Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Mga Hari 9:14-10:31

14 Ganito, si Jehu na anak ni Josaphat, na anak ni Nimsi, nanghimagsik laban kay Joram. (Iningatan nga ni (A)Joram ang Ramoth-galaad niya at ng buong Israel, dahil kay (B)Hazael na hari sa Siria;

15 Nguni't bumalik (C)ang haring Joram upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari sa Siria.) At sinabi ni Jehu, Kung ito ang inyong isipan, huwag tumanan ang sinoman at lumabas sa bayan, upang yumaon na saysayin sa Jezreel.

16 Sa gayo'y sumakay si Jehu sa karo at naparoon sa Jezreel; sapagka't si Joram ay nahihiga roon. At si Ochozias na hari sa Juda ay bumaba upang tingnan si Joram.

17 Ang tagatanod nga ay tumayo sa moog sa Jezreel, at kaniyang tinanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, Ako'y nakakakita ng isang pulutong. At sinabi ni Joram, Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin na salubungin sila, at magsabi, Kapayapaan ba?

18 Sa gayo'y naparoon ang isa na nangangabayo na sinalubong siya, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sinabi ni Jehu, Anong ipakikialam mo sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko. At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Ang sugo ay dumating sa kanila, nguni't siya'y hindi bumabalik.

19 Nang magkagayo'y nagsugo ng ikalawa na nangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sumagot si Jehu, Ano ang iyong ipakikialam sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko.

20 At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Siya'y dumating hanggang sa kanila, at hindi bumabalik: at ang pagpapatakbo ay (D)gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi; sapagka't siya'y nagpapatakbo na magilas.

Si Joram ay pinatay.

21 At sinabi ni Joram, (E)Magsingkaw. At kanilang isiningkaw ang kaniyang karo. At si (F)Joram na hari sa Israel at si Ochozias na hari sa Juda ay nagsilabas, bawa't isa sa kaniyang karo, at sila'y nagsilabas upang salubungin si Jehu, at nasumpungan nila siya sa putol ng lupa ni Naboth na Jezreelita.

22 At nangyari, nang makita ni Joram si Jehu, na kaniyang sinabi, Kapayapaan ba Jehu? At siya'y sumagot. Anong kapayapaan, habang ang mga (G)pakikiapid ng iyong inang si Jezabel at ang kaniyang panggagaway ay totoong lumalala?

23 At ipinihit ni Joram ang kaniyang mga kamay, at tumakas, at nagsabi kay Ochozias. May paglililo, Oh Ochozias.

24 At binunot ni Jehu ang kaniyang busog ng kaniyang buong lakas, at sinaktan si Joram sa pagitan ng kaniyang mga balikat, at ang pana ay lumagpas sa kaniyang puso, at siya'y nabuwal sa kaniyang karo.

25 Nang magkagayo'y sinabi ni Jehu kay Bidkar na kaniyang (H)punong kawal: Itaas mo, at ihagis mo sa bahagi ng bukid ni Naboth na Jezreelita: sapagka't alalahanin mo kung paanong ako't ikaw ay sumakay na magkasama na kasunod ni Achab na kaniyang ama, na ipinasan ng (I)Panginoon ang (J)pasang ito sa kaniya;

26 Tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Naboth, at ang dugo ng kaniyang mga anak, sabi ng Panginoon; at aking sisiyasatin sa iyo sa panig na ito, sabi ng Panginoon. Ngayon nga'y kunin mo, at ihagis mo sa panig ng lupa, ayon sa salita ng Panginoon.

Si Ochozias ay pinatay.

27 Nguni't nang makita ito ni Ochozias na hari sa Juda, siya'y tumakas sa daan ng bahay sa halamanan. At si Jehu ay sumunod sa kaniya, at nagsabi, Saktan mo rin siya sa karo: (K)at sinaktan nila siya sa ahunan sa Gur, na nasa siping ng Ibleam. At siya'y tumakas na napatungo sa Megiddo, at namatay roon.

28 At (L)dinala siya ng kaniyang mga lingkod sa isang karo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang libingan na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.

29 At nang ikalabing isang taon ni Joram na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari si Ochozias sa Juda.

Pinatay si Jezabel.

30 At nang si Jehu ay dumating sa Jezreel nabalitaan ni Jezabel; at kaniyang (M)kinulayan ang kaniyang mga mata, at ginayakan ang kaniyang ulo, at dumungaw sa dungawan.

31 At samantalang si Jehu ay pumapasok sa pintuang-bayan, kaniyang sinabi, Kapayapaan ba (N)ikaw Zimri, ikaw na mamamatay sa iyong Panginoon?

32 At kaniyang itiningala ang kaniyang mukha sa dungawan, at nagsabi, Sino ang sa ganang akin? sino? At dinungaw siya ng dalawa o tatlong (O)bating.

33 At kaniyang sinabi, Ibagsak ninyo siya. Sa gayo'y ibinagsak nila siya: at ang iba sa kaniyang dugo ay pumilansik sa pader, at sa mga kabayo: at siya'y kaniyang niyapakan ng paa.

34 At pagkapasok niya, siya'y kumain at uminom; at kaniyang sinabi, Tingnan ninyo ngayon ang sinumpang babaing ito, (P)at ilibing ninyo siya: sapagka't anak ng hari.

35 At sila'y nagsiyaon upang ilibing siya: nguni't wala na silang nasumpungan sa kaniya kundi ang bungo, at ang mga paa, at ang mga palad ng kaniyang mga kamay.

36 Kaya't sila'y nagsibalik, at isinaysay sa kaniya. At kaniyang sinabi, Ito ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias na Thisbita, na sinasabi, (Q)Sa bahagi ng Jezreel kakanin ng mga aso ang laman ni Jezabel:

37 At ang bangkay ni Jezabel ay magiging gaya ng (R)dumi na itinapon sa ibabaw ng bukid sa bahagi ng Jezreel; na anopa't hindi nila sasabihin, Ito'y si Jezabel.

Ang sulat ni Jehu sa pinuno sa Jezreel.

10 Si Achab nga'y may pitong pung anak sa (S)Samaria. At sumulat si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa makatuwid baga'y sa mga matanda, at sa kanila na tagapagalaga sa mga anak ni Achab, na nagsasabi,

At pagdating nga ng sulat na ito sa inyo, sa paraang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karo at mga kabayo, at bayan na nakukutaan naman, at sakbat;

Piliin ninyo ang pinaka mainam at ang pinaka marapat sa mga anak ng inyong panginoon, at iupo ninyo sa luklukan ng kaniyang ama, at ipakipaglaban ang sangbahayan ng inyong panginoon.

Nguni't sila'y natakot na mainam, at nagsabi, Narito, ang dalawang hari ay hindi nagsitayo sa harap niya: paano ngang tayo'y tatayo?

At ang katiwala, at ang tagapamahala ng bayan, gayon din ang mga matanda, at ang mga tagapagalaga sa mga bata, ay nagsipagsugo kay Jehu, na nagsisipagsabi, (T)Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat na iyong iuutos sa amin; hindi namin gagawing hari ang sinoman; gawin mo ang mabuti sa iyong mga mata.

Nang magkagayo'y sumulat siya ng isang sulat na ikalawa sa kanila, na nagsasabi, Kung kayo'y sasa aking siping, at kung inyong didinggin ang aking tinig, kunin ninyo ang mga ulo ng mga lalake na mga anak ng inyong panginoon, at magsiparito kayo sa akin sa Jezreel sa kinabukasan sa may ganitong panahon. Ang mga anak nga ng hari, yamang pitong pung katao ay nangasa kasamahan ng mga dakilang tao sa bayan, na nagalaga sa kanila.

At nangyari, nang ang sulat ay dumating sa kanila, na kanilang kinuha ang mga anak ng hari, at pinagpapatay sila, pitongpung katao, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga batulang na ipinadala sa kaniya sa Jezreel.

At dumating ang isang sugo, at isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari. At kaniyang sinabi, Inyong ihanay ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.

At nangyari, sa kinaumagahan, na siya'y lumabas, at tumayo, at nagsabi sa buong bayan, Kayo'y mga matuwid: narito, (U)aking pinagbantaan ang aking panginoon, at pinatay siya, nguni't sinong sumakit sa lahat ng ito?

10 Talastasin ninyo ngayon na (V)walang mahuhulog sa lupa sa salita ng Panginoon, na sinalita ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ni Achab: sapagka't ginawa ng Panginoon ang kaniyang sinalita (W)sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias.

11 Sa gayo'y sinaktan ni Jehu ang lahat na nalabi sa sangbahayan ni Achab sa Jezreel, at ang lahat niyang dakilang tao, at ang kaniyang mga kasamasamang kaibigan, at ang kaniyang mga saserdote, hanggang sa wala siyang inilabi.

Pinatay ni Jehu ang mga anak ni Achab at mga kapatid ni Ochozias.

12 At siya'y nagtindig at yumaon, at naparoon sa Samaria. At samantalang siya'y nasa pagupitang-bahay ng mga pastor sa daan,

13 (X)Ay nasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ochozias na hari sa Juda, at sinabi, Sino kayo? At sila'y nagsisagot, Kami ay mga kapatid ni Ochozias: at kami ay nagsilusong upang magsibati sa mga anak ng hari at mga anak ng reina.

14 At kaniyang sinabi, Hulihin ninyo silang buháy. At hinuli nila silang buháy, at pinatay sa hukay ng pagupitang-bahay, sa makatuwid baga'y apat na pu't dalawang lalake; hindi nagiwan ng sinoman sa kanila.

15 At nang siya'y makayaon mula roon, kaniyang nasumpungan si (Y)Jonadab na anak ni (Z)Rechab na sumasalubong sa kaniya: at kaniyang binati siya, at nagsabi sa kaniya, Ang iyo bang puso ay tapat, na gaya ng aking puso sa iyong puso? At sumagot si Jonadab, Tapat. Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay. At iniabot niya sa kaniya ang kaniyang kamay; at isinampa niya siya sa loob ng karo.

16 At kaniyang sinabi, Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sikap sa Panginoon. Sa gayo'y kanilang pinasakay sila sa kaniyang karo.

17 At nang siya'y dumating sa Samaria, kaniyang sinaktan ang lahat na nalabi kay Achab sa Samaria, (AA)hanggang sa kaniyang naibuwal siya, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita kay Elias.

Ang mga mananampalataya kay Baal ay pinatay.

18 At pinisan ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, (AB)Si Achab ay naglingkod kay Baal ng kaunti: nguni't si Jehu ay maglilingkod sa kaniya ng marami.

19 Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang (AC)lahat na propeta ni Baal, ang lahat niyang mananamba, at ang lahat niyang mga saserdote; huwag may magkulang; sapagka't mayroon akong dakilang haing gagawin kay Baal; sinomang magkulang ay hindi mabubuhay. Nguni't ginawa ni Jehu na may katusuhan, na ang nasa ay kaniyang malipol ang mga mananamba kay Baal.

20 At sinabi ni Jehu, Magdaos kayo ng isang dakilang kapulungan kay Baal. At kanilang itinanyag yaon.

21 At nagsugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng mananamba kay Baal ay nagsiparoon, na anopa't walang naiwan na hindi naparoon. At sila'y nagsipasok sa bahay ni Baal; at (AD)ang bahay ni Baal ay (AE)napuno sa magkabikabilang dulo.

22 At sinabi niya sa kaniya na katiwala sa bihisang-silid, Ilabas mo ang mga kasuutang para sa lahat na mananamba kay Baal. At nilabasan niya sila ng mga kasuutan.

23 At si Jehu, at si Jonadab na anak ni Rechab, ay pumasok sa bahay ni Baal; at kaniyang sinabi sa mga mananamba kay Baal, Kayo'y magsihanap, at magsipagmasid kayo na huwag magkaroon sa kasamahan ninyo ng mga lingkod ng Panginoon, kundi mga mananamba kay Baal lamang.

24 At sila'y nagsipasok na nangaghandog ng mga hain at ng mga handog na susunugin. Si Jehu nga ay naghalal para sa kaniya ng walongpung lalake sa labas, at nagsabi, Kung sinoman sa mga lalake na aking dalhin sa inyong mga kamay ay makatanan (AF)ang buhay ng nagpakawala ay isasagot sa buhay niyaon.

25 At nangyari, pagkatapos niyang makapaghandog ng mga handog na susunugin, na sinabi ni Jehu sa (AG)bantay at sa mga punong kawal, (AH)Kayo'y magsipasok at inyo silang patayin; huwag makalabas ang sinoman. At sinaktan nila sila ng talim ng tabak; at inihagis sila sa labas ng bantay, at ng mga punong kawal, at nagsiparoon sa bayan ng bahay ni Baal.

26 At kanilang inilabas ang mga (AI)haligi na pinakaalaala na nasa bahay ni Baal, at pinagsunog.

27 At kanilang sinira ang haligi na pinakaalaala kay Baal, at (AJ)sinira ang bahay ni Baal, at ginawang bahay na tapunan ng dumi, hanggang sa araw na ito.

28 Ganito ibinuwal ni Jehu si Baal, sa Israel.

29 Gayon ma'y ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang (AK)pinapagkasala sa Israel, hindi mga hiniwalayan ni Jehu, sa makatuwid baga'y ang pagsunod sa mga (AL)guyang ginto na nangasa Beth-el, at nangasa Dan.

30 At sinabi ng Panginoon kay Jehu, Sapagka't ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa harap ng aking mga mata, at iyong ginawa sa sangbahayan ni Achab ang ayon sa nasa aking buong puso, (AM)ang iyong mga anak sa ikaapat na lahi ay uupo sa luklukan ng Israel.

31 Nguni't si Jehu ay hindi nagingat na lumakad sa kautusan ng Panginoon, na Dios ng Israel, ng kaniyang buong puso: siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni (AN)Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala sa Israel.

Mga Gawa 17

17 Pagkatahak nga nila sa Amfipolis at sa Apolonia, ay nagsirating sila sa (A)Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio.

At si Pablo, ayon sa ugali niya (B)ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila (C)sa mga kasulatan,

Na binubuksan at pinatunayan (D)na kinakailangang si Cristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay; at itong si Jesus, aniya, na aking ipinangangaral sa inyo, ay siyang Cristo.

At nangahikayat ang ilan sa kanila, at nakikampi kay Pablo at kay Silas; at gayon din ang lubhang maraming mga (E)Griegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga babaing mararangal.

Datapuwa't ang mga Judio, palibhasa'y nangaudyokan ng inggit, ay nangagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan, at pagkatipon ng isang karamihan, ay ginulo ang bayan; at pagkalusob sa bahay ni Jason, ay pinagsikapan nilang sila'y iharap sa mga tao.

At nang hindi sila mangasumpungan, ay kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang (F)kapatid sa harap ng mga punong bayan, na ipinagsisigawan, (G)Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman;

Na tinanggap sila ni Jason: at ang lahat ng mga ito ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus.

At kanilang ginulo ang karamihan at ang mga punong bayan, nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.

At nang matanggap na nila ang pinakaako kay Jason at sa mga iba, ay kanilang pinawalan sila.

10 At pagdaka'y (H)pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio.

11 Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.

12 Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya; gayon din sa mga babaing Griega (I)na may mga kalagayang mahal, at sa mga lalake, ay hindi kakaunti.

13 Datapuwa't nang maunawa ng mga Judiong taga Tesalonica na sa Berea ay ipinangangaral din ni Pablo ang salita ng Dios, ay nagsiparoon din naman, na ginulo at binagabag ang mga karamihan.

14 At nang magkagayo'y pagdaka'y pinayaon (J)ng mga kapatid si Pablo na pumaroon hanggang sa dagat: at nangatira pa roon si Silas at si (K)Timoteo.

15 Datapuwa't silang mga nagsipaghatid kay Pablo ay (L)dinala siya hanggang sa Atenas: at nang matanggap na nila ang pautos kay Silas at kay Timoteo na madalingmadali silang magsiparoon sa kaniya, ay nagsialis sila.

16 Samantala ngang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, ay namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na puno ng diosdiosan.

17 Kaya't (M)sa sinagoga'y nakipagmatuwiran siya sa (N)mga Judio at sa mga taong (O)masisipag sa kabanalan, at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya.

18 At ilan naman sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya. At sinabi ng ilan, Anong ibig sabihin ng masalitang ito? binagabag ang mga iba, Parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios: sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang (P)pagkabuhay na maguli.

19 At siya'y tinangnan nila, at dinala siya sa Areopago, na sinasabi, Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo?

20 Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.

21 (Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.)

22 At tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi,

Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso.

23 Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko.

24 (Q)Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, (R)ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay;

25 Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, (S)na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng (T)buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;

26 At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at (U)ang mga hangganan ng kanilang tahanan;

27 Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman (V)hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin:

28 Sapagka't (W)sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: (X)na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula,

Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi.

29 Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.

30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng (Y)Dios; datapuwa't ngayo'y (Z)ipinag-uutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako:

31 Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang (AA)ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, (AB)nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.

32 At nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay na maguli, ay nanglibak ang ilan; datapuwa't sinabi ng mga iba, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.

33 Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.

34 Datapuwa't nakisama sa kanya ang ilang mga tao, at nagsisampalataya: na sa mga yao'y isa si Dionisio na (AC)Areopagita, at ang isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pang kasama nila.

Mga Awit 144

Panalangin sa pagsagip. Masayang bayan ay inilahad. Awit ni David.

144 Purihin ang Panginoon na (A)aking malaking bato,
Na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma,
At ang mga daliri ko na magsilaban:
Aking kagandahang-loob, at (B)aking katibayan,
Aking matayog na moog, at aking tagapagligtas;
Aking kalasag, at siya na doon ako nanganganlong;
(C)Na siyang nagpapasuko ng aking bayan sa akin.
(D)Panginoon, ano ang tao, upang iyong kilalanin siya?
O ang anak ng tao, upang iyong pahalagahan siya?
(E)Ang tao ay parang walang kabuluhan:
Ang kaniyang mga kaarawan ay parang lilim na napaparam.
Ikiling mo ang iyong mga langit, (F)Oh Panginoon, at bumaba ka:
(G)Hipuin mo ang mga bundok, at magsisiusok.
(H)Maghagis ka ng kidlat, at pangalatin mo sila;
Suguin mo ang iyong mga pana, at lituhin mo sila,
(I)Iunat mo ang iyong kamay mula sa itaas;
(J)Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa malaking tubig,
Sa kamay ng (K)mga taga ibang lupa;
Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan,
At ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, (L)Oh Dios:
Sa salterio na may sangpung kawad ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.
10 Siya ang nagbibigay ng kaligtasan sa mga hari:
Na siyang nagligtas kay David na kaniyang lingkod sa manunugat na tabak.
11 Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa kamay ng mga taga ibang lupa.
Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan,
At ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Pagka ang aming mga anak na lalake ay magiging (M)parang mga pananim na lumaki sa kanilang kabataan;
At ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato na inanyuan ayon sa anyo ng isang palasio.
13 Pagka ang mga kamalig namin ay puno, na may sarisaring bagay;
At ang mga tupa namin ay nanganganak ng mga libo at mga sangpung libo sa aming mga parang;
14 Pagka ang mga baka namin ay napapasanang mabuti;
Pagka walang salot, at sakuna,
At walang panaghoy sa aming mga lansangan;
15 (N)Maginhawa ang bayan, na nasa gayong kalagayan:
(O)Maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon.

Mga Kawikaan 17:27-28

27 (A)Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman:
At siyang may diwang malamig ay taong naguunawa.
28 (B)Ang mangmang man, pagka siya'y tumatahimik, ay nabibilang na pantas:
Pagka kaniyang tinitikom ang kaniyang mga labi, ay inaari siyang mabait.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978