The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
21 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila. 22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa.
23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. 24 Walang(A) makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. 25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! 26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? 27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. 28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. 29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. 30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. 31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. 32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”
Ang Pasanin ni Yahweh
33 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o pari, ‘Ano ang ipinapasabi ni Yahweh?’ ganito ang isagot mo, ‘Kayo ang nagiging pabigat kay Yahweh, kaya kayo'y itatakwil niya.’ 34 Ang bawat propeta, pari o sinumang magsalita ng, ‘Ang nakakabigat kay Yahweh,’ ay paparusahan ko, pati ang kanyang sambahayan. 35 Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 36 Ngunit huwag na ninyong sasabihin kahit kailan ang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh.’ Mabibigatan talaga ang sinumang gagamit ng mga salitang ito, sapagkat binabaluktot niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buháy, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh. 37 Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 38 Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang mga salitang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh,’ matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon, 39 kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakakabigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. 40 Ilalagay ko kayo sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi ninyo malilimutan habang buhay, at kayo ay hahamakin habang panahon.”
Aral mula sa Mabuti at sa Masamang Igos
24 Pagkatapos(B) gapiin at dalhing-bihag sa Babilonia ng Haring Nebucadnezar si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda mula Jerusalem patungong Babilonia, ipinakita sa akin ni Yahweh ang dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh sa isang pangitain. 2 Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga unang nahinog na bunga; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, at hindi na maaaring kainin. 3 At tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”
Sumagot ako, “Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi na maaaring kainin.”
4 Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, 5 “Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao. 6 Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin. 7 Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin.
8 “Ngunit kung paanong hindi makain ang napakasasamang igos,” sabi ni Yahweh, “gayon din ang gagawin ko kay Haring Zedekias ng Juda, sa kanyang mga pinuno, at sa mga natira sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati ang mga nanirahan sa Egipto. 9 Sila'y katatakutan sa lahat ng kaharian sa sanlibutan. Hahamakin sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pag-alipusta at pagsumpa kahit saan sila mapunta. 10 Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa lubusan silang mawala sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”
Pitumpung Taon ng Pagkaalipin sa Babilonia
25 Ito(C) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias tungkol sa mga taga-Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, anak ni Josias ng Juda, at unang taon naman ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2 Ganito ang sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng mga taga-Juda at mga naninirahan sa Jerusalem: 3 “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula pa noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Josias na anak ni Ammon hanggang ngayon, patuloy kong sinasabi sa inyo ang mga ipinahayag ni Yahweh, subalit ayaw ninyong pakinggan. 4 Hindi ninyo pinansin o pinakinggan ang mga propetang sinugo niya. 5 Sinabi nila na talikuran na ninyo ang masama ninyong pamumuhay at likong gawain, upang sa gayo'y mananatili kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga magulang. 6 Sinabi nilang huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga diyus-diyosan; huwag ninyong pag-aalabin ang poot ni Yahweh dahil sa pagsamba ninyo sa mga diyus-diyosang nililok ng kamay. Kung sumunod lamang kayo sa kanya, sana'y hindi niya kayo pinarusahan. 7 Ngunit hindi kayo nakinig kay Yahweh; ginalit ninyo siya dahil sinamba ninyo ang mga diyus-diyosang inyong ginawa. Kaya naman naganap sa inyo ang kapahamakang ito.
8 “Kaya ito ang sabi sa inyo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Dahil sa hindi ninyo pagsunod sa aking mga salita, 9 tatawagin ko ang mga bansang nasa hilaga, pati ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakayin nila ang bansang ito, at lahat ng bansang nasa paligid. Wawasakin ko nang lubusan ang mga ito, at kasisindakan ng lahat ang kanilang sinapit. Hahamakin sila ng makakakita sa kanila at mananatiling wasak ang lupain habang panahon. 10 Patatahimikin(D) ko ang himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na rin maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Hindi na maririnig ang ingay ng gilingan. At maglalaho rin ang liwanag ng mga ilawan. 11 Madudurog(E) ang buong lupain at walang mapapakinabangan. Ang kanyang mga mamamayan ay aalipinin ng hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon. 12 Pagkaraan ng pitumpung taon, paparusahan ko naman ang hari ng Babilonia, at ang kanyang mga mamamayan, dahil sa kanilang kasamaan; ibabagsak ko ang bansang iyon at hindi na makakabangon kailanman. 13 Magaganap sa bansang iyon ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila; lahat ng nasusulat sa aklat na ito, na ipinahayag ni Jeremias laban sa lahat ng bansa. 14 Gagawin silang mga alipin ng maraming bansa at mga tanyag na hari; gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga ginawa.”
Ang Matinding Poot ni Yahweh
15 Ito ang mga sinabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Kunin mo sa kamay ko ang kopang ito na punô ng alak ng kapootan, at ipainom mo sa lahat ng bansang papupuntahan ko sa iyo. 16 Iinumin nila ito, sila'y malalasing at mababaliw sa tindi ng parusang ipadadala ko sa kanila.”
17 Kaya kinuha ko ang kopa sa kamay ni Yahweh, at ipinainom sa lahat ng bansang pinapuntahan niya sa akin. 18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda, kasama ng kanilang mga hari at mga pinuno, upang sila'y mawasak nang lubusan at maging nakakatakot pagmasdan. Sila'y kukutyain at ang mga pangalan nila'y gagamiting pansumpa. Nanatili silang gayon hanggang ngayon. 19 Pinainom ko rin ang Faraon, hari ng Egipto, pati kanyang mga lingkod at pinuno, lahat ng kanyang nasasakupan, 20 at ang mga dayuhang nakikipamayan sa kanila; gayon din ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo na taga-Ascalon, Gaza, Ekron at ang natira sa Asdod; 21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon; 22 lahat ng hari sa Tiro, sa Sidon, at sa mga pulo sa ibayong-dagat; 23 sa mga Lunsod ng Dedan, Tema, Buz, at lahat ng nagpaputol ng kanilang buhok; 24 lahat ng hari sa Arabia at ng magkakahalong liping nasa disyerto; 25 lahat ng hari ng Zimri, ng Elam at ng Media, 26 lahat ng hari sa hilaga, malayo man o malapit, at lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nilang lahat, ang hari ng Babilonia ang huling iinom sa kopang ito.
27 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa mga tao: ‘Uminom kayo at magpakalasing hanggang sa kayo'y magkandasuka; mabubuwal kayo at hindi na makakabangon, sapagkat dumarating na ang digmaang padala ko sa inyo.’ 28 Kapag tinanggihan nila ang hawak mong alak, sasabihin mo sa kanila: ‘Sinasabi ni Yahweh na kailangang inumin ninyo ito. 29 Una kong paparusahan ang lunsod na tinawag sa aking pangalan; at paano kayo makakaligtas sa parusa? Hindi kayo makakaligtas sa parusa sapagkat padadalhan ko ng digmaan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.’
30 “Kaya sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi:
‘Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan,
mula sa kanyang banal na tahanan;
dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan,
at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas.
31 Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan.
Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa,
gayon din ang buong sangkatauhan;
ang masasama ay kanyang lilipulin.
Ito ang sabi ni Yahweh.’”
32 Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan. 33 Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging dumi na lamang sila sa ibabaw ng lupa!”
34 Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa. 35 Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makakatakas ang mga tagapag-alaga ng kawan. 36 Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng kawan. Sinasalakay na ni Yahweh ang dating matiwasay na pastulan. 37 Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa dahil sa matinding poot ni Yahweh. 38 Iniwan niya ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh.
Ang Suwail
2 Mga(A) kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo 2 na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin. 3 Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang Araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail[a] na itinakda sa kapahamakan.[b] 4 Itataas(B) niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.
5 Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. 6 Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. 7 Ngayon pa man ay gumagawa na ang hiwaga ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, 8 malalantad na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong [Jesus],[c] papatayin niya ang Suwail. Bubugahan niya ito ng hininga mula sa kanyang bibig at pupuksain sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag.
9 Paglitaw(C) ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. 10 Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. 11 Dahil dito, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng natuwa sa paggawa ng kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan.
Hinirang Upang Maligtas
13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya[d] upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruang ipinasa namin sa inyo, sa pamamagitan man ng aming sinabi o isinulat.
16 Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa. 17 Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban para sa lahat ng mabuting gawa at salita.
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
15 Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.
by