Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 44:24-47:7

24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, lahat kayong taga-Juda na nakatira sa Egipto. Ito'y mga mensahe ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. 25 Kayo at ang inyong mga asawang babae ay nagsabi ng ganito: ‘Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng mga handog sa reyna ng kalangitan, at mag-aalay ng handog na alak sa kanya.’ Patunayan ninyo at tuparin ang inyong mga ipinangako. 26 Ngunit pakinggan ninyo ang sabi ng Panginoong Yahweh, kayong taga-Juda na naninirahan sa Egipto, “Isinusumpa ko sa aking dakilang pangalan na ang pangalan ko'y hindi na muling sasambitin ng mga taga-Juda. Hindi ko na ipapahintulot na gamitin ang aking pangalan sa panunumpa sa lupain ng Egipto. 27 Magbabantay ako upang padalhan kayo ng kasamaan at hindi kabutihan; lahat ng lalaking taga-Juda na nasa Egipto ay mamamatay sa digmaan at sa gutom, hanggang maubos silang lahat. 28 Pagkatapos noon, saka mapapatunayan ng lahat ng nalabi sa Juda, na naninirahan sa Egipto, kung kaninong salita ang natupad, ang sa kanila o ang sa akin. 29 Ito ang palatandaang ibibigay ko sa inyo na kayo'y aking paparusahan sa lugar na ito upang malaman ninyo na magaganap nga ang kasamaang sinalita ko laban sa inyo. 30 Ito'y(A) mga salita ni Yahweh: si Faraon Hofra, hari sa Egipto, ay ibibigay ko sa kanyang mga kaaway na nagnanais pumatay sa kanya, katulad ng ginawa ko kay Haring Zedekias ng Juda, na ibinigay ko kay Haring Nebucadnezar na kaaway niya at nais siyang patayin.”

Ang Pangako ni Yahweh kay Baruc

45 Noong(B) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, kinausap ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias; isinulat naman nito ang lahat ng idinikta ng propeta: “Baruc, ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sinabi mo sa akin na kahabag-habag ka sapagkat dinagdagan ni Yahweh ang iyong paghihirap; pinadalhan ka niya ng kalungkutan. Pagod ka na sa pagdaing, at wala kang kapahingahan. Subalit ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ‘Winawasak ko ang aking itinayo, at binubunot ko ang aking itinanim. Gagawin ko ito sa buong daigdig. Huwag mo nang hangaring makamit ang mga dakilang bagay, sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang lahat; gayunman, ipinapangako kong iingatan ko ang iyong buhay saan ka man pumunta. Akong si Yahweh ang maysabi nito!”

Ang Hatol sa Egipto

46 Ito ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa mga bansa. Tungkol(C) sa Egipto, sa hukbo ni Faraon Neco na nilupig ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, samantalang sila'y nakahimpil sa may Ilog Eufrates sa Carquemis noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias:

“Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag,
    at sumugod sa digmaan!
Lagyan ninyo ng sapin ang mga kabayo, at sakyan ng mga mangangabayo.
Humanay kayo at isuot ang inyong helmet,
    ihasa ang inyong mga sibat,
    at magbihis ng mga gamit pandigma!
Ngunit ano itong aking nakikita?
Sila'y takot na takot na nagbabalik.
Nalupig ang kanilang mga kawal,
    at mabilis na tumakas;
    hindi sila lumilingon, sapagkat may panganib sa magkabi-kabila!
Ngunit hindi makakatakas kahit ang maliliksi,
    at hindi makalalayo ang mga kawal.
Sila'y nabuwal at namatay
    sa may Ilog Eufrates sa gawing hilaga.
Sino itong bumabangon katulad ng Nilo,
    gaya ng mga ilog na ang tubig ay malakas na umaalon?
Ang Egipto ang bumabangong tulad ng Nilo,
    gaya ng ilog na umaalon.
Sabi niya, ‘Ako'y babangon, aapawan ko ang lupa,
    wawasakin ang mga lunsod, at lilipulin ang mga naninirahan doon.
Lumusob kayo, mga mangangabayo!
    Sumugod kayong nasa mga karwahe!
Sumalakay kayo, mga mandirigma,
    mga lalaking taga-Etiopia[a] at Libya na bihasang humawak ng kalasag;
    kayo ring taga-Lud na sanay sa pagpana.’”

10 Ang araw na iyon ay araw ni Yahweh,
    ang Makapangyarihang Panginoon,
    araw ng paghihiganti niya sa mga kaaway.
Ang tabak ay parang gutom na kakain at hindi hihinto hanggang hindi busog,
    iinumin nito ang kanilang dugo.
At ihahandog ni Yahweh ang mga bangkay nila
    sa lupain sa hilaga, sa may Ilog Eufrates.
11 Umakyat ka sa Gilead, kumuha ka roon ng panlunas.
Walang bisa ang maraming gamot na ginamit mo;
    hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang kahihiyan mo,
    at umaalingawngaw sa sanlibutan ang iyong sigaw.
Natisod ang kawal sa kapwa kawal;
    sila'y magkasabay na nabuwal.

Sumalakay sa Egipto si Nebucadnezar

13 Ito(D) ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa pagdating ni Haring Nebucadnezar upang salakayin ang Egipto.

14 “Ipahayag ninyo sa Egipto,
    sa Migdol, sa Memfis, at sa Tafnes:
‘Tumayo kayo at humanda,
    sapagkat ang tabak ang lilipol sa inyong lahat.’
15 Bakit tumakas ang itinuturing na malakas na diyus-diyosang si Apis?
    Bakit hindi siya makatayo?
    Sapagkat siya'y ibinagsak ni Yahweh.
16 Nalugmok ang maraming kawal;
    ang wika nila sa isa't isa,
‘Umurong na tayo sa ating bayan
    upang tayo'y makaiwas sa tabak ng kaaway.’

17 “Ang Faraon ng Egipto ay tawagin ninyong
    ‘Ang maingay na ugong na nagsasayang ng panahon.’
18 Sinasabi ng Hari na ang pangala'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
    Ako ang buháy na Diyos!
Gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
    at ng Carmelo sa may tabing-dagat,
gayon ang lakas ng isang sasalakay sa inyo.
19 Mga taga-Egipto, ihanda ninyo ang inyong sarili sa pagkabihag!
Mawawasak at guguho ang Memfis,
    at wala isa mang maninirahan doon.
20 Ang Egipto'y gaya ng isang magandang bakang dumalaga,
    ngunit dumating sa kanya ang isang salot buhat sa hilaga.
21 Pati ang kanyang mga upahang kawal
    ay parang mga guyang walang kayang magtanggol.
Nagbalik sila at magkakasamang tumakas,
    sapagkat sila'y hindi nakatagal.
Dumating na ang araw ng kanilang kapahamakan;
    oras na ng kanilang kaparusahan.
22 Siya'y dahan-dahang tumakas, gaya ng ahas na gumagapang na papalayo.
    Sapagkat dumating ang makapangyarihang kaaway,
may dalang mga palakol,
    tulad ng mamumutol ng mga punongkahoy.
23 Puputulin nito ang mga punongkahoy sa kanyang kagubatan, sabi ni Yahweh,
    bagama't ito'y mahirap pasukin;
mas marami sila kaysa mga balang,
    at halos hindi mabilang.
24 Mapapahiya ang mga taga-Egipto;
    ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”

25 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Paparusahan ko si Ammon na taga-Tebes, ang Faraon, ang Egipto at ang kanyang mga diyos at mga hari, at ang mga nagtitiwala kay Faraon. 26 Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Pagkatapos, pananahanan ang Egipto gaya noong unang panahon.

Ililigtas ni Yahweh ang Kanyang Bayan

27 “Ngunit(E) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
    at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
    kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
    at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
28 Inuulit ko, Jacob na aking lingkod, huwag kang matakot,
    sapagkat ako'y sumasaiyo,” sabi ni Yahweh.
“Ganap na magwawakas ang lahat ng bansang pinagtapunan ko sa iyo,
    subalit ikaw ay hindi ko wawasakin.
Paparusahan kita sapagkat iyon ang nararapat;
    hindi maaaring hindi kita parusahan.”

Ang Pahayag ni Yahweh tungkol sa mga Filisteo

47 Ito(F) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:

“Tumataas ang tubig sa hilaga,
    at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain;
magpapasaklolo ang mga tao,
    maghihiyawan sa matinding takot.
Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo,
    ang paghagibis ng mga karwahe!
Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak;
    manghihina ang kanilang mga kamay,
sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo.
Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak;
    sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo,
    ang nalabi sa baybayin ng Caftor.
Parang kinalbo ang Gaza;
    pinatahimik ang Ashkelon.
    Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo?
Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh?
Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik!
Paano naman itong mapapahinga?
    Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh
laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat;
    doon nakatakda ang gawain nito.”

2 Timoteo 2:22-3:17

22 Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan, sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis na tumatawag sa Panginoon. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. 26 Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan niya.

Ang mga Huling Araw

Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Tagubilin

10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(B) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.

14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.

Mga Awit 94

Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat

94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
    ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
    ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
    Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
    upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
    Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
    pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
    hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”

Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
    hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
    akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
    Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
    katulad lang ng hininga, madaling malagot.

12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
    silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
    hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
    itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
    diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.

16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
    Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
    akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
    dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
    ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.

20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
    na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
    ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
    Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
    lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
    ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.

Mga Kawikaan 26:6-8

Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo.

Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang.

Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador.