The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Panaghoy para sa Samaria at Jerusalem
1 Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Mikas na Morastita, sa mga araw nina Jotam, Ahaz, at Hezekias, na mga hari ng Juda, na nakita niya tungkol sa Samaria at Jerusalem.
2 Pakinggan ninyo, kayong mga taong-bayan, kayong lahat,
pakinggan mo, O lupa, at ng lahat ng naroon;
at ang Panginoong Diyos ay maging saksi nawa laban sa inyo,
ang Panginoon mula sa kanyang banal na templo.
3 Sapagkat narito, ang Panginoon ay dumarating mula sa kanyang dako,
at siya'y bababa at lalakad sa matataas na dako ng lupa.
4 At ang mga bundok ay matutunaw sa ilalim niya,
at ang mga libis ay mabibiyak,
na parang pagkit na malapit sa apoy,
parang tubig na ibinuhos mula sa isang mataas na lugar.
5 Lahat ng ito'y dahil sa pagsuway ng Jacob,
at dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel.
Ano ang pagsuway ng Jacob?
Hindi ba ang Samaria?
At ano ang kasalanan ng sambahayan ng Juda?
Hindi ba ang Jerusalem?
6 Kaya't gagawin ko ang Samaria na parang bunton sa parang,
isang lugar upang taniman ng ubasan;
at aking ibubuhos ang kanyang mga bato sa libis,
at aking ililitaw ang kanyang mga pundasyon.
7 Lahat ng kanyang larawang inanyuan ay dudurugin,
ang lahat ng kanyang mga upa ay susunugin,
at ang lahat ng kanyang diyus-diyosan ay aking sisirain;
sapagkat kung paanong tinipon niya ang mga upa ng isang masamang babae
ay muling gagamitin ang mga upa ng masamang babae.
8 Dahil dito tataghoy ako at tatangis,
ako'y aalis na nakayapak at hubad;
ako'y uungol na parang asong-gubat
at tatangis na gaya ng mga buwitre.
9 Sapagkat ang kanyang mga sugat ay walang lunas;
at ito'y dumating sa Juda;
ito'y umabot hanggang sa pintuan ng aking bayan,
hanggang sa Jerusalem.
Ang Kaaway ay Papalapit sa Jerusalem
10 Huwag ninyo itong sabihin sa Gat,
huwag kayong tumangis,
sa Bethle-Aphra
ay gumulong kayo sa alabok.
11 Dumaan ka,
O mamamayan ng Saphir,
sa kahubaran at kahihiyan;
ang mamamayan ng Zaanan
ay hindi lumalabas;
ang taghoy ng Bet-esel
ay mag-aalis sa iyo ng kanyang dakong kinatatayuan.
12 Sapagkat ang mga mamamayan ng Maroth
ay balisang naghihintay ng mabuti,
sapagkat ang kasamaan ay bumaba mula sa Panginoon
hanggang sa pintuan ng Jerusalem.
13 Isingkaw mo ang kabayo sa karwahe,
mga mamamayan ng Lakish;
kayo ang pasimula ng kasalanan sa anak na babae ng Zion:
sapagkat sa iyo ay natagpuan ang pagsuway ng Israel.
14 Kaya't ikaw ay magbibigay ng kaloob ng pamamaalam
sa Moreshet-gat;
ang mga bahay sa Achzib ay magiging mapandayang bagay
sa mga hari ng Israel.
15 Muli akong magdadala sa iyo ng mananakop,
O naninirahan sa Maresha,
ang kaluwalhatian ng Israel
ay darating sa Adullam.
16 Magpakalbo ka, at pagupit ka
para sa mga anak ng iyong kaluguran;
magpakalbo kang gaya ng agila;
sapagkat sila'y patungo sa pagkabihag mula sa iyo.
Ang Kapalaran ng mga Umaapi sa mga Dukha
2 Kahabag-habag sila na nagbabalak ng kasamaan,
at gumagawa ng kasamaan sa kanilang mga higaan!
Kapag dumating ang umaga, ay ginagawa nila ito,
sapagkat ito'y nasa kapangyarihan ng kanilang kamay.
2 Sila'y nag-iimbot ng mga bukid, at kanilang kinakamkam;
at ng mga bahay at kanilang kinukuha;
at kanilang inaapi ang isang tao at ang kanyang sambahayan,
ang tao at ang kanyang mana.
3 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Laban sa angkang ito ay nagbabalak ako ng kasamaan
na doo'y hindi ninyo maaalis ang inyong mga leeg,
ni makalalakad man na may kahambugan;
sapagkat iyon ay magiging isang masamang panahon.
4 Sa araw na iyon ay aawit ako nang pagtuya laban sa inyo,
at mananaghoy ng mapait na panaghoy,
at sasabihin, “Kami ay lubos na nasira;
kanyang binabago ang bahagi ng aking bayan;
ano't inilalayo niya sa akin!
