Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 49:23-50:46

Ang Hatol sa Damasco

23 Tungkol(A) sa Damasco, ito naman ang sabi ni Yahweh: “Nagugulo ang Hamat at ang Arpad, sapagkat nakarinig sila ng masamang balita. Hindi sila mapalagay dahil sa pag-aalala, sila'y tila nag-aalimpuyong dagat. 24 Natakot ang Damasco at tumakas; sinaklot siya ng pangamba, gaya ng pagdaramdam ng isang babaing manganganak. 25 Napakalungkot ngayon ng bayang dati'y puspos ng galak at awitan, ang dating masayang bayan. 26 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang lansangan ang mga binata, at magiging malamig na bangkay ang lahat ng kanyang mandirigma sa araw na iyon. 27 Tutupukin ko ang pader ng Damasco, maging ang mga palasyo ni Haring Ben-hadad.”

Ang Hatol sa Lipi ni Kedar at sa Lunsod ng Hazor

28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na nasakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ganito ang sabi ni Yahweh: “Magbangon kayo, salakayin ninyo ang Kedar! Lipulin ninyo ang mga naninirahan sa silanganan! 29 Kunin ninyo ang kanilang mga tolda at mga kawan, ang mga kurtina, ang mga kasangkapang naroon at ang mga kamelyo. Sabihin ninyo sa mga tao, ‘Nakakapangilabot sa lahat ng dako!’

30 “Kayong mga taga-Hazor, tumakas kayo at lumayo! Magtago kayo sa mga liblib na lugar, sapagkat may balak laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia; may nabuo na siyang layunin laban sa inyo,” sabi ni Yahweh. 31 “Bumangon kayo, at salakayin ang isang bansang namumuhay na payapa at sagana, na walang kandado ang mga pintuang-bayan at nag-iisang namumuhay.

32 “Sasamsamin ang kanilang mga kamelyo at mga baka. Pangangalatin ko sa disyerto ang mga nagpaputol ng buhok. Darating ang kapahamakan sa lahat ng panig,” sabi ni Yahweh. 33 “Magiging tirahan ng mga asong-gubat ang Hazor at ito'y mananatiling tiwangwang. Wala nang taong maninirahan doon, o makikipamayan sa kanila.”

Ang Hatol sa Elam

34 Tinanggap ni Propeta Jeremias ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Elam, nang magpasimulang maghari si Zedekias sa Juda. 35 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Babaliin ko ang pana ng Elam, ang pangunahing sandatang sagisag ng kanilang lakas; 36 paiihipin ko ang hangin mula sa lahat ng panig ng kalangitan at pangangalatin ko sila sa lahat ng dako. 37 Masisindak ang mga taga-Elam sa harap ng kanilang kalaban; padadalhan ko sila ng kapahamakan dahil sa matinding galit ko. Ipadadala ko sa kanila ang tabak hanggang malipol silang lahat; 38 at itatayo ko sa Elam ang aking trono. Lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno. 39 Ngunit darating din ang panahon na ibabalik ko ang kayamanan ng Elam. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Hatol sa Babilonia

50 Sa(B) pamamagitan ni Propeta Jeremias ay ipinahayag ni Yahweh ang mangyayari sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:

“Ipahayag mo sa mga bansa,
    wala kang ililihim, ikalat mo ang balita:
Nasakop na ang Babilonia.
Nalagay na sa kahihiyan si Bel,
    nanlupaypay na si Merodac,
    mga diyus-diyosan sa Babilonia.

“Sapagkat isang bansang mula sa hilaga ang sumalakay sa kanya; gagawing isang disyerto ang kanyang lupain at walang tao o hayop na maninirahan doon.”

Ang Pagbabalik ng Israel

Sinabi ni Yahweh, “Pagdating ng panahong iyon, lumuluhang magsasama-sama ang mga taga-Israel at mga taga-Juda at hahanapin nila ako na kanilang Diyos. Ipagtatanong nila ang daan patungo sa Zion, pupunta sila roon upang makipagkaisa kay Yahweh sa isang kasunduang kanilang tutuparin habang panahon.

“Ang aking bayan ay parang mga tupang naligaw, sapagkat pinabayaan sila ng kanilang mga pastol. Kaya lumayo sila at tumakbong papunta sa kabundukan; tinahak nila ang bundok at burol at nakalimutang magbalik sa kulungan. Nilapa sila ng nakatagpo sa kanila. Ang sabi ng kanilang mga kaaway, ‘Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh, ang tunay na pastol at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.’

“Takasan(C) ninyo ang Babilonia, lisanin ninyo ang bansang iyan; kayo ang maunang umalis, gaya ng mga barakong kambing na nangunguna sa kawan. Sapagkat susulsulan ko ang malalakas na bansa upang salakayin ang Babilonia; magmumula sila sa hilaga, upang bihagin siya. Sila'y mga bihasang mandirigma at walang mintis kung pumana. 10 Sasamsaman ng mga gamit ang mga taga-Babilonia, at mananagana ang lahat ng makakakuha.” Ito ang sabi ni Yahweh.

Ang Pagbagsak ng Babilonia

11 “Bagama't kayo'y nagkakatuwaan at nagkakasayahan, kayong kumuha ng aking mana, bagama't nagwala kayong gaya ng babaing baka sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki, 12 malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain na parang disyerto. 13 Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari sa kanya.

14 “Humanay kayo sa palibot ng Babilonia, humanda kayong mga manunudla; patamaan ninyo siya at huwag magsasayang ng palaso sapagkat siya'y nagkasala laban kay Yahweh. 15 Humiyaw kayo ng pagtatagumpay laban sa kanya; siya'y sumuko na. Bumagsak na ang kanyang mga pader at nadurog. Ito ang ganti ni Yahweh: maghiganti rin kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya ang tulad ng kanyang ginawa. 16 Pigilin ang bawat manghahasik sa Babilonia, gayon din ang bawat mang-aaning may dalang karit. Sa matinding takot sa tabak ng manlulupig, bawat isa'y tatakas at babalik sa sariling lupain.”

17 Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto.

18 Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Paparusahan ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Bashan; sa kaburulan ng Efraim at Gilead ay mabubusog siya. 20 Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang nalabi na aking iniligtas.”

Ang Hatol ng Diyos sa Babilonia

21 Ang sabi ni Yahweh, “Salakayin ninyo ang lupain ng Merataim; pati ang mga taga-Pekod, patayin at lipulin ninyo silang lahat; gawin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. 22 Narinig sa buong lupain ang ingay ng digmaan at ang matinding pagwasak. 23 Ang Babilonia'y kinatakutan sapagkat pinukpok niya at dinurog ang mga bansa. Ngunit ngayon, ang pamukpok na iyon ay putol na at sira. Nagimbal ang mga bansa sa nangyari sa kanya. 24 Naghanda ka ng bitag para sa iyong sarili at ikaw ay nahulog, ngunit hindi mo alam. Natagpuan ka at nahuli, sapagkat lumaban ka kay Yahweh. 25 Binuksan ni Yahweh ang taguan ng mga sandata at inilabas ang mga sandata dahil sa kanyang poot; sapagkat may gagawin si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa lupain ng Babilonia. 26 Paligiran ninyo siya at salakayin! Buksan ninyo ang kanyang mga kamalig, ibunton ang mga nasamsam. Lipulin ninyo sila at huwag magtitira kahit isa.

27 “Patayin ninyo ang lahat ng kanyang mandirigma. Kahabag-habag sila, sapagkat dumating na ang araw, ang panahon ng pagpaparusa sa kanila.”

28 Naririnig ko ang yabag ng mga tumatakas mula sa lupain ng Babilonia upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ni Yahweh para sa kanyang templo. 29 Sabi(D) ni Yahweh, “Tawagin ninyo ang lahat ng mamamana upang salakayin ang Babilonia. Magkuta kayo sa palibot niya; huwag ninyong pabayaang may makatakas. Gantihan ninyo siya ayon sa kanyang ginawa, gawin sa kanya ang lahat ng kanyang ginawa; sapagkat buong pagmamalaki niyang sinuway si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel. 30 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang mga lansangan ang mga kabataang lalaki, lilipulin sa araw na iyon ang lahat ng kanyang mandirigma.”

