The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Nangako ang Panginoon na Ibabalik ang Jerusalem
8 Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi:
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y labis na naninibugho sa Zion at ako'y may paninibugho sa kanya na may malaking poot.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y babalik sa Zion, at maninirahan sa gitna ng Jerusalem; ang Jerusalem ay tatawaging tapat na lunsod, at ang bundok ng Panginoon ng mga hukbo, ang banal na bundok.
4 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Muling titirhan ng matatandang lalaki at matatandang babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawat isa'y may hawak na tungkod sa kanyang kamay dahil sa katandaan.
5 Ang mga lansangan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at babae na naglalaro sa mga lansangan nito.
6 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ito ay kagila-gilalas sa paningin ng mga nalabi sa bayang ito sa mga araw na ito, dapat din ba itong maging kagila-gilalas sa aking paningin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
7 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, aking ililigtas ang aking bayan mula sa lupaing silangan at mula sa lupaing kanluran;
8 at dadalhin ko sila upang manirahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos, sa katapatan at katuwiran.”
9 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Palakasin mo ang inyong mga kamay, kayong nakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang pundasyon sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, upang maitayo ang templo.
10 Sapagkat bago dumating ang mga araw na iyon ay walang upa para sa tao, ni anumang upa para sa hayop; at wala ring anumang kapayapaan mula sa kaaway para sa lumalabas o pumapasok, sapagkat aking inilagay ang bawat tao laban sa kanyang kapwa.
11 Ngunit ngayo'y hindi ko papakitunguhan ang nalabi sa bayang ito tulad noong mga nakaraang araw,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Sapagkat magkakaroon ng paghahasik ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y magbibigay ng pakinabang, at ang langit ay magbibigay ng kanyang hamog; at aking ipaaangkin sa nalabi sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito.
13 Kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, O sambahayan ni Juda at Israel, gayon ko kayo ililigtas at kayo'y magiging isang pagpapala. Huwag kayong matatakot kundi palakasin ninyo ang inyong mga kamay.”
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Kung paanong ipinasiya kong gawan kayo ng masama, nang galitin ako ng inyong mga ninuno, at hindi ako nahabag, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
15 ay muli kong ipinapasiya sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ni Juda; huwag kayong matakot.
16 Ito(A) ang mga bagay na inyong gagawin: Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuan.
17 Huwag kayong magpanukala ng masama sa inyong puso laban sa isa't isa, at huwag ninyong ibigin ang kasinungalingang sumpa, sapagkat ang lahat ng mga ito ay aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.”
18 Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi,
19 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga ayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito, at sa ikasampung buwan ay magiging kagalakan, kaligayahan, at masasayang kapistahan sa sambahayan ni Juda; kaya't inyong ibigin ang katotohanan at ang kapayapaan.
20 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Darating pa ang mga bayan, maging ang mga naninirahan sa maraming lunsod;
21 ang mga naninirahan sa isang lunsod ay lalapit sa isa, na magsasabi, ‘Pumunta tayo agad upang ating hilingin ang lingap ng Panginoon, at hanapin ang Panginoon ng mga hukbo; ako man ay pupunta.’
22 Maraming bayan at malalakas na bansa ang darating upang hanapin ang Panginoon ng mga hukbo sa Jerusalem, at hilingin ang lingap ng Panginoon.
23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa mga araw na iyon, sampung lalaki mula sa mga bansa ng bawat wika ang hahawak sa laylayan ng isang Judio, na nagsasabi, ‘Pasamahin ninyo kami, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.’”
Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos
16 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa templo, na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.”
2 Kaya't(A) humayo ang una at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa; at nagkaroon ng nakakapandiri at masamang sugat ang mga taong may tanda ng halimaw, at ang mga sumamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos naman ng ikalawa ang kanyang mangkok sa dagat at ito'y naging parang dugo ng isang taong patay; at bawat may buhay na nasa dagat ay namatay.
4 Ibinuhos(B) ng ikatlo ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at naging dugo ang mga ito.
5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,
“Matuwid ka, ikaw na siyang ngayon at ang nakaraan, O Banal,
sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito,
6 sapagkat pinadanak nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta,
at pinainom mo sila ng dugo.
Ito'y karapat-dapat sa kanila!”
7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi,
“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
tunay at matuwid ang iyong mga hatol!”
8 At ibinuhos ng ikaapat ang kanyang mangkok sa araw at pinahintulutan itong pasuin ng apoy ang mga tao.
9 At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit kanilang nilait ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nagsisi upang siya'y luwalhatiin.
10 Ibinuhos(C) naman ng ikalima ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kanyang kaharian. Kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila dahil sa hirap,
11 at nilait nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nagsisi sa kanilang mga gawa.
12 Ibinuhos(D) ng ikaanim ang kanyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates at natuyo ang tubig nito, upang ihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon at mula sa bibig ng halimaw at mula sa bibig ng bulaang propeta ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka.
14 Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 (“Masdan(E) ninyo, ako'y dumarating na gaya ng magnanakaw. Mapalad ang nananatiling gising at nakadamit,[a] upang siya'y hindi lumakad na hubad at makita ang kanyang kahihiyan.”)
16 At(F) sila'y tinipon nila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid at lumabas sa templo ang isang malakas na tinig, mula sa trono na nagsasabi, “Naganap na!”
18 At(G) nagkaroon ng mga kidlat, mga tinig, mga kulog, at malakas na lindol, na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol.
19 Ang(H) dakilang lunsod ay nahati sa tatlo, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak. Naalala ng Diyos ang dakilang Babilonia at binigyan niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng kanyang poot.
20 At(I) tumakas ang bawat pulo at walang mga bundok na matagpuan.
21 At(J) bumagsak sa mga tao ang ulan ng malalaking yelo na ang bigat ay halos isandaang libra[b] buhat sa langit, at nilait ng mga tao ang Diyos dahil sa salot na ulan ng yelo, sapagkat ang salot na ito ay lubhang nakakatakot.
Awit ni David.
144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
2 ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
3 Panginoon,(A) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
4 Ang tao ay katulad ng hininga,
gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
5 Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
6 Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
7 Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
mula sa kamay ng mga dayuhan,
8 na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
at mga sampung libo sa aming mga parang;
14 ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!
29 May tatlong bagay na sa kanilang lakad ay marangal;
may apat na marangal sa kanilang paghakbang:
30 ang leon na pinakamalakas sa mga hayop,
at sa kanino man ay hindi tumatalikod;
31 ang tandang na magilas; ang kambing na lalaki,
at ang haring palakad-lakad sa harap ng kanyang bayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001