naman ako at tumayo sa bulwagan ng Templo at sinabi sa lahat ng naroroon, 15 “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ipapataw ko na sa lunsod na ito at sa mga karatig-bayan ang lahat ng parusang binanggit ko, sapagkat matitigas ang ulo ninyo at ayaw ninyong pakinggan ang aking sinasabi.”
Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur
20 Si Pashur na anak ni Imer ay isang pari at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias. 2 Kaya ipinabugbog niya ito, ikinadena ang mga paa't kamay, at ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo. 3 Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pashur, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi na Pashur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Takot sa Lahat ng Dako. 4 Sapagkat ang sabi ni Yahweh: ‘Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkamatay nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipapailalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba. 5 Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at kamkamin ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga kayamanan ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan. 6 Ikaw naman, Pashur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan mo ng mga kasinungalingan.’”
Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh
7 Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
at maghapon nila akong pinagtatawanan.
8 Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
9 Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
14 Sumpain(C) nawa ang araw nang ako'y isilang!
Huwag ninyong ituring na araw na pinagpala ang araw nang ako'y ipanganak!
15 Sumpain nawa ang taong nagbalita sa aking ama,
“Lalaki ang anak ninyo!”
na nagdulot sa kanya ng malaking kagalakan.
16 Matulad nawa ang taong iyon
sa mga lunsod na winasak ni Yahweh nang walang awa.
Makarinig nawa siya ng iyakan sa umaga,
at hiyawan naman sa tanghali;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang.
Sa gayon, naging libingan ko sana ang tiyan ng aking ina.
18 Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap,
kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?
Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem
21 Sina Pashur na anak ni Malchias, at ang paring si Zefanias na anak naman ni Maaseias, ay pinapunta ni Haring Zedekias kay Jeremias upang 2 ipakiusap(D) kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nebucadnezar na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, “Marahil ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay si Yahweh, gaya ng ginawa niya noong unang panahon, upang hindi na ituloy ni Nebucadnezar ang kanyang balak na pagsalakay.”
3 Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila: 4 “Sabihin mo kay Zedekias na ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Kukunin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa gitna ng lunsod na ito. 5 Ako mismo ang lalaban sa inyo dahil sa tindi ng aking galit at poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo. 6 Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, maging tao o hayop; mamamatay sila sa matinding salot. 7 Pagkatapos, si Haring Zedekias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay ibibigay ko naman sa kamay ni Nebucadnezar, hari ng Babilonia, at ng iba pa nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makakaligtas. Hindi niya sila kahahabagan kahit kaunti man. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.
8 “Sabihin mo sa bayang ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Narito ang buhay at ang kamatayan. Mamili kayo sa dalawa. 9 Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot; ngunit ang susuko sa mga taga-Babilonia na sumasalakay na ngayon sa inyo ay hindi mamamatay. Maililigtas nila ang kanilang sariling buhay. 10 Nakapagpasya na akong wasakin ang lunsod na ito; ito'y sasakupin at susunugin ng hari ng Babilonia.
Ang Kahatulan sa mga Namumuno sa Juda
11 “Sabihin mo sa angkan ng mga hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. 12 Sa buong angkan ni David, ito ang sabi ni Yahweh sa inyo: Pairalin ninyo ang katarungan araw-araw. Iligtas ninyo sa kamay ng mapang-api ang mga dukha; kung hindi, mag-aalab laban sa inyo ang aking poot, parang apoy na hindi maaapula dahil sa inyong masasamang gawa. 13 Ikaw, Jerusalem, nakatayo ka sa itaas ng mga libis, parang batong namumukod sa gitna ng kapatagan. Ngunit kakalabanin kita. Sinasabi mong walang makakadaig sa iyo; walang makakapasok sa iyong mga kuta. 14 Paparusahan kita ayon sa iyong masasamang gawa. Susunugin ko ang iyong palasyo at lalaganap ang apoy sa buong paligid at tutupukin nito ang lahat ng naroon. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit(A) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Pangwakas na Tagubilin at Pagbati
12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan.
14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
23 Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ito.
25 Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang mga minamahal na kapatid kay Cristo.[a] 27 Inaatasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid.
28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Diyos ang Kataas-taasang Hari
Awit ni Asaf.
82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
2 “Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[a]
3 Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
4 Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!
5 “Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
6 Ang(A) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
7 ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”
8 O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. 10 Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.
by