31 Sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, “Ako'y laban sa iyo sapagkat ikaw ay palalo; dumating na ang araw ng pagpaparusa sa iyo. 32 Ang palalo'y madadapa at babagsak, at walang magbabangon sa kanya. Susunugin ko ang iyong mga lunsod, at tutupukin nito ang lahat ng nasa palibot mo.”

33 Ganito ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Magkasamang inapi ang mga taga-Israel at mga taga-Juda; hawak silang mahigpit ng mga bumihag sa kanila at ayaw silang palayain. 34 Ngunit makapangyarihan ang kanilang Manunubos; ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, siya ang makikipaglaban para sa kanila upang bigyan sila ng kapayapaan. Ngunit kaguluhan ang ipadadala niya sa mga mamamayan ng Babilonia.” 35 Sinasabi ni Yahweh, “Nakaamba ang isang tabak laban sa mga hukbo ng Babilonia, laban sa naninirahan sa Babilonia at sa kanyang mga pinuno at mga matatalino. 36 Ito'y nakaamba sa kanyang mga bulaang propeta, at naging mga mangmang sila. Ito'y nakaamba sa kanyang mga mandirigma, upang lipulin sila! 37 Nakaamba ang tabak laban sa kanyang mga kabayo at sa mga karwahe at sa lahat ng hukbo upang panghinaan sila ng loob. Ang lahat ng kanyang kayamanan ay sasamsamin! 38 Matutuyo ang lahat ng kanyang katubigan. Sapagkat ito'y lupain ng mga diyus-diyosan, na luminlang sa mga tao.

39 “Kaya(E) nga, ang maninirahan doon ay mababangis na hayop at mga asong-gubat, gayon din ang mga dambuhalang ibon. Wala nang taong maninirahan doon habang panahon, at hindi na ito pamamayanan ng alinmang lahi. 40 Kung(F) paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod na karatig nila, sinasabi ni Yahweh na wala nang maninirahan doon, o makikipamayan sa kanya.

41 “Masdan mo, may dumarating mula sa hilaga;
    isang bansang makapangyarihan.
    Maraming hari ang nagbabangon mula sa malayong panig ng daigdig.
42 May mga dala silang busog at sibat,
    sila'y malulupit at walang habag.
Nakasakay sila sa mga kabayo.
    Ang kanilang mga yabag ay parang ugong ng dagat.
Nakahanda sila laban sa Babilonia.
43 Nabalitaan na ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kanila,
    at siya'y nanlupaypay;
    sinaklot siya ng pagkabalisa,
    at ng sakit na tulad ng nararamdaman ng isang babaing manganganak.

44 “Masdan mo, gaya ng isang leong lumalabas sa kagubatan ng Jordan upang sumalakay sa isang matibay na kulungan ng mga tupa, bigla ko silang itataboy. At pipili ako ng mangunguna sa bansa. Wala akong katulad. Wala akong kapantay. Walang haring makakalaban sa akin. 45 Kaya, pakinggan ninyo ang binabalak ni Yahweh laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito: Ang mga batang tupa sa kawan ay aagawin, masisindak sa mangyayari sa kanila ang kanilang mga pastol. 46 Mayayanig ang lupa sa ingay ng pagbihag sa Babilonia, at ang kanyang pagtangis ay maririnig ng mga bansa.”

Tito 1

Mula kay Pablo, lingkod[a] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.

Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.

Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Mga Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[b] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.

Mga Awit 97-98

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
    Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
    kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
    sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
    kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
    sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
    sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
    Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
    nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
    dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
    dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
    siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
    sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
    sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
    sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Mga Kawikaan 26:13-16

13 Ano ang idinadahilan ng taong batugan? “May leon sa daan, may leon sa lansangan.”

14 Kung paano lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama.

15 Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa katamaran.

16 Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.