The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
36 “Ang hari(A) ay kikilos ayon sa kanyang nais. Siya'y magmamalaki, at magpapakataas nang higit kaysa alinmang diyos, at magsasalita ng mga kagila-gilalas na bagay laban sa Diyos ng mga diyos. Siya'y uunlad hanggang sa ang poot ay maganap; sapagkat ang ipinasiya ay matutupad.
37 Hindi niya igagalang ang mga diyos ng kanyang mga ninuno, o ang pagnanasa sa mga babae. Hindi niya igagalang ang sinumang diyos, sapagkat siya'y magmamalaki sa lahat.
38 Sa halip, kanyang pararangalan ang diyos ng mga muog. Isang diyos na hindi nakilala ng kanyang mga ninuno ang kanyang pararangalan ng ginto at pilak, ng mahahalagang bato at ng mamahaling kaloob.
39 Kanyang haharapin ang pinakamatibay na mga kuta sa tulong ng ibang diyos; sinumang kumilala sa kanya ay kanyang itataas na may karangalan. Kanyang gagawin silang mga puno ng marami at ipamamahagi ang lupa sa katumbas na halaga.
40 “Sa panahon ng wakas ay sasalakayin siya ng hari ng timog, ngunit ang hari ng hilaga ay pupunta laban sa kanya na gaya ng isang ipu-ipo, may mga karwahe, mga mangangabayo, at may maraming mga barko. At siya'y sasalakay laban sa mga bansa at lalampas na gaya ng baha.
41 Siya'y papasok sa maluwalhating lupain at marami ang mabubuwal ngunit maliligtas sa kanyang kapangyarihan ang Edom, Moab, at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon.
42 At kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa mga bansa; at ang lupain ng Ehipto ay hindi makakatakas.
43 Siya'y magiging pinuno ng mga kayamanang ginto at pilak, at ng mahahalagang bagay ng Ehipto; at ang mga taga-Libya at ang mga taga-Etiopia ay susunod sa kanyang mga hakbang.
44 Ngunit ang mga balita mula sa silangan at sa hilaga ay babagabag sa kanya; at siya'y lalabas na may malaking galit upang pumuksa at lumipol ng marami.
45 Kanyang itatayo ang mga tolda ng kanyang palasyo sa pagitan ng dagat at ng maluwalhating banal na bundok. Gayunma'y darating siya sa kanyang wakas, at walang tutulong sa kanya.
Ang Panahon ng Katapusan
12 “Sa(B) panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat.
2 Marami(C) sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba'y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba'y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak.
3 Ang mga pantas ay magniningning na tulad ng kaningningan ng langit; at ang mga nagpabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanpaman.
4 Ngunit(D) ikaw, O Daniel, ilihim mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat hanggang sa panahon ng wakas. Marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.”
5 At akong si Daniel ay tumingin, at narito, dalawang iba pa ang lumitaw, ang isa'y sa pampang na ito ng ilog, at ang isa'y sa kabilang pampang ng ilog.
6 Sinabi ko sa lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog, “Hanggang kailan ang wakas ng mga kababalaghang ito?”
7 Ang(E) lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog ay nagtaas ng kanyang kanan at kaliwang kamay sa langit. Narinig ko siyang sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay magpakailanman na iyon ay isang panahon, mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At kapag ang pagwasak sa kapangyarihan ng banal na sambayanan ay magwakas na, ang lahat ng ito ay matatapos.
8 Narinig ko, ngunit hindi ko naunawaan. Kaya't sinabi ko, “O panginoon ko, ano ang magiging wakas ng mga bagay na ito?”
9 Sinabi niya, “Humayo ka sa iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas.
10 Marami(F) ang dadalisayin, lilinisin, at papuputiin, ngunit ang masasama ay magpapatuloy sa paggawa ng kasamaan. Walang sinuman sa masasama ang makakaunawa; ngunit ang mga pantas ay makakaunawa.
11 Mula(G) sa panahon na ang patuloy na handog na sinusunog ay alisin, at maitayo ang kasuklamsuklam ng pagkawasak, ay isang libo't dalawandaan at siyamnapung araw.
12 Mapalad ang naghihintay, at makaabot sa isang libo at tatlong daan at tatlumpu't limang araw.
13 Ngunit humayo ka sa iyong lakad hanggang sa katapusan; at ikaw ay magpapahinga at tatayo para sa iyong gantimpala sa katapusan ng mga araw.”
Subukin ang mga Espiritu
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan.
2 Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman ay sa Diyos,
3 at ang bawat espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng anti-Cristo, na inyong narinig na darating at ngayo'y nasa sanlibutan na.
4 Kayo'y sa Diyos, mga munting anak, at inyong dinaig sila sapagkat siyang nasa inyo ay higit na dakila kaysa sa nasa sanlibutan.
5 Sila'y sa sanlibutan: kaya't tungkol sa sanlibutan ang kanilang sinasabi at pinapakinggan sila ng sanlibutan.
6 Kami ay sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa amin at ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa amin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
9 Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa't isa.
12 Walang(A) nakakita kailanman sa Diyos; kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin.
13 Dito'y nalalaman namin na kami'y nananatili sa kanya at siya'y sa amin, sapagkat binigyan niya kami ng kanyang Espiritu.
14 At nakita namin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kanya, at siya'y sa Diyos.
16 At ating nalaman at sinampalatayanan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya.
17 Dito'y naging ganap ang pag-ibig sa atin upang tayo'y magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa araw ng paghuhukom; sapagkat kung ano siya, ay gayundin naman tayo sa sanlibutang ito.
18 Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig.
19 Tayo'y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
20 Kung sinasabi ng sinuman, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita.
21 At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
Awit ng Pag-akyat.
123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
2 Gaya ng mga mata ng mga alipin
na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
hanggang sa siya'y maawa sa amin.
3 Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
4 Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
ng paghamak ng palalo.
2 Kapag ang matutuwid ay namamahala, ang bayan ay nagsasaya,
ngunit kapag ang masama ay namumuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
3 Ang umiibig sa karunungan ay nagpapasaya sa kanyang ama;
ngunit ang nakikisama sa upahang babae[a] ay sumisira ng kayamanan niya.
4 Pinatatatag ng hari ang lupain sa pamamagitan ng katarungan;
ngunit ginigiba ito ng humihingi ng suhol na sapilitan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001