Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Malakias 3-4

Ang Pagdating ng Sugo ng Panginoon

“Narito,(A) sinusugo ko ang aking sugo upang ihanda ang daan sa unahan ko; at ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo! Ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ngunit(B) sino ang makakatagal sa araw ng kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag siya'y nagpakita? Sapagkat siya'y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi.

Siya'y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila'y maghandog ng matutuwid na handog sa Panginoon.

Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa Panginoon, gaya ng mga unang araw, at gaya ng mga taong nakalipas.

“Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang Hindi Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi

“Sapagkat akong Panginoon ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak.

Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano kami manunumbalik?’

Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano ka namin ninanakawan?’ Sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.

Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako—ng inyong buong bansa!

10 Dalhin(C) ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.

11 Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

12 Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang Pangako

13 “Ang inyong mga salita ay naging marahas laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Paano kami nagsalita nang laban sa iyo?’

14 Inyong sinabi, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang aming pakinabang sa pagtupad namin sa kanyang utos o sa paglakad nang tulad sa may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?

15 Ngayo'y ating tinatawag na mapalad ang palalo; hindi lamang umuunlad ang mga gumagawa ng masama, kundi kapag kanilang tinutukso ang Diyos, sila'y nakakatakas.’”

16 Nang magkagayo'y nag-usap silang mga natatakot sa Panginoon. Binigyang-pansin sila ng Panginoon at pinakinggan, at ang isang aklat ng alaala ay isinulat sa harap niya, para sa kanila na natakot sa Panginoon at nagpahalaga sa kanyang pangalan.

17 “Sila'y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, isang natatanging kayamanan sa araw na ako'y kumilos. Kaaawaan ko sila na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya.

18 At minsan pa ay makikilala ninyo ang pagkakaiba ng taong matuwid at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.

Darating ang Araw ng Panginoon

“Sapagkat narito, ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na pugon, na ang lahat ng palalo at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, anupa't hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man.

Ngunit sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak. Kayo'y lalabas at luluksong parang mga guya mula sa silungan.

Inyong yayapakan ang masasama sapagkat sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking inihahanda, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

“Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod, ang mga tuntunin at batas na aking iniutos sa kanya sa Horeb para sa buong Israel.

“Narito,(D) susuguin ko sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.

Kanyang ibabaling ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; upang hindi ako dumating at saktan ang lupain ng isang sumpa.”[a]

Apocalipsis 22

Ang Ilog ng Buhay

22 At(A) ipinakita sa akin ng anghel[a] ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero

sa(B) gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.

At(C) hindi na roon magkakaroon pa ng isinumpa. Ngunit ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan doon, at siya'y paglilingkuran ng kanyang mga alipin;

at makikita nila ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo.

Hindi(D) na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay-liwanag sa kanila, at sila'y maghahari magpakailanpaman.

Ang Pagdating ni Jesus

At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito'y tapat at tunay. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kailangang mangyari kaagad.

Ako'y malapit nang dumating![b] Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”

10 At sinabi niya sa akin, “Huwag mong tatakan ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat malapit na ang panahon.

11 Ang(E) masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa.”

12 “Ako'y(F) malapit nang dumating[c] at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.

13 Ako(G) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.”

14 Mapapalad(H) ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.

15 Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.

16 “Akong(I) si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”

17 Ang(J) Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika.”
At ang nakikinig ay magsabi, “Halika.”
At ang nauuhaw ay pumarito,
ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.

Mga Babala at Basbas

18 Aking(K) binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito,

19 at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito.

20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako'y malapit nang dumating.”[d] Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!

21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal. Amen.[e]

Mga Awit 150

150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Diyos sa kanyang santuwaryo;
    purihin siya sa kanyang makapangyarihang kalawakan!
Purihin siya dahil sa kanyang mga makapangyarihang gawa;
    purihin siya ayon sa kanyang kadakilaang pambihira!

Purihin siya sa tunog ng trumpeta;
    purihin siya sa salterio at alpa!
Purihin siya sa mga tamburin at sayaw;
    purihin siya sa mga panugtog na may kuwerdas!
Purihin siya ng mga matunog na pompiyang!
    Purihin siya sa mga pompiyang na maiingay!
Lahat ng bagay na may hininga ay magpuri sa Panginoon!
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 31:25-31

25 Kalakasan at dangal ang kanyang kasuotan,
    at ang panahong darating ay kanyang tinatawanan.
26 Binubuka niya ang kanyang bibig na may karunungan;
    at nasa kanyang dila ang aral ng kabaitan.
27 Kanyang tinitingnang mabuti ang mga lakad ng kanyang sambahayan,
    at hindi siya kumakain ng tinapay ng katamaran.
28 Tumatayo ang kanyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad;
    gayundin ang kanyang asawa, at kanyang pinupuri siya:
29 “Maraming anak na babae ang nakagawa ng kabutihan,
    ngunit silang lahat ay iyong nahigitan.”
30 Ang alindog ay madaya, at ang ganda ay walang kabuluhan,
    ngunit ang babaing natatakot sa Panginoon ay papupurihan.
31 Bigyan siya ng bunga ng kanyang mga kamay,
    at purihin siya ng kanyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001