Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Bilang 4-5

Paglilingkod ng mga anak ni Coath.

At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

Ayusin ninyo ang bilang ng mga anak ni Coath, sa gitna ng mga anak ni Levi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

(A)Mula sa tatlong pung taong gulang hanggang sa limang pung taong gulang, lahat ng pumapasok sa paglilingkod, upang gumawa ng gawain sa tabernakulo ng kapisanan.

Ito ang paglilingkod ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan, (B)sa mga bagay na kabanalbanalan:

Pagka ang kampamento ay isusulong, ay papasok si Aaron sa loob, (C)at ang kaniyang mga anak, at kanilang ibababa ang lambong ng tabing, at kanilang tatakpan niyaon ang (D)kaban ng patotoo:

At kanilang ilalagay sa ibabaw ang isang (E)takip na balat ng foka at kanilang lalatagan ang ibabaw ng isang kayong taganas na bughaw, at kanilang ilalagay ang mga (F)pingga niyaon.

At sa ibabaw ng (G)dulang ng tinapay na handog ay maglalatag sila ng isang kayong bughaw, at kanilang ilalagay sa ibabaw nito ang mga pinggan, at ang mga sandok, at ang mga mangkok, at ang mga tasa upang buhusan; at ang namamalaging tinapay ay malalagay sa ibabaw niyaon.

At kanilang lalatagan ang ibabaw ng mga yaon ng kayong pula, at kanilang tatakpan ito ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga (H)pingga.

At kukuha sila ng isang kayong bughaw at kanilang tatakpan ang (I)kandelerong pangtanglaw at ang mga ilawan, at ang mga gunting, at ang mga pinggan, at ang lahat ng sisidlan ng langis niyaon, na kanilang pinangangasiwaan:

10 At kanilang ilalagay, pati ang lahat ng kasangkapan niyaon sa loob ng isang takip na balat ng foka, at kanilang ilalagay sa ibabaw ng isang patungan.

11 At ang ibabaw ng (J)dambanang ginto ay kanilang lalatagan ng isang kayong bughaw, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga pingga niyaon:

12 At kanilang kukunin ang lahat ng mga kasangkapan na ukol sa pangangasiwa na ipinangangasiwa nila sa santuario, at kanilang ilalagay sa isang kayong bughaw, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ipapatong sa patungan.

13 At kanilang aalisin ang mga abo sa (K)dambana at kanilang lalatagan ng isang kayong kulay ube.

14 At kanilang ipapatong doon ang lahat ng mga kasangkapan na kanilang ipinangangasiwa sa palibot ng dambana, ang suuban at ang mga pangipit, at ang mga pala at ang mga (L)mangkok, lahat ng mga kasangkapan ng dambana; at kanilang lalatagan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga pingga niyaon.

15 At pagka si Aaron at ang kaniyang mga anak ay nakatapos na makapagtakip sa santuario at sa buong kasangkapan ng santuario, kailan ma't isusulong ang kampamento: ay magsisilapit pagkatapos ang mga (M)anak ni Koath upang kanilang buhatin yaon: (N)datapuwa't huwag silang hihipo sa santuario, baka sila'y mamatay. Ang mga bagay na ito ay siyang pasanin ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan.

16 At ang magiging katungkulan ni Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, ay ang (O)langis sa ilawan, at ang (P)mabangong kamangyan, at ang palaging (Q)handog na harina, at ang (R)langis na pang-pahid, at ang pagiingat ng buong tabernakulo at ng lahat na nandoon, ang santuario at ang mga kasangkapan niyaon.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

18 Huwag ninyong ihiwalay ang lipi ng mga angkan ng mga Coathita sa gitna ng mga Levita.

19 Kundi gawin ninyo sa kanila ang ganito, upang sila'y mabuhay at huwag mamatay, (S)paglapit nila sa mga kabanalbanalang bagay: si Aaron at ang kaniyang mga anak ay paparoon at ituturo sa bawa't isa ang kanikaniyang paglilingkod at ang kanikaniyang pasanin:

20 (T)Nguni't sila'y huwag magsisipasok upang tingnan ang (U)santuario kahit sandali man, baka sila'y mamatay.

Paglilingkod ng mga Gersonita.

21 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

22 Aayusin mo rin ang bilang ng mga anak ni Gerson, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang ayon sa kanilang mga angkan;

23 Mula sa tatlong pung taong gulang hanggang sa limang pung taong gulang ay bibilangin mo sila; yaong lahat na pumapasok na nangangasiwa sa paglilingkod upang gawin ang gawain sa tabernakulo ng kapisanan.

24 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gersonita, sa paglilingkod at sa pagdadala ng mga pasanin:

25 (V)Dadalhin nila ang mga (W)tabing ng tabernakulo, at ang tabernakulo ng kapisanan, ang takip niyaon, at ang (X)panakip na balat ng foka na nasa ibabaw nito, at ang tabing sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan;

26 At ang mga tabing sa looban, at ang tabing sa pintuang-daan ng looban na nasa siping ng tabernakulo, at ng dambana, at ang mga tali ng mga yaon, at ang lahat ng kasangkapan sa kanilang paglilingkod at ang lahat na marapat na gawin sa mga yaon ay kanilang ipaglilingkod.

27 Mapapasa kapangyarihan ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang buong paglilingkod ng mga anak ng mga Gersonita sa buong kanilang pasanin, at sa buong kanilang paglilingkod: at inyong ituturo sa kanila ang mga nauukol sa kanilang buong pasanin.

28 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gersonita sa tabernakulo ng kapisanan: at ang katungkulan nila ay mapapasa ilalim ng pamamahala ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.

Katungkulan ng mga anak ni Merari.

29 Tungkol sa mga anak ni Merari, ay bibilangin mo sila ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang;

30 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang ay iyong bibilangin sila, lahat na pumapasok sa paglilingkod, upang gawin ang gawain sa tabernakulo ng kapisanan.

31 (Y)At ito ang katungkulan sa kanilang pasanin ayon sa buong paglilingkod nila sa tabernakulo ng kapisanan: ang mga tabla ng tabernakulo, at ang mga barakilan, at ang mga haligi, at ang mga tungtungan;

32 At ang mga haligi sa palibot ng looban, at ang mga tungtungan, at ang mga tulos, at ang mga tali pati ng lahat ng kasangkapan at ng buong paglilingkod: (Z)at ayon sa pangalan, ay ituturo mo sa kanila ang mga kasangkapan na katungkulan sa kanilang pasanin.

33 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa buong paglilingkod nila sa tabernakulo ng kapisanan, sa (AA)ilalim ng pamamahala ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.

Bilang ng mga Levita mula sa edad na tatlongpu at limangpung taon.

34 At binilang ni Moises at ni Aaron, at ng mga prinsipe ng kapisanan ang mga anak ng mga Coathita ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang,

35 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, ang bawa't isa na pumapasok sa paglilingkod, upang gumawa sa tabernakulo ng kapisanan;

36 At yaong nangabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan, ay dalawang libo at pitong daan at limangpu.

37 (AB)Ito ang nangabilang sa mga angkan ng mga Coathita, lahat ng nagsisipaglingkod sa tabernakulo ng kapisanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

38 At yaong nangabilang sa mga anak ni Gerson, ang kanilang mga angkan, at ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang,

39 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, bawa't isa na pumapasok sa paglilingkod upang gumawa sa tabernakulo ng kapisanan.

40 Sa makatuwid baga'y ang nangabilang sa kanila, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ay dalawang libo at anim na raan at tatlong pu.

41 (AC)Ito ang nangabilang sa mga angkan ng mga anak ni Gerson, sa lahat ng naglingkod sa tabernakulo ng kapisanan, na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon.

42 At ang nangabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

43 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, bawa't isa na pumapasok sa paglilingkod, upang gumawa sa tabernakulo ng kapisanan,

44 Sa makatuwid baga'y yaong lahat na nangabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan, ay tatlong libo at dalawang daan.

45 Ito ang nangabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari na binilang ni Moises at ni Aaron, (AD)ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

46 Yaong lahat na nangabilang sa mga Levita, na binilang ni Moises at ni Aaron at ng mga prinsipe sa Israel, ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang,

47 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, bawa't isa na pumapasok upang gumawa ng gawang paglilingkod, at ng gawang pagdadala ng mga pasanin sa tabernakulo ng kapisanan,

48 Sa makatuwid baga'y yaong nangabilang sa kanila, ay walong libo at limang daan at walong pu.

49 Ayon sa utos ng Panginoon ay nangabilang sa pamamagitan ni Moises, (AE)bawa't isa ayon sa kaniyang paglilingkod, at ayon sa kaniyang pasanin: ganito niya binilang sila (AF)gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Paglilinis ng kampamento.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampamento ang bawa't may (AG)ketong, at bawa't (AH)inaagasan, at ang sinomang karumaldumal sa pagkahipo sa (AI)patay:

Lalake at babae ay kapuwa ninyo ilalabas, sa (AJ)labas ng kampamento ilalagay ninyo sila; upang huwag nilang ihawa ang kanilang kampamento na aking tinatahanan sa (AK)gitna.

At ginawang gayon ng mga anak ni Israel, at inilabas sa labas ng kampamento: kung paanong sinalita ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, Pagka ang isang (AL)lalake o babae ay nakagawa ng anomang kasalanan na nagagawa ng mga tao, na sumasalangsang laban sa Panginoon at ang gayong tao ay naging salarin;

(AM)Ay kaniyang isusulit nga ang kaniyang kasalanang nagawa: (AN)at kaniyang pagbabayarang lubos ang kaniyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa pinagkasalahan.

Datapuwa't kung ang lalake ay walang kamaganak na mapagbabayaran ng sala, ay mapapasa saserdote ang kabayaran ng sala na handog sa Panginoon, (AO)bukod sa tupang lalaking pinakatubos na ipangtutubos sa kaniya.

(AP)At ang bawa't handog na itinaas sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel, na kanilang ihaharap sa saserdote ay magiging kaniya.

10 At ang mga bagay na banal ng bawa't lalake ay magiging kaniya: ang ibigay ng sinomang tao sa saserdote ay magiging (AQ)kaniya.

Batas tungkol sa paninibugho. Paglitis sa pakikiapid.

11 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

12 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Kung ang asawa ng sinomang lalake ay malilisya, at sasalangsang sa kaniya,

13 At ang ibang lalake ay sisiping sa kaniya, at ito'y makukubli sa mga mata ng kaniyang asawa at ang bagay ay malilihim, at ang babae ay madudumhan at walang saksi laban sa kaniya, o hindi man matututop siya sa pagkakasala;

14 At ang diwa ng paninibugho ay sasakaniya, at siya'y maninibugho sa kaniyang asawa at siya'y madudumhan: o kung sasakaniya ang diwa ng paninibugho at siya'y maninibugho sa kaniyang asawa, at ito'y hindi madudumhan:

15 Ay dadalhin nga ng lalake sa saserdote ang kaniyang asawa, at ipagdadala ng alay ng babae ng ikasangpung bahagi ng isang epa ng harina ng sebada: (AR)hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamangyan; sapagka't handog na harina tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala (AS)na nagpapaalaala ng kasalanan.

16 At ilalapit ng saserdote ang babae, at pahaharapin sa Panginoon:

17 At ang saserdote ay kukuha ng banal na tubig sa isang sisidlang lupa: at sa alabok na nasa lapag ng tabernakulo ay dadampot ang saserdote, at ilalagay sa tubig:

18 At pahaharapin ng saserdote ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay ang handog na harina na alaala sa kaniyang mga kamay, na handog na harina tungkol sa paninibugho: at tatangnan ng saserdote sa kamay ang mapapait na tubig na nagbubugso ng sumpa:

19 At siya'y papanunumpain ng saserdote, at sasabihin sa babae, Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalake, at kung di ka nalisya sa karumihan, sa isang hindi mo asawa, ay maligtas ka nga sa mapapait na tubig na ito na nagbubugso ng sumpa:

20 Datapuwa't kung ikaw ay tunay na nalisya sa iba na di mo asawa, at kung ikaw ay nadumhan, at ibang lalake ay sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa:

21 Ay panunumpain nga ng saserdote ang babae ng panunumpang (AT)sumpa, at sasabihin ng saserdote sa (AU)babae, Ilagay ka ng Panginoon na pinakasumpa at pinakapula sa gitna ng iyong bayan, kung papanglumuhin ng Panginoon ang iyong hita at pamagain ang iyong tiyan;

22 At ang tubig na ito na nagbubugso ng sumpa ay (AV)tatalab sa iyong tiyan, at ang iyong katawan ay pamamagain at ang iyong hita ay panglulumuhin. (AW)At ang babae ay magsasabi, Siya nawa, Siya nawa.

23 At isusulat ng saserdote ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kaniyang buburahin sa mapait na tubig:

24 At kaniyang ipaiinom sa babae ang mapait na tubig ng nagbubugso ng sumpa at tatalab sa kaniya ang tubig na nagbubugso ng sumpa, at magiging mapait.

25 At kukunin ng saserdote sa kamay ng babae ang handog na harina tungkol sa paninibugho at kaniyang (AX)aalugin ang handog na harina sa harap ng Panginoon, at dadalhin sa dambana:

26 (AY)At ang saserdote ay kukuha ng isang dakot ng handog na harina na pinakaalaala niyaon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipaiinom sa babae ang tubig.

27 At pagka napainom na siya ng tubig, ay mangyayari na kung siya'y nadumhan, at siya'y sumalangsang sa kaniyang asawa, na ang tubig na nagbubugso ng sumpa ay tatalab sa kaniya at magiging mapait, at ang kaniyang katawan ay mamamaga at ang kaniyang hita ay manglulumo: (AZ)at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kaniyang bayan.

28 At kung ang babae ay hindi nadumhan, kundi malinis; ay magiging laya nga at magdadalang-tao.

29 Ito ang kautusan tungkol sa paninibugho, (BA)pagka ang isang babae ay nalilisiya sa lalaking di niya asawa, at nadumhan;

30 O pagka ang diwa ng paninibugho ay sumasaisang lalake, at naninibugho sa kaniyang asawa; ay pahaharapin nga ang babae sa Panginoon at gagawin ng saserdote sa kaniya ang buong kautusang ito.

31 At ang lalake ay maliligtas sa kasamaan, (BB)at ang babae ay siyang magdadala ng kaniyang kasamaan.

Marcos 12:18-37

18 At nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabi na walang pagkabuhay na maguli; at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi,

19 Guro, isinulat sa amin ni Moises, (A)Kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, ay kukunin ng kaniyang kapatid ang kaniyang asawa, at bigyan ng anak ang kaniyang kapatid.

20 May pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at nang mamatay ay walang naiwang anak;

21 At nagasawa sa bao ang pangalawa, at namatay na walang naiwang anak; at gayon din naman ang pangatlo:

22 At ang ikapito'y walang naiwang anak. Sa kahulihulihan ng lahat ay namatay naman ang babae.

23 Sa pagkabuhay na maguli, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? sapagka't siya'y naging asawa ng pito.

24 Sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kaya nangagkakamali kayo dahil diyan, na hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Dios?

25 Sapagka't sa pagbabangon nilang muli sa mga patay, ay hindi na mangagaasawa, ni papagaasawahin pa; kundi gaya ng mga anghel sa langit.

26 Nguni't tungkol sa mga patay, na sila'y mga ibabangon; hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol (B)sa Mababang punong kahoy, kung paanong siya'y kinausap ng Dios na sinasabi, (C)Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob?

27 Hindi siya ang Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: kayo'y nangagkakamaling lubha.

28 At lumapit ang isa sa mga eskriba, at nakarinig ng kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila, ay tinanong siya, Ano baga ang pangulong utos sa lahat?

29 Sumagot si Jesus, Ang pangulo ay, (D)Pakinggan mo, Oh Israel; Ang Panginoon nating Dios, ang Panginoon ay iisa:

30 At iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo.

31 Ang pangalawa ay ito, (E)Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Walang ibang utos na hihigit sa mga ito.

32 At sinabi sa kaniya ng eskriba, Sa katotohanan, Guro, ay mabuti ang pagkasabi mo na siya'y iisa; (F)at wala nang iba liban sa kaniya:

33 At ang siya'y ibigin ng buong puso, at ng buong pagkaunawa, at ng buong lakas, at ibigin ang kapuwa niya na gaya ng sa kaniyang sarili, (G)ay higit pa kay sa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.

34 At nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, ay sinabi niya sa kaniya, Hindi ka malayo sa kaharian ng Dios. (H)At walang tao, pagkatapos noon na nangahas na tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong.

35 (I)At sumagot si Jesus at nagsabi nang siya'y nagtuturo sa templo, Paanong masasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?

36 Si David din ang nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

(J)Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan,
Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.

37 Si David din ang tumatawag na Panginoon sa kaniya; at paano ngang siya'y kaniyang anak? At ang mga karaniwang tao ay nangakikinig sa kaniyang may galak.

Mga Awit 48

Awit; Salmo ng mga anak ni Core.

48 Dakila ang Panginoon, at marapat pakapurihin,
(A)Sa bayan ng aming Dios, sa kaniyang (B)banal na bundok.
(C)Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong (D)lupa,
Siyang bundok ng Sion, sa mga dako ng hilagaan,
(E)Na bayan ng dakilang Hari.
Ang Dios ay napakilala sa kaniyang mga bahay-hari, na pinakakanlungan.
Sapagka't narito, ang mga hari ay nagpupulong,
Sila'y nagsidaang magkakasama.
Kanilang nakita, nagsipanggilalas nga sila;
Sila'y nanganglupaypay, sila'y (F)nangagmadaling tumakas.
(G)Panginginig ay humawak sa kanila roon;
Sakit, gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.
(H)Sa pamamagitan ng hanging silanganan
Iyong binabasag ang mga sasakyan sa Tharsis.
Kung ano ang aming narinig, ay gayon ang aming nakita
Sa (I)bayan ng Panginoon ng mga hukbo, sa bayan ng aming Dios:
(J)Itatatag ito ng Dios magpakailan man. (Selah)
Aming inaalaala ang iyong kagandahang-loob, Oh Dios,
Sa gitna ng iyong templo.
10 Kung ano ang (K)iyong pangalan, Oh Dios,
Gayon ang pagpuri sa iyo hanggang sa mga wakas ng lupa;
Ang iyong kanan ay puspos ng katuwiran.
11 Matuwa ka bundok ng Sion,
Magalak ang mga (L)anak na babae ng Juda,
Dahil sa iyong mga kahatulan.
12 Libutin ninyo ang Sion, at inyong ligirin siya:
Inyong saysayin ang mga moog niyaon.
13 Tandaan ninyong mabuti ang kaniyang mga kuta,
Inyong masdan ang kaniyang mga bahay-hari;
Upang inyong maisaysay ito sa (M)susunod na lahi.
14 Sapagka't ang Dios na ito ay ating Dios magpakailan-kailan man:
Siya'y magiging ating (N)patnubay hanggang sa kamatayan.

Mga Kawikaan 10:26

26 Kung paano ang suka sa mga ngipin, at kung paano ang usok sa mata,
Gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kaniya.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978