Kanyang binabahagi ang aming mga bukid sa mga bumihag sa amin.”
5 Kaya't mawawalan ka na ng maghahagis ng pisi sa pamamagitan ng palabunutan
sa kapulungan ng Panginoon.
6 “Huwag kayong mangaral”—ganito sila nangangaral—
“walang dapat mangaral ng gayong mga bagay;
hindi tayo aabutan ng kahihiyan.”
7 Ito ba ay dapat sabihin, O sambahayan ni Jacob,
Ang pagtitiis ba ng Panginoon ay ubos na?
Ang mga ito ba ang kanyang mga gawa?
Di ba ang aking mga salita ay gumagawa ng mabuti
sa lumalakad nang matuwid?
8 Kamakailan ang aking bayan ay bumangon na gaya ng isang kaaway:
inyong hinubaran ng kasuotan
ang mga walang malay na nagdaraan,
na galing sa digmaan.
9 Ang mga babae ng aking bayan ay inyong pinalalayas
sa kanilang masasayang bahay;
mula sa kanilang mga bata ay inyong inaalis
ang aking kaluwalhatian magpakailanman.
10 Bumangon kayo at humayo,
sapagkat hindi ito lugar na pahingahan;
dahil sa karumihan na lumilipol
sa pamamagitan ng malubhang pagkawasak.
11 Kung ang isang tao ay lumalakad at nagsasalita ng hangin at kasinungalingan,
na nagsasabi, “Ako'y mangangaral sa iyo tungkol sa alak at matapang na inumin.”
Siya ang magiging tagapagsalita para sa bayang ito!
12 Tiyak na titipunin ko kayong lahat, O Jacob,
aking titipunin ang nalabi ng Israel;
akin silang ilalagay na magkakasama
na parang mga tupa sa isang kulungan,
na parang kawan sa pastulan nito,
isang maingay na pulutong ng mga tao.
13 Nangunguna sa kanila ang nagbubukas ng daan;
sila'y lalampas at daraan sa pintuan
at lalabas doon.
Ang kanilang hari ay daraan sa harapan nila,
at ang Panginoon ang nasa unahan nila.
Sinumbatan ni Mikas ang mga Pinuno ng Israel
3 At aking sinabi,
Pakinggan ninyo, kayong mga pinuno ng Jacob,
at mga pinuno ng sambahayan ni Israel!
Hindi ba para sa inyo na malaman ang katarungan?
2 Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan;
na tumutuklap ng balat ng aking bayan,
at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
3 na kumakain ng laman ng aking bayan,
at lumalapnos ng kanilang balat,
at pinagpuputul-putol ang kanilang mga buto,
at tinatadtad ang mga ito na gaya ng karne sa kaldero,
gaya ng laman sa isang kawa.
4 Kung magkagayo'y dadaing sila sa Panginoon,
ngunit sila'y hindi niya sasagutin;
kanyang ikukubli ang kanyang mukha sa kanila sa panahong iyon,
sapagkat kanilang pinasama ang kanilang mga gawa.
5 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta
na nagliligaw sa aking bayan;
na nagsisisigaw ng, “Kapayapaan”;
kapag sila'y may makakain,
ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya
na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig.
6 Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain;
at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula.
Ang araw ay lulubog sa mga propeta,
at ang araw ay magdidilim sa kanila;
7 ang mga tagakita[a] ay mahihiya,
at ang mga manghuhula ay mapapahiya,
silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi;
sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos.
8 Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan
ng Espiritu ng Panginoon,
at ng katarungan, at ng kapangyarihan,
upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway,
at sa Israel ang kanyang kasalanan.
9 Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob,
at mga pinuno sa sambahayan ni Israel,
na napopoot sa katarungan,
at binabaluktot ang lahat ng katuwiran,
10 na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo,
at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian.
11 Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol,
at ang mga pari niya'y nagtuturo dahil sa sahod,
at ang propeta niya'y nanghuhula dahil sa salapi:
gayunma'y sumasandal sila sa Panginoon, at nagsasabi,
“Hindi ba ang Panginoon ay nasa gitna natin?
Walang kasamaang darating sa atin.”
12 Kaya't(B) dahil sa inyo,
ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid,
at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira,
at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat.
Ang Paghahari ng Kapayapaan ng Panginoon(C)
4 At nangyari sa mga huling araw,
ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay itatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
at itataas sa mga burol;
at ang mga tao'y magpupuntahan doon,
2 at maraming bansa ang darating at magsasabi,
“Halikayo, tayo'y umahon patungo sa bundok ng Panginoon,
at sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan,
at tayo'y makalakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang kautusan,
at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
3 Siya'y(D) hahatol sa gitna ng maraming bayan,
at magpapasiya para sa malalakas na bansa sa malayo;
at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod,
at ang kanilang mga sibat upang maging karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
ni magsasanay para sa pakikidigma.
4 Kundi(E) bawat isa'y uupo sa ilalim ng kanyang punong ubas at sa ilalim ng kanyang punong igos;
at walang tatakot sa kanila;
sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Sapagkat ang lahat ng bayan ay lalakad
bawat isa sa pangalan ng kanya-kanyang diyos,
ngunit tayo'y lalakad sa pangalan ng Panginoon nating Diyos
magpakailanpaman.
Ang Israel ay Babalik mula sa Pagkabihag
6 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
titipunin ko ang pilay,
at titipunin ko ang mga itinapon,
at ang aking mga pinahirapan.
7 Ang pilay ay gagawin kong nalabi,
at ang mga itinapon ay isang malakas na bansa;
at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Zion
mula ngayon hanggang sa walang hanggan.
8 At ikaw, O tore ng kawan,
na burol ng anak na babae ng Zion,
ito sa iyo'y darating,
ang dating kapangyarihan ay darating,
ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem.
9 Ngayo'y bakit ka sumisigaw nang malakas?
Wala ka bang hari?
Ang iyo bang tagapayo ay namatay,
upang ang mga paghihirap ay sumaiyo na gaya ng babaing manganganak?
10 Mamilipit ka at dumaing, O anak na babae ng Zion,
na gaya ng babaing manganganak;
sapagkat ngayo'y lalabas ka sa lunsod,
at maninirahan sa parang,
at ikaw ay pupunta sa Babilonia.
Ililigtas ka roon,
doo'y tutubusin ka ng Panginoon
sa kamay ng iyong mga kaaway.
11 At ngayo'y maraming bansa
ang magtitipon laban sa iyo,
na nagsasabi, “Hayaan siyang malapastangan,
ituon natin ang ating mata sa Zion.”
12 Ngunit hindi nila alam ang mga pag-iisip ng Panginoon,
hindi nila nauunawaan ang kanyang panukala,
sapagkat kanyang tinipon sila na parang mga bigkis sa giikan.
13 Bumangon ka at gumiik,
O anak na babae ng Zion;
sapagkat aking gagawing bakal ang iyong sungay,
at tanso ang iyong mga kuko;
at iyong dudurugin ang maraming bayan,
upang iyong italaga sa Panginoon ang kanilang pakinabang,
at ang kanilang kayamanan ay sa Panginoon ng buong lupa.
Ang Pitong Tatak
6 Pagkatapos ay nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buháy, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, “Halika!”
2 Tumingin(A) ako at nakita ko ang isang kabayong puti, at ang nakasakay doon ay may isang pana; binigyan siya ng isang korona at siya'y humayong lumulupig, at upang lumupig.
3 Nang buksan niya ang ikalawang tatak ay narinig ko ang ikalawang nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!”
4 At(B) may lumabas na isa pang pulang kabayo at ang nakasakay doon ay pinagkaloobang alisin sa lupa ang kapayapaan upang magpatayan ang isa't isa; at binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang(C) buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!” At nakita ko ang isang kabayong itim; at ang nakasakay rito ay may isang timbangan sa kanyang kamay.
6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Isang takal na trigo para sa isang denario at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; ngunit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!”
7 Nang buksan niya ang ikaapat na tatak ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Halika!”
8 Tumingin(D) ako at naroon ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay roon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. At sila'y pinagkalooban ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng taggutom, ng salot, at ng mababangis na hayop sa lupa.
9 Nang buksan niya ang ikalimang tatak ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila.
10 Sila'y sumigaw nang may malakas na tinig, “Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?”
11 At binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting balabal at sa kanila'y sinabi na magpahinga pa sila ng kaunting panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papataying tulad nila.
12 Nang(E) buksan niya ang ikaanim na tatak, nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit-sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo;
13 at(F) ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin.
14 Ang(G) langit ay nahawi na gaya ng isang balumbong nilululon, at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinalalagyan.
15 Ang(H) mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok;
16 at(I) sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero;
17 sapagkat(J) dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?”[a]
Awit ng Pag-akyat.
134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
at ang Panginoon ay papurihan!
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
siyang gumawa ng langit at lupa!
Ang mga Salita ni Agur
30 Ang mga salita ni Agur na anak ni Jakeh; ng Massa.
Sinabi ng lalaki kay Ithiel, kay Ithiel at kay Ucal:
2 Tunay na ako'y hangal kaysa kaninuman,
pag-unawa ng isang tao ay hindi ko taglay.
3 Hindi ako natuto ng karunungan,
ni nagkaroon man ako ng kaalaman ng Banal.
4 Sino ang umakyat sa langit at bumaba?
Sino ang nagtipon ng hangin sa kanyang mga kamao?
Sinong nagbalot ng tubig sa kanyang damit?
Sinong nagtatag ng lahat ng mga dulo ng daigdig?
Ano ang kanyang pangalan?
At ano ang pangalan ng kanyang anak?
Tiyak na iyong nalalaman!